(Ayesha)
Madilim ang paligid. Nasa kung saan ako na para bang maliit at dim na ilaw lang ang nagbibigay liwanag. Kahit saan ako lumingon sementong pader ang nakikita ko. Luma na ‘yon at may lumot pa nga. Para bang nawala na ang kulay ‘non dahil sa paglipas ng napakahabang panahon. Makitid ang daan. Isang pasilyo. Malamig. Hindi ‘yong lamig ng aircon o simoy ng hangin kung hindi lamig na para bang nasa ilalim ako ng lupa. Parang tunnel. O isang basement.
Hindi ko alam ang ginagawa ko ‘ron.
Naglalakad ako. Pero hindi ko alam kung bakit at kung saan ako patungo. Pakiramdam ko wala akong kontrol sa katawan ko, kumikilos mag-isa. Nakailang hakbang pa ako at nang kusang lumiko ang katawan ko may nakita akong nakatalikod na lalaki na nakatayo ilang dipa ang layo mula sa akin. Mas madilim sa bahaging ‘yon pero pamilyar sa akin ang bulto ng katawan niya. Nakita ko na siya noon, ‘yon ang dinidikta ng damdamin ko. Hindi ko alam kung bakit pero bumilis ang t***k ng puso ko at parang may humalukay sa sikmura ko habang nakatitig sa likod niya. Na para bang… na para bang may nararamdaman akong pangungulila para sa lalaking ‘yon.
Humakbang ang mga paa ko at umangat ang isa kong braso, gustong abutin ang lalaki na hindi pa rin tumitinag sa pagkakatayo. Naramdaman ko na ibinuka ko ang bibig ko para tawagin ang lalaki…
Napapitlag ako at napadilat. Kisame ng kuwarto ang nabungaran ko. Pagkatapos hindi ko alam kung bakit pero uminit ang mga mata ko. Hanggang napahikbi ako na nauwi sa pag-iyak. Ni hindi ko alam kung ano ang nakakaiyak sa panaginip ko. Ang alam ko lang parang may pumipiga sa puso ko. Naalala ko ang likuran ng lalaki sa panaginip ko, ang pagtawag ko sa pangalan niya na hindi ko na narinig dahil nagising ako, at parang may matinding pangungulila akong naramdaman. Lalo lang ako napaiyak.
Pero bakit? Bakit ako umiiyak? Bakit ganoon ang nararamdaman ko kapag naaalala ko ang lalaki sa panaginip ko? Ang kaparehong lalaki na ilang beses na akong dinadalaw sa pagtulog? Sino ba talaga ang lalaking ‘yon?
May kumatok sa pinto ng kuwarto ko. “Ayesha? Okay ka lang ba?” nag-aalalang tanong ni mama. Bago pa ako makasagot bumukas na ang pinto at pumasok siya. Binuksan niya ang ilaw bago ko pa mapunasan ang mga luha ko. Nakita na tuloy niya. “Bakit ka umiiyak anak?” Lumapit agad sa akin si mama, umupo sa gilid ng kama.
Umiling ako at bumangon. Pinahid ko ang mga luha ko at pilit kinalma ang sarili. “Wala po. Nanaginip lang ako. At ni hindi naman masama o nakakaiyak iyon. Pero nang magising ako… naiyak lang ako,” garalgal na paliwanag ko.
Hinaplos ni mama ang buhok ko at niyakap ako, katulad noong bata pa ako. Noon nga lang dalawa sila ni papa na umaalo sa akin. “Shh, panaginip lang iyon,” bulong ni mama sa akin.
Pumikit ako at huminga ng malalim. Sa tingin ko hindi lang iyon basta panaginip. “Isang linggo ko na siyang napapanaginipan mama,” mahinang sabi ko.
Natigilan siya. “Sino?”
