Mabuti na lamang at kinuha na ni Lanie ang bata upang ilagay sa high chair nito kaya mabilis akong sumunod kina Aling Donata na noon ay pabalik na sa kusina.
Ramdam ko pa rin ang pagsunod ng tingin ni Sigfred sa 'kin, parang napapaso ang aking likod sa kanyang mga tingin.
"Sigfred, hindi ko gusto ang mga tingin mo kay Sabel," dinig ko pang sita ni Donya Marcela sa anak nito bago ko isara ang connecting door ng kusina at ang komedor.
"Mama, ano namang masama sa mga tingin ko sa kanya?" hirit mamang tugon ni Sigfred sa ina. Masyado itong mapagmasid sa bawat galaw nila.
"O, bakit mukhang nag-aaway na naman kayo?" tinig naman ni Simon na siyang papasok sa komedor. Lumabas kasi ito kanina upang sagutin ang tawag nito sa cell phone.
"Hindi kami nag-aaway, kuya, ito kasing si mama kung anu-ano ang pinapansin," sagot naman ni Sigfred sa kapatid.
"Hindi ko lang napapansin, Sigfred, dahil halatang-halata, maging si Lanie ay kapansin-pansin ang mga panakaw mong tingin kay Sabel," bulalas ng ina.
"See? Ano bang mali sa mga tingin ko," ani pa ni Sigfred na pinikit-idinilat ang mata nito.
"Huwag mo akong pilosopohin, Sigfred," umalingawngaw na boses ni Donya Marcela sa buong komedor.
"Hoy!" pagulat na tawag ni Ate Yolly sa 'kin.
Halos masapo ko ang aking dibdib sa gulat.
"Ate Yolly naman, bakit ka ba nanggugulat d'yan?" angil ko rito.
"Hay, nagulat ka pa ba sa lagay na 'yon? Ano ba kasing ginagawa mo d'yan at halos idikit mo na ang tainga mo sa pinto?" gilalas nitong tanong.
"Wala po," kaila ko pa sa kanya.
"Sus! Wala raw, huling-huli na ang bata, nagkaila pa," hirit nito kaya mabilis akong tinungo na ang kinaroroonan nina Aling Donata. Kita ko pang idinikit din nito ang tainga sa pinto gaya ng aking ginagawa kanina.
"O, Sabel, nasaan si Yolly? Pinabalik ko siya upang tawagin ka pero mukhang siya naman ang nawawala," turan ni Aling Donata nang makita akong pabungad sa kinaroroonan nila.
"Yes, I'm here," mabilis na sagot ni Ate Yolly na siyang papasok naman sa aming kinaroroonan. "Naku, na-miss niyo naman agad ang aking beauty," anang pa nito.
"Beauty?" mabilis na sabad ni Ate Conching. "Nasaan d'yan ang beauty na sinasabi mo," bara nito kay Ate Yolly na agad namang kinasimangot nito. "Heto, itong mukhang ito ang masasabing beauty," hirit pa nito sabay hawak sa 'king mukha ni Ate Conching.
"Naku, kayong dalawa, huwag niyong idamat-damay itong si Sabel sa mga kalokohan ninyo," sita naman ni Manang Pacita sa mga ito.
"Ikaw kasi," irap ni Ate Yolly kay Ate Conching.
"Bakit ako?" balik-asik naman ng isa na nagpapalitan pa ng malalakas na bulong na dinig na dinig naman naming tatlo nina Manang Conching at Aling Donata.
Hindi nagtagal ay sumilip si Donya Marcela sa aming kinaroroonan, kinabahan ako dahil napadako ang tingin nito sa 'kin na tila may nais sabihin.
"Yes po, ma'am, may kailangan po ba kayo? Tapos na po ba kayo?" mabilis na tanong ni Ate Yolly rito.
"Wala naman, gusto ko lang sanang makausap si Sabel, saglit lang ito dahil may pupuntahan ako," tinig kong wika nito.
Halos lumabas ang puso ko sa dibdib sa sobrang kaba nang marinig na nais niya akong kausapin.
"Anyways, pwede niyo nang iligpit ang komedor, tapos na kami. Sabel, sa sala tayo mag-usap," pormal na turan nito saka umalis na.
Agad akong napatingin kila Manang Conching at Aling Donata.
"Huwag kang mag-alala baka may sasabihin lang sa 'yo tungkol sa pag-enrol mo," ani ni Aling Donata sa 'kin na siyang kahit papaano ay nagpaluwag sa 'king dibdib.
Kabado man ay kinailangan kong sumunod agad kay Donya Marcela, baka kasi magalit ito kung paghintayin niya ito.
"Bakit po, ma'am?" lakas-loob na tanong ko kay Donya Marcela nang sundan ko ito sa sala.
"Hija, ngayon pa lang ay sasabihin na kita, pwede bang habang kaya mo ay iwasan mo ang anak kong si Sigfred," anito.
"Ma'am?" sabad ko dahil hindi ko inaasahan ang sinabi nito.
"Alam kong napapansin mo ang mga titig ni Sigfred sa 'yo, at kilala ko ang anak ko kaya ngayon pa lamang ay sinasabihan na kita," dagdag nito sa 'kin.
"Huwag po kayong mag-alala, ma'am dahil hindi ko po gusto ang anak ninyo," sagot ko sa kanya at kita ko ang pagkunot ng noo nito. "Masyado po kayong mayaman para sa 'kin at alam ko po kung saan ko ilulugar ang aking sarili," mabilis kong segunda kasi baka iba ang naisip nito sa 'king unang sinabi.
"Mabuti kung ganoon, at least nagkakaintindihan tayo, hija. Nag-usap na kami ni Lanie na sasamahan ka niya bukas upang makapag-enroll ka sa unibersidad na pinapasukan niya," saad ni Donya Marcela na kinatuwa ko naman.
"Talaga po, ma'am, naku, maraming-maraming salamat po," hindi ko maiwasang hawakan ang palad nito sa sobrang galak. Nang mapagtanto ko ang aking ginawa ay nahihiya kong binitiwan 'yon saka mabilis na humingi ng paumanhin rito. "Pasensiya na po, ma'am, masyado lang akong na-excite,"dagdag kong wika.
Nakita kong ngumiti naman ito, dahilan upang isipin kong hindi ito nagalit sa paghawak ko sa malambot nitong palad.
"Basta, ang bilin ko, hija, tuparin mo lang at ako ang bahala sa pag-aaral mo. Natutuwa rin naman akong may natutulungan," dagdag ng donya sa 'kin na mabilis kong kinatango.
Halos hindi ko maiapak ang mga paa ko sahig sa sobrang tuwa.
"O, siya mauuna na ako, kayo na ang bahala rito sa bahay," paalam pa nito saka lumabas na ng kanilang mansiyon.
Lutang akong naglakad pabalik sa kusina nang bigla ay may makabungguan ako. Hindi ko namalayan na bigla akong harangin ni Sigfred.
"Sir, pasensiya na po," hingi ko ng paumanhin dito.
"Alam kong kinausap ka ni mama tungkol sa 'kin, huwag mong sabihin iiwasan mo ako dahil lang sa mali nilang hinala sa 'kin?" maang na turan nito dahilan upang matigilan ako.
"Hindi po ba totoo na babaero kayo?" lakas-loob kong turan dito na kinatigil nito.
Maya-maya ay tumawa si Sigfred sa sinabi ko na mas lalo kong kinainis sa kanya.
"Hindi ako babaero, Sabel, sweet lang ako kung magmahal ako," hirit nito dahilan upang mairita ako.
"Sweet daw!" inis kong turan sa aking sarili saka umalis na.
"Oo naman, baka gusto mong subukan?" himok pa nito na mas lalong nagpataas ng aking dugo. Lalayasan ko na sana ito nang muli itong nagsalita. "Sabel, gusto kita at lilinawin ko sa 'yo, hindi ako babaero, sweet lang ako kung magmahal," hirit pa rin sa 'kin ni Sigfred na tila gusto niyang paniwalaan ko siya.
Saglit akong natigilan hanggang sa natawa na rin ako kagaya ng ginawa nito kanina. Kita kong natigilan ito sa 'king pagtawa saka ko ito hinarap.
"Sa tingin mo paniniwalaan ko 'yan, naku, mukha lang po akong uto-uto, sir pero hindi po ako pauuto sa inyo," malakas kong turan kay Sigfred.
Imbes na mainis ito ay tila natuwa pa sa aking sinabi.
"Iyan ang gusto ko sa 'yo, Sabel, hindi ka madaling mauto," hirit pa rin nito sa 'kin na mas lalo kong kinairita.
"Hay, ewan ko sa 'yo, maiiwan na kita, Sir Sigfred," saad ko na pagdidiin pa ang salitang sir upang iparamdam dito ang pagkakaiba nila ng estado sa buhay.
"Sigfred na lang, Sabel," hirit nito.
"Hindi po pwede, sir, amo po kita kaya dapat ay Sir Sigfred," pang-iinis ko rito nang bigla ay lumapit ito sa 'kin dahilan upang mataranta ako.