Chapter 3: Ang Lalaking Misteryoso

3415 Words
(Ayesha) PAGKATAPOS ng klase  nagpaalam na si sir Angus sa amin. Bumaling siya sa akin para ibilin ang test papers. “Hihintayin kita, Miss Querol,” nakangiti pang sabi niya bago tuluyang lumabas ng classroom.  Nakatayo na ako sa tabi ng teacher’s table habang hinihintay makapagpasa ang lahat ng estudyante. Muntik na akong humakbang palapit sa kaniya at pigilan siyang lumabas ng classroom. Dahil alam ko na ang mangyayari oras na umalis si Sir Angus. At nang tuluyan siyang mawala mabilis na hinablot ko ang mga test paper sa lamesa bago pa iyon makuha ng ilang estudyanteng malapit sa kaniya. “Ako na ang magdadala niyan, Ayesha,” sabi ng isa. “Hindi, ako na,” giit naman ng isa. Humigpit ang yakap ko sa test papers. “Pero magkakaroon ako ng point deduction,” angal ko. Lumampas ang tingin ko sa mga babae nang mapansin ko na sumesenyas sa akin si Raye. Bitbit na niya ang bag ko. Nakuha ko agad ang gusto niyang sabihin. Tumango ako. Pagkatapos nginitian ko ang mga kaklase kong nagboboluntaryong dalhin ang test papers. “Okay, goodbye.” Iyon lang at tumakbo na ako palabas ng classroom. Hindi sila nakasunod sa akin dahil nang lumingon ako nakita kong hinarang sila ni Raye. Parang may sinabing kung ano ang kaibigan ko bago mukhang nakalma naman kahit papaano ang mga kaklase namin. Maya-maya pa sumunod na sa akin si Raye. “Anong sinabi mo sa kanila at tumigil sila?” takang tanong ko. Nagkibit balikat ang babae. “Sinabi ko lang sa kanila na wala ka namang interes kay sir Angus kaya wala silang dapat ipag-alala. Mas patas kung ikaw ang makakasolo kay sir dahil sigurado na wala kang hidden motive. Kaya hindi ka na nila kukulitin.” Nakahinga ako ng maluwag at ngumiti. Mabuti naman kung ganoon. Kinuha ko ang bago ko kay Raye at isinukbit iyon sa balikat ko. Pagkatapos inayos ko ang mga test paper na kipkip ko sa mga braso ko.                “Pero bakit ba kasi titig na titig ka kay sir Angus kanina?” takang tanong ni Raye.                Napabuntong hininga ako at napalis ang ngiti. “Sa tingin ko kasi weird siya.”                Umangat ang kilay ng kaibigan ko. “Weird?” parang na-offend pang tanong niya.                “Okay. Misteryoso,” pagtatama ko. “Puno siya ng misteryo. Unang misteryo: Ano ang tunay na dahilan kung bakit nagtuturo siya sa school natin? Karamihan sa mga professor at staff ng College natin mga tubong taga Tala at kalapit bayan. Siya, ngayong semester lang siya naging professor dito, hindi ba? At bagong lipat lang siya sa atin. Sa tingin ko may something weird sa pananatili niya sa lugar natin,” paliwanag ko.                Kumunot ang noo ni Raye. Hindi ko lang alam kung napapaisip din siya o sa akin siya na-we-weirdohan. “Alam mo, Ayesha, may point ka. Saka kahit palaging nakangiti si sir Angus at palakaibigan sa lahat, kapag may nagtanong sa kaniya ng personal na tanong umiiwas siya. Kaya bukod sa pangalan niya at sa mga itinuturo niyang subjects, wala na kaming mahitang impormasyon sa kaniya.”                “See? Iyan ang sinasabi ko. Iyon ang iniisip ko sa tuwing nakikita ko siya,” sabi ko at tumango-tango.                “At iyon ang gusto mong alamin? Ang sagot sa misteryo ni sir Angus?” tanong sa akin ni Raye.                “Hindi ko naman sinabi na aalamin ko.” Dahil iyon ang totoo. Inoobserbahan ko lang si sir Angus pero wala naman akong plano na talagang halukayin ang buhay niya. Mahirap na baka mapasubo ako. Isa pa, paano kung may malalim siyang dahilan kaya niya tinatago ang personal niyang impormasyon?                Napasinghap ako nang biglang ipatong ni Raye ang dalawang mga kamay sa magkabilang balikat ko. “Alamin mo. Tapos sabihin mo sa akin lahat ng malalaman mo. Alamin mo kung may girlfriend siya at kung ano ang tipo niya sa babae,” sabi pa ni Raye at tinapik-tapik ang mga balikat ko habang nagsasalita.                Ibig sabihin hindi niya ako sineseryoso. Napailing na lang ako. “Sasamahan mo ba ako sa office ni sir Angus?” tanong ko na lang.                Bumakas ang labis na panghihinayang sa mukha ni Raye. “Gusto ko sana kaso may klase pa ako. Ma-le-late na ako actually. Ikaw na lang ang pumunta kay sir. Ibida mo ako kapag nagkaroon ka ng pagkakataon ha? Bye.” Iyon lang at mabilis nang naglakad palayo sa akin ang kaibigan ko.                Napahinga na lang tuloy ako ng malalim. Pagkatapos naglakad ako patungo sa kabilang direksiyon. Patungo sa dulong bahagi ng first floor ng Science Building kung nasaan ang isang lumang laboratory na nagsisilbi ring opisina ni sir Angus. Isa pa iyon sa misteryoso. Bakit hinahayaan ng kolehiyo nila na magkaroon siya ng sariling opisina kung puwede naman siya sa faculty room?                Tahimik at nakasara ang pinto ng makarating ako sa labas ng opisina ni sir Angus. Huminga muna ako ng malalim dahil iyon ang unang beses na haharap ako sa kaniya na mag-isa. Bukod sa naging eksena nga kanina sa classroom noong nahuli niya akong nakatitig sa kaniya. Kumatok ako ng tatlong beses. Walang sagot. Kumatok ako uli at nang wala pa ring sagot alanganing pinihit ko ang door knob at binuksan ang pinto.                “Excuse me? Sir?” Iginala ko ang tingin sa loob ng silid at tuluyang pumasok doon. Malaking aquarium na maraming isda sa loob ang una kong napansin. Sa kabilang side naman may nakahilerang mga glass case na mukhang terrarium dahil may mga halaman, lupa, bato at kung pagmamasdan ko sigurong mabuti baka may makita pa akong insekto at maliit na hayop sa loob ng mga glass case. Sa pader may naglalakihang posters ng mga bagay na may kinalaman sa Ecology. Naglakad pa ako papasok sa silid hanggang makita ko ang lamesa ni sir Angus. Alam ko na lamesa niya iyon kasi nakapatong doon ang mga libro at kung anu-ano pang ginagamit niya sa pagtuturo. Pero wala siya doon. Nagtatakang inilapag ko sa lamesa ang test papers na hawak ko at pinatungan iyon ng paperweight na nakita ko doon. Nasaan kaya siya? Noon may umihip na hangin mula sa isang direksiyon ng silid. Kumurap ako at lumingon sa pinanggalingan ‘non. Napaderetso ako ng tayo at sumikdo ang puso ko nang makitang sa dulong bahagi na natatakpan ng mataas na cabinet, sa parte kung saan nakabukas ang binata kaya nakakapasok ang hangin, nakasandal sa pader si sir Angus. Nakatingin siya sa akin. Malamang kanina pa niya alam na naroon ako pero hindi lang sumasagot at nagoobserba. Tumikhim ako. “Sir, nailapag ko na po sa lamesa niyo ang mga test paper,” basag ko sa katahimikan. Umalis mula sa pagkakasandal