Nagising na lamang ako nang maramdaman ko ang pagyugyog ni Aling Donata sa akin. Hindi ko namalayan kagabi kung ano'ng oras na ako nakatulog dahil sa 'king pag-iisip.
"Aling Donata, pasensiya na po, napasarap ang tulog ko," nahihiya kong turan dito.
"Naku, wala 'yon, naiintindihan kita dahil alam kong namamahay ka," wika naman nito na aking kinangiti na lamang.
Mabilis na 'kong naghanda upang magsimula sa 'king trabaho. Kahit medyo kabado ay masaya naman ako, mahilig rin naman ako sa bata at mukhang mabait naman si Shawn, ang batang aking aalagaan.
Mabilis akong naligo dahil gusto ko namang mabago at presentable lalo pa at kakargahin ko ang bata, ayaw kong may masabi sa 'kin si Donya Marcela.
"O, tapos ka na maligo, ayusin mo na ang buhok mo at lumipat na tayo sa malaking bahay. Nauna sina Ate Conching mo dahil magluluto pa ang mga 'yon ng almusal," turan sa 'kin ni Aling Donata paglabas ko ng banyo.
Agad ko namang tinuyo at sinuklay ang aking buhok, saka ko na ipupusod kapag natuyo na. Matapos kong suklayin at ayusing hawiin ang buhok ko ay hindi ko maiwasang sipatin ang aking mukha sa maliit na salamin ni Aling Donata.
"Tara na," dinig kong tinig nito sa may sala ng aming bahay.
"Nand'yan na po," agad ko namang sagot saka nagmamadaling lumabas.
"Dito, dapat alas singko ay nakalipat na tayo sa malaking bahay dahil tulong-tulong tayo sa paghahanda ng almusal. Maaga kasi nagtutungo si Donya Marcela sa mga grocery stores nila," ang saad ni Aling Donata.
"Naku, pasensiya na po talaga dahil—" putol kong wika nang makitang natatawa na lamang ito.
"Sinasabi ko lang naman sa 'yo, Sabel at naiintindihan ka naman namin dahil bago ka pa lang dito," ani pa ni Aling Donata.
"Salamat po, hindi kasi ako agad nakatulog kagabi," pag-aamin ko sa matanda.
"Kaya pala para akong idinuduyan," hirit nito na mas lalo niyang kinahingi ng paumanhin dito habang patungo sila sa malaking bahay.
Pagpasok namin sa bandang kusina ay kitang abala sina Manang Pacita, Ate Yolly at Ate Conching sa kani-kanilang ginagawa.
"Mukhang ang sarap naman po ang iniluluto ninyo?" turan ko kay Manang Pacita nang maamoy ko ang piniprito niya. "Ano po 'yan?" inosenteng tanong ko pa. Mukha namang karne pero hiniwa ng napakanipis.
Natawa si Manang Pacita sa 'king tanong.
"Naku, Kaka Pacita, medyo ignorante pa itong si Sabel sa mga pagkaing mayaman," sabad ni Aling Donata. "Sabel, ang tawag d'yan ay bacon," dagdag pa nito.
"Ahhh!" tanging nasambit ko na lamang. Aminado naman akong konti lang alam ko tungkol sa pagkaing mayaman.
"Heto naman ay ham," ani Manang Pacita sa susunod nitong ilalagay sa frying pan.
Ngumiti ako dahil kahit papaano ay natututo ako sa mga pagkaing wala sa aming baryo.
"Hayaan mo at mamaya ay matitikman mo," turan pa ni Manang Pacita na abala sa pagpiprito.
"Sabel," dinig kong tawag ni Aling Donata sa 'kin.
"Bakit po, Aling Donata?" tanong ko rito.
"Halika rito at ipapakita naman ni Ate Conching mo kung paano gamitin ang mga gamit dito sa kusina," anito.
Nakita kong ngumiti sa akin si Ate Conching.
"Mainam na 'yong matutunan mo rin ang mga gamit rito para kapag ilaw lang at ni Shawn ang maiwan ay alam mo," anang pa nito.
Napangiti ako rito at masaya akong matututo.
"Ito ay microwave oven," tawag nito sa parang TV na nasa counter. Binuksan pa 'yon ni Ate Conching upang ipakita sa 'kin ang loob. "Ginagamit ito upang magpainit ng pagkain," dagdag nitong paliwanag.
"Ahhh!" muli kong turan sa kawalan.
"Madali lang namang gamitin ito," demostrate pa nito. "Buksan mo lang at ilagay ang gusto mong ipainit na pagkain, huwag ka lang maglalagay ng kutsara o tinidor o 'di kaya ay aluminum foil. Halimbawa, itong bahaw na kanin," anito sabay kuha sa natirang kanin kagabi na nasa plato. "Ilalagay ko ito sa loob saka isasara tapos pindutin ito—" putol na turan nang hindi iyon gumana. Natawa si Ate Conching. "Siyempre, siguraduhing nakasaksak, hindi talaga aandar kung hindi," anito na natatawa sa kagagahang nagawa.
Matapos nitong isaksak ay pinindot muli nito ang on and off at doon ay bumukas 'yon.
"Kapag bukas na siya, ito lang ang pihitin mo, depende sa minutes na gusto mo," dahil kanin lang naman ito ay ilagay natin sa 10 minutes," anito saka pinihit 'yon.
Marami pa akong natutunan kay Ate Conching. Si Ate Yolly kasi ay nagsisimula na itong maglinis sa sala kaya abala na ito.
"Ito naman ay coffee maker, usually ay sina Sir Simon at Sir Sigfred lang naman ang gumagamit nito dahil ang gamit namin ay ang water heater lang," paliwanag pa nito.
"Hindi po ba sila nagpapagawa ng kanilang kape?" untag kong tanong dito.
"Hindi, si Sir Sean lang noon pero wala naman siya, dito na lang tayo sa water heater," anito sa tila pitsel na may takip. "Madali lang ito, kunin mo lang ito, lagyan ng tubig at ibalik, of course, huwag kakalimutang isaksak," hirit nitong natatawa pa rin sa kanyang kagagahan kanina. "At kapag naisaksak mo na, pindutin mo lang ito tapos makikita mong umilaw siya," anito sabay turo sa pulang umilaw. "Maghintay lang tayo konti at viola," anito nang kumulo ang tubig.
Nakita pa niyang kumuha ito ng tasa at nilagyan ng tsaa saka ibinuhos ang mainit na tubig mula sa water heater.
"Itong tsaa para kay Donya Marcela," anito saka nilagay sa tray. "Halika na at tulungan na natin sina Aling Donata at Kaka Pacita na ihanda ang komedor," yakag pa nito sa 'kin.
Sa unang araw ko sa trabaho ay ang dami kong natutunan. Sa baryo kasi namin ay payag lang ang pamumuhay, may asensado naman na lalo na sina Ma'am Stella na guro sa aming baryo pero marami pa ring isang kahig, isang tuka.
Masaya akong tinulungan sila sa pagsasaayos ng komedor. Hanggang ngayon ay hindi ako makapaniwala na nakakakita ako ng ganoon kahabang mesa na halos mapuno ng pagkain.
Maya-maya ay pumasok roon si Lanie karga-karga ang aming alaga.
"Maaga pala siyang nagigising," hindi ko maiwasang turan kay Lanie.
"Naku, minsan alas-kuwatro ay gising na tapos ayaw na niyang bumalik sa pagtulog," sagot naman ni Lanie.
Lumapit ako at sinubukang kunin ito buhat kay Lanie, nakatawang sumama naman sa 'kin ang bata.
"Mukhang mabait siya sa 'yo, tingnan mo tahimik lang siya," puna pa ni Lanie.
Masaya naman akong mabait sa 'kin ang batang aalagaan ko dahil tiyak na hindi ako mahihirapan. Magiliw kong nilalaro ito nang pumasok si Sir Simon sa komedor.
"Good morning everyone," masiglang bati nito sabay lapit sa 'kin. Bahagya akong nataranta at akmang aatras nang magsalita ito. "Good morning sa 'king cute na cute na pamangkin," anito sabay pisil sa pisngi nito saka tumingin sa 'kin at ngumiti.
Mabilis akong nagyuko dahil baka mahalata nitong naiilang ako sa kanyang presensiya. Mabuti na lamang at biglang natawa ang bata dahilan upang mabaling dito ang pansin nito.
"Mukhang gustong-gusto ka ni Shawn, ah," puna pa nito.
"Oo nga insan, mukhang behave at tawa nang tawa itong si Shawn mula nang kunin ni Sabel sa 'kin," segunda naman ni Lanie kay Simon.
"Good morning sa inyong lahat," masiglang tinig ni Sir Sigfred na papasok sa kinaroroonan namin ang pumukaw sa aming lahat habang nakasunod naman si Donya Marcela rito. "Good morning sa pinakamagandang mama sa buong universe," dagdag pa nito.
Naiiling si Donya Marcela sa narinig na sinabi ng anak.
"Huwag mo na akong bolahin," hirit nito sa anak nang akbayan ito ng lalaki.
"Hindi naman kita binubola, mama, totoo naman 'yon," giit ni Sigfred na noon ay matiim na nakatingin sa kanya.
Nakailang lunok si Sabel dahil tila nananadya pa talaga ang lalaki dahil kumindat pa ito sa kanya dahilan upang mabilis akong tumalikod.
Hindi ko naman inaasahan na tulad ng kuya nitong si Simon at lalapit rin ito sa amin. Buong akala ko ay hahawakan lang nito ang pisngi ng bata pero bigla itong yumukod upang halikan ito dahilan upang mapaliyad ako sa kabiglaan.
"Sigfred," malakas na tawag ni Donya Marcela sa anak.
"Mama naman, hindi na ako bata para sigawan mo ng ganyan," mabilis nitong angil sa ina.
Halos lumabas ang puso ko sa lakas ng pagbayo sa 'king dibdib. Hindi ko inasahan na gagawin 'yon ni Sir Sigfred, langhap na langhap ko tuloy ang mabango niyang paghinga.