Medyo lumayo ako sa kaniya para magkaharap kami ng maayos. “Isang lalaki. Nakatalikod lang siya palagi. Pero kanina… sa panaginip ko nasa loob ako ng parang tunnel. O basta parang nasa ilalim ako ng lupa. Madilim. At naglalakad ako. Nakita ko siya sa dulo na nakatalikod. Hindi ko alam kung bakit pero parang may lumamutak sa sikmura ko nang makita ko siya. Na para bang sa panaginip ko kilala ko siya. Tatawagin ko pa lang ang pangalan niya pero nagising na ako. Pagkatapos bigla akong naiyak. Hindi ko alam kung bakit.”
Hindi nakaimik si mama. Napatitig lang sa akin. May dumaang emosyon sa mga mata niya. Rekognisyon. Pagkatapos napalitan ng matinding pag-aalala. Pero napansin ko na kinalma ni mama ang sarili at nawala ang mga emosyong ‘yon sa mga mata niya. “Panaginip lang iyon, anak. Don’t worry and stop crying na ha?” usal ni mama at pinahid ang luhang bumasa sa magkabilang pisngi ko.
“Pero alam mong may mga panaginip ako na nagkakatotoo. At nararamdaman ko po mama na pangitain ‘yon. Hindi lang basta panaginip. Para bang sinasabi na nakatakda kong makilala ang lalaking ‘yon,” giit ko.
Hindi nakaligtas sa pandama ko ang biglang panginginig ng mga kamay ni mama. Pero agad din niyang binawi ang mga kamay at tumayo na. “Umaga na. May pasok ka pa, hindi ba? Maligo at magbihis ka na at magluluto na ako ng almusal.” Bago pa ako makapagsalita hinalikan na niya ako sa noo at lumabas ng kuwarto ko
Noon ako may narealize. May itinatago talaga sa akin si mama. May bumabagabag sa loob niya at may kinalaman ‘yon sa akin Pero ayaw niyang sabihin. At gustong gusto kong malaman kung ano ang itinatago niya. Katulad ng gusto kong malaman ang alam ni sir Angus tungkol sa sitwasyong kinakaharap ko nang wala akong kamalay-malay.
Pero nang subukan kong buksan ang topic sa almusal umiwas na naman si mama. Hanggang oras na para pumasok siya sa trabaho at ako naman sa eskuwela.
ISANG oras bago ang una kong klase sa araw na ‘yon naglalakad na ako patungo sa gate ng college campus. Ilang metro pa lang ang layo ko napansin ko nang maraming estudyante ang nagkukumpulan sa labas ng gate. Para bang may tinitingnan sila at masyadong sabik na hindi ko maintindihan. Mga ayaw pumasok ng tuluyan sa campus. Bakit kaya?
Nagpatuloy ako sa paglalakad. Hanggang sa makita ko sa wakas ang pinagkakaguluhan ng mga estudyante ‘don. Nanlaki ang mga mata ko at naging alerto ako nang makitang ang nakatayo sa tabi ng school gate ay walang iba kung hindi si Cain!
Tulad noong sa fastfood chain na biglang sumulpot ang lalaki mukhang out of place na naman siya sa labas ng school gate ng kolehiyo namin. Kahit pa sa pagkakataong ‘yon simpleng slacks at buttoned-down shirt ang suot niya. Hindi gaya kagabi na pormal at intimidating ang porma niya. Ngayon mas mukhang celebrity na naligaw sa abang probinsiya namin si Cain. May kasama pang alalay – ang lalaki rin na nakita kong kasama niya kagabi.
Napalingon sa akin si Cain at dumeretso ng tayo. Napakurap ako nang nagkaroon ng reaksiyon ang mukha niya – na para bang dumating na ang kanina pa niya hinihintay. At nang magsimulang maglakad palapit sa akin si Cain at ang lalaking kasama niya naramdaman kong napatingin na sa akin ang mga tao sa paligid. Nailang ako at muntik na mapaatras. Sa halip humigpit na lang ang kapit ko sa strap ng aking bag hanggang sa huminto siya sa mismong harap ko.
