Walang pagsidlan ng tuwa sa aking dibdib nang sa wakas ay pumayag ang aking lola na magtungo ako sa bayan. Parang nabuhayan ako ng pag-asa na makita ang aking ina pagdating ng panahon at ipagpatuloy ang aking pangarap na maging guro.
"Salamat po, lola, huwag kayong mag-alala dahil hindi ko sasayangin ang pagkakataong binigay niyo sa akin," paglalambing kong turan kay lola.
"Ayaw ko sanang lumayo ka, apo pero kung ito ang magpapasaya sa 'yo ay hahayaan kita. Sana nga ay matupad mo ang lahat ng mga pangarap mo sa buhay," hiling ni Lola Belen para sa akin.
Muli ay nanariwa ang luha sa 'king mga mga mata, luha ng lubos na kagalakan sa pagpayag ni lola at luha ng pangungulila dito dahil medyo malayo ang bayan sa amin at bibihira ang mga dyip na bumabiyahe.
"Wala na akong ibang sasabihin pa kundi mag-iingat ka roon, lagi kang magdasal at lagi mong iisipin na anumang mangyari ay nandito lamang si lola," saad nito habang hinahaplos ang aking mukha.
Punong-puno ng pag-asam at pag-asa ang aking puso para sa amin ni lola, ayaw ko na siyang nahihirapang makiani o makigapas sa kabila ng katandaan nito, handa akong gawin ang lahat para sa kanya.
"Opo, lola," turan ko saka hinawakan ang kanyang palad at itinapat 'yon sa aking dibdib. "Nandito pa sa aking puso lahat ng mga pangaral niyo sa akin," madamdamin kong wika sa kanya.
Nakita ko rin sa wakas ang pagsilay ng ngiti sa labi ni Lola Belen na ilang araw ko ring hindi nasilayan mula nang magkasagutan kami hinggil sa aking pagtungo sa bayan.
"Masaya akong nakikita ko kayong nakangiting muli, lola," hindi ko naiwasang puna sa kanya.
"Masakit din sa aking dibdib, apo na hindi ka kibuin at kausapin ng ilang araw. Sa totoo lang, hanggang ngayon ay hindi ako sang-ayon sa pagtungo mo sa bayan pero kung 'yon ang magpapasaya sa 'yo ay hahayaan kita," saad ni lola na muli ay lumamlam ang mga mata nito.
"Lola naman, eh, pinapaiyak mo ako," kunwari ay maktol ko kay lola nang bigla niya akong paluin sa aking bandang puwetan na palagian nitong ginagawa noong bata pa lamang ako. "Lola, hindi na po ako bata," dagdag na angil ko sa kanya.
Tumawa si Lola Belen.
"Hay, kung pwede ko lang ibalik ang panahon at pigilan ito ay mas gugustuhin ko pa ang paslit na Sabel," saad nito sa akin.
"Lola," mas lalong angil ko kuno rito. Mas lalong tumawa si lola sa aking pagtutol sa sinabi nito.
"Naku, batang ito, parang gustong-gusto na talagang iwan ang lola," saad ni Lola Belen na tila nagtatampo kuno sa akin.
"Lola, kung pwede lang kita isama ay isasama kita," hirit ko sa kanya. "Kaya lang ay bawal daw ang matanda roon," pagbibiro ko rito na siyang kinatawa naman nito.
"Batang 'to, kahit matanda ako ay mas malakas pa ako sa kalabaw, no," mabilis nitong wika sa akin dahilan upang matawa na rin ako. Tila nawala ang harang sa pagitan namin ni lola ng ilang araw.
Ilang sandaling namayani ang katahimikan sa pagitan namin hanggang sa marinig ko ang malalim na paghinga ni lola.
"Kailan daw ba ang alis niyo ni Donata pababa sa bayan?" tanong nito sa akin.
"Sa makalawa na raw, lola, malapit na kasi ang pasukan at alam kong sa makalawa rin daw ang balik ni Mrs. Valencia mula Amerika dahil doon daw mag-aaral ang anak niyang bunso na hindi matapos-tapos sa pag-aaral dahil sa pagiging bulakbol nito," paliwanag ko kay lola. Ayon pa kay Aling Donata ay maiwan pa rito ang anak niya sa dating kasintahan kaya kinakailangan nila ng magbabantay sa bata.
"Ganoon ba, mainam pa siguro ay ihanda mo na ang mga gamit mong dadalhin," bilin sa akin ni lola matapos nitong tumayo. "Igigisa ko lang ang monggo para makakakain na tayo," dagdag pa ni Lola Belen na tinugon ko na lamang ng isang matamis na ngiti.
"Naku, mami-miss ko ang mga luto mo, lola," pahabol ko sa kanya habang papalabas sa aking silid.
"Sus, nambola ka pang bata ka, sige na ayusin mo na ang gamit mo at lumabas para makakain na tayo," anito saka umalis.
Nang makaalis si lola ay hindi ko napigilang mapatalon.
"Yes, matutupad ko na rin ang pangarap kong maging guro," bulalas ko sa kawalan. "Huwag kang mag-alala inay dahil hahanapin kita," pangako ko pa sa sarili habang isa-isang sinusuri ang mga maayos-ayos ko pang mga damit. Karamihan sa mga 'yon ay napaglumaan ng anak ni Ma'am Stella kaya kahit papaano ay sunod naman sa uso sa mga damit sa bayan.
Matapos kong isilid sa maliit kong bag ang aking mga napiling damit ay masaya kong pinuntahan si lola sa kusina, saktong naglalatag na ito ng pagkain namin sa aming mesa kaya agad ko siyang tinulungan.
"Naku, mukhang mapaparami ang kain ko ngayon, ang sarap ng monggo," palatak kong papuri kay lola na kinatuwa naman nito.
"Sus, nakakarami ka nang bata ka, natapos mo bang iligpit ang iyong mga dadalhin?" tanong nito sa akin.
"Opo, lola, ikaw na lang ang hindi ko naililigpit," pabiro kong turan dahilan upang muli niya akong paluin sa puwetan. "Lola, dalaga na po ako," maktol ko rito.
"Dalaga ka na nga, ang tigas na ng ulo mo," madiing turan nito sa akin na aking kinatawa.
Muling napabuntong-hininga si lola matapos nitong umupo sa kanyang upuan.
"Ang lalim noon, lola?" puna ko rito, ayaw kong muling malungkot ito dahil higit kaninuman ay mas lalo akong nalulungkot kapag nakikita itong malungkot.
"Hindi mo maiaalis 'yon sa akin, apo, hindi ko pa nga alam kung ano nang nangyari sa inay mo tapos heto ka at aalis rin," naiiyak na turan nito.
Muling nangilid ang aking mga mata sa nakikita kong kalungkutan sa mukha ni lola, labis ang pangungulila nito kay inay kaya mas lalong umigting ang aking pag-asam na makatapos sa pag-aaral at magkaroon ng maayos na trabaho upang makalikom ng sapat na salapi para hanapin si inay sa Singapore o saan mang sulok ng mundo.
Naging madamdamin ang pagtatapos ng gabi sa amin ni lola, nang silipin ko siya sa kanyang papag ay nakita kong mahimbing na ang tulog nito habang ako naman ay naglalaro sa aking imahinasyon na magtatagumpay ako sa aking adhikaing makatapos sa pag-aaral, mahahanap si inay at maiaahon sa hirap si lola.
Kinabukasan ay mabilis kong ipinaalam kay Aling Donata ang aking pagsama rito. Natuwa ang matanda dahil alam niya raw na masipag akong bata kaya ibinilin nitong maaga itong dadaan sa aming kubo upang ipagpaalam ako sa aking lola.
Parang abot-kamay ko na ang tagumpay sa sandaling 'yon, alam kong marami pa akong pagsubok na dapat lampasan pero masaya akong may sumisilip na pag-asa para sa aking kinabukasan.
"Naku, hija, mabait naman si Mrs. Valencia pero ayaw niya lang ng sinusuway ang kanyang mga bilin at utos. Ayaw niyang nilalandi ang kanyang mga anak, puro kasi lalaki ang tatlo niyang anak, kaya sinasabi ko na 'to sa 'yo dahil ayaw kong matulad ka sa dating pinag-aral niya," wika ni Aling Donata sa 'kin. Naging interesado ako sa kanyang sinabi, may konting kaba na dumapo sa aking dibdib sa nabanggit nito.
"Bakit po, Aling Donata, ano pong nangyari sa babae?" usisa ko rito.
Bigla namang natauhan ito sa kanyang sinabi, marahil ay naisip na baka mag-back out ako.
"Ayon, hindi nakapagtapos ng pag-aaral," tugon nito.
"Akala ko po kung ano na," turan ko na nabunutan ng tinik sa dibdib saka mabilis na ngumiti. "Naku, wala po sa isip ko 'yan, pangako ko kay lola na mag-aaral ako at magtatapos," determinadong sagot ko kay Aling Donata na kinangiti nito.
"Iyan ang gusto ko sa 'yo, Sabel, kaya ikaw ang una kong naisip nang sabihan ako ni Mrs. Valencia na magsama ng mag-aalala sa apo nito," natutuwang wika ng matanda sa akin.
"Salamat po talaga, Aling Donata. Sige po, mauuna na ako, daanan niyo na lamang po ako bukas," paalam ko rito upang makauwi na, dumaan lang talaga ako upang sabihin rito ang aking pasya.
Habang pauwi sa aming kubo ay nakasalubong ko ang aking kababata na si Jimuel.
"O, Sabel, saan ka galing," masiglang tanong nito sa 'kin. Guwapo si Jimuel kaya lang batak ito sa gawain sa bukid kaya medyo maitim ito.
"D'yan lang kina Aling Donata," sagot ko rito. "Ikaw ba?" balik-tanong ko rito pero nakita ko ang pagtungo nito imbes na sagutin ang aking tanong.
"Totoo bang mag-aaral ka sa bayan?" malungkot na tanong nito sa akin.
Ngumiti ako sa kanyang sinabi.
"Magtatrabaho rin ako doon, Jimuel," pagtutuwid ko sa sinabi nito. "Hirap kasi dito sa atin, kung hindi tayo aalis dito at magtatrabaho ay tatanda tayong pagsasaka lamang ang alam," malumanay kong wika sa kanya dahil ayaw kong saktan ang kanyang damdamin.
"Sa susunod na linggo ay magsasanay akong mag-welding kina Tatay Mario, sabi ng anak nitong si Kuya Mauro ay kukunin niya ako sa Saudi," saad ni Jimuel.
Natuwa ako sa sinabi nito kaya hindi ko napigil ang excitement ko. "Talaga? Wow, pupunta ka sa ibang bansa?" manghang turan ko kay Jimuel na masaya para dito.
Kabaliktaran ang nakikita ko sa mukha ni Jimuel, tila ayaw nitong umalis sa kanilang baryo.
"Ayaw mo bang umalis? Malaking oportunidad mo na 'yan," ang saad ko rito nang bigla itong tumitig sa 'kin na kinatigil ko. Batid ko namang may gusto na sa akin si Jimuel pero wala pa talaga akong balak magkaroon ng karelasyon lalo pa at may pangarap akong nais marating.
"Ayaw kitang iwan, Sabel," tahasang turan nito.
Mabilis akong nag-iwas ng tingin.
"Jimuel, masyado pa tayong bata at saka may pangarap ako," giit ko rito.
"Hindi naman ako hahadlang sa pangarap mo, hayaan mo lang akong mahalin ka," giit ni Jimuel.
"Jimuel, kung totoong mahal mo ako gaya ng sinasabi mo. Hahayaan mong gawin ko ang gusto ko at sana ay kunin mo rin ang oportunidad na nagbubukas sa 'yo, malay mo kapag nagawa nating pareho ang mga bagay-bagay na gusto natin ay maging tayo sa huli," madamdaming wika ko kay Jimuel. Gusto ko rin siyang magtagumpay sa buhay, alam kong mahirap lang din ang buhay ng mga ito at gusto kong magkaroon ito ng mas malaking pangarap sa sarili.
Natahimik si Jimuel sa aking sinabi saka muling tumitig sa akin, sa pagkakataong 'yon ay sinalubong ko ang mga titig nito, gusto kong ipabatid rito na sinsero ako sa aking mga sinabi.
"Salamat, Sabel, sana lang ay mahintay mo ang aking pagbabalik," wika ni Jimuel na tila kumbinsido sa aking mga sinabi.
"Masaya ako para sa 'yo, Jimuel, malaking oportunidad para sa 'yo ito kaya gusto kong kunin mo. Hindi lang para sa sarili mo kundi para sa pamilya mo," dugtong ko pang wika dahilan upang mapangiti ito.
Tinugon ko rin 'yon ng matamis na ngiti.
"Salamat, Sabel, kaya ikaw ang piniling itibok ng aking puso dahil napabait mo," sambit ni Jimuel.
Natawa na lamang si Sabel sa hirit ni Jimuel sa kanya.
"Magpakayaman ka doon para pagdating mo ay bongga ang kasal natin," biro niya sa lalaki.
"Talaga," segunda nito saka sila sabayang nagtawanang dalawa.