sa pader si sir Angus at nagsimulang maglakad palapit sa akin. “Hindi ka tulad ng iba,” sabi niya habang nakatitig pa rin sa akin. “Ano ho?” takang tanong ko. Huminto sa mismong harap ko si sir Angus. Kinabahan ako. Puno ng intensidad ang mga mata niya habang nakatitig sa akin, na para bang may binabasa siyang kung ano sa mukha ko. “Hindi ka apektado,” sabi ni sir Angus maya-maya. “Apektado ng ano?” nalilito pa ring tanong ko. May sumilay na ngiti sa mga labi ni sir Angus. Hindi iyon dala ng amusement na tulad ng normal na ngiti niya kung hindi ngiti ng interes at pagkabilib. Napasinghap ako nang umangat ang isang kamay ni sir Angus at hinawi ang hibla ng buhok kong nakatabing sa pisngi ko at inipit iyon sa tainga ko. “Soon, you’ll know,” misteryosong sagot niya. Kumunot ang noo ko. Anong ibig niyang sabihin? At bakit kung makipag-usap siya sa akin parang matagal na kaming magkakilala? Samantalang ngayon ang unang beses na nakapag-usap kami ng ganoon. Pero bago pa ako makapagtanong nilampasan na ako ni sir Angus. Lumapit siya sa lamesa niya. “Salamat sa pagdala mo sa mga test paper. Pwede ka nang magpunta sa susunod mong klase.” “Okay,” nasabi ko na lang kahit nalilito pa rin ako. Naglakad ako pabalik sa pinto. Nabuksan ko na iyon nang muling magsalita si sir Angus. “Huwag mong alalahanin ang mga nagmamasid sa iyo. Hindi ka nila sasaktan. Masyado kang importante para gawan ng masama. At least, I want to believe that.” Manghang napalingon ako uli sa kaniya. Nakaupo na siya sa silya at naka-dekuwatro habang nakangiting nakatingin sa akin. Paano niya nalaman na may nagmamasid sa akin? Nanlamig ako at lalong kinabahan. Kahit pa ubod ng guwapo si sir Angus at nakangiti sa akin lalo lang siyang naging kahina-hinala sa paningin ko. “Hindi ko naiintindihan ang mga sinasabi niyo sir,” lakas loob na sabi ko. Medyo itinaas ko pa ang noo ko para magmukha akong matapang. Umangat ang mga kilay ni sir Angus at lalong lumawak ang ngiti. “May tamang panahon kung kailan mo malalaman ang mga dapat mong malaman. Sige na, Miss Querol. Makakaalis ka na.” Marami pa akong gustong itanong. Pero may palagay ako na kahit manatili pa ako doon maghapon wala siyang balak sagutin kahit isa sa mga itatanong ko. Isa pa kailangan ko na rin magpunta sa susunod kong klase para hindi ako mahuli. “Goodbye, sir,” paalam ko na lang bago tuluyang lumabas ng opisina niya. Napabuga ako ng hangin at naglakad palayo. Maghapon na pilit kong itinuon ang atensiyon sa klase. Pero palaging bumabalik sa isip ko ang naging akto ni sir Angus. Lalo na ang mga sinabi niya sa akin.   CREW SA isang fastfood chain sa sentro ng Tala ang part-time job ko. Malapit lang iyon sa campus kaya convenient para sa akin ang mag trabaho doon. Iba-iba ang oras ng shift pero palagi eksaktong limang oras dapat kada araw. Iba pa iyon sa trabaho ko kapag summer vacation at Christmas vacation. Kapag kasi mahaba ang bakasyon nagtatrabaho naman ako sa nag-iisa at pinakamagandang tourist attraction sa Tala– ang Hidden Paradise resort na matatagpuan sa kabilang bundok at nakaharap sa dagat. Halos tatlumpung minuto ang layo mula sa kabihasnan. Kilala namin ni mama ang head ng kitchen crew doon at nakakasingit ako ng trabaho sa kusina kapag bakasyon, lalo