Chapter 8: Si Cain Alpuerto (2)

2072 Words
               IPINUWESTO agad ako ng manager bilang cashier. Sa kung anong dahilan marami kaming customer sa gabing ‘yon. Halos lahat mga babaeng estudyante at empleyado ng mga kalapit na business establishments. Ni isang minuto hindi ko magawang magpahinga. Pero sa tuwing mapapalingon ako sa lamesa nina Cain naroon pa rin sila, hindi tumitinag, patingin-tingin din sa akin at walang bakas ng pagkainip sa mga mukha. Nakailang sulyap ako sa kanila bago ko narealize na hindi lang ako ang tumitingin kina Cain. Lahat ng mga babaeng customer sa kanila ang atensiyon. Ngayon alam ko na kung bakit ang daming tao ngayon.                Napabuntong hininga ako at ibinalik ang atensiyon sa trabaho. Alas diyes natapos ang shift ko. Nagbihis ako sa staff room at pagkalabas ko wala na sa lamesang inookupa nila kanina ang dalawang lalaki. Kumunot ang noo ko saka iginala ang tingin sa paligid. Nandoon lang sila kanina bago ako pumasok sa staff room ah.                Nagtataka pa rin na lumabas ako ng fastfood chain. Hanggang makita kong nakaparada pala sa ‘di kalayuan ang itim na kotse. At nang makalayo ako ng kaunti sa entrada ng kainan at nakalapit sa sasakyan bumukas ang pinto ng driver’s seat, bumaba ang lalaking kasama ni Cain at binuksan ang pinto sa back seat para sa akin. Sa loob nakita kong nakaupo si Cain. Hindi ako kumilos para pumasok sa loob.                “Get in, miss. Kakausapin kayo ni Master Cain,” sabi ng lalaking nagbukas ng pinto.                “Bakit kailangan diyan pa? Pwede naman sa loob ng fastfood chain.” O kahit saan na may ibang tao. Iyong hindi confined at mahirap labasan. Hindi sa pinagdududahan ko ang kabutihan ng loob ni Cain. Pero bata pa lang ako mahigpit nang pinapaalala sa akin ni mama na huwag akong sasama sa kahit na sinong bago ko pa lang kakilala. Mas lalo na daw kung mukhang mabait at mapagkakatiwalaan. Mas nakakatakot at delikado daw ang mga ganoong tao. Malalim na nakatanim sa pagkatao ko ang babala na ‘yon kaya mahirap para sa akin ang balewalain ‘yon ngayon.                Narinig ko ang pagbuntong hininga ni Cain mula sa loob ng sasakyan. Pagkatapos sumungaw siya hanggang sa makita ko na ang mukha niya. “Huwag kang matakot. Lilipat lang tayo ng ibang lugar na makakapag-usap tayo ng maayos. Komportable ka ba makipag-usap sa akin sa lugar kung saan ka nagtatrabaho?”                May punto siya ‘don. Nakagat ko ang labi ko at sumulyap sa fastfood chain. Kinukulit na nga ako ng mga kakilala ko sa campus dahil kay Cain. Ayokong pati ang mga katrabaho ko ganoon ang gawin. Bumuntong hininga ako. Saka walang salitang pumasok sa loob ng kotse. Umupo ako sa tabi ni Cain na ngayon may munti nang ngiti sa mga labi. “Wala kang dapat ipag-alala. You are safe with me. Wala akong gagawing masama sa iyo.” Sinalubong niya ng tingin ang mga mata ko, “Trust me, Ayesha.”                Napabuntong hininga ako. Bigla kasi akong narelax. Siguro dahil nakita ko ang sinseridad sa mga mata ni Cain. Pero higit sa lahat, sinasabi ng instinct ko na mabuti talaga siyang tao. “Okay. Pero hindi ako pwedeng gabihin ng husto. Mag-aalala ang mama ko.”                Tumango si Cain. “Don’t worry. Ihahatid ka namin pauwi. I just want us to have time to get to know each other, Ayesha. Arnold, may makakainan ba tayo sa bayan na ito kahit ganitong oras na?”                “Mayroon ho, Master,” sagot ng lalaking ngayon ay nalaman kong Arnold ang pangalan.                “Dalhin mo kami doon,” utos ni Cain.                “Yes, Master,” sagot ni Arnold at pinaandar ang kotse.                Kumunot ang noo ko. Kanina ko pa kasi napapansin ang pagtawag ng lalaki kay Cain na ‘Master’. Sobrang yaman at makaluma ba ng pamilya niya para tawagin siyang ‘Master’? At kung oo, bakit narito siya ngayon sa bayan namin at nilapitan ako? Paano ko siya naging fiancée? Hindi ko talaga maintindihan.                