CHAPTER 5

2357 Words
“AKALA siguro ng lalaking 'yon na mauuto ako!” Tinitigan ko ang lalaki habang palabas ito ng bakuran. “Ate!” tawag ni Harry. Lumingon ako. “Bakit?” “Nasaan na ang kaibigan mo?” “Umalis na siya kanina.” “Ate, umutang ka na ba ng pera sa kanya?” Kumunot ang noo ko. “Bakit naman ako mangungutang sa lalaking 'yon?” “Mukhang mayaman ang kaibigan mo, dapat umutang ka ng pera para may pangbayad tayo sa kuryente at tubig.” “Hindi ako mangungutang sa lalaking 'yon.” “Bakit naman?” Namewang ako sa kanya. “Puwede ba, Harry, 'wag mo akong utusan!” “Bakit ka naman nagagalit sa akin? Ang init na agad ng ulo mo.” “Hays!” Tumalikod ako at pumasok sa kuwarto ko. Napansin ko ang laptop ko. Bigla kong naalala na ilang araw na pala akong hindi nakakapagsulat ng kuwento. Kailangan kong mag-update dahil inaantay na ako ng mga readers ko. Kinuha ko ang laptop at binuksan ito upang tingnan kung maraming nagbasa ng bago kong kuwento. “Ano ba 'to, masyado namang pakipot ang babae!” “Ang korni naman ng kuwento, hindi man lang nagkaroon ng pagkakataon na makahalik ang ML sa bidang lalaki. Ang dami nang nagastos ng lalaki, kahit kiss wala.” “Siguro, conservative ang author kaya ganito ang kuwento.” “Grabe naman sila. Ano bang gusto nila, maghalikan agad ang bida? Nakakaasar!” Imbes na ganahan akong magsulat, mas lalo akong nawalan ng gana. Napansin kong may mensahe ako sa inbox ko kaya agad ko itong binuksan. “Sino kaya ito?” “Hello, I’m Rosita Ong from LGGC Network. I’ve read some of your stories, and I really enjoyed them. I’m interested in adapting one of them into a film so that more people can appreciate it. If you’re open to having your story adapted, please let me know. I’m offering fifty thousand pesos for your work, with additional bonuses depending on what we discuss.” Hindi ko na natapos basahin ang sinabi niya dahil nagtatalon at sumigaw ako sa tuwa. “Ang galing ko! Ang galing ko talaga!” Bumukas ang pinto at pumasok si Harry. “Anong nangyayari sa 'yo?” “Harry, magiging pelikula na ang kuwento kong sinulat!” Kumunot ang noo ni Harry. “Ate, may sakit ka ba?” “Totoo ang sinabi ko! Magiging pelikula na ang isa sa mga kuwento ko!” “Paano naman mangyayari 'yon? Dalawang libo lang ang nagbasa ng kuwento mo, puro basher pa ang nag-comment.” “Teka, paano mo nalaman ang tungkol sa reads ng kuwento ko?” “’Diba sinabi mo na basahin ko ang kuwento mo sa tuwing nag-a-update ka?” “Oo nga pala.” “Huwag ka nang mangarap nang gising dahil hindi mangyayari na kukunin ng isang TV Network.” “Bahala ka nga kung ayaw mong maniwala basta masaya ako dahil magiging pelikula na ang libro ko.” “Diyan ka na nga!” Tumalikod si Harry at umalis. Agad akong nag-reply sa email sa akin. “Sabi ko na nga ba magaling akong writer,” bulong ko. Binigay ko ang contact number ko upang makausap siya. Marami rin kasi akong gustong itanong sa kanya. “Hello, Miss SexyLola@69!” wika ng staff ng LGGC Network. Kulang na lang lumundag ang puso ko sa sobrang tuwa. Totoo na talaga ito dahil kausap ko na siya. “Hello, Ma’am.” “Ikaw si SexyLola@69, right?” “Yes, Ma’am, Pen name ko po ‘yon, pero ang pangalan ko ay Halley.” “Hello, Halley, nabasa ko ang story mo at nagustuhan ko ito. Gusto sanang maging adaption ang isang sinulat mo.” “Alin po sa mga sinulat ko?” “Yung title na ‘My first kiss,’ ang ganda kasi ng flow ng story.” “Talaga po!” “Okay lang ba?” “Syempre naman po! Gustong-gusto ko.” “Good. Available ka bukas para sa sign of contract?” “Opo! A-anong oras po ba?” nabubulol kong sagot dahil sa tuwa. “Magkita tayo sa Cate Coffee shop sa Makati. Puwede mo siyang i-google map para hindi ka maligaw.” “Yes, Ma’am Rosita.” “Okay, see you tomorrow.” “Thank you!” Nang matapos naming mag-usap, sumigaw ako sa tuwa. Hindi na ako pinansin ng kapatid kong si Halley, pero kung nandito si Nanay, baka hinampas na ako ng hanger. Lumabas ako ng bahay para mangutang ng pamasahe sa landlady namin. Wala kasi si Betina sa bahay nila ngayon kaya hindi ako makakautang sa kanya. “Aling Aroh, pautang naman po ng dalawang daan para sa pamasahe ko bukas,” sabi ko. Nameywang si Aling Aroh at tinaasan ako ng kilay. “Abah! Hindi na kayo nakakabayad ng utang, gusto mo pang umutang sa akin!” “Babayaran ko lahat ng utang namin sa inyo pagbalik ko.” “Saan ka naman kukuha ng pambayad?” “May trabaho na ako.” Pang-asar na tumawa si Aling Aroh. “Halley, gasgas na ‘yang palusot na ‘yan. Wala bang bago?” Napakamot ako sa ulo. “Magbabayad talaga ako bukas kapag nakauwi ako.” “Aroh, baka bibigyan siya ng lalaking may kotse kanina,” wika ng asawa niya. “Oo nga pala, may lalaking naghahanap sa’yo kanina. Nagkausap na ba kayo?” wika ni Aling Aroh. Tumango ako. “Nakausap ko na siya at papahiramin niya ako ng malaking pera bukas. Wala kasi siyang dalang pera kanina kaya pinapupunta na lang niya ako bukas sa opisina niya,” pagsisinungaling ko. Ginatungan ko na lang ang pagiging marites nilang mag-asawa para pautangin ako ng pera. “Sige, papautangin kita basta babayaran mo agad.” “Opo, babayaran kita agad. Puwede bang samahan mo na rin ng noodles at sardinas?” “Humirit ka pa! Kapag hindi mo talaga ako binayaran bukas, papalayasin ko kayo.” “Huwag kayong mag-alala, babayaran ko kayo agad,” sagot ko. “Mabuti naman kung gano’n.” Nang mabigay niya ang inutang kong pera at pagkain, bumalik na ako sa bahay namin. “Ate, bakit may dala kang delata?” tanong ni Harry. “Inutang ko kay Aling Aroh.” “Pinautang ka niya?” “Oo, babayaran ko rin naman bukas ang utang ko.” “Saan ka kukuha ng pera?” “Manghoholdap ako ng bangko.” “Lagot ka kay Nanay.” Inirapan ko siya. “Mas naniniwala ka talaga na maghoholdap ako ng bangko kaysa magiging pelikula na ang story ko?” “Mas kapani-paniwala kasi ‘yon.” “Kunin mo na itong pagkain at baka ibato ko pa sa’yo sa inis.” “Saan ka nga kukuha ng pangbayad kay Aling Aroh?” “Sinabi ko na sa’yo na babayaran ako sa sinulat kong kwento. Ayaw mo naman maniwala sa akin.” “Sige, hindi na ako magtatanong, baka makasama pa sa mental health mo.” “Abah! Bwiset!” sigaw ko. Kinagabihan ay sinabi ko kay Nanay ang tungkol sa magandang balita sa akin, ngunit tulad ni Harry, hindi siya naniniwala sa akin. Hindi ko na lang inulit sa kanila ang tungkol doon. Sanay naman ako na wala silang tiwala sa akin. Hindi rin nila gusto ang ginagawa kong pagsusulat. “Halley, bakit maaga kang nagising?” tanong ni Nanay nang makita niya akong lumabas ng kuwarto ng alas-sais ng umaga. “May pupuntahan akong meeting ngayon.” “Sa trabaho ba ‘yan?” “Opo, alas-diyes ng umaga ang meeting.” “Wala akong maibibigay sa’yo na pamasahe.” “May pamasahe na ako.” “Mabuti naman. Sana nga makahanap ka ng trabaho para makabayad tayo sa mga utang natin.” “Pag-uwi ko, babayaran ko ang utang natin.” “Ay, sige, kumilos ka na at baka maabutan ka sa traffic.” Dumiretso ako sa loob ng kuwarto para magbihis. Excited ako ngayong araw dahil ang sabi sa akin ni Ma’am Rosita, ibibigay nila sa akin ang advance p*****t para sa sinulat kong kwento. Hindi pa nagbubukas ang coffee shop ay naghihintay na ako sa labas. Sinadya ko talagang agahan para sigurong makukuha ko ang pera na ibabayad sa akin. Nang sumapit ang alas-nueve ng umaga, bumukas na ang coffee shop, ngunit hindi pa rin ako pumapasok sa loob dahil wala pa akong kausap ko na si Ma’am Rosita. “Sana maaga siyang dumating. Nagrereklamo ang bulate ko sa tiyan?” Kanina ko pa iniisip ang bibilhin kong pagkain. Gusto ko kasing bumili sa paborito kong fast-food chain noong bata ako. Simula nang magkasakit si Tatay, hindi na ako nakatikim. Halos nakalimutan ko na rin ang lasa. “Miss Halley?” Isang babae na nasa edad trenta ang nakita ko. Maputi siya, payat, at mahaba ang buhok. Ngumiti ako. “Paano n’yo ako nakilala?” Ngumiti siya. “Ako si Rosita. Sinabi mo sa akin kung anong kulay ng suot mo.” Napakamot ako sa ulo. “Oo nga pala.” “Pumasok na tayo sa loob.” Nauna siyang pumasok at sumunod naman ako. Nang nasa loob na kami ng coffee shop, um-order agad siya ng pagkain. “Ma’am, wala akong pambayad,” sabi ko. Sinabi ko na agad na wala akong pera, baka may ambagan kaming dalawa. Ngumiti siya. “It’s my treat.” “Salamat po.” Habang naghihintay kami ng order, pinag-usapan namin ang tungkol sa kwento na sinulat ko. “Halley, kailangan muna nating gawing libro ang kwento para makilala sa market. Pagkatapos, gagawin namin itong pelikula.” “Talaga po!” Tumango siya. “Kailangan munang makilala ang kuwento mo bago gawin pelikula.” “Okay lang sa akin kahit ano.” “Huwag kang mag-alala dahil sa ‘yo pa rin ang copyright ng story mo.” “Salamat po.” Kinuha niya ang kontrata sa bag niya at ballpen. “Gagawin namin isang daang libo ang bayad sa kuwento mo. Ibibigay namin ang kalahati ng bayad ngayon, at kapag nagsimula na ang pelikula, ibibigay naman sa ‘yo ang karagdagang bayad.” Pakiramdam ko'y lumaki ang tenga ko sa sinabi niya. Hindi ko na masyadong inintindi ang tungkol sa plano nila sa sinulat kong kuwento. Nag-focus na ang utak ko sa limampung libong pisong mauuwi ko sa pamilya ko. Makakabayad na kami ng lahat ng utang namin. “Miss Halley, are you with me?” “Yes!” Kinuha ko ang ballpen at pinirmahan ko ang kontrata. “Bakit hindi mo binasa ang kontrata?” “Gusto ko na kasi mahawakan ng pera.” “Ha?” “Ah... M-may tiwala naman ako sa inyo,” alibi ko. “Okay. Ito nga pala ang unang bayad sa iyo. Ibigay mo na lang sa akin ang buong kwento para umpisahan na ang major edit. Ang dami kasing loophole na nakita ko.” “Feeling ko nagkulay puso ang mga mata ko nang makita ko ang tseke.” Fifty thousand pesos! Ngayon lang ako nakakita ng ganito. “Hindi ba ito tatalbog?” tanong ko. “Hindi ako magsasayang ng oras kung tatalbog ‘yan.” Mabilis kong nilagay sa loob ng bag ang tseke. “Salamat.” “Kumain muna tayo.” Binilisan ko ang pagkain para makauwi na ako. Excited na akong mapapalitan ang pera para makabili ng grocery at pagkain namin. “Aling Aroh, magkano lahat ng utang namin, kasama na ang balanse namin sa bahay?” tanong ko sa kanya nang nakataas pa ang kilay. “Mukhang totoo ngang may pambayad ka na.” “Sinabi ko naman sa'yo na may pera ako. Mag-a-advance na rin ako ng bayad ng dalawang buwan sa bahay para kuryente at tubig na lang ang iisipin namin.” “Twenty-two thousand and thirty pesos lahat ng utang n’yo sa akin.” “Sige, babayaran ko na lahat.” Nilabas ko ang pera at ibinigay sa kanya. “Wala na kaming utang sa inyo.” “Sa wakas, matapos ang isang taon, nabayaran n’yo na rin lahat ng utang n’yo sa akin.” “Salamat po ulit.” “Halley, ‘yung guwapong lalaki ba ang nagbigay ng pambayad sa’yo?” “Opo, kaibigan ko siya," pagsisinungaling ko. “Huwag mo nang pakawalan ang kaibigan mo. Bihira na ang magkaroon ng kaibigan na nagpapautang ng malaking pera.” Tumango ako bilang tugon. Ayoko nang pag-usapan ang tungkol sa manyak na lalaking ‘yon. Nang umuwi ako sa bahay, gulat na gulat si Harry at si Nanay nang makita akong may dalang pasalubong na masarap na pagkain para sa kanila. “Ate, para kanino ‘yan?” tanong ni Harry. “Para sa atin ito. Pasalubong ko sa inyo,” sagot ko. “Saan ka kumuha ng pera?” tanong ni Nanay. “Binili nila ang sinulat kong kuwento. Gagawin itong libro at pelikula.” “Totoo ba ‘yan?” tanong ni Nanay, hindi makapaniwala. “Nagbigay sila sa akin ng limampung libong piso para sa advance p*****t. Binayaran ko ang lahat ng utang natin kay Aling Aroh.” Lumapad ang ngiti ni Nanay. “May silbi pala ‘yan pagsusulat mo.” “Sabi ko naman sa inyo magaling akong magsulat.” “Ate, akin na ‘yan, kakain na ako,” wika ni Harry. Kumuha lang ako ng dalawang libo para pambayad kay Betina. Ang natira, binigay ko lahat kay Nanay. “Makakabayad na tayo ng mga utang natin. Marami na rin tayong mabibiling grocery,” wika ni Nanay. “Nay, dalawang sako ng bigas ang bilhin mo, pati na rin ang mga gamot ni Tatay,” sabi ko. “Oo, pangtatlong buwan na gamot ang bibilhin ko para hindi na natin iniintindi ang gamot niya. Ipapa-check up ko na rin siya bukas.” Ngumiti ako. “Kumain na tayo,” sabi ko. “Ate, magsulat ka pa ng marami para marami tayong pera,” wika ni Harry. Hindi ko maipaliwanag ang tuwang nararamdaman ko habang nakatingin sa kanila. Ngayon ko lang nakita si Nanay na masaya—hindi iniisip kung saan kukuha ng pambili ng pagkain para sa susunod na buwan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD