(Ayesha)
MARAMING pangyayari sa nakaraan ang matagal nang nabura sa kasaysayan. Ang mga alamat akala ng lahat kathang isip lang. Pero walang kuwento na purong gawa-gawa lang. Kahit na ang mga bagay na akala mo malabong may katotohanan siguradong may pinanggalingan. Kaya dapat kinikilatis muna ang mga kuwentong naririnig bago magdesisyon kung totoo ba iyon o kathang isip lang.
At kung may kakaiba ka mang madiskubre lalo na tungkol sa iyong sarili, dapat mong pag-isipang mabuti kung kanino mo sasabihin ang tungkol doon. Lalo na sa panahon ngayon na hindi na pinaniniwalaan ng mga tao ang mga kakaibang kuwento. Kung ayaw mong mapagtawanan o masabihang may sayad dapat mong alamin kung sino ang taong mapagkakatiwalaan mo.
Iyon ang palaging sinasabi sa akin ng nanay ko bata pa lang ako. Noong maliit pa ako hindi ko masyadong maintindihan kung bakit seryoso siya kapag sinasabi iyon. Pero ngayon iba na ang kaso. Ngayon alam ko nang hindi lang basta kuwento para makatulog ako sa gabi ang mga pangaral niya. Nalaman ko iyon noong una kong mapansin na mayroon akong kakaibang abilidad. Isang nakakatakot na abilidad.
May mga panaginip ako na nagkakatotoo. Hindi naman nangyayari na eksakto sa napanaginipan ko pero iyong tipong parang babala. Madalas nawawala sa isip ko ang isang panaginip pero pagkalipas ng ilang araw o kaya ilang linggo biglang may nangyayari na magpapaalala sa akin na napanaginipan ko na ang sandaling iyon kailan lang. At habang lumilipas ang mga taon, kahit bihira lang dumating ang panaginip na nagkakatotoo patindi naman ng patindi ang bigat at kaseryosohan ng mga panaginip na iyon. Kaya sa totoo lang natatakot ako kapag nananaginip ako.
Lalo na ngayon na nagising ako mula sa isang panaginip na hindi ko maipaliwanag kung maganda ba o hindi. Basta nang magmulat ako ng mga mata habol ko na ang hininga ko at mabilis na ang t***k ng puso ko. Ni hindi ko magawang kumilos mula sa pagkakahiga sa kama. Parang ang bigat ng katawan ko. At kahit na pilit kong binabalikan sa isip ko ang panaginip hindi na malinaw sa akin ang mga eksena.
Ang tanging nanatili lang sa isip ko ay ang imahe ng isang lalaki. Hindi ko na matandaan kung ano ang ginagawa ng lalaking iyon o kung ano ang ginagawa ko sa panaginip ko. Ang alam ko lang hindi iyon ang unang beses na napanaginipan ko ang eksenang iyon. Ilang araw na akong dinadalaw ng lalaking iyon sa panaginip.
Kumurap ako nang may kumatok sa pinto ng kuwarto ko. “Ayesha, gising ka na ba? Maaga ang umpisa ng klase mo ngayong araw hindi ba? Ang sabi mo may exam ka.”
Nawala ang pamimigat ng pakiramdam ko at mabilis na bumangon. “Anong oras na po?”
Bumukas ang pinto ng kuwarto ko at sumungaw ang aking ina. Namaywang siya at amused na umangat ang mga kilay. May munting ngiti rin sa mga labi niya. “Alas siyete na ng umaga.”
Nanlaki ang mga mata ko at marahas na napaungol. “Mama! Bakit hindi mo ako ginising agad. Alas nuwebe ang pasok ko.”
Niluwagan ng mama ko ang pinto at gumilid paiwas nang humahangos akong tumakbo palabas para magpunta sa banyo at maligo.
“Kanina pa kaya kita kinakatok, ayaw mo magising,” habol ni mama.
Napangiwi na lang ako at tuluyang pumasok sa banyo. Ngayon tuloy ako nagpapasalamat na maliit lang ang apartment na nirerentahan namin ni mama. Malapit lang ang banyo sa kuwarto ko. Katunayan, magkadikit lang ang kuwarto namin ni mama at mula sa hallway pagkalabas ng banyo matatanaw na rin ang sala at kusina namin. Maliit ang bahay at hindi pa kami ang may-ari. Pero balang araw, gusto kong makabili ng sarili kong bahay at lupa at mabigyan ng mas magandang buhay si mama. Dahil doon kaya ginagawa ko ang lahat ng makakaya ko para makapagtapos ng kolehiyo at magkaroon ng magandang trabaho.
“Ayesha, nagluto ako ng almusal. Kumain muna tayo bago ka pumasok ha?” sigaw ni mama mula sa labas ng banyo.
“Opo!”
Mabilis lang akong nag-toothbrush at naligo. Makalipas ang ilang minuto lumabas ako ng banyo na nakatapis ng tuwalya at bumalik sa kuwarto ko para magbihis. Simpleng blouse, jeans at sneakers ang isinuot ko. Nagsuklay at nag polbo lang ako pagkatapos hinablot ko ang backpack at lumabas ulit ng kuwarto.
“Anong oras ang uwi mo mamaya?” tanong ni mama habang kumakain na kami ng almusal. Sinangag, itlog at mainit na kape.
“Gabi na, mama. May part-time job ako mamayang hapon. Hanggang alas diyes iyon ng gabi.”
Bumakas ang pag-aalala sa mukha ni mama. “Hindi mo naman kasi kailangan mag-part-time job. Kaya ko naman magtrabaho para sa ating dalawa. Hindi ako komportable na inaabot ka ng gabi sa labas.”
Napahinto ako sa pagsubo ng kanin at napatitig sa mukha niya. “Ma, hindi na po ako bata. Ilang buwan na lang eighteen years old na ako.” Pinagaan ko pa ang tinig at ngumiti pa ako para mawala na ang pag-aalala niya.
May kung ano sa sinabi ko ang parang lalong ikinabahala ni mama. Bata pa ako overprotective na sa akin si mama. Pero habang tumatanda ako, himbis na maging maluwag siya sa akin mas lalo pa siyang nagiging mahigpit. At nitong mga nakaraang buwan, may napapansin akong kahalo ng overprotectiveness na iyon. Takot. Pero para saan? At bakit?
Bumuntong hininga si mama. “Basta mag-text ka sa akin kung nasaan ka at anong ginagawa mo ha?”
Ngumiti na ako at tumango. Binilisan ko na ang pagkain at tumayo na sa hapagkainan. “Aalis na po ako.” Lumapit ako kay mama at hinalikan siya sa pisngi.
Niyakap niya ako. “Good luck sa exam.”
“Good luck din po sa trabaho. At sa mga nanliligaw,” biro ko.
Natawa si mama at pinalo ako sa balikat. “Tumigil ka nga. Wala na akong balak mag-asawa uli.”
Umangat ang mga kilay ko at lumayo. “Bakit naman mama? Bata ka pa naman. Sigurado rin ako na hindi mamasamain ni papa kung makakakita ka uli ng taong mamahalin mo at magmamahal sa iyo.”
May sumilay na malungkot na ngiti sa mga labi niya habang nakatingin sa akin. “Alam ko. Pero hindi na ako magmamahal uli, Ayesha. Isa iyon sa katangian na mayroon ang bawat babae sa pamilya natin. Isang beses lang tayo magmamahal ng tunay at kahit anong mangyari ang lalaking iyon lang ang mamahalin natin hanggang sa huli nating hininga.”
Kapag ganoon na ang sinasabi ni mama wala na akong maisagot. Napabuntong hininga na lang tuloy ako at ngumiti. “Sige na nga. Papasok na po ako. Bye.”
Saka lang nawala ang ngiti ko nang makalabas na ako sa bahay namin. Humugot ako ng malalim na paghinga at nagsimulang maglakad patungo sa sakayan ng jeep. Ilang minuto lang ang layo ‘non mula sa bahay namin.
Bigla kong naalala ang sinabi ni mama. Tungkol sa isang beses lang daw nagmamahal ang mga babae sa pamilya namin. Bihira magbanggit si mama ng tungkol sa pamilya niya. Ang alam ko lang nagtanan daw sila ni papa noong seventeen years old pa lang siya. Ang sabi lang niya sa akin tinalikuran daw niya ang lahat ng mayroon siya para kay papa at kahit kailan daw hindi siya nagsisi sa desisyon niyang ‘yon. Kahit pa maagang namatay si papa at iniwan kaming dalawa.
Parang may lumamutak sa puso ko nang maalala ‘yon. Pitong taon na ang lumipas pero may mga sandali pa rin na tinatamaan ako ng lungkot at parang gusto kong umiyak kapag naaalala ko si papa. Lalo na kapag naalala ko na kung mas naging malakas lang ang pakiramdam ko, kung naging aware lang sana ako agad sa abilidad ko baka may nagawa ako para sana kasama pa rin namin siya hanggang ngayon. Alam ko na magagalit si mama kapag nalaman niya na minsan hindi ko maiwasan sisihin ang sarili ko. Kaya hindi ko na lang sinasabi sa kaniya.
Ilang araw bago namatay si papa, naging laman siya ng mga panaginip ko. Sampung taon ako noon. Gabi gabi akong nagigising na umiiyak. Hagulgol pa nga na naririnig sa kuwarto ng mga magulang ko. At kapag pumasok na si mama at papa sa kuwarto ko at nakita ko ang mukha ni papa, na okay siya, lalo lang akong umiiyak noon. Pero dahil takot na takot ako sa panaginip na gabi-gabing dumadalaw sa akin hindi ko sinabi sa kanila kung ano iyon. Basta palagi ko lang sinasabi na bangungot iyon.
“Hindi ka pa lang yata sanay na matulog na mag-isa kaya nakakapanaginip ka ng masama. Huwag ka na umiyak, Ayesha,” palaging pabirong alo sa akin ni papa noon na hihiga pa sa kama ko at yayakapin ako. Bagong lipat lang kasi kami noon sa apartment kung saan kami nakatira ngayon. Naisip kasi nila na nasa tamang edad na ako para matulog na mag-isa.
Kapag ganoon agad akong yumayakap sa kaniya at isinusubsob ang mukha sa dibdib niya. Gustong gusto ko ang amoy ni papa. Amoy grasa dahil sa talyer siya nagtatrabaho at amoy sabong pampaligo. Higit sa lahat, kapag ganoon ako kalapit sa kaniya alam kong buhay siya. Na walang nangyaring masama sa kaniya na katulad sa panaginip ko.
“Dito na lang kayo ni mama matulog, papa,” palagi kong pakiusap sa kanila noon. At para talagang hindi sila umalis sa kuwarto ko mahigpit akong yumayakap kay papa at hindi bumibitaw. Kapag ganoon alam kong nagkakatinginan ang mga magulang ko dahil naririnig ko silang tumatawa at sumasangayon sa gusto ko.
“Sige na nga. Pero bukas, hindi na ha?” malambing na sinasabi ni mama bago humiga sa kabilang panig ng kama. Kapag napapagitnaan na nila ako noon unti-unti na akong kumakalma. Unti-unting nawawala sa isip ko ang bangungot ko. Naiisip ko noon na malabong magkatotoo iyon. Na panaginip lang ang lahat. Dahil imposibleng basta na lang mawala sa buhay ko si papa. Na imposibleng masira ang pamilya ko na kahit hindi man sagana sa buhay masaya naman dahil nagmamahalan ang mga magulang ko.
Pero ilang araw ang lumipas, namatay sa isang aksidente si papa. Sakay siya ng motorsiklo papunta sa talyer kung saan siya nagtatrabaho isang umaga. Sa pinaka-sentro pa ng Tala – ang bayan kung saan kami nakatira - matatagpuan ang talyer at kailangan tumawid sa tulay na isang sasakyan lang ang kasya. Malalim na bangin ang nasa magkabilang panig ng daan na iyon. Sa pinakailalim ‘non umaagos ang isang ilog na ang tubig ay patungo sa malawak na karagatan sa kabilang bahagi ng bayan ng Tala, sa likod ng mahaba at mataas na kabundukan.
Malakas ang ulan ng araw na iyon pero pinili pa rin ni papa na pumasok sa talyer. Madulas daw ang daan at malamang nawalan siya ng kontrol sa motor sabi ng mga nag-rescue. Dumausdos daw siya pababa sa bangin. At dahil malakas ang ulan kinabukasan pa siya nadiskubre. Wala ng buhay. Hindi rin sa bangin natagpuan ang katawan niya kung hindi sa dalampasigan sa kabilang panig ng Tala, ilang metro ang layo mula sa tubig. Inanod daw ng malakas na agos ang katawan ni papa. Masuwerte pa nga raw kami na natagpuan pa siya. Na para bang may kung sinong kumuha sa kaniya sa dagat at inilagay sa bahaging madaling makikita ng mga tao.
Katulad na katulad sa bangungot na dinadalaw ako sa pagtulog nang nakaraang mga araw bago ang aksidente. Noon ko nasiguro na talagang may mga panaginip ako na nagkakatotoo. Na kapag paulit-ulit akong dinadalaw ng panaginip na iyon sigurado na mangyayari iyon sa malapit na hinaharap.
Kaya nga nababahala ako na ilang gabi ko nang napapanaginipan ang isang lalaki. Hindi ko naman alam kung ano ang ginagawa niya sa panaginip ko. Basta nakatayo lang siya sa hindi kalayuan. Para bang… pangitain. Hindi ko tuloy maiwasang mapaisip kung may nakatakda ba akong makilala at kung ano ang magiging papel niya sa buhay ko.
Natigilan ako sa pag-iisip nang may maramdaman akong kakaiba. Ilang hakbang na lang ako mula sa nakaparadang jeep na sasakyan ko papunta sa bayan kung nasaan ang kolehiyo na pinapasukan ko. Para kasing may nakasunod ng tingin sa akin. Nagpalinga-linga ako, hinahanap ang kung sino mang nakatingin sa akin. Pero wala akong nakitang kahina-hinalang tao sa paligid. Katunayan, kumpara naman sa ibang lugar at lalong kumpara sa siyudad mas tahimik sa lugar namin. Baka guni-guni ko lang na may nakatingin sa akin.
Napabuntong hininga na lang ako ulit. Binilisan ko ang paglalakad patungo sa jeep. Mas mabuting isipin ko na lang ang mga posibleng tanong sa mga exam ko kaysa ma-paranoid.