Ilang sandaling nagkatitigan lang kaming dalawa. Na para bang hinihintay magsalita ang isa. Pero nanatili akong tahimik. Hindi ko naman kasi alam ang sasabihin ko. Hindi ko magawang itanong na, Bakit ka nandito? Dahil malinaw na kapareho lang ng dahilan niya kagabi ang isasagot niya sa tanong na ‘yon. Kaya nabigla ako nang sa wakas magsalita si Cain.
“I apologize for what happened last night. Hindi ko intensiyon na takutin ka.” Halata na hindi sanay si Cain na humihingi ng paumanhin kasi mukhang ilang na ilang siya. Nakikita ko sa mga mata niya na sinsero siya sa paghingi ng tawad.
Pero kahit ‘ganon hindi ko pa rin magawang ibaba ang depensa ko sa presensya niya. Dahil kahit pa mabait si Cain hindi ko pa rin alam kung ano ba talaga ang kailangan niya sa akin.
“Forgive me?” tanong pa niya.
Pasimple akong huminga ng malalim at sinalubong ng tingin ang mga mata ni Cain. “Kapag ba pinatawad kita sasabihin mo sa akin ang lahat ng gusto kong malaman?”
Natigilan siya at parang pinag-isipan ang sinabi ko. Maya-maya marahan siyang tumango. “Not everything. But I will tell you what you want to know as much as I can. Fair enough?”
Tumango ako. Umangat ang gilid ng mga labi ni Cain. Napansin ko na medyo umaliwalas ang mukha niya ngayong may nakasilay na ngiti kahit kaunti lang. “Then, let me introduce myself again. I’m Cain Alpuerto.” Inilahad niya ang kamay sa harap ko. Napapitlag ako at medyo dumistansiya nang maalala ko ang nakakapasong epekto ng hawak niya. Mukhang napansin ni Cain ang reaksiyon ko. “Huwag kang matakot. It will not hurt. I promise,” sabi niya sa mahinang tinig na siguradong ako lang ang nakarinig.
Napalunok ako at bumaba ang tingin sa nakalahad niyang palad. Alam ko na nakatingin pa rin ang mga tao sa paligid namin at ayokong ipahiya siya. Kaya kahit parang nararamdaman ko pa rin sa braso ko ang nakakapasong init ng hawak ni Cain kagabi lakas loob kong tinanggap ang pakikipagkamay niya.
Nakahinga ako ng maluwag nang hindi ako mapaso nang maglapat ang mga kamay namin. Nag-angat ako ng mukha at nagtama ang aming mga paningin. Then he shook our hands. “See?”
Sa pagkakataong ‘yon medyo napangiti na ako. “Ako si Ayesha Querol. Pero alam mo na iyon, hindi ba?”
“Well, yeah,” nakangiti ring sagot niya.
Mukhang wala pa siyang balak pakawalan ang kamay ko kaya ako na ang kusang tumapos ng handshake namin. Tumikhim ako dahil napansin kong nakatutok pa rin sa amin ang atensiyon ng mga estudyante sa paligid. “Ahm, pasensiya ka na, Cain. Pero kailangan ko na pumasok sa campus. May klase pa ako. Hindi ako pwedeng makipag-usap sa ‘yo ng matagal.” At mas lalong hindi dito na napakaraming tao ang nakikinig. Marami akong gustong itanong sa kaniya.
Dumeretso ng tayo si Cain. “It’s okay. Dumaan lang ako para makausap ka sandali. Pupuntahan kita ulit sa part-time job mo mamayang gabi. Ah, but your schedule states that today is your day off.”
Napatanga ako sa kaniya. “P-paano mo nalaman ang schedule ko?”
Natigilan si Cain. Lumapit sa kaniya ang lalaking palagi niyang kasama at bumulong pero narinig ko naman. “Master, you’re not supposed to tell her that.”
“Ah, ganoon ba iyon?” nasabi lang ni Cain. Tumango ang assistant kaya napatikhim si Cain. Mukhang hindi alam ang sasabihin.
Hindi ako makapaniwala. Talagang minatyagan nila ako! Gustong gusto kong malaman kung bakit. Pero hindi na ako nagkaroon ng pagkakataon magtanong kasi napansin ko nang dumadami ang mga estudyanteng nakikiusyoso sa amin. Hindi doon ang tamang lugar. Humugot na lang ako ng malalim na paghinga. “May pasok ako doon mamaya. Nakipagpalit ng off ang katrabaho ko. Ganoong oras pa rin.”
“Then, I’ll see you there,” sabi ni Cain.
Tumango ako. Inayos ang pagkakasukbit ng body bag ko at tumikhim. Umiinit na talaga ang mukha ko sa titig ng mga tao sa paligid ko kaya mabilis na akong nagpaalam at halos patakbo nang pumasok sa gate ng Abba College.
NAKAKAILANG ang naging maghapon ko sa campus sa araw na ‘yon dahil kay Cain. Sa bawat klase ko mayroong mga nakasaksi sa nangyari kanina sa labas ng gate. Maraming ayaw akong tigilan sa kakatanong kung sino si Cain. Maging si Raye na hindi nasaksihan ang nangyari at narinig lang sa iba tanong ng tanong sa akin. Pero ano naman ang isasagot ko na hindi ako lalabas na gumagawa lang ng kuwento? Kahit kay Raye, paano ko sasabihin ang tungkol kay Cain na hindi ko mababanggit ang naging engkuwentro ko kay sir Angus? Ayokong banggitin si sir dahil lalong hindi matatapos ang pagtatanong ni Raye kung sakali.
Kaya ang sabi ko na lang sa mga nagtatanong kakilala ni mama sina Cain. Na si mama ang hinahanap nila at napagtanungan lang nila ako. Hindi sila kumbinsido sa paliwanag ko pero madali akong nakakatakas palayo sa mga nagtatanong. Nagkataon din na puro major subjects ang mga klase namin ni Raye kaya kahit gusto niya akong i-enterrogate hindi pwede dahil magkalayo at magkasabay ang schedule ng mga klase namin. Katunayan mas maaga pa nga ang oras ng uwi ko kaysa sa kaniya.
Pagdating ko sa fastfood chain kinahapunan para sa shift ko nakita ko na agad na nakaparada ang itim na kotse ni Cain sa parking lot. Kumunot ang noo ko habang nakatitig ‘don. Pagkatapos lumingon ako sa loob ng fastfood chain. Katulad ng hinala ko nakapuwesto na sa pandalawahang lamesa na kadikit ng glass wall sina Cain at ang lalaking palagi niyang kasama.
Huminga ako ng malalim at saka lumakad papasok sa fastfood chain. Patalikod na nakaupo si Cain mula sa pinto kaya hindi pa niya ako napansin na dumating. Likod lang din niya ang nakikita ko at hindi ang mukha niya. Napahinto ako sa paglalakad. Kumabog ang dibdib ko nang marealize ko na pamilyar ang bulto ng likuran ni Cain. Biglang bumalik sa isip ko ang panaginip ko.
Ang nakatalikod na lalaki sa underground tunnel. Ang lalaking dahilan kaya ako nagising kaninang umaga na umiiyak. Posible bang si Cain ang lalaki sa panaginip ko? Pangitain ng pagkikita naming dalawa ngayon? Na nagkita na kami dati pero hindi ko lang matandaan?
Kumurap ako nang biglang mapatingin sa akin ang lalaking kasama ni Cain na siyang nakaharap sa direksiyon ko. Kasunod ‘non dumeretso ng upo si Cain at lumingon din sa akin. Parang may balak pa nga siyang tumayo at lumapit sa akin pero pinanlakihan ko siya ng mga mata at sumenyas na huwag na siyang lumapit. Nasulyapan ko na kasi ang manager ko na nakamasid, medyo nakataas na ang kilay. Bawal kami tumambay at makipagkuwentuhan sa customer lalo na at malapit na akong ma-late. Kaya tinapunan ko ng huling sulyap sina Cain, tipid na ngumiti at saka nagmamadaling pumasok sa staff room para mag-log in at magpalit ng damit.