Chapter 2: Mga Pahiwatig Ng Hinaharap (part 2)

1947 Words
KUMPARA sa mga State University at Colleges sa siyudad hindi hamak na mas maliit ang kolehiyo sa aming bayan – ang Abba College. Ayon sa kasaysayan ng kolehiyo na iyon na kahit maliit ay halos pitongpung taon na mula ng itatag, ang pangalan daw na Abba ay sinaunang tawag kay Bathala. Dati daw isang maliit na komunidad lang ang nakatira sa Tala at ang mga taong iyon ay naniniwala pa sa mga diyos at kung anu-ano pang sinaunang kuwento na pinagpasa-pasahan ng bawat henerasyon. Pero sa pagdating ng mga dayo na nanirahan na rin sa bayang iyon unti-unting ginawang katatawanan at kathang isip lang ang mga kuwentong dati pinaniniwalaan talaga ng mga unang tao doon. Hanggang sa maging ang mga anak ng mga tubong taga roon hindi na rin pinansin ang mga kuwentong pamana ng kanilang mga magulang. Sa pangamba daw ng isang mayamang tubong taga-Tala na tuluyang malilimutan ang kanilang mga pinaniniwalaan, itinatag niya ang Abba College. Hanggang ngayon mga kaapo-apohan ng mayamang tao na iyon ang namamahala sa kolehiyo. Hanggang ngayon din may mga gusali at silid doon na may mga nakasabit sa pader na paintings ng mga diyos at kung anu-ano pang mga nilalang mula sa mga sinaunang alamat. Sa mga pasilyo may malalaking estatwa na gawa sa katawan ng matatandang puno na representasyon daw ng mga anito. Siguro para sa karamihan simpleng mga disenyo na lang ang mga iyon, kakaibang koleksiyon ng may-ari ng Abba College.   Pero kahit makaluma, maliit at weird lalo na para sa tulad namin ni mama na dayo lang sa bayan ng Tala (si papa ang ipinanganak at lumaki dito), hindi ibig sabihin ‘non basta-basta lang ang Abba College. Sa buong lalawigan namin iyon ang pinakamataas ang standard at kalidad ng edukasyon kaya kahit ang mga nakatira sa kalapit naming bayan doon nag-aaral. Kahit ang mga propesor namin magagaling sa kani-kanilang espesiyalisasyon. Medyo mahal lang ang tuition kaya para makatulong ako kay mama na sa munisipyo nagtatrabaho may mga part-time job din ako. Pero sa totoo lang, kahit binibida ko ang school namin, kung ako ang papipiliin gusto ko sana talaga na sa Maynila mag-aral ng kolehiyo. Ang espesyalidad kasi ng Abba College ay Agriculture, Forestry at mga kalinyang kurso. Napapalibutan kasi ang bayan ng Tala ng mga kagubatan, kabundukan, taniman at karagatan. Samantalang ang gusto kong kunin Mass Communication dahil ang pangarap ko maging isang television reporter. Kaya lang hindi ako pinayagan ni mama. Hindi lang sa plano kong mag-aral sa maynila kung hindi sa mismong kurso ko rin. Ayaw niya akong maging reporter. Hindi ko alam kung bakit. Nang tanungin ko siya minsan ang sabi lang niya sa akin ayaw niyang lumabas ako sa telebisyon. Pero dama ko na may mas malalim na rason. Sa huli nakumbinsi ko si mama sa kurso kong Journalism. Iyon lang hindi ko talaga siya nakumbinsi na sa Maynila ako mag-aral. Kaya nakuntento na lang ako sa school namin dito. “Ayesha!” Nagulat ako nang marinig ang tumawag sa pangalan ko. Lumingon ako. Nakita ko si Raye, kaklase ko mula elementarya at nag-aaral din sa Abba College. Biology ang kurso niya. Bukod sa mga major subject namin magkaklase na kami sa ibang subjects. “Nakapag-review ka na para sa Ecology?” tanong ni Raye paglapit niya sa akin. May sabik na ngiti sa mga labi niya. Alam ko na hindi iyon dahil sa exam. Napangiti na lang ako at naglakad patungo sa building kung nasaan ang classroom namin sa Ecology. Umagapay sa akin si Raye. “Nag-review na ako. Hindi katulad mo at malamang ng lahat ng kaklase natin, hindi ko naman target magkaroon ng perfect score.” “Mabuti. Nabawasan ang ka-kompetensiya ko,” hagikhik ni Raye. Hindi ko naiwasang matawa sa reaksiyon ng kaibigan ko. Binilisan ko na lang ang paglalakad. Pero maya-maya lang naramdaman ko na naman na may kakaiba sa paligid. Napahinto ako at iginala ang tingin. Para na naman kasing may nagmamasid sa akin. Katulad noong naglalakad ako papunta sa sakayan ng jeep. Pero hindi tulad kanina masyadong maraming tao sa campus kaya mas mahirap para sa akin ang hanapin kung saan nanggagaling ang tingin na pakiramdam ko nakatutok sa akin. “Ayesha, anong problema?” nagtatakang tanong ni Raye. Binawi ko ang tingin at umiling. “Wala. Tara na,” sabi ko na lang. Naglakad na ako ulit. Wala sa loob na napahigpit ang hawak ko sa strap ng body bag ko. Nanlamig ako at kinabahan pero pilit ko iyong binalewala. Dahil sa pagkakataong iyon sigurado na akong hindi lang guni-guni ang lahat. May nagmamatiyag sa akin. Ang tanong ay sino at bakit?   SA dulong bahagi ng campus matatagpuan ang Science building. Naroon ang mga laboratory, faculty room at classroom para sa mga Science subject. Nakatayo iyon sa mismong paanan ng bundok. Katunayan, kapag tumingin ka sa labas ng bintana ng mga classroom gubat ang makikita mo. Ang nakapagitan lang doon at sa campus namin ay harang na gawa sa barbed wire. Pagdating namin sa classroom halos naroon na lahat ng mga kaklase namin. Abala sa last minute review. Pero kahit ganoon may kakaiba ring excitement sa paligid. Sa klase na iyon ko lang nararamdaman ang ganoon mula sa ibang estudyante sa loob ng halos tatlong taon ko sa kolehiyo. Hindi dahil personal favorite na subject ng mga kolehiyala sa lugar namin ang Ecology. “Nakakainis, sa dulo na tayo mapapaupo dahil ang aaga nila dumating,” mahinang maktol ni Raye sa tabi ko. “Hayaan mo na,” sabi ko na lang at hinatak si Raye patungo sa bakanteng mga silya sa likod ng classroom. Nakahinga kasi ako ng maluwag dahil kung sino man ang nagmamasid sa akin kanina sa labas ng classroom sigurado akong hindi na niya ako masusundan sa loob. Kauupo pa lang namin ni Raye bigla nang may pumasok uli sa classroom. Umalerto ang mga kaklase ko, na puro babae, at lalong tumindi ang excitement sa paligid. Napailing ako at napatingin sa bagong dating na ipinatong ang test papers sa teacher’s table. “Well, time for the exam, class,” nakangiting sabi ng professor namin sa Ecology. “Yes, sir Angus,” pahagikhik na sagot ng mga kaklase ko. Lumawak ang ngiti ng propesor at kulang na lang himatayin sa kilig ang mga babae doon. Nang sulyapan ko si Raye ngising ngisi na rin siya habang nakatitig sa propesor namin. In love ang kaibigan ko kay sir Angus. Actually, in love kay sir ang halos lahat ng babae sa campus. Ibinalik ko ang tingin sa harapan, partikular sa professor namin. Sa totoo lang hindi ko naman masisi ang mga babae sa campus kung bakit baliw na baliw sila kay sir Angus. Ubod naman kasi talaga ng guwapo ang lalaki at bata pa. Ayon sa information network ng mga estudyante twenty five years old lang daw si sir Angus. Matangkad siya at maganda ang tindig. Iyong tipo na kahit nakatalikod alam mong guwapo kapag humarap. Hanggang balikat ang alon-along buhok ni sir Angus at maamo ang mukha. Katunayan, kung ako ang papipiliin mas masasabi kong maganda pa ang mukha ni sir Angus kaysa sa pinakamagandang babae sa campus. Palagi din siyang nakangiti at approachable. Kaya gustong gusto siya ng lahat. Pero bukod sa halos perpekto niyang pisikal na anyo may kung ano talaga sa kaniya na nakakahatak ng atensiyon. Higit pa iyon sa karisma. Sa tingin ko ang tamang termino para sa dahilan kung bakit ganoon ang epekto ni sir Angus sa lahat ng mga tao sa paligid niya ay “pheromones”. Umaapaw siya sa pheromones. Walang halong biro. Kapag naglalakad siya sa campus parang may sariling isip ang mga katawan ng mga babae na napapasunod sa kaniya. Talo pa ang axe commercial. Nakakamangha talaga. Dahil kailan lang may nabasa akong artikulo na ang kemikal na tinatawag talagang pheromones ay natatagpuan lang daw sa mga hayop dahil iyon ang paraan nila para maka-attract ng kapareha. Na kung mayroon man daw ang mga tao ‘non matagal na iyong nawala sa genes natin sa paglipas ng panahon. Termino na lang daw ang salitang pheromone na ginagamit para sa mga taong malakas ang dating. Pero pagdating kay sir Angus, malakas ang pakiramdam ko na hindi lang iyon ganoon kasimple. Para bang mayroon talaga siyang kakayahang maglabas ng kung anong nakaka-attract sa iba. Parang gayuma. Sa kabutihang palad, kahit na mahirap din i-resist para sa akin ang karisma at hitsura ni sir Angus hindi naman ako katulad ni Raye na baliw na baliw sa kaniya. Mas namamayani kasi ang kuryosidad ko tungkol sa pagkatao niya kaysa paghanga. Puno kasi ng misteryo ang propesor at para sa tulad ko na pangarap maging reporter hindi ko maiwasang hindi gustuhing alamin ang katotohanan sa misteryong bumabalot sa kaniya. “Ayesha, huy,” bulong ni Raye sa akin at bigla akong siniko. Napakurap ako at noon ko lang napansin na tahimik na sa buong classroom. Wala na rin sa harap ng classroom si sir Angus kung hindi nakatayo sa mismong harapan ko. At nakatingala ako sa kaniya na para bang kanina pa ako nakatitig sa mukha niya. Nagtagpo ang tingin namin. May kislap ng amusement sa mga mata ni sir Angus at nakangiti habang nakayuko sa akin. Pero bukod sa amusement may kung ano sa mga mata niya na hindi ko mabigyan ng pangalan. Hindi iyon ang unang beses na nakita ko iyon sa mga mata ni sir. Kapag naman sinasabi ko iyon kay Raye wala naman daw napapansin ang kaibigan ko. “May nakikita ka ba sa mukha ko na hindi namin alam at titig na titig ka sa akin Miss Querol?” tanong ni sir Angus. Namilog ang mga mata ko. Uminit ang mukha ko. Lalo na nang magtawanan ang mga kaklase ko. Binawi ko ang tingin at umayos ng upo. “Wala po sir. Binabalikan ko lang ang mga ni-review ko at nagkataon na sa inyo ako napatingin,” palusot ko na lang. “Hmm. A very serious student huh. Hindi mo kailangan kabahan. This is just the first exam for the semester. Hindi pa ito midterms,” sabi ng lalaki na bakas pa rin ang amusement sa boses. Ipinatong niya sa lamesa ko ang kopya ng test paper. “But do pay attention in class. Ikaw ang kumolekta ng mga papel mamaya at dalhin sa opisina ko, Miss Querol. At huwag mong ipapasa sa iba ang utos ko. Or else I will deduct points from your test score.” Muntik na akong mapapikit ng mariin. Lalo na at nawala na ang tawanan ng mga estudyante at nang pasimple kong igala ang tingin sa paligid bakas na ang inggit sa mga mata nila. Hindi lahat basta nakakapasok sa opisina ni sir Angus na hiwalay sa faculty room. “Nakikinig ka ba sa akin Miss Querol?” “Yes, sir,” sagot ko na lang. Nang hindi pa rin siya umalis sa pagkakatayo sa harap ko napilitan tuloy akong tingalain ulit ang mukha niya. Ngumiti si sir Angus nang muling magtama ang mga mata namin. “Good.” Saka lang siya tumalikod at muling naglakad pabalik sa harapan ng classroom. “Pwede na kayong magsimula sa pagsagot. Good luck,” sabi niya sa buong klase. Napabuga ako ng hangin na hindi ko namalayang pigil ko pala. Itututok ko na sana ang atensiyon sa testpaper nang mapasulyap ako kay Raye. Nakatingin siya sa akin at nanlalaki ang mga mata. “Ang suwerte mo,” bulong niya sa akin. Napangiwi na lang ako. Suwerte ba talaga ako? Parang hindi yata. Dahil sa kabila ng nakakasilaw na kaguwapuhan at ngiti ni sir Angus, sa kabila ng mabait niyang pananalita, hindi ko makalimutan ang ibang kislap sa mga mata niya na ako lang yata ang nakakapansin.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD