Handa na ang lahat ng aking gamit, sa kabila ng kasiyahan ko sa pagpayag ni lola sa patungo ko sa bayan ay hindi ko rin maipagkakaila na kinakabahan ako sa panunuluyan ko sa mansyon ng mga Valencia.
Bali-balita mang mabait si Donya Marcela Valencia ay hindi pa rin naman maikakatuwang kinakabahan pa rin dahil magiging kasambahay pa rin ako o mas tamang sabihing yaya ng apo nito.
"Ano, handa ka na ba apo?" untag na tanong ng aking lola.
Mabilis akong ngumiti rito. Ayaw kong ipahalata na kinakabahan ako kasi baka mamaya ay hindi ito pumayag. Ito lamang kasi ang nakikita kong paraan upang matupad ang pangarap kong makapagtapos at maging guro, higit sa lahat ay upang mahanap ang aking ina na matagal nang nawawala.
Ayaw kong isipin na tuluyan kaming inabandona nito, malakas ang loob ko na may masamang nangyari rito sa ibang bansa kaya gagawin ko ang lahat upang malaman kung buhay pa ba ito o patay na.
"Apo, mag-iingat ka roon," muli pang turan ng aking lola dahilan upang mabilis ko itong yakapin.
"Huwag po kayong mag-alala, lola dahil gagawin ko po ang lahat upang madalaw kayo buwan-buwan," pangako niya sa kanyang lola.
Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan nito.
"Para sa akin, malaman ko lang na maayos ka at maayos ang trato nila sa 'yo ay ayos na sa 'kin," naluluhang turan ng aking Lola Belen.
"Lola naman, eh, baka mag-iyakan pa tayo nito," saad ko na pinipigil ang pagtulo ng aking mga luha.
Mabilis na pinahid ni lola ang kanyang sumungaw na luha, marahil ay naisip nitong ayaw kong umiiyak ito.
"Mahal na mahal po kita, lola," malambing kong turan sa kanya nang marinig namin ang pagtawag sa akin ni Aling Donata.
"Manang Belen, Sabel," malakas na tawag nito sa labas ng bakod naming yari sa kawayan.
"Mahal na mahal din kita, apo. Hala, nand'yan na si Donata at mukhang sinusundo ka na niya talaga," wika ni lola na mababakas ang lungkot sa tinig nito.
Muli ko siyang niyakap.
"Manang Belen," ulit na tawag ni Aling Donata.
"Nand'yan na," malakas na sagot ni lola kay Alibg Donata na natawag sa labas saka ito bumaling sa akin. "Bitbitin mo na ang ilang gamit mo at ako na dito sa basket ng gulay na dadalhin mo," dagdag nitong turan.
Isang malalim na buntong-hininga ang aking pinakawalan saka iginala ang aking paningin sa kubo namin ni lola. Wala akong ibang hangad kundi ang mapaayos ang aming munting bahay upang maging komportable si lola at mahanap si inay.
"O, ano pang tinatayo-tayo mo d'yang bata ka, bilisan mo at naghihintay na sa 'yo si Donata," bulalas ni lola nang mapansin nitong hindi pa rin siya natitinag sa kanyang kinatatayuan.
'Para sa 'king pangarap at kay inay,' nasabi ko na lang sa 'king sarili saka sinimulan kong lisanin ang bahay na naging kanlungan ko ng halos labing-walong taon. Maraming magagandang alaalang nabuo nilang maglola sa loob at labas ng kubo na 'yon.
"Mag-iingat ka doon," tinig ni lola nang ganap akong makalabas sa aming kubo at sinalubong si Aling Donata na maluwag ang pagkakangiti. "Ikaw na ang bahala sa apo ko, Donata, huwag mo siyang hahayaang mapahamak doon," dinig ko pang bilin ni Lola Belen kay Aling Donata.
"Naku, huwag po kayong mag-alala, Manang Belen dahil mabait naman po si Donya Marcela at mga anak nito," paniniguro naman ni Aling Donata sa aking lola.
"Mabuti kung ganoon, kung ako lang ang masusunod ay ayaw ko talagang magtutungo 'yang si Sabel sa bayan lalo pa at para mamasukan," hirit ni lola kay Aling Donata.
"Naku, hayaan niyo na po, para naman ito sa kinabukasan ni Sabel, Manang Belen," giit naman ni Aling Donata kay lola.
Natahimik si lola bagay na napansin ni Aling Donata.
"Hindi naman siguro matutulad itong si Sabel kay Weng," wika pa nito dahilan upang mapaluha si lola. "Pasensiya na, Manang Belen, hindi ko naman kinukumpara itong si Sabel sa ina niya," hindi magkandatutong paliwanag ni Aling Donata kay lola nang magsimula na itong umiyak. Nasa mukha ang pangamba na sa mga nasabi ay baka bawiin ng aking lola ang pagpayag nitong sumama ako sa bayan.
"Lola, mauuna na po kami, baka kasi wala po kaming masakyan papuntang bayan," turan ko na lamang bilang paalam bago pa magbago ang kanyang isip, kahit alam kong inarkila ni Aling Donata ang dyip ni Mang Berto upang ihatid sila sa bahay ng mga Valencia.
Pilit namang pinunasan ni lola ang mga luha nito at niyakap niya ako ng mahigpit. Hindi ko rin napigilan ang aking sarili at niyakap ko rin siya pabalik.
"Babalik ako, lola, pangako," saad ko rito.
Mabigat man sa 'king loob na iwan si Lola Belen mag-isa sa aming kubo ay kakayanin ko. Kasabay ng paghakbang ko papalayo ay ang pangako na gagawin ang lahat upang mahanap ang ina pagdating ng araw, hindi man sabihin ni lola ay alam kong 'yon ang laman ng gabi-gabi nitong panalangin.
"Ayos ka lang ba, Sabel," untag ni Aling Donata sa 'kin habang lulan ng inarkila nitong sasakyan.
"Opo, Aling Donata, medyo malungkot lang kasi mag-isa si lola sa kubo," sagot ko rito.
"Naiintindihan kita, hayaan mo, para rin naman ito sa pangarap mo, hindi ba?" saad pa sa 'kin ni Aling Donata na kahit papaano ay nakapagpalakas ng aking loob.
Matapos ng isa't kalahating oras na biyahe ng dyip ay narating din namin ang bayan. Doon ay ibang-iba sa aming baryo, maraming tao, mga sasakyan at maingay.
"Limang minutos na lamang ay makakarating na tayo sa bahay ng mga Valencia," bulong sa 'kin ni Aling Donata.
Muli ay nakadama ako ng kaba, hindi ko alam kung ano ang iisipin ng mga magiging amo ko. Tanging pinanghahawakan ko lang sa ngayon ay ang sinabi ni Aling Donata na mababait ang mga Valecia.
Hindi nga nagtagal ay huminto ang dyip ni Mang Berto sa harap ng isang moderno, malaki, magara at magandang bahay.
"Wow!" hindi ko napigilang turan sa pagkamangha sa bahay na aming paglilingkuran.
"Ano, Sabel, nagustuhan mo ba ang bahay ng mga Valencia?" masayang tanong sa 'kin ni Aling Donata.
"Opo, ang laki po pala, 'buti po at nakakaya niyong linisin?" tanong ko rito na hindi mawala sa 'king mukha ang paghanga sa maganda at malaking bahay ng mga Valencia.
"Oo, kasi may tatlo pa akong kasama, isang tagalinis, tagalaba at tagaluto," dinig kong turan ni Aling Donata na mas lalong nagpamangha sa 'kin.
Hindi lang pala kami ni Aling Donata ang kasambahay sa bahay ng mga Valencia dahil may mga kasama pa kami.
"Nand'yan din ang isang malayong kamag-anak ni Donya Marcela. Siya ang makakahalili mo sa pagbabantay sa kanyang apo, pinapaaral din siya ni Donya Marcela," dagdag impormasyon pa ni Aling Donata sa 'kin. Naisip ko tuloy na madali lang ang magiging trabaho ko kung ganoon dahil may kahalili akong magbantay sa bata. Mukha ngang mabait ang magiging amo ko dahil papag-aralin pa nila ako.
"Bitbitin mo na ang ilang gamit mo para makapasok na tayo," untag sa akin ni Aling Donata nang hindi ko namamalayang pinagbuksan na pala kami ng sinasabi nitong kasama nila.
"'Buti naman at may nadala kang makakasama ni Rachelle na magbantay sa bata," bulalas na turan ng babaeng nagbukas ng gate sa kanila.
"Oo, siya nga pala si Sabel," pakilala ni Aling Donata sa 'kin sa babae. "Sabel, siya naman si Ate Yolly mo," pakilala naman nito sa 'kin.
"Hello po, Ate Yolly, ako nga po pala si Sabel," mabilis kong turan dito na malawak ang pagkakangiti rito.
"Oo, narinig ko, sinabi na ni Manang Donata," saad nitong pambabara sa 'kin dahilan upang unti-unting mapalis ang ngiti sa aking mga labi.
Nang bigla ay tumawa ang babae. "Sus! Biniro lang kita, mukhang nagtampo ka naman agad," bulalas nito sa 'kin na noon ay nakangiti na. "Welcome to the Valencia's mansion," masiglang turan nito bilang pag-welcome sa akin.
Doon ay napangiti na rin ako, akala ko talaga kanina ay masungit ito, 'yon pala ay may kakalugan ding taglay.