CHAPTER 3

3173 Words
“Harry, bakit malungkot si Nanay?” tanong ko sa kapatid ko nang makita kong nakatulala si Nanay sa harap ng bintana. Tumingin si Harry kay Nanay bago nagsalita. “Naniningil na naman si Aling Aroh. Kapag hindi raw tayo nakabayad ng upa hanggang bukas, palalayasin na nila tayo.” “Ha? Puwede naman sigurong pakiusapan.” “Ate Halley, hindi na pumapayag si Aling Aroh sa pakiusap. Ilang buwan na tayong hindi nagbabayad. Nagalit pa siya dahil muntik nang maputol ang kuryente at tubig kanina. Napilitan si Aling Aroh na bayaran iyon dahil sa kanya naka-pangalan ang mga ito. Galit na galit siya nang pumunta rito.” Bumuntong-hininga ako. “Si Tatay?” “Nasa loob ng kuwarto. Umiyak siya nang pumunta rito si Aling Aroh.” “Huwag kang mag-alala, gagawa ako ng paraan para makabayad tayo ng upa at kuryente.” “Ate, masama ang magnakaw.” “Gago! Hindi ako magnanakaw!” “Eh, paano ka naman makakahanap ng pambayad?” “Basta! Hahanap ako ng paraan para magkapera.” “Huwag kang gagawa ng masama.” “Wala ka bang tiwala sa akin?” “Wala!” Binatukan ko siya. “Bwiset ka!” “Aray!” “Diyan ka na nga!” Tumalikod ako at lumabas ng bahay. Hindi rin ako puwedeng tumunganga sa bahay dahil siguradong pag-iinitan ako ni Nanay. “Aling Rosie, nandiyan ba si Betina?” tanong ko. “Nasa loob ng kuwarto niya.” “Puwede ko bang puntahan?” “Sige, puntahan mo na.” Dumiretso ako sa loob ng bahay nila at pinuntahan si Betina sa kuwarto niya. Dahan-dahan akong kumatok. “Betina!” Wala pang isang minuto ay bumukas na ang pinto. “Oh, bakit ka nandito?” Nakita kong kasalukuyan siyang nagtatanggal ng makeup. Pumasok ako sa loob ng kuwarto niya. “May malaking problema ako.” “Oh, anong bago?” Napakamot ako sa ulo. “Alam kong marami akong problema, pero itong problema ko ngayon ay kailangan ng agarang solusyon. Si Aling Aroh, paaalisin na kami sa bahay kapag hindi kami nakapagbayad ng upa, kuryente, at tubig.” “Wala akong malaking pera na ipapautang sa ‘yo.” “Alam ko naman ‘yon. Gusto ko sanang tulungan mo akong makahanap ng trabaho.” Tumaas ang kilay niya. “Gusto mong maging pokpok?” “Siyempre, ayoko.” “Iyon lang ang easy money na makakakuha ka ng malaking pera na pambayad sa utang n’yo.” “Wala bang kahit janitres o kaya serbidora?” “Walang bakanteng trabaho sa amin.” “Sige na, ipasok mo ako kahit isang buwan lang.” “Sandali, tatawagan ko si Tita Asta.” Kinuha niya ang telepono at nakipag-usap sa kasamahan niya sa trabaho. “Walang bakanteng trabaho, pero may iaalok ako sa ‘yo.” “Ano ‘yon?” “Nag-back out ang isang call girl namin sa isang customer dahil darating daw ang boyfriend niyang afam ngayon. Kung gusto mo, ikaw na lang ang sumalo sa booking niya.” “Anong booking?” “Gagawin kang birthday gift sa isang customer.” “Ibabalot ako? Paano ako makakahinga?” Napakamot sa ulo si Betina. “Hindi ka naman ibabalot na parang regalo. Ilalagay ka lang sa malaking box. Pagkatapos, lalabas ka doon at sasayaw ng sexy. Nakasuot ka lang ng two-piece bikini.” “Ha?” “Limang libo ang bayad ng kliyente, depende pa kung may extra service.” “Extra service? Iyon yung yayain kang makipag-s*x ng lalaki?” Tumango siya. “Depende sa ‘yo kung papayag ka. Hindi na kumukuha ng porsyento si Tita Asta kung mag-extra service ka.” “Ayoko ng ganon!” “Ayaw mo ng trabaho?” Sandali akong nag-isip. “Kailangan ko ng pera.” “So, papayag ka na?” “Puwede bang walang extra service? Sasayaw lang ako.” “Puwede naman, pero kasya na ba ang limang libo na kikitain mo?” Umiling ako. “Hindi kasya, pero kakausapin ko na lang si Aling Aroh.” “Okay, sasabihin ko kay Tita Asta na payag kang sumayaw, pero walang extra service.” Tumango ako bilang tugon. Muling nakipag-usap si Betina sa tinatawag niyang Tita Asta. “Halley, wala nang bawian.” “Oo, hindi na ako aatras.” “Ihahatid kita sa lugar kung saan ka sasayaw, pero hindi na kita hihintayin matapos. May trabaho rin kasi ako mamayang gabi.” Tumango ako. “Puwede bang sabihin mo kay Aling Asta na i-advance ko 'yung bayad para mabigay ko na kay Aling Aroh?” “Naku, hindi papayag si Tita Asta.” Huminga ako nang malalim. “Sige, hihintayin ko na lang matapos ang trabaho ko.” Tinapik ako sa balikat ni Betina. “Good luck!” Isang tipid na ngiti ang tugon ko sa kanya. Nang matapos kaming mag-usap, dumiretso na ako sa bahay namin. Bumili ako ng bigas at tinapay dahil pinautang ako ni Betina ng dalawang daang piso. “Ate, saan ka nakautang ng pera?” tanong ni Harry. “Inutang ko kay Betina.” “Mabuti pa si Ate Betina, laging may pera.” “Huwag kang mag-alala, may booking ako mamayang gabi.” “Ha?” “May sideline akong trabaho mamayang gabi.” Lumingon sa paligid si Harry at bumulong sa akin, “Ate, magnanakaw ka?” Binatukan ko siya. “Baliw!” “Aray!” “Kung ano-ano ang iniisip mong masama. Hindi ako gagawa ng masama para lang makakain.” “Bakit naman kasi gabi ang trabaho mo?” Tinaasan ko siya ng kilay. “Walang oras na pinipili kapag trabaho. Ang daming trabaho na panggabi ngayon.” “Nagbibiro lang ako.” “Sus! Ang sabihin mo, hindi mo alam!” Kinuha niya ang isang tinapay at sinawsaw sa kape. “Sana nga magtuloy-tuloy na 'yang trabaho mo para makabayad na tayo sa utang natin.” “Huwag kang mag-alala dahil gagawin ko ang lahat para tulungan si Nanay.” “Tigilan mo na 'yang pagsusulat mo ng kuwento. Wala ka naman perang makukuha diyan.” “Balang araw, magiging sikat na writer din ako.” “Amen!” Bago ko pa siya mabatukan, umalis na siya. Tinimplahan ko naman ng juice si Tatay at binigyan ko siya ng tinapay para makapag-meryenda. Si Tatay ang dahilan kung bakit gusto kong makapagtrabaho agad. Sira na ang wheelchair niya at hindi siya nakakain ng masustansiyang pagkain dahil wala kaming pera. Gusto ko rin sana siyang ipa-therapy kung may pera. “Tay, may sideline akong trabaho mamayang gabi. Bukas pag-uwi ko, may pasalubong ako sa 'yong prutas.” Tumango siya bilang tugon sa akin. Sinubuan ko siya ng pagkain hanggang sa maubos niya ito. ALAS-SAIS pa lang ng hapon, pumunta na ako sa bahay ni Betina. Kailangan daw namin puntahan si Tita Asta para kunin ang bayad sa akin. Ang sabi niya ay nagbayad na raw ang kliyente ko ngayong gabi. “Halley, ang swerte mo dahil nagbayad agad ang kliyente mo,” wika ni Betina. Tumango ako. “Mas mapapanatag ang loob ko dahil hindi masasayang ang oras ko.” “Kung ako sa 'yo, magpa-extra service ka na para makabayad ka sa utang n'yo.” Umiling ako. “Hindi ko kayang makipagsiping sa lalaking hindi ko naman mahal.” “Ganyan din ako noon, pero dahil sa kahirapan, nagawa kong lunukin ang lahat. Ngayon, nasanay na akong gawin.” “Hindi ka ba nandidiri?” “Nakakadiri, pero wala naman akong pagpipilian.” “Hindi ko talaga kayang gawin ang ginagawa mo.” “Sabagay, nakapag-aral ka naman ng kolehiyo. May magandang buhay kang pupuntahan. Ako, hindi naman ako nakapagtapos ng high school.” “Puwede ka naman huminto kung gusto mo.” “Halley, ito na ang trabaho ko.” “Okay.” Hindi na kami nag-usap hanggang sa makarating kami sa bahay ni Tita Asta. “Betina, siya ba ang sinabi mo?” tanong ni Tita Asta. Yumuko ako habang pinagmamasdan niya ako mula ulo hanggang paa. “Oo, Tita Asta.” “Inday, virgin ka pa?” Tumingala ako. “Virgin pa ako.” Ngumiti siya. “Alam mo, Inday, kung gusto mo ng extra service, puwede mong presyuhan ng malaki ang pagkababae mo. Gusto ng mga parokyano ang birhen.” “Ah... Hindi po Inday ang pangalan ko. Isa pa, nagipit lang kami kaya napilitan akong pumasok sa ganitong trabaho. Hindi ako magpapa-extra service.” “Kahit kiss?” tanong ni Tita Asta. “Opo, kahit kiss, ayoko.” Nagkibit-balikat si Tita Asta. “Okay, Betina, ikaw na ang mag-makeup sa kanya. Ihatid mo rin siya sa condo ng kliyente.” “Okay, Tita Asta.” Lumapit sa akin si Betina at sinimulan niya akong lagyan ng makeup. Wala akong nagawa kundi tanggapin na lang ang lahat ng koloreteng nilagay nila sa akin. “Oh, pak!” wika ni Betina. Pinagmasdan ko ang mukha ko sa salamin. “Hindi ba masyadong makapal ang makeup ko? Para akong sinubson sa arina.” “Ganyan talaga ang makeup ng mga dancer, makakapal. Ang ganda mo nga sa makeup mo. Hindi ka naman nag-mukhang low class.” “Ito ang isuot mo,” wika ni Tita Asta. “Two-piece bikini?” tanong ko. “Oo, sasayaw ka ng ganyan ang suot mo.” “Akala ko may costume ako?” Tinaasan ako ng kilay ni Tita Asta. ”Halley, hindi children's party ang pupuntahan mo. Birthday party ng matandang lalaki.” Lumunok ako. “O-okay po.” Gusto ko sanang umatras, pero wala ng oras. Nanay ko nga hindi pa ako nakikitang nakasuot ng bra at panty dahil nahihiya ako. Ngayon, sasayaw akong naka-bra at panty. “Huwag kang mag-alala, hindi naman ganyan agad ang suot mo. Tatakpan pa 'yan ng damit,” wika ni Betina. “Anong damit?” “Ito oh!” Nadismaya ako nang makita ko ang damit na sinabi niya. Parang itim na kulambo lang siya. Makikita pa rin