(Ayesha) ISANG PAMILYAR na bulto ng lalaking nakatalikod ang nakikita ko sa hindi kalayuan. Naglalakad siya palayo. Patakbo akong sumusunod sa kaniya. Aware ako na nananaginip ako pero hindi ko pa rin mapigilan ang pagkilos ng katawan ko. Madilim sa direksiyong tinatahak niya, malambot at basa ang sementong sahig na naapakan ko pero ang init ng hanging dumadampi sa balat ko. May liwanag ding nagmumula sa likuran ko at tunog na parang… nasusunog. Huminto ako sa pagtakbo at lumingon. Napasinghap ako at manghang napatitig sa napakalaking bahay na halos mansiyon na nga na nilalamon ng apoy. Sa sobrang pagkasunog ‘non sigurado na maaabo ang lahat ng laman sa loob. Hindi ko nakita ang pagsisimula ng sunog pero mangha kong ibinalik ang tingin sa lalak