(Ayesha)
KINABUKASAN ng hapon naabutan ko na naman si Cain sa fastfood chain kung saan ako nagtatrabaho. May nakabukas na laptop sa harap niya. Sa kabutihang palad hindi ko siya naabutan sa labas ng school gate kaninang pumasok ako. Binalaan ko kasi siyang huwag na ‘yong gagawin kagabi. Sinabi ko rin sa kaniya na ayokong makatawag ng unwanted attention.
Pagpasok ko sa fastfood chain nag-angat siya agad ng tingin. Malawak siyang ngumiti nang makita ako. Mainit ang ngiti niya, nakakahawa. Kaya ngumiti din ako at tipid siyang kinawayan. Pagkatapos sumenyas ako sa kaniya na kailangan ko na magtrabaho. Nakakaunawang tumango si Cain, ngumiti sa huling pagkakataon at ibinalik ang atensiyon sa laptop nya.
Nakabihis na ako ng uniform ko nang biglang pumasok sa staff room ang katrabaho ko na si Lina. Lumapit siya agad sa akin. “Ayesha! Totoo ba na boyfriend mo iyong guwapong customer natin? Ikaw ha, tatahi-tahimik ka pero may nasilo ka palang guwapo at mukhang mayaman. Paano kayo nagkakilala? Saan? At ilang taon na siya?”
Napaatras ako sa sunod-sunod na tanong ni Lina. “Hindi ko siya boyfriend.” Mabilis kong isinara ang locker ko, inayos ang hairnet sa ulo para wala ni isang hibla ng buhok ko ang nakakawala sa pagkakatali at saka mabilis na lumabas ng staff room. Para takasan ang mga tanong ng katrabaho ko. Sa tingin ko kasi walang makakaintindi sa ‘relasyon’ namin ni Cain. Kahit sa akin kasi hindi pa malinaw ang lahat.
Ang malinaw lang sa akin sa ngayon ay hindi ako lulubayan ni Cain dahil gusto niyang magustuhan ko siya. Dahil buo ang paniniwala niya na fiancée niya ako. Kasunduan daw ng mga pamilya namin.
Bumuntong hininga ako. Speaking of family. Hindi ako nagkaroon ng lakas loob na tanungin si mama kaninang umaga tungkol sa pamilya niya. Bukas wala akong pasok sa school. Wala ring pasok sa munisipyo si mama. Sisiguruhin ko na makakapag-usap kami ng masinsinan.
Maya-maya pa natuon na ang atensiyon ko sa trabaho. Paminsan-minsan ko lang tinitingnan si Cain na sa loob ng ilang oras ilang babae na ang nagtangkang lumapit para kausapin siya pero agad niyang tinatanggihan. Kapag ganoon mukha siyang masungit. Pero kapag naman napapasulyap siya sa akin at nahuhuli akong nakatingin ngumingiti siya.
Siyempre napapansin ng mga katrabaho ko ang ngiti ni Cain para sa akin. Walang habas tuloy ang tudyo nila sa akin. Nang matapos tuloy ang shift ko, ang init na ng mukha ko sa sobrang pagkapahiya sa pangangantiyaw nila sa akin. Nahuli kami ng manager. Hindi natuwang naghaharutan ang mga cashier niya. Napagalitan kami.
Napangiwi ako nang sa akin matutok ang naniningkit na mga mata ng manager namin. “Ikaw ang dahilan kung bakit hindi makapag-concentrate sa trabaho ang mga kasamahan mo, Ayesha. Huwag ka nga muna sa cashier. Sumunod ka sa akin. May iba akong ipapagawa sa iyo.” Saka siya tumalikod at mabilis na naglakad. Pabuntong hininga akong sumunod sa kaniya.
“Sorry, Ayesha,” nagsisising bulong sa akin ng mga katrabaho kong nadaanan ko. Tipid akong ngumiti para ipaalam na tinatanggap ko ang sorry nila.
“Ikaw na ang maglinis ng mga glass wall, loob at labas. Para mamaya makapagsara na tayo agad,” utos ng manager namin nang makalapit ako sa kaniya.
“Opo, ma’am,” sagot ko na lang. Alam ng lahat ng staff na mas magandang huwag makipagtalo sa manager namin. Masungit kasi at madalas ay namemersonal kapag hindi ka niya gusto. Kaya kinuha ko ang balde at ang panlinis ng glass wall, saka ako naglakad patungo sa entrada ng fast food chain. Iyong sa labas muna ang balak kong linisin kasi may mga customer pa kami sa loob. Nakita ko agad na nasa akin ang atensiyon ni Cain at parang akmang tatayo pa nga para salubungin ako, nakakunot ang noo nang mapasulyap sa bitbit kong panlinis.
Lumingon ako sa pinanggalingan ko. Wala na ang manager namin. Baka pumasok sa opisina. Lumapit ako kay Cain kesa siya ang lumapit sa akin. “Cain, okay ka lang diyan? Nasaan ang kasama mo?”
Bumalik sa pagkakaupo si Cain. “May ipinaasikaso ako sa kaniya. Nandito na siya maya-maya lang. Anong gagawin mo?” Bumaba ang tingin niya sa hawak ko.
“Maglilinis ng salamin. Matatagalan pa ako. Kapag dumating na ang kasama mo at hindi pa ako tapos, umuwi na lang kayo kaysa hintayin pa ako.”
“No. Hihintayin kita kahit anong oras ka pa matapos. Besides, hindi naman ako naiinip. I’m working.” Itinuro pa ni Cain ang laptop niya.
“Anong trabaho mo ba?” naitanong ko bago ko pa mapigilan ang sarili ko.
Nakita kong natigilan si Cain, parang nag-alangan. Pero sandaling sandali lang iyon. “I work for a senator. Ako ang gumagawa ng speech niya, nagbabasa at nag-sa-summarize ng kung ano-anong papeles at kung anu-ano pang trabaho na ipinapagawa niya sa akin. Aside from that I also have business-related jobs.”
“Wow,” hindi ko napigilan sabihin. May sumilay na ngiti sa mga labi ni Cain at kumislap sa pride ang kanyang mga mata. Halata na gusto at ipinagmamalaki niya ang trabaho niya. Kahit naman siguro ako magiging proud kung ganoon ang trabaho ko.
Bigla tuloy akong naging aware sa baldeng hawak ko at sa inutos sa akin ng manager namin.Tumikhim ako. “Sige, maiwan na muna kita. May kailangan pa akong gawin.” Tumango si Cain. Tumango din ako, tipid na ngumiti at saka lumabas para maglinis ng glass wall.
Madilim na sa labas ng kainan. Bukod sa ilaw na nanggagaling sa loob, magkakalayong lamp posts at ang waiting shade para sa mga jeep maraming metro ang layo mula sa fast food chain lang ang nagbibigay liwanag sa paligid. Una akong pumuwesto sa dulong bahagi ng glass wall at nagsimulang magtrabaho.
Hindi pa man ako nagtatagal sa puwesto ko bigla nang nanayo ang mga balahibo ko sa batok. Para kasing may nakatingin sa akin.
Napahinto ako sa ginagawa ko at lumingon sa kadiliman. Tumalon ang puso ko at tumayo ang mga balahibo ko nang para akong may nakitang anino sa bahaging mapuno. Parang bulto ng isang tao na kahit nakatingin na ako hindi tuminag sa pagkakatayo. At may palagay akong nakatitig pa rin siya sa akin. Nakaramdam ako ng takot. Iba ang pakiramdam ko sa tingin ng kung sinong iyon sa akin kaysa sa naramdaman ko noong may nagmamatyag sa akin na ngayon alam ko nang sina Cain at Arnold.
May panganib sa pagmamasid ng aninong ‘yon sa akin. Hindi naitatago ng kadiliman ang hindi magandang aura ng aninong ‘yon. Kahit hindi ko nakikita ang mukha niya, kahit hindi ko nakikita kahit kislap lang ng kanyang mga mata, nararamdaman ko ang galit sa titig niya. Para bang may binabalak siyang hindi maganda.
Sino siya?
Natatakot ako. Pero natagpuan ko ang sarili kong humahakbang palapit sa anino. Hindi ko alam kung bakit. Parang may humahatak sa akin palapit sa kaniya. “Sino ka?” mahinang tanong ko. Pero may palagay akong narinig niya ako. Para kasing gumalaw ang anino. Naningkit ang mga mata ko, pilit inaaninag kung sino siya. Humakbang pa ako palapit, mabilis ang t***k ng puso sa magkahalong kaba, takot at kuryosidad. Kaunti na lang makikita ko na ang hitsura niya, kung lalaki ba siya o babae, matanda o hindi…
“Ayesha?”
Huminto ako sa paghakbang at napakurap. Lumingon ako sa pinanggalingan ko. Nakasungaw sa entrada si Lina at takang nakatingin sa akin.
“Hinahanap ka ni ma’am. Parang hindi ka naman niya nakikitang naglilinis ng glass wall. Bilisan mo na dito sa labas para makapasok ka na ulit.”
“Okay.” Nanginginig pa ang boses ko nang sumagot ako.
Kumunot ang noo ni Lina. “Okay ka lang?”
Pinilit kong ngumiti at humakbang pabalik. “Oo naman.”
Mukhang duda pa rin si Lina pero tumango naman at bumalik na sa loob. Ako naman napabuntong hininga. Lakas loob akong lumingon ulit sa kadiliman.
Wala na roon ang anino. Sandali lang ako nalingat nawala na. Para bang namalikmata lang ako. Kung sana nga talaga iyon ang nangyari. Na talagang hindi totoo ang aninong nakita ko.
Humugot ako ng malalim na paghinga at ibinalik ang atensiyon sa trabahong iniatang sa akin ng manager namin.
SANDALI lang kami nakapag-usap ni Cain nang gabing ‘yon. Hindi rin kasi ako komportable na magtagal. Kahit kasi pinipilit kong umaktong normal palagi ko pa ring naaalala ang anino sa dilim na nagmamatyag sa akin kanina. Mas gusto kong umuwi agad, sa piling ng nanay ko. Saka lang ako makakaramdam ng seguridad.
“Ihahatid ka na namin,” alok ni Cain nang magpaalam ako.
Hindi ako nakasagot agad. Ang una kong reaksiyon ay tumanggi sa alok niya. Kaso naalala ko ang anino sa dilim at kinilabutan na naman ako sa takot. Paano kung nasa paligid pa rin ang anino? Naghihintay lang na mapag-isa ako? Hindi ko alam kung ano ang intensiyon niya sa akin. Kaya huminga ako ng malalim at pilit na ngumiti. “Kung okay lang sa inyo, pumapayag ako sa alok mo.”
“Of course it’s okay,” mabilis na sagot ni Cain. Mukhang natuwa pa nga.
Kaso huli na nang may marealize akong mali sa pagpayag kong magpahatid sa kanila. Makikita ni mama sina Cain!
“Dito na lang ako,” sabi ko ilang bloke ang layo sa inuupahan naming bahay. Huminto ang kotse. “Salamat,” sabi ko kay Cain. Pagkatapos mabilis na akong lumabas ng sasakyan at naglakad palayo. Baka kasi may makakita pa sa akin. Worst, baka makita pa ni mama na may naghatid sa akin.
“Ayesha.”
Napahinto ako sa paglalakad at lumingon sa kotse. Nakababa ang salamin sa likod ‘non at nakasungaw si Cain.
“Bakit?”
Ngumiti siya. “I’ll see you tomorrow.”
Umawang ang mga labi ko at sandaling natulala bago napakurap at nakapagsalita, “Hindi ako pwede bukas. Wala akong pasok.”
“Hindi ba mas maganda nga iyon? Mas mahaba ang oras natin na magkasama.”
Umiling ako. “Family time ko ang weekend. I’m sorry.”
Mukhang nadismaya si Cain. May kumislap ding kung ano sa mga mata niya na hindi ko inaasahang makikita mula roon. Para bang… lungkot na inggit na hindi ko maintindihan. Bago ko pa masiguro kung ano talaga ang ibig sabihin ng emosyong nakita ko sa mga mata niya kumurap na siya at nawala na ‘yon. “Then sa lunes na pala tayo magkikita.”
Napatango na lang ako.
Ngumiti na si Cain. “See you on Monday then. Good night.” Iyon lang at tumaas na ulit ang bintana ng kotse. Saka umandar palayo. Sandali akong naiwang nakatayo roon, nakasunod sa tail lights ng sasakyan. Pagkatapos tumalikod na ako at naglakad papunta sa bahay namin.
Tahimik na sa lugar namin, maliban sa paminsan-minsang pagkahol ng mga alagang aso o kaya’y tunog ng mga kulisap. Maaga magsara ng bahay ang mga tao doon. Alam ko rin na kapag ganoong oras ako lang ang tao sa daan. Kaya nang nakailang hakbang pa lang ako at maramdaman ko na hindi ako nag-iisa kumabog na ang dibdib ko.
Mabilis akong lumingon at doon, sa hindi kalayuan sa kung saan ako ibinaba nila Cain, may nakita akong bulto ng isang lalaki. Nakasakay sa isang itim na motorsiklo. Ang suot niya ay purong itim. Hindi ko makita ang mukha niya dahil nakasuot siya ng itim ding helmet. Kung hindi magiging matalas ang paningin hindi mapapansin ang lalaki. Na para bang ginagamit niya ang kadiliman bilang invisible coat. Mali. Mas tamang sabihin na para bang dala niya ang kadiliman.
Tumalon ang puso ko nang gumalaw ang lalaki. Na para bang nalaman niyang nakita ko na siya. Napaatras ako at handang tumakbo ano mang sandali kung may gagawin siyang kahina-hinala.
Nagulat ako nang buhayin niya ang makina ng motorsiklo. Pagkatapos pinaandar iyon ng lalaki – palayo sa akin at papunta sa direksiyon palayo sa lugar namin.
Napabuga ako ng hangin. Nanlambot ako sa magkahalong relief at kaba. Kinalma ko ang sarili at saka mabilis na naglakad papunta sa bahay namin. Kulang na nga lang tumakbo ako.
Saka lang ako nakaramdam na ligtas talaga ako nang nasa loob na ako ng bahay namin at naisara ko na ang pinto. Hinihingal ako nang isandal ko ang noo ko doon. Mariin akong pumikit habang kinakalma ang emosyon ko.
“Ayesha? Anong ginagawa mo diyan himbis na pumasok ng tuluyan sa bahay?” Boses ‘yon ni mama.
Dumilat ako. Saka nakangiti at pilit umaktong masigla na bumaling ako sa loob ng bahay. Nakasungaw si mama mula sa pinto ng kuwarto niya. May pagtataka at pag-aalala sa mukha habang nakatingin sa akin. “Okay ka lang ba? Masama ba ang pakiramdam mo?” tanong niyang tuluyang lumabas sa kuwarto at lumapit sa akin.
Pasimple akong huminga ng malalim at nakangiting sinalubong siya. “Okay lang po ako mama. Napagod lang po ako sa dami ng customer namin ngayong gabi.”
Nang magkalapit kami ikinulong ni mama sa dalawa niyang palad ang magkabila kong pisngi at pinakatitigan ang mukha ko. “Sinabi ko na kasi sa iyo na huwag ka nang magtrabaho doon. Kaya ko naman ang tuition fee mo kung maghihigpit tayo ng sinturon. Nag-aalala ako gabi-gabi kapag ganitong oras ka na umuuwi. At kagabi, halos alas dose ka na dumating.”
Bigla akong nakonsiyensiya na hindi ko sinabi kay mama na si Cain ang dahilan kaya ako ginabi ng husto. Ngayon din, hinatid niya ako. Hindi ako sanay na naglilihim kay mama. Pero paano ko ba sasabihin sa kaniya ang tungkol sa lalaki? Paano ko sisimulang itanong sa kaniya kung totoo bang Malyari talaga ang apelyido niya at kung oo ay bakit kahit sa akin hindi niya sinabi ang totoo?
Lumunok ako. Ngayon na kaya ako magtanong?
“Lalo na at kailangan kong umalis at mawawala ako ng limang araw. Huwag ka na lang muna pumasok sa trabaho mo, Ayesha.”
Napakurap ako. “Aalis ka mama?”
Bumuntong hininga siya at hinatak ako papunta sa sofa. “May seminar kasi na taon-taong ginaganap. Tungkol sa Governance at Public Serice. At sa taong ito, ako ang napili ng boss ko na maging representative ng munisipyo para ipadala sa seminar. Pagkabalik ko daw galing ‘don sigurado na ang promotion ko. Malaking tulong sa atin kapag na-promote ako. Puwede ka na talagang hindi mag-part time job kapag pasukan. Mas makakapag-focus ka sa pag-aaral mo,” paliwanag ni mama.
“Magandang balita iyan, mama!” Sa sobrang tuwa ko mahigpit ko siyang niyakap. “Magandang opportunity iyan. Go for it, mama.”
Gumanti siya ng mahigpit na yakap. “Pero hindi ako komportableng iwan kang mag-isa ng matagal.”
“Limang araw lang naman, mama. Malaki na ako. Kaya ko na ang sarili ko,” natatawang sagot ko.
Bumuntong hininga si mama. Saka ako alanganing pinakawalan para magkaharap kami. “Alam ko naman na malaki ka na. Ilang buwan na lang, ganap nang dalaga ang anak ko,” usal niyang hinaplos pa ang buhok ko. “Kaya nga mas nag-aalala ako,” aniya sa mas mahinang tinig.
Natigilan ako. “Bakit mama? Bakit mas nag-aalala ka ngayong malapit na ako mag-eighteen?”
Sandaling nagtama ang mga paningin namin ni mama. Parang may sasabihin siya sa akin. Nakita ko ‘yon sa kislap ng mga mata niya at sa pag-awang ng mga labi niya. Pero sa huling sandali kumurap siya at ngumiti. “May napupusuan ka na ba sa mga kaklase o kakilala mo, Ayesha?”
“Mama!” Nabigla ako sa pagbabago niya sa usapan. Pilit akong tumawa. “At ang luma ng term na ‘napupusuan’ ha? Wala pa po akong napupusuan,” pabirong ulit ko sa ginamit niyang salita.
Tumawa rin si mama. Pero napansin ko na pilit iyon. Pagkatapos bumuga siya ng hangin. “O siya, sige. Kung iyan talaga ang totoo. Pero gusto kong malaman mo na hindi kita pipigilan kung may magustuhan ka, okay? Basta sasabihin mo lang sa akin at ipapakilala mo siya. Kahit anong mangyari, huwag kang makikipagrelasyon sa isang tao dahil lang sinasabi ng iba o dahil lang pinipilit ka. Piliin mo ang talagang mahal mo. Maliwanag ba?”
Bigla ay naalala ko si Cain. Lalo na ang sinabi niyang fiancée daw niya ako. Hindi naman niya ako pinipilit makipagrelasyon sa kaniya. Pero paano kung related ang kasunduan daw ng mga pamilya namin sa pangaral ni mama? Sabihin ko na kaya ang tungkol kay Cain? Pero paano kung mag-alala siya at magdesisyong huwag na lang umalis? Sayang ang opportunity para sa promotion.
Kaya pilit akong ngumiti at muli siyang niyakap. “Opo mama. Sige na, magbibihis na ako para makatulog na tayo pareho. Bukas na tayo mag-usap ulit, ha? Good night po.” Saka ako humalik sa pisngi niya.
Gumanti si mama ng halik at nag-good night din. Naglakad ako papunta sa kuwarto ko. Bago ako tuluyang pumasok nilingon ko ulit si mama na nanatiling nakaupo sa sofa. Natigilan ako dahil parang ang lalim ng iniisip niya habang nakatunghay sa kawalan. Pero nang mapansin niyang nakatingin pa rin ako, lumingon siya sa akin at ngumiti. “Good night, Ayesha.”
Bumuntong hininga na lang ako at gumanti ng ngiti. “Good night, mama.” Iyon lang at tuluyan na akong pumasok sa kuwarto ko.
Nang mapag-isa ako nalaglag ang mga balikat ko. Ngayon kasing aalis si mama mas lalong hindi ko puwedeng buksan ang topic tungkol kay Cain at sa kanyang pamilya. Pagbalik na lang siguro ni mama. Kakayanin ko naman alagaan ang sarili ko sa loob ng limang araw.
Pero paano ang anino sa dilim na dalawang beses ko nang nahuling nagmamatyag sa akin?
Kumalat ang kilabot sa buo kong katawan at nayakap ko ang sarili. “Hindi. Walang mangyayaring masama. Wala.”
Sana lang ‘yon talaga ang totoo.
PAGDATING ko sa school campus pagsapit ng lunes may kakaiba na namang excitement ang mga babaeng estudyante. Damang dama ko ‘yon pagpasok pa lang sa school gate. Pero alam kong sa pagkakataong ‘yon hindi si Cain ang dahilan. Iba. At kung sino man iyon ay dumating sakay ang isa ring magarang sasakyan. Hindi ko nasaksihan ang pagdating niya pero kapansin-pansin ang kotseng naka-park sa loob ng school campus.
“Ayesha!” humahangos na lapit sa akin ng kaibigan kong si Raye pagdating ko. Kumikislap sa excitement ang mga mata. “Naku, may magandang nangyari sa boring na college natin ngayong araw! Hindi na lang si sir Angus ang magiging oasis sa school natin na walang guwapong mga lalaki.”
Ngumiwi ako. “Raye, ang harsh naman ng pagkakasabi mo. Hindi naman boring ang Abba College.”
Itinirik ng kaibigan ko ang mga mata. “Duh. Boring kaya. Si sir Angus lang ang masarap pagpantasyahan. Pero hindi na ngayon. May exchange student sa College of Chemical Engineering.” Hindi maitago ni Raye ang kilig.
“Okay,” mabagal na sabi ko. “Sabihin mo sa akin kung sino siya habang naglalakad tayo papunta sa classroom natin, ha?” Saka ako naglakad. Mabilis na umagapay sa akin si Raye at excited na nagsimulang mag-kuwento.
“Ang gara ng kotse niya, nakita mo ba? At naku, ubod ng guwapo, parang artista. Ang sabi galing maynila daw at exchange student lang siya. Mananatili lang ng ilang buwan dito sa atin. I don’t know kung sino ang pinalitan niya rito ha, pero sana hindi na sila magpalit ulit.”
Sa kakakuwento ni Raye hindi siya tumitingin sa dinadaanan namin. Namilog tuloy ang mga mata ko nang bigla siyang may masanggi na naglalakad. Napahinto kami dahil bumagsak sa sahig ang mga librong dala ng nabangga ni Raye.
“Naku! Sorry po.” Maagap kong tinulungan ang babae.
“It’s okay. Pero ang mga libro, pakitulungan naman ako, please,” sabi niya at inayos ang pagkakasuot ng salamin sa mata. Nang tumingala siya agad ko siyang nakilala. Si miss Roxette. Ang school librarian ng Abba College.
Tinulungan namin siya ni Raye na pulutin ang mga librong nahulog. Saka namin inabot sa kaniya nang makatayo siya. “Salamat sa inyo, ha? Sige na, pumasok na kayo,” sabi ni miss Roxette at mabilis nang naglakad palayo. Parang hirap pa rin siya sa bitbit na mga libro pero walang mga estudyanteng nagtangkang tumulong sa kaniya.
“Kawawa iyon si miss Roxette. Hindi siya magkaka-boyfriend at tatanda siyang dalaga kung palagi siya nagkukulong sa library. Tapos ganoon pa palagi ang ayos. Magulo ang buhok, makapal ang salamin sa mga mata at ang unipormeng suot niya ay masyadong maluwag para sa kaniya,” komento ni Raye.
“Hayaan mo na nga si miss Roxette,” saway ko sa kaniya. Naglakad na kami ulit.
“Anyway, nasaan na ba ako sa kinukuwento ko?” tanong ni Raye nang nasa loob na kami ng gusali kung nasaan ang classroom namin.
“Sa Chemical Engineering exchange student,” wala sa loob na sagot ko nang nasa tapat na kami ng classroom. Naunang pumasok si Raye. Na biglang napahinto at napasinghap. “O bakit?” gulat na tanong ko.
“Oh my God, Ayesha,” impit na tili ni Raye. Sandali siyang lumingon sa akin, bakas ang kilig at excitement sa mukha. Saka ako hinawakan sa braso at hinila palapit sa pinto. “Nandito iyong exchange student. Ayun o.”
Sinundan ko ng tingin ang itinuro niya. Hayun nga, sa dulong silya na katabi ng bintana na dati palagi kong puwesto kapag doon ang klase namin, nakaupo ang isang guwapong lalaki. Mestizo ang facial features, matangos ang ilong, mapula ang makurbang mga labi. Lean ang pangangatawan at malakas ang dating kahit t-shirt at jeans lang ang suot. Nakahalukipkip. Mukhang bored kahit pa lahat ng estudyante doon nakatingin sa kaniya.
“Ang guwapo ‘di ba?” kinikilig na bulong ni Raye nang tuluyan na kaming pumasok sa classroom. “Pati pangalan niya, sosy. Chance. Chance Alpuerto.”
Napahinto ako sa paglalakad sa sobrang pagkabigla. Para bang narinig niyang tinawag ang pangalan niya na lumingon sa amin ang lalaki. Nagtama ang aming mga paningin. Mas lalo akong nagulat dahil kumislap ang rekognisyon sa mga mata niya. Na napalitan ng disgusto.
Kilala niya ako.
At isa siyang Alpuerto. Katulad ni Cain.
At mukhang galit siya sa akin. Katulad ng anino sa dilim.
Coincidence lang ba ang bigla niyang pagsulpot sa Abba College?
Alam ko naman ang sagot. Imposibleng nagkataon lang ang lahat.