Ilang minuto lang huminto na ang sasakyan. Kumurap ako at dumeretso ng upo. Hindi tumitinag sa pagkakaupo si Cain kaya hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Lalabas ba ako ng kotse o hindi?                Nasagot ang tahimik kong katanungan nang lumabas si Arnold ng kotse at pinagbuksan kami ng pinto. Iyon pala ang hinihintay ni Cain. Namangha na naman ako. Lalo lang akong na-curious kung anong klase siyang tao.                Pagkalabas namin sa sasakyan nakita kong sa Secret Garden pala kami nagpunta. Iyon ang nag-iisang bar and restaurant sa bayan ng Tala. Cozy ang lugar na ‘yon at hardin nga ang disenyo. Puntahan ng mga nag-de-date. Lahat ng mga tao sa bayan namin, basta tumuntong na sa teenage years kasama na sa pangarap ang kumain sa Secret Garden kasama ang taong mahal nila. Naalala ko na noong ikatlong taon ko sa high school, pagkatapos ng junior’s prom, naging trend sa school namin ang Secret Garden. Kapag nakapag-dinner ka na doon kasama ang ka-date mo, ‘in’ ka. Pero hanggang ngayon, unknown territory para sa akin ang lugar na ‘yon dahil sa seventeen years ko sa mundo hindi pa ako naging romantically involved kahit na kanino. Ni hindi nga ako katulad ni Raye na elementary pa lang kami marami ng crush. Sabi ni mama, isa nga lang daw kasi ang minamahal ng lahi namin at hindi pa raw dumarating kaya wala akong nagugustuhan. Huwag daw ako magmadali kaya ganoon nga ang ginawa ko. “Let’s go,” sabi ni Cain. Napasinghap ako nang maramdaman ko ang magaan na paglapat ng palad niya sa likod ko. Siguro para alalayan ako papasok sa restaurant. Nagpaubaya ako at inabala ang sarili sa pagmamasid sa loob ng Secret Garden. Puro pareha nga ang mga customer na nakapuwesto sa magkakalayong mga lamesa. May classical music na pumapailanlang sa paligid. Romantic at private ang ambiance. Kaso hindi ko naimagine na sa ganitong paraan ako unang beses na pupunta sa Secret Garden. Hindi sa piling ng isang estranghero. Pumuwesto kami sa isang pandalawahang lamesa na pinakamalayo sa ibang customers. Nang makaupo kami napansin kong nawala si Arnold. Lumingon ako at nakita ko ang lalaki na tahimik na nakapuwesto sa hindi kalayuan. “Anong gusto mong kainin?” tanong ni Cain na nakatuon ang tingin sa menu na naabutan naming nakapatong sa lamesa. Tumikhim ako. “Mas gusto kong malaman kung bakit ka nagpunta sa bayan namin para sa akin.” Natigilan si Cain at tumingin sa akin. Nagtama ang aming mga paningin. Matagal na katahimikan ang namayani sa pagitan namin. “Sinabi ko na sa iyo noong una tayong magkita ang rason kung bakit ako narito ngayon.” Napakurap ako. “Sinabi mo na?” “Yes. I told you. You are my fiancée.” Napanganga ako at nanlaki ang mga mata. “P-pero hindi mo ipinaliwanag sa akin ang tungkol diyan. Paano kita naging… f-fiancee kung ngayon lang tayo nagkakilala?” Ibinaba ni Cain sa lamesa ang menu at tuluyang itinuon sa akin ang buo niyang atensiyon. “The moment you were born, you are already destined to be my bride. Iyon na ang koneksiyon ng pamilya ko at pamilya mo noong unang panahon pa. Now more than ever, we must fulfill that tradition.” “Sandali lang. Ang ibig mong sabihin mga pamilya natin ang nagdikta na maging… mag-asawa tayo?” Tumango si Cain. “Ang leader ng Alpuerto clan, kung saan ako kabilang, at ang Forseer ng Malyari clan kung saan ka kabilang. Sila ang nagdedesisyon.” Forseer? Malyari? “Teka lang. Hindi ko alam ang sinasabi mong Malyari. Querol ang apelyido ko. Molina ang apelyido ni mama.” Naningkit ang mga mata ni Cain. “Kasinungalingan. Isang Malyari ang iyong ina.” “Hindi sinungaling si mama!” Natigilan si Cain, halatang nagulat. Hindi ko kasi napigilan magtaas ng boses. Ayokong may naririnig na hindi maganda tungkol sa nanay ko. Kaming dalawa na lang ang magkakampi sa mundo. Bumuntong hininga si Cain. “Ayesha, I don’t mean to insult your mother. Pero totoo ang sinasabi ko. Isa siyang Malyari. She was supposed to marry my uncle, you see? Pero tinakbuhan niya ang tadhana labing pitong taon ang nakararaan. Wala siyang ideya kung gaano kalaking gulo ang idinulot ng pag-alis niya. Kung gaano kalaking pagkasira sa balanse at kapayapaan ng ating mga pamilya ang pagtakas niya sa responsibilidad niya. But one thing your mother failed to realize is that you cannot run away from destiny. Hahabulin at hahabulin ka niyon kahit saan at gaano katagal mo pang takbuhan. So why not give in? At least kapag sinunod mo ang tadhana, you can do so in your own terms.” Hindi ko alam kung ano ang sasabihin. Nalilito ako, naguguluhan. Himbis na luminaw sa akin ang lahat dahil sa mga sinabi ni Cain lalo lang akong naguluhan. Lalo lang dumami ang mga katanungan ko. Napaigtad ako nang marahang abutin ni Cain ang kamay kong nakapatong sa lamesa. Hindi naman ako napaso na katulad noong una niya akong hinawakan pero nagulat pa rin ako. “Huwag mo siyang gayahin, Ayesha. Don’t run away from me. From our destiny. Bigyan mo ako ng pagkakataong makilala at kilalanin ka.” Nakatitig pa rin ako sa magkalapat naming mga kamay. “Noong una mo akong hawakan, bakit ako napaso?” Natigilan si Cain. Lakas loob na nag-angat ako ng tingin.“Kung talagang gusto mo akong makilala at gusto mong kilalanin kita, puwde mo bang sagutin ang tanong ko?” Bumuntong hininga siya. “It’s too early for you, Ayesha.” Marahan niyang binitawan ang kamay ko. Humalukipkip siya at pinakatitigan ako. “Kapag handa ka na, sasabihin ko sa iyo. Pangako.” “At sa tingin mo, kailan ako magiging handa?” May sumilay na munting ngiti sa mga labi niya. Kumislap ang kanyang mga mata. “Kapag hindi ka na nagdududa sa intensiyon kong pakasalan ka. Kapag nagustuhan mo na ako.” Napanganga na naman ako. “Teka lang. Wala pa sa isip ko ang… ang makipagrelasyon, okay? Bata pa ako. Marami pa akong pangarap sa buhay. Kaya sa totoo lang ang weird para sa akin na sinasabi mong fiancée kita. I’m just seventeen.” “Almost eighteen,” sagot ni Cain. Hindi na ako nagtaka na mukhang alam din niya pati ang birthday ko. “At hindi ka ba naiilang sa age gap natin? Hindi ka ba takot makasuhan?” giit ko pa rin. Parang nag-isip si Cain. “Tama ka. Six years is a huge gap. Lalo na sa edad mo. I’ll try to convince my family to give you time. Iba na ang panahon ngayon. Hindi katulad dati na kapag tumuntong ang isang dalaga ng labing walong taong gulang pag-aasawa na agad ang nakatakda niyang gawin.” “Sandali. Six years? Ibig sabihin, twenty three years old ka lang?!” “Almost twenty four.” Namangha na naman ako. Hindi kasi halata na ang bata pa pala niya! Akala ko nasa twenty six o twenty seven na siya. Mukha naman kasing hindi nalalayo ang edad niya kay sir Angus. Mukhang naaliw siya sa reaksiyon ko dahil bumakas ang amused na ngiti sa mga labi niya. “Marami ka pang malalaman tungkol sa akin. At gusto ko ring malaman pa ang lahat ng tungkol sa iyo.” Dumeretso siya ng upo at inabot ulit ang menu. “But for now, why don’t we eat? Nandito na rin tayo. And then you can tell me something about your college life.” Noon lumapit ang isang waiter sa lamesa namin. Napabuntong hininga na lang ako at inabot na rin ang menu. Sige na nga, hindi na muna ako magtatanong pa ng kung ano-ano sa gabing ‘yon. After all, ito ang unang beses ko sa Secret Garden. Ito ang unang beses na nakipag-date ako. Teka. Date? Napasulyap ako kay Cain na umoorder na ng pagkain. Date ba talaga ‘to? Biglang bumaling sa akin si Cain. Nahuli akong nakatingin. Pagkatapos malawak siyang ngumiti. Napahugot ako ng hangin. Uminit ang mukha ko kaya mabilis kong ibinalik ang tingin sa menu. Naku naman. Hindi ako sanay na tinitingnan at nginingitian ng ganoon. Wala akong immunity sa lalaki dahil ni kaibigan na lalaki wala ako. Pero sana maka-survive ako sa gabing ‘yon. After all, marami pa akong tanong na sigurado akong si Cain ang makakasagot.    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD