(Ayesha)
“YOU heard me. I am going to be your husband. Itinakda na iyon sa araw pa lang ng iyong kapanganakan. You cannot run away from your destiny, Ayesha.”
May kumalat na kilabot sa likod ko paakyat sa batok habang nakatingin pa rin sa lalaking nagpakilalang Cain. May kung ano sa intensidad at kaseryosohan sa boses niya ang nagpakaba sa akin. Pero pilit kong pinatatag ang loob ko at itinaas ang noo. “Hindi ko alam ang sinasabi mo. Hindi kita kilala kaya bakit ako maniniwala sa iyo?”
Naningkit ang mga mata ni Cain. “Wala talagang sinabi sa iyo ang nanay mo?” tanong niya.
Napakurap ako. “M-may alam si mama sa mga sinasabi mo? Kilala ka ba niya?”
Umangat ang mga kilay ng lalaki. “No. Hindi niya ako kilala pero sigurado akong kilala niya ang pamilya ko. After all, she ran away from us almost eighteen years ago.”
Lalong tumindi ang kaba ko. Dahil kung totoo ang sinasabi ni Cain na tinakbuhan ni mama ang pamilya niya ibig sabihin hindi sila mapagkakatiwalaan. Ibig sabihin kailangan ko ring lumayo kanila. Pasimple akong huminga ng malalim at umatras para tumakbo pabalik sa direksiyong pinanggalingan ko. Mas marami kasing tao doon at pwede akong humingi ng tulong kung kailangan.
Pero bago pa ako makatalikod sa dalawang lalaki maagap nang umangat ang kamay ni Cain at hinawakan ang braso ko. Napasinghap ako sa parang kuryente at nakakapasong init na naramdaman ko nang lumapat ang kamay niya sa balat ko. Kasing init nang kapag aksidente kong nahahawakan ang lutuan ng fries sa fastfood chain kung saan ako nagtatrabaho at may kumukulong mantika sa loob. Na para bang ayaw ng balat ko ang hawak ni Cain.
“Aray!” hindi ko na napigilan ang mapahiyaw sa sakit. Mukhang si Cain din naramdaman ang nakakapasong epekto ng paghawak niya sa akin dahil gulat na binawi niya ang kamay at nanlalaki ang mga matang napatitig sa akin. Nanlalaki rin ang mga mata ko nang masalubong ko ang tingin niya. Hindi ko mapigilan ang mamangha habang hinahaplos ko ang braso kong kanina hawak ni Cain. “A-anong nangyari? Bakit nakakapaso ang kamay mo? Sino ka ba talaga?”
“You… you’re repelling my power,” sagot ng lalaki at gulat pa ring nakatitig sa akin. Pagkatapos lumingon siya sa lalaking kasama niya. “Hindi sinabi sa akin ng Elders na hindi eepekto sa kaniya ang kapangyarihan ko.”
Humakbang palapit kay Cain ang lalaking kasama niya. “Hindi nila sinabi sa iyo na gamitin ang kapangyarihan mo, Master Cain. At hindi natin ito dapat pag-usapan sa lugar na ito. Baka may makarinig.”
Kapangyarihan? Elders? Ano bang sinasabi ng mga lalaking ‘to? Pareho naman silang mukhang disente at propesyunal. Pero bakit may palagay ako na hindi sila normal na tao?
Habang nag-uusap ang dalawang lalaki nakita ko sa ‘di kalayuan ang humintong jeep na sasakyan ko papunta sa amin. Pero kung sasakay ako ‘don baka sundan ako ng dalawang lalaki at malaman pa kung saan ako nakatira. Hindi pwede ‘yon. Kailangan ko tumakbo papunta sa kabilang direksiyon at magtago sa kung saan hanggang sa hindi na nila ako masundan. Pero saan ako magtatago? Ah, mamaya ko na nga iisipin.
Sinamantala ko ang maiksing sandali na wala sa akin ang atensiyon nila Cain. Kumaripas ako ng takbo palayo.
“Wait!” narinig ko pang sigaw ni Cain pero hindi ako lumingon. Lalo ko pa nga binilisan ang pagtakbo. Palampas sa fastfood chain kung saan ako nagtatrabaho, palampas sa mga shop na unti-unti nang nagsasara dahil lampas alas diyes na ng gabi, hanggang sa lumiko ako sa isang residential area na malapit lang sa College campus. Nang makarating ako ‘don saka lang ako lakas loob na tumingin sa likuran ko para alamin kung nasundan ba nila ako o hindi.
Walang nakasunod sa akin na sasakyan. Wala si Cain at ang kasama niyang lalaki. Binagalan ko ang pagtakbo hanggang sa tuluyan akong mapahinto. Hinihingal ako sa pagod at mabilis ang t***k ng puso ko. Malayo ang distansyang natakbo ko. At mukhang hindi na nila ako nasundan.
Nakahinga ako ng maluwag. Siguro dala ng relief nawala ang adrenaline na nagpakilos sa katawan ko kanina. Nanlambot ang mga tuhod ko at nanginig ang buo kong katawan. Napasalampak ako ng upo sa gilid ng kalsada, sa harap ng isang hindi kataasang apartment complex. Kahit gustuhin kong tumayo o kahit kalkalin lang ang bag ko para kunin ang cellphone at ma-text man lang si mama hindi ko magawa. Kahit kasi ang mga kamay ko nanginginig pa. At ang braso ko na hinawakan ni Cain kanina, parang nararamdaman ko pa rin ang init na kanina nakapaso sa akin. Wala sa loob na marahan kong hinaplos ang bahaging ‘yon ng braso ko sa pagbabakasakaling tuluyan nang mapawi ang init na naiwan ‘don.
Mariin akong napapikit. Sino ba talaga si Cain at ano ang sinasabi niya tungkol sa destiny ko? At bakit nakatakda ko siyang pakasalan? Ang bata ko pa para ‘don at wala pa ‘yon sa isip ko. Isa pa walang nabanggit si mama tungkol ‘don kahit kailan.
May narinig akong papalapit na yabag. Tumalon ang puso ko. Dumilat ako agad. Nataranta ako at nagmadaling tumayo pero hindi pa rin bumabalik ang lakas sa mga tuhod ko kaya napaupo rin ako ulit sa kalsada.
May anino ng isang lalaki ang tumabing sa akin hanggang sa makita ko na ang pares ng mga paa na huminto sa mismong harapan ko. Naka-sandals na panlalaki. Hindi ‘yon ang mga paa ni Cain o ng kasama niyang lalaki kanina. Dahan-dahan akong nag-angat ng tingin, mula sa faded maong pants ng lalaki, sa isang kamay niyang may hawak ng plastic ng convenience store na alam kong malapit sa school campus, paakyat sa t-shirt na suot niya, hanggang sa makita ko sa wakas ang mukha niya.
Nanlaki ang mga mata ko nang makilala ko kung sino ang lalaking nasa harap ko at nakayukong nakatingin sa akin. “S-sir Angus,” garalgal na sabi ko.
Sandaling bumakas ang pagkabigla sa mukha ni sir Angus. Pagkatapos may kumislap na kung ano sa mga mata niya – na para bang kahit hindi ako magsalita alam niya kung bakit ganoon ang hitsura ko sa mga sandaling ‘yon. Huminga ng malalim si sir Angus. Saka niya inilahad ang kamay sa harap ko. “Here, let me help you.”
Huminga ako ng malalim para kahit papaano makalma ko ang sarili ko. Saka ko inabot ang kamay niya. Hinila niya ako patayo at nang medyo mawalan ako ng balanse maagap niya akong naalalayan.
“Kailangan mong makaupo sa mas komportableng silya at makainom man lang ng tubig. Namumutla ka,” sabi ni sir Angus.
Umiling ako at humakbang palayo sa kaniya. “Okay lang ako. Kailangan ko na rin umuwi.” Sigurado na mag-aalala si mama kapag lampas tatlumpung minuto akong late sa pag-uwi.
“Hindi ka makakalayo sa kalagayan mong iyan. Besides, do you even know where you are?”
Sa sinabing ‘yon ni sir Angus saka ko lang iginala ang tingin ko sa paligid. Nasa isang residential area kami na puro bahay at apartment complex na hindi pamilyar sa akin. Ngayon lang ako nakarating dito. Pero kung susubukan kong maglakad sa natatandaan kong pinanggalingan ko siguradong makakarating ako sa kalsadang pamilyar sa akin. Ang kaso, paano kung nakaabang pa rin sila sa akin sa sakayan ko pauwi? Anong gagawin ko?
“Masyado nang madilim para maglakad mag-isa. Maaga matulog ang mga tao sa bayan ng Tala. Kahit may mangyari sa iyo at sumigaw ka, walang tutulong sa iyo,” sabi pa ng Ecology professor ko.
Tiningnan ko siya ulit. “Pero kailangan ko na talagang umuwi. Walang kasama sa bahay si mama.”
Tinitigan ako ni sir Angus. Nakita ko ang concern sa mga mata niya. Sa unang pagkakataon mula nang maging professor ko siya ngayon ko lang nasiguro na tunay ang emosyong ipinapakita niya. At nang sumilay ang mabait na ngiti niya unti-unti akong kumalma. Mas gusto ko ang ngiti niya ngayon kaysa sa ngiting palagi niyang ipinapakita kapag nasa College campus.
“Ihahatid na kita pauwi sa bahay niyo,” sabi pa ni sir Angus.
“Medyo malayo sa amin, sir,” malamyang sagot ko. Dahil sa totoo lang gusto ko nang tanggapin ang alok niya para lang makauwi ako.
“It’s okay. Kukunin ko lang ang sasakyan ko,” balewalang sabi niya. Maingat niya akong binitawan. Itinuro niya ang apartment complex sa tapat namin. “Dito ako nakatira. Sa second floor. Kailangan kong kunin ang susi ‘non.” Turo naman ni sir Angus sa itim na mitsubishi lancer na naka-park sa gilid ng kalsada, ilang dipa lang ang layo mula sa kinatatayuan namin. “At hindi ako komportableng iwan ka dito na mag-isa kaya sumama ka na sa akin sa taas. Hindi kita pipilitin pumasok sa apartment ko. But at least, don’t stay here alone.”
Huminga ako ng malalim. Professor ko naman siya. Mapagkakatiwalaan ko naman siguro siya. “Okay,” nasabi ko na lang.
Ngumiti si sir Angus at tinapik ang ulo ko. “Good.” Napasinghap ako nang lumapat ang palad niya sa likod ko at itinulak niya ako papasok sa apartment complex.
Sa dulo ng pasilyo sa ikalawang palapag ang apartment ni sir Angus. Binuksan niya ang pinto at ilaw sa loob pero hindi ako pumasok. Tinuruan ako ni mama na huwag basta pumasok sa isang saradong espasyo kahit pa kilala ko ang may-ari ng bahay. Mukhang naintindihan naman ako ni sir Angus dahil nang tumanggi ako sa alok niyang pumasok hindi na niya ako pinilit. Sa halip hinayaan na lang niyang bukas ang pinto at pumasok sa loob para kunin ang susi ng kotse niya.
Naiwan akong mag-isa kaya nagkaroon ako ng pagkakataong silipin ang loob ng apartment niya mula sa kinatatayuan ko. Halos walang laman maliban sa isang mahabang sofa at center table na maraming nakapatong na mga libro. Sa bawat gilid may mga halaman na nasa paso. Mukhang mahilig talaga sa living things si sir Angus kung hanggang sa bahay niya may ‘ganon.
Sa isang panig, malapit sa pinto ng kuwarto kung saan pumasok si sir Angus may isang malaking aquarium – halos kalahati yata ng pader ang taas at haba - na napakaraming iba’t ibang uri ng isda. Nagkukumpulan ang lahat ng ‘yon sa gilid ng aquarium na malapit sa pinto ng kuwarto. Nang bumukas ‘yon at lumabas si sir Angus nanlaki ang mga mata ko. Nang maglakad kasi siya palapit sa akin nagsipagsunuran ang mga isda sa kaniya hanggang halos nakadikit na ang mga ‘yon sa salamin ng aquarium! At nang sa wakas makalampas at makalayo na siya sa aquarium parang nalungkot na nanatiling nakadikit sa salamin ang mga isda.
Paano nangyari ‘yon? Posible bang maging ganoon ang akto ng mga alagang isda sa amo nila?
“Let’s go,” sabi ni sir Angus na nasa harap ko na pala.
Napakurap ako. Kinalma ko ang sarili ko. “Okay,” sagot ko na lang at tumalikod na sa apartment niya para hindi niya mapansin na may nasaksihan akong kakaiba. Pero may palagay ako na mananatili sa isip ko ang nakita ko sa mahabang panahon.
TAHIMIK lang ako habang nasa loob ng kotse ni sir Angus. At nang mapadaan na kami sa bahagi kung saan ko naka-engkuwentro sila Cain nakahinga ako ng maluwag na wala na sila roon. Mas lalo akong nakaramdam ng relief nang makitang may jeep pang bumibiyahe papunta sa amin.
“Dito na lang ako, sir,” mabilis na sabi ko at tinanggal ang seatbelt bago pa man niya maihinto ang sasakyan.
“Sigurado ka ba?” tanong ni sir Angus.
Tumango ako at bumaling sa kaniya. “Maraming salamat.”
Tinitigan niya ako. Pagkatapos iginala niya ang tingin sa labas ng sasakyan na para bang iniinspeksyon niya kung ligtas na ba talaga o hindi.
“Alam mo ba ang dahilan kung bakit ako tumakbo at nakarating sa lugar kung saan ka nakatira?” tanong ko. Hindi na kasi ako nakatiis. Para kasing may alam talaga siya na hindi ko maintindihan. Idagdag pa ang makahulugan niyang sinabi sa akin sa opisina niya noong dalhin ko ang answer sheets ng klase ko sa Ecology.
Ibinalik ni sir Angus ang tingin sa akin at naging seryoso ang ekspresyon sa mukha. Bagay na nakakagulat para sa isang tao na palaging nakangiti sa school campus. “Mayroon akong ideya. After all, ilang linggo ko nang napansin na may mga nagmamatyag sa iyo. Tell me, sino ang taong lumapit sa iyo ngayong gabi at dahilan kaya ka tumakbo?”
Hindi ako nakapagsalita agad. Nag-alangan akong sabihin sa kaniya. Pero nadala ako sa kaseryosohan ng tinig niya. “Cain daw ang pangalan niya.”
“Ah,” usal ni sir Angus.
“Kilala mo siya?”
Umayos ng upo sa likod ng manibela si sir Angus at mukhang na-relax. “Hindi ka dapat tumakbo at matakot kung siya pala ang lumapit sa iyo. Mabuti siyang tao.”
Kumunot ang noo ko. “Kilala mo nga siya. Kung ganoon… alam mo rin ba na…” Tumikhim ako. “Na fiancée ko raw siya?”
Umangat ang mga kilay ni sir Angus. “Sinabi niya iyan sa iyo? Sa una ninyong pagkikita?”
Tumango ako. “Kung may isang tao ang biglang lumapit sa ‘yo na hindi mo naman kilala at sabihing kapalaran mo ang mapangasawa niya, hindi ka ba tatakbo?”
Natawa ang professor ko. “Still, wala kang dapat ikatakot sa kaniya. He’s just too straightforward but he’s a good guy. And believe me Ayesha, it will be better for you to end up with him.”
“Alam mo na may lalapit sa akin hindi ba? Bakit? Paano?” litong tanong ko. Pero hindi niya ako sinagot. Sa halip pinagmasdan lang niya ako. Na-frustrate na tuloy ako. “Sabihin mo sa akin kung may dapat akong malaman. Hindi rin ako matatahimik at palaging babalikan sa isip ko ang mga nangyari. Kung may alam ka at sinimulan mo na sabihin sa akin, hindi ba tama lang na ituloy mo na ang pagpapaliwanag mo?”
Pinakatitigan ako ni sir Angus at may kumislap na kung ano sa mga mata niya. Pagkabilib ba ‘yon? Dahil sinabi ko ang nasa isip ko? Pero pagkatapos ‘non may nabago din sa ekspresyon niya. Para bang bigla siyang may naalala na kung ano at naging masuyo ang ngiti. Pero may palagay ako na hindi para sa akin ang ngiti na ‘yon. Para siguro sa kung ano o sinong naaalala niya.
“Sir Angus?”
Mukha namang bumalik sa kasalukuyan ang isip niya at bumuntong hininga. “Hindi ako ang dapat magsabi sa iyo ng mga gusto mong malaman.” Dumukwang siya at napasinghap ako nang lumiit ang distansya sa pagitan namin. Binuksan ni sir Angus ang pinto sa tabi ko. “Umuwi ka na. Pagmamasdan kita at sisiguruhing ligtas ka hanggang makasakay sa jeep kung ayaw mo talagang ihatid kita pauwi.”
Dini-dismiss na niya ako. Ibig sabihin kahit anong gawin ko wala na akong makukuha pang impormasyon mula sa kaniya. Pasimple na lang akong huminga ng malalim at tumango. Pagkatapos bumaba na ako sa sasakyan niya. Kahit na ang daming weird na nangyari sa akin sa araw na ‘yon, kahit alam kong may alam si sir Angus na ayaw niyang sabihin sa akin tiningnan ko pa rin siya at tipid na nginitian. “Salamat sa paghatid mo sa akin dito.” Pagkatapos isinara ko na ang pinto ng sasakyan.
Niyakap ko ang bag ko at mabilis na naglakad papunta sa bahagi ng kalsada kung saan tiyempo namang may parating na jeep na ang biyahe ay pauwi sa amin.
HALOS mag-a-alas dose na nang makarating ako sa bahay. Naabutan ko si mama na nakatayo sa labas ng pinto at halatang nakahinga ng maluwag nang makita ako. Nakonsiyensiya ako na nalimutan kong padalhan ng mensahe si mama. Na-distract kasi ako sa mga rebelasyon ni sir Angus.
“Ayesha! Ikaw na bata ka, bakit ngayon ka lang umuwi? Hindi ka man lang nagsabi sa akin,” agad na sabi ni mama nang makalapit ako sa kaniya.
Lalo ako nakonsiyensiya. “Sorry po.”
“Saan ka nga galing?” nag-aalala pa ring tanong niya.
Muntik ko nang sabihin ang mga nangyari sa araw na ‘yon. Mula sa naramdaman kong nagmamatyag sa akin, sa mga sinabi ni sir Angus at hanggang sa biglang pagsulpot ng isang lalaki na nagngangalang Cain at sinabing nakatakda daw akong maging asawa niya. Pero hindi ko kinaya ang pamumutla ni mama. Hindi lang pag-aalala kung hindi malalim na takot ang nakikita ko sa mukha niya. Ayokong patindihin pa ang nararamdaman niyang takot.
Kaya lihim na lang akong huminga ng malalim at nang-aalong ngumiti. Hinatak ko ang braso ni mama para sabay na kaming pumasok sa bahay. At kahit na hindi ako sanay magsinungaling iyon ang ginawa ko. “Nag-overtime lang po ako sa trabaho. Wala akong karelyebo. Naubusan na kasi ako ng load kaya hindi kita na-text. Sorry po.”
Bumuga ng hangin ang mama ko. Nagulat ako nang bigla niya akong yakapin ng mahigpit. “Hindi ba talaga pwede na tumigil ka na sa pagtatrabaho sa gabi, anak? Nag-aalala ako sa iyo.”
Gumanti ako ng yakap at napapikit. Bigla kong naalala ang takot na naramdaman ko kanina nang mapaso ako sa hawak ni Cain. Humigpit ang yakap ko kay mama. Sabi ni sir Angus mabuting tao daw si Cain. Gusto kong panghawakan ‘yon. At ang mga misteryong bumabalot sa nangyari sa gabing ‘yon, ang mga katanungan ko na wala pang kasagutan, sasarilinin ko muna para hindi mag-alala si mama.
“Okay lang po ako, mama. Huwag po kayong mag-alala. Maayos ang lahat,” alo ko na lang sa kaniya.