na kapag peak season at kailangan nila ng dagdag na tauhan. Sa araw na iyon alas singko ng hapon ang simula ng shift ko sa fastfood chain. Hanggang alas diyes ng gabi. Alas kuwatro natapos ang huli kong klase kaya ginugol ko ang isang oras na kasama si Raye. Nakahinga ako ng maluwag dahil habang naglalakad kami ni Raye palabas ng campus wala na akong nararamdaman na nagmamasid sa akin. Kung sino man iyon mukhang nagsawa na. Pagsapit ng alas singko nagpaalam na sa akin si Raye. Ako naman naging abala na sa trabaho. Masigla ako kasi day off ko bukas. At kapag day off ko ay sa munisipyo ako dumederetso pagkatapos ng klase para sunduin si mama. Kumakain kami sa labas at nag-ba-bonding. Pareho kaming abala ni mama kaya tuwing day off ko lang kami nagkakaroon ng oras para sa isa’t isa. Kapag kasi may trabaho ako at gabi na umuuwi, himbis na mag-usap natutulog na lang kami agad. Kaya excited ako para bukas. “Ayesha,” tawag sa akin ni Lina, isa ring part-timer sa fastfood chain na iyon. Katulad ko college student din siya. Huminto ako sa pag-ma-mop ng sahig. “Ano iyon?” Kinagat muna ni Lina ang ibabang labi bago nakikiusap na tiningnan ako. “Puwede bang makipagpalit ng shift sa iyo bukas? Ako muna ang mag-o-off. May group project kasi kami na kailangan tapusin bukas. Tatanggalin ako ng groupmates ko sa grupo kapag hindi ako nakapunta. Please?” Hindi ako nakakibo agad. Pinakahihintay ko ang off ko bukas. Pero mukhang importante talaga kay Lina ang gagawin niya bukas. Estudyante din ako at naiintindihan ko ang pressure ng isang group project. Bumuntong hininga ako at ngumiti. “Sige na nga. Ako na lang ang papasok bukas.” Madidismaya si mama pero maiintindihan naman niya kapag sinabi ko na may pasok uli ako bukas. Babawi na lang ako sa kaniya sa susunod. Lumiwanag ang mukha ni Lina, halatang natuwa. “Maraming maraming salamat Ayesha! Ang bait mo talaga. Salamat.” Ngumiti na lang ako. “Pareho tayong estudyante kaya naiintindihan naman kita,” sabi ko na lang. Mukhang magsasalita pa sana siya pero nakuha na ang atensiyon namin nang biglang pagbukas ng glass door ng fastfood chain. Pumasok ang isang guwapong lalaki na pormal ang kasuotan. Moreno ang lalaki at maganda ang tindig. Maiksi ang gupit ng buhok na parang hindi nahanginan sa labas sa sobrang ayos. Makapal ang mga kilay, matangos ang ilong at manipis ang mga labi. Mukhang seryoso at maawtoridad. Matangkad din ang lalaki at malakas ang dating. Patunay ‘non ang katotohanang lahat yata kami - crew at mga customer – napahinto at napatingin sa kaniya. Para bang may kung anong magnetismo ang lalaki na kahit hindi nagsasalita mapapatingin ka talaga. Bigla ko tuloy naalala si sir Angus kahit na malayo naman ang hitsura ng bagong dating sa professor ko na ‘yon. Pero ewan ko ba, may naramdaman akong pagkakapareho. Sa aura ba? Sa katotohanang parang out of place sa maliit naming bayan ang mga hitsura nila? O sa air of mystery na hindi ko talaga maiwasang hindi maramdaman na nanggagaling sa kanila? “Wow, ngayon ko lang siya nakita. Naliligaw ba siya dito sa fastfood chain natin?” bulong ni Lina sa tabi ko. Napatango na lang ako. Noon biglang may pumasok na isa pang lalaki sa kainan at lumapit sa guwapong lalaki. May ibinulong na kung ano. Pagkatapos biglang lumingon sa direksiyon namin ni Lina ang dalawang lalaki. Napaderetso ako ng tayo at sa kung anong dahilan sumikdo ang puso ko. Lalo na nang masalubong ko ang tingin ng lalaking unang pumasok sa fastfood chain. Nagulat ako na kahit mukhang nakakatakot ang lalaki hindi ganoon ang nakita kong kislap sa mga mata niya. Curiousity. Iyon ang nabasa ko sa tingin niya. Na-curious na rin tuloy ako kung bakit ganoon siya makatingin sa akin. “Nakatingin siya sa akin, ano? Bakit kaya?” kinikilig na bulong ni Lina sa akin. Napakurap ako at bumaling sa katrabaho ko. Nakatingin pa rin si Lina sa direksiyon ng mga lalaki. Ah, baka akala ko lang nagtama ang mga mata namin kahit hindi naman. Baka si Lina talaga ang tinitingnan nila. Ipinagkibit balikat ko na lang ang sitwasyon kahit medyo uminit ang mukha ko. Napahiya kasi ako sa sarili ko na naisip ko na sa akin sila nakatingin. “Bumalik na tayo sa trabaho bago pa tayo makita ng manager natin,” mahinang sabi ko na lang. “Ay, oo nga pala.” Iyon lang at lumayo na sa akin si Lina. Ako naman pinagpatuloy ang pag-ma-mop ng sahig. Sa gilid ng mga mata ko nakita kong pumuwesto sa pandalawahang lamesa na malayo sa ibang customer ang mga bagong dating. Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit nasa fastfood chain na ‘yon ang dalawa. Out of place kasi talaga sila. Ang mas nakakabilib parang walang anuman sa kanila kahit nakatingin ang ibang customer. Na para bang sanay sila na tinitingnan. O mas tamang sabihin na wala silang pakielam sa mga taong nakapaligid sa kanila. “Ayesha, sa counter ka na pagkatapos mo diyan ha,” tawag sa akin ng manager. Dumeretso ako ng tayo at bumaling sa manager ko. “Opo ma’am.” Ilang minuto pa ang lumipas bago ko natapos ang pag-ma-mop, pagtatabi ng ginamit ko at paghuhugas ng mga kamay. Saka lang ako pumuwesto sa counter para tumayo namang cashier at kumuha sa order ng mga customer namin. Laking gulat ko nang lumapit sa counter ko ang lalaking malakas ang dating. Napasulyap ako sa lamesang inookupa nila at noon ko lang napansin na hindi pa sila umoorder kahit kanina pa sila dumating. Ang kasama niya abala sa pakikipag-usap sa cellphone at wala sa amin ang atensiyon. Ibinalik ko ang tingin sa lalaking nasa harapan ko. Uminit ang mukha ko nang makitang titig na titig siya sa akin. Para bang may pilit siyang inaaninag sa mukha ko na hindi ko maintindihan. Tumikhim ako. “Anong order niyo, sir?” basag ko sa katahimikan sa pagitan naming dalawa. “What would you recommend?” tanong ng lalaki na hindi man lang inabalang sulyapan ang menu na makikita sa likuran ko. Nakatingin pa rin kasi siya sa mukha ko. Baritono ang boses niya at malumanay. Nakakakalma. Halatang may pinag-aralan at may kaya sa buhay. Medyo nakahinga na ako ng maluwag. Kasi mukhang sa malayo lang siya intimidating pero ngayong malapit kami sa isa’t isa napansin kong mabait talaga ang kislap ng mga mata niya. Tipid akong ngumiti. “Ahm, heavy meal ba ang gusto mo o light meal lang?” Inisa-isa ko sa kaniya ang ino-offer naming pagkain. Habang nagsasalita ako nakikita ko naman na nakikinig talaga sa akin ang lalaki. Nang matapos akong magsalita tumango pa siya. “Then I’ll have two orders of burger and fries? Iyon ang matagal maubos hindi ba?” “Yes, sir.” “Iyon na lang. Matagal pa kaming mananatili dito…” Sumulyap siya sa nametag ko bago muling inangat ang tingin sa mukha ko at tipid na ngumiti. “Ayesha.” May nangyari sa akin na noon ko lang naramdaman sa buong buhay ko. Parang may lumipad na mga paru-paro sa sikmura ko. Ilang segundo pa tuloy bago ako nakapagsalita. “Okay sir.”  I-pi-nunch ko ang order niya. Nang matapos kong makuha ang bayad at maibigay ang order ng lalaki pasimple akong napabuntong hininga. Lalo na nang makalayo na siya at bumalik na sa lamesang okupado ng kasama niya. Wala sa loob na napahawak ako sa sikmura ko, pinapakiramdaman kung naroon pa rin ang parang mga paru-parong nagliliparan doon na katulad kanina. Unti-unti na iyong nakakalma. Nakahinga ako ng maluwag. Hindi ko sigurado kung makakaya kong magtrabaho ng maayos na ganoon ang pakiramdam sa sikmura ko. “Huy, Ayesha. Next customer,” siko sa akin ng crew na katabi ko. Napaigtad ako at muling bumaling sa pila sa harapan ko. Sandali pa itinuon ko na ang atensiyon ko sa trabaho.   NAG-INAT ako nang sa wakas bumalik na ako sa staff room namin para makapagpalit ng damit. Alas diyes na kasi ng gabi at tapos na ang shift ko. Bago magbihis nag-send muna ako ng mabilis na text message kay mama para alam niya na pauwi na ako. Sandali lang akong nag-ayos at lumabas na rin ng staff room. Nagpaalam ako sa mga kasamahan ko na hindi pa tapos ang shift.  Bago ako lumabas ng fastfood chain wala sa loob na sumulyap ako sa lamesa kung nasaan kanina ang dalawang lalaki naming customer. Wala na sila. Kumunot ang noo ko. Kanina lang kasi bago ako pumasok sa staff room nakaupo pa rin sila doon. Nagulat pa nga kami na ilang oras silang tumambay doon na parang may hinihintay. Hay naku. Bakit ba masyado ko silang iniisip? Dala din ba iyon ng curiousity na katulad ng nararamdaman ko para kay sir Angus? Umiling ako at lumabas na lang ng fastfood chain. Kailangan ko na makasakay ng jeep pauwi. Nakailang hakbang pa lang ako palayo sa kainan at kaliliko ko pa lang sa gilid ‘non dahil doon ang daan papunta sa sakayan ng jeep napahinto na ako sa biglang humarang sa akin. Nanlaki ang mga mata ko nang makilala ko ang humarang sa akin – ang lalaking kasama ng guwapong customer. Kahit hindi masyadong maliwanag sa kinatatayuan namin madali ko siyang nakilala. Napaatras ako. “Excuse me?” sabi ko sa kaniya dahil hindi naman siya nagsasalita. Nakatayo lang doon. May narinig ako na pagbukas sara ng pinto ng kotse. Lumingon ako. Saka ko napansin ang itim na mamahaling sasakyan na naka-park malapit sa akin. Bumaba mula roon ang guwapong lalaki na tumawag sa pangalan ko kanina. “Ayesha Querol,” sabi ng lalaki. Naglakad siya palapit sa akin. Gumilid ang kanina humarang sa akin. Habang ang guwapong lalaki naman huminto sa mismong harap ko. Ngumiti siya. “Ako si Cain Alpuerto,” pakilala niya. Natigilan ako at nagtatakang napatingin sa kaniya. “Bakit alam mo ang buong pangalan ko?” tanong ko himbis na abutin ang pakikipagkamay niya. Hindi nawala ang ngiti sa mga labi ng nagpakilalang Cain. Sinalubong niya ng tingin ang mga mata ko. “Kilala kita. After all, I am going to be your husband.” Napanganga ako at nanlaki ang mga mata ko. “Ano?!”  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD