"SABEL," malakas na tawag sa akin ng aking Lola Belen. "Sabel, kakain na," dagdag pa nito.
Mabilis akong bumangon sa aking kinahihigaang papag habang nagbabasa ng hiniram kong pocketbook sa aking kaklase na si Rosa. Ayaw ko pa sanang bumangon dahil kasarapan ng aking pagbabasa ngunit baka puntahan ako ni lola at makitang nagbabasa na naman ako ng pocketbook, tiyak na sermon na naman ang aking aabutin.
"Ysabel, ano bang ginagawa mo d'yan at ang tagal mo?" tila nawawalan ng pasensiyang wika sa 'kin ni lola.
"Nandiyan na po, lola, tinapos ko lang 'yong tinupi ko," kaila ko rito saka dumulog sa aming mesa. Ginisang sardenas na may talbos ng kamote ang aming ulam. "Wow, ang sarap naman ng ulam natin, lola," manghang turan ko rito.
"Sus, nambola ka pang bata ka, 'yan nga lang ang kaya ng sahod ko sa paglilinis ng bahay nina Ma'am Stella," turan ng aking lola tukoy sa guro sa aming barangay na tumatawag rito upang maglinis sa tuwing Sabado at kaming dalawa naman ang naglalaba tuwing Linggo.
"Hayaan niyo po, lola dahil iaahon ko kayo sa hirap kapag nakapunta ako sa bayan upang mag-aral ng kolehiyo. Magiging guro rin po ako tulad ni Ma'am Stella," saad ko kay lola, iyon talaga ang aking pangarap, ang maging guro at maiahon si lola sa kahirapan.
Sa aking sinabi ay natahimik ang aking lola. "Ano bang pinagsasabi mong bata ka, sino'ng pupunta sa bayan?" mabilis na tanong nito sa akin.
"Ako po, lola, alangan naman pong kayo," nakatawa kong turan dito pero hindi tumawa ang aking lola bagkus ay nagalit ito bagay na kinabigla ko.
"Walang pupunta ng bayan, mabubuhay naman tayo rito ng simple, kumakain naman tayo at hindi nagugutom," tila galit na turan ni lola sa 'kin.
"Lola, gusto po kitang maiahon sa hirap—" giit ko nang mapatayo ito sa kanyang kinauupuan.
"Ayaw ko! Hindi ka pupunta ng bayan," tila pinal na wika ni lola sa 'kin at kita ko ang pag-ahon ng galit sa mukha nito.
"Pero lola, pangarap ko pong maging guro at sabi ni Mrs. Valencia na papag-aralin nila ako kapag tinulungan ko po sila sa kanilang bahay at sa apo nila," sagot ko kay Lola tukoy sa mayamang negosyante na nagmamay-ari malalaking grocery sa bayan at karatig-bayan.
"Nakikinig ka ba sa sinabi ko, ha, Sabel? Kapag sinabi kong walang pupunta sa bayan ay walang pupunta sa bayan!" malakas na turan ni lola at hindi ko alam kung bakit ganoon na lamang ang galit nito sa aking sinabi.
"Pero lola—"
"Hindi puwede!" malakas na sabad nito sa akin na ginagulat ko, kaya ako napatahimik na lamang.
Ilang sandali kaming natahimik ni lola, lumamig na ang kaluluto nitong kanin at ulam ngunit kapwa kami wala pang balak galawin ang mga 'yon. Hanggang sa umupo muli ito na tila ba nahimasmasan sa kanyang inasal.
"Pasensiya ka na kung uminit ang ulo ko, apo," hingi nito ng tawad sa inasal sa 'kin.
"Ayos lang po, lola, naiintindihan ko naman po kayo kasi wala po kayong makakasama dito," ang malumanay kong tugon kay lola.
Isang malalim na buntong-hininga ang kanyang pinakawalan.
"Hindi sa natatakot akong mag-isa, apo, kundi natatakot akong matulad ka sa 'yong ina," kuwento ni lola, ito ang unang beses na nabanggit niya ang aking ina kaya naging interesado ako.
"Si inay po?" agad kong turan. "Ano pong meron kay inay?" mabilis kong usisa kay lola.
Bakas pa sa mukha ni lola na ang galit ngunit unti-unting lumamlam ang mga mata nito na tila maiiyak. Nagulat ako sa kanyang reaksiyon, nasasabik pa naman akong malaman ang tungkol sa aking ina. Naghintay ako sa sasabihin ni lola ngunit isang malalim na buntong-hininga ang kanyang ibinigay sa akin.
"Lola, ayos lang po ba kayo?" nag-aalalang tanong ko sa kanya.
"Ayos lang naman ako, apo, huwag mong isipin na ayaw kong maabot mo ang pangarap mong maging maestra, kaya lang ay ganyan na ganyan din ang katwiran noon ng ina mo nang umalis siya rito sa atin at nagtungo ng Manila pero nabigo siya," malungkot na saad nito sa akin.
Ramdam ko ang lungkot sa boses ng aking Lola Belen.
"Hinamak at minaliit nila siya nang umibig ito sa 'yong ama, ayaw kong matulad ka sa 'yong ina," baling sa akin ni lola habang naluluha.
Napalunok ako, hindi lingid sa 'kin na anak ng amo ni inay ang aking ama. Sa totoo ay gusto kong hanapin ang aking ama ngunit hindi ko alam kung saan ako magsisimula, ni pangalan ay hindi ko alam.
"Sa ikalawang pagkakataon ay umalis ang inay mo, muli siyang nangako na iaahon tayo sa hirap sa pagpunta niya sa Singapore pero tatlong buwan lamang akong nakatanggap ng telegrama mula sa kanya ay bigla na lamang naglaho," dagdag kuwento ng aking lola.
Hindi ko napigilang maluha. "Kumusta na kaya si inay?" hindi ko napigilang itanong sa kawalan.
"Hindi ko rin alam, apo, wala akong alam kung saan ko hahanapin ang inay mo," malungkot na sagot nito sa akin.
Sa aking mga nalaman ay mas lalo akong nabigyan ng lakas na magpursige sa buhay, gusto kong hanapin ang aking ina upang kahit papaano ay sumaya si lola.
"Mabait naman po si Mrs. Valecia, lola," giit ko kay lola. "Tiyak pong hindi ako matutulad kay inay, gustong-gusto ko talagang mag-aral," giit ko sa aking lola na noon ay matatalas ang tingin sa akin. Napalunok muli ako at parang gusto kong bawiin ang aking sinabi.
"Hindi ba't sinabi kong walang aalis?" matigas na tugon ni lola sa 'kin. Hindi ako nagsalita o nagpumilit pa dahil ayaw kong tumaas ang presyon ng dugo niya.
***
Papalapit na nang papalapit ang pasukan at tinatanong na rin ni Aling Donata kung pumapayag na daw ba ako sa alok ni Mrs. Valencia na mag-aalaga sa apo nito at tutulong na rin sa bahay nila kapalit ng pagpapaaral sa akin.
Hindi ako nakasagot dito dahil hindi ko pa muling naitatanong kay lola mula nang huling usapan namin tungkol sa aking pagpunta sana sa bayan.
"Hindi ko pa po alam, Aling Donata," mahinang sagot ko rito.
"Naku, paano ba 'yan, babalik na ako sa makalawa sa bayan at malapit na rin ang pasukan, ah, ibig bang sabihin niyan ay hindi ka mag-aaral?" untag nito sa akin dahilan upang malungkot ako. Isipin ko pa lamang na hindi ako mag-aaral ay tila mas mawawalan ako ng pag-asang umangat sa buhay.
"Sige, Aling Donata, kakausapin ko muli si Lola Belen at pupuntahan kita bukas sa inyo," mabilis kong turan dito saka mabilis kong tinalunton ang daan pauwi sa amin. Gusto kong makausap si lola at kumbinsihin itong payagan akong magtungo sa bayan.
Pagbungad ko sa aming kubo ay nakita kong siyang nagsisibak ng kahoy, nag-aalangan akong kausapin siya pero gusto ko talagang mag-aral at ang nakikita kong pag-asa para magawa ko 'yon ay ang pagtungo sa bayan.
"Lola," tawag ko rito dahilan upang matigil sa kanyang ginagawa.
"Bakit, may sasabibin ka ba, apo?" untag nito sa akin. Ang bilis ng t***k ng aking dibdib, tila umuurong ang aking dila at may takot sa magiging reaksiyon nito. "Ano, akala ko ba ay may sasabihin ka?" gagad nito sa akin.
"Lola, nagkasalubong kasi kami ni Aling Donata kanina," saad ko kay lola.
"O, ano ngayon kung nagkasalubong kayo ni Donata, may sinabi ba siya?" tanong pa ni lola dahilan upang pagkakataon ko na upang sabihin ang tunay kong pakay.
"Tinatanong na niya kasi ako kung nakapagdesisyon na raw ba ako kung sasama ako sa kanya sa bayan—" putol kong turan nang agad na sumabad si lola nang marinig pa lang ang salitang bayan.
"Bayan? Hindi ba't nag-usap na tayo tungkol d'yan, ha, Sabel," galit na turan ni lola dahilan upang napaluha ako.
"Gusto ko pong mag-aral, lola," giit ko kay Lola Belen habang umiiyak na. Bakit tila kay hirap para ditong intindihin ang aking pangarap?
"Kalimutan mo na ang pangarap mo, hindi ka pupunta ng bayan para apihin ng ibang tao, mabubuhay na tayo ditong dalawa!" bulalas nito sa akin.
Hindi ko napigil ang pagbuhos ng aking mga luha. "Lola, hindi naman ako si inay, eh, magkaiba po kami," katwiran ko kay lola na mas lalong nagpagalit sa kanya.
"Nasasabi mo lang 'yan, apo kasi hindi mo nakita ang hirap ng ina mo noong apihin siya ng pamilya ng ama mong walang kuwenta," sigaw pa nito na mas lalong nagpaiyak sa akin.
"Magkaiba po kami ni inay ng kapalaran, hinding-hindi po ako iibig sa lalaking hindi ako kayang panindigan," puno ng hinanakit kong turan saka pumasok sa maliit aming kubo at nagkulong sa aking silid.
Masyadong unfair 'yon para sa akin, hindi ko naman kasalanang nabigo ang aking ina sa pangarap nito. Bakit ako mabuburo sa baryo namin dahil sa kabiguan niya? Iyak ako nang iyak sa aking silid nang marinig ko ang pagkatok ni lola.
Bumukas ang aking pinto dahil wala naman iyong seradura para pwedeng i-lock.
"Apo," turan ni lola na noon ay mukhang kalmado na.
Hindi ako umimik dahil masyado akong nasaktan.
"Apo, pasensiya ka na kay lola, ah," naiiyak na rin nitong saad sa akin. "Gusto lang naman kitang protektahan pero kung gusto mo talagang magtungo sa bayan, sige, hindi kita pipigilan," anito habang buhos ang luha nito, halata kong hirap pa rin nitong tanggapin na aalis ako sa aming baryo.
Mas lalong bumuhos ang aking mga luha at hindi ako makapagsalita.
"Natatakot ako, apo na matulad ka sa ina mo at sa huli ay maiwan akong mag-isa," yugyog ang balikat ni lola habang sinasabi ang mga 'yon sa akin. Niyakap ko siya at sabay kaming nag-iyakan.
"Huwag lang mag-alala, lola dahil magtatapos ako at hahanapin ko si inay," seryoso kong turan kay lola matapos kong kumalas sa pagkakayakap sa kanya at pinahid ang aking mga luha.
"Sana nga apo dahil hindi ko kakayaning mawala ka, apo," saad sa akin ni lola at ramdam ko ang pangungulila sa tinig nito.
"Pangako, lola, magtatapos ako at hahanapin natin si inay," taas ko pa ng kanang kamay bilang tanda ng aking buong katapatang pangako kay lola.
"Sana nga, apo, sana," usal ni lola habang yakap-yakap ako ng mahigpit.