Naging magaan ang pakiramdam ko dahil sa kakalugan ni Ate Yolly, dalangin ko lang na maayos kasama ang pamangkin ni Donya Marcela na siyang aking makakahalili sa pag-aalaga ng bata.
"Naku, mukhang nene pa 'to, Manang Donata, ah," palatak na turan ni Yolly kay Donata.
"Mukhang bata lang 'yang si Sabel pero batak na 'yan sa mga gawain, bukod roon ay mabait na bata," rinig kong puri naman ni Aling Donata sa 'kin.
"Aba, maganda kung ganoon. Eh, ang rules dito sa mansiyon, alam na ba?" hirit pa nito kay Aling Donata.
"Oo, alam na alam na 'yan ni Sabel at determinado ang bata na mag-aral, hindi ba, Sabel?" untag sa akin ni Aling Donata na agad kong sinagot ng matamis na ngiti.
"Opo," tugon ko.
"Mainam naman dahil ayaw na ayaw ni Donya Marcela ang makikipaglandian sa mga anak nito," ani pa ni Ate Yolly.
"Bakit po, may mga kasambahay na po bang na-in love sa mga Valencia?" hindi ko naiwasang itanong sa mga ito.
Nakita kong nagtinginan ang dalawa na tila ba nagpapakiramdaman kung sino ang sasagot sa katanungan ko.
"Naku, hija, marami kaya lang malakas ang radar ni Donya Valencia kaya huwag mong pangarapin," saad ni Ate Yolly sa 'kin.
"Magtigil ka nga, Yolly, kung anu-ano'ng pinagsasabi mo, baka biglang matakot itong si Sabel at umuwi," sawata ni Aling Donata rito.
Natawa si Ate Yolly.
"Joke lang," mabilis nitong wika sa 'kin na kinatawa ko naman.
"O, siya, Sabel, sumama ka muna sa 'kin doon sa maid's quarter para naman mailagay mo ang mga gamit mo saka ko ipapakilala sa 'yo ang pamangkin ni Donya Marcela," turan sa 'kin ni Aling Donata. Agad akong sumunod sa kanya at nagtungo kami sa isang bongalow sa likod ng malaking bahay ng mga Valencia.
Namangha ako sa lawak at laki ng bahay ng mga ito, maging ang bongalow house na tirahan ng mga katulong nila ay malayong mas malaki kaysa sa kubo namin. Naisip tuloy na kahit ganoon lamang ang maipatayo para kay Lola Belen ay masaya na ako.
"Aling Donata, grabe pala ang yaman nila, ano?" saad ko kay Aling Donata.
Ngumiti lang ito sa 'kin saka itinuro ang magiging silid naming dalawa.
"Dito tayo, sina Ate Yolly mo at si Aling Pacita sa kabila, sa kabilang naman ay sina Ate Conching at si Lanie," turan ni Aling Donata sa 'kin.
Hindi ko pa kilala ang mga binanggit nitong pangalan at tanging si Ate Yolly pa lamang ang aking nakikita.
"Mamaya ay makikilala mo rin sila," saad pa nito.
Pagpasok namin sa aming silid ay may double deck na kama, isang aparador ay maliit na mesa.
"Sa itaas ka kasi mas kaya mo pang umakyat," hirit ni Aling Donata sa akin nang mapansin nitong nakatingin ako sa kama. Saka nito tinungo ang aparador ay ibinukas ang isang pinto nito. "Dito mo ilagay ang mga gamit mo," dagdag pang turan nito sa akin.
Naisip ko na sa kabila naman sa kanya. Masinop ang loob ng silid nito kaya agad kong inayos ang aking gamit dahil nakakahiya naman dito dahil kahit mula pagkabata ay kilala ko na si Aling Donata ngunit ngayon lang kami magkakasama sa bahay lalo na at iisa pa ang silid namin.
"Pagkatapos mong ayusin ang gamit mo ay magpahinga ka konti, babalik lang ako sa malaking bahay upang tingnan kung maayos dahil mamaya ay darating si Donya Marcela buhat sa Amerika," paalam ni Aling Donata sa 'kin.
Konti lang naman ang dinala kong damit at gamit kaya madali kong nailagay sa parador ang aking gamit. Saka ako sumampa sa kama upang magpahinga kaunti ngunit ang isip ko ay nasa malaking bahay. Namamangha ako sa ganda nito, para sa aming mahihirap ay isa na lamang pangarap ang magkaroon ng ganoong kagandang bahay.
Mga trenta minutos na akong nakahilata nang balikan ako ni Aling Donata sa aming silid at sinabing maghanda na ako dahil ipapakilala na niya ako sa iba pa naming kasamahan. Mabilis kong inayos ang nakusot kong damit buhat sa aking pagkakahiga.
Napuno ng excitement sa aking mukha dahil sa wakas ay makikilala ko ang mga kasamahan namin sa bago kong trabaho.
"Ayos ka lang ba?" untag na tanong sa akin ni Aling Donata.
"Oo naman, Aling Donata, excited nga akong makilala sila. Sa tingin niyo po ba ay magugustuhan ako ni Donya Marcela?" tanong ko sa kanya.
"Oo naman, masipag kang bata, basta iyong bilin ko sa 'yo, huwag na huwag kang mahuhulog sa mga anak niya," mahigpit nitong habilin sa akin.
"Oo naman po," mabilis kong sagot saka kami nagtungo na sa malaking bahay.
Doon ay inisa-isang ipikilala sa 'kin ni Aling Donata sina Aling Pacita, ang kusinera, si Ate Conching, ang labandera naman at si Lanie na siyang pamangkin sa pinsan ni Donya Marcela na siyang makakahalili niya sa pag-aalaga sa anak ng bunsong anak ni Donya Marcela.
Magiliw naman nila akong kinamayan ng mga ito at gaya ni Ate Yolly ay mainit ang pag-welcome nila sa 'kin. Si Lanie ay hindi nalalayo ang edad sa 'kin kaya agad kaming nagkasundo. Tulog daw ang batang aalagaan namin kaya ito nakalabas ng silid.
"Halika, gusto mo bang makita?" yakag nito sa 'kin nang mahalata nitong marami akong tanong tungkol sa bata. "Sa ngayon ay dito ako natutulog lalo at wala si Tita Marcela," turan pa ni Lanie.
Napangiti ako nang makita ko ang cute na cute na batang natutulog sa kuna.
"Grabe, bakit naatim ng inang iwan ang ganyang ka-cute na bata?" tanong ko sa kawalan.
Ngumiti lang si Lanie.
"Bata pa ang mama ni Shawn, kaya siguro natakot sa responsibilidad," maya-maya ay sagot ni Lanie sa 'kin.
"Ganoon? Grabe, kung ako siguro hindi ko kakayaning iwan lalo at ang cute," hirit ko pa rin habang nakatunghay sa mala-anghel na mukha ng bata.
"Alam mo naman na ang kabataan ngayon, masyadong mapupusok, mabuti nga at kay Tita iniwan ang bata," dagdag pa ni Lanie.
Napangiti na lamang ako saka mas lalong nag-usisa kay Lanie, mukha naman kasing mabait ito.
"Mahirap bang alagaan siya?" nguso niya sa bata.
"Hindi naman, malikot lang siya, mas madali na siguro dahil dalawa na tayo," sagot naman nito na kinangiti ko.
"Eh, si Donya Marcela, mabait naman, hindi ba?" maang na tanong ko. Nakita kong napatigil si Lanie sa aking tanong, bahagyang nag-isip, naisip ko tuloy baka iniisip nitong si Lanie na feeling close na agad ako sa kanya. "O-Okay lang kung ayaw mong sagutin," bawi ko.
"Mabait naman, huwag mo lang susuwayin ang mga utos niya," sagot naman nitong nakangiti.
"Ah, okay, iyon nga ang bilin ni Aling Donata sa 'kin," sagot niya.
"Oo para hindi ka matulad sa mga nauna," hirit nito na bigla kong kinataas ng kilay.
"Bakit, may pinalayas na ba si Donya Marcela dahil nakipaglandian sa mga anak nito?" deretsahan at bulalas kong turan.
Muli ay natahimik si Lanie.
"Mabuti na 'yong alam mo, para umiwas-iwas ka na," tila babala pa nito.
"Oo naman, gusto kong makatapos ng pag-aaral," puno ng determinasyong sagot ko naman kay Lanie na kinangiti nito.
"Oo, focus ka lang," sagot naman nito.
Lalabas na sana kami nang umingit ang bata sa kuna kaya agad na tinapik-tapik ni Lanie sa likod nito. Agad rin naman itong bumalik sa pagkakatulog.
"Mukhang dumating na si Tita Marcela," usal ni Lanie nang marinig ang pagbusina ng sasakyan.
Bigla akong kinabahan dahil makakaharap ko na talaga ang magiging amo namin.
Isang mabining katok ang narinig namin ni Lanie, maya-maya ay sumungaw ang ulo ni Aling Donata.
"Halika, Sabel at nandiyan na si Donya Marcela, ipapakilala kita sa kanya at sa dalawa niyang anak," saad nito kaya agad akong tumalima.
Puno man ang kaba sa 'king dibdib pero may excitement din namang makilala ang mga ito.
Pagbaba namin ng hagdan ay saktong papasok sina Ate Yolly at At Conching na may hila ng mga maleta nito. Sumunod na pumasok ang isang aristokratang babae, sa likod nito ay dalawang guwapong lalaki.
Halos mapasinghap si Sabel nang makita ang mga lalaki. Para silang mga artista sa telebisyon, matangkad, guwapo at matitipuno ang pangangatawan.
"O, Manang Donata, mabuti at may nadala kang magbabantay ng bata?" turan nito nang mapansin niya ang aking presensiya.
Sa isip ko ay matanda na si Donya Marcela pero ngayong nakita ko siya ng personal ay parang bata pa naman
"Oo, Donya Marcela, siya si Sabel, mabait na bata 'yan, ayaw payagan ng kanyang lola pero pangarap niyang makapagtapos ng pag-aaral," pagbibida ni Aling Donata sa 'kin.
Napatingin sa akin si Donya Marcela, tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa saka sumenyas kay Aling Donata. Bahagyang lumayo ang dalawa upang hindi ko marinig ang usapan ng mga ito.
Naiilang ako kaya iginala ko ang aking mga tingin hanggang sa madako ang aking paningin sa isang lalaki na tila pinag-aaralan ako. Biglang kumabog ang aking dibdib, mas lalong nailang ako nang makita ko ang pilyong ngiti sa labi ng lalaki habang nakatingin pa rin sa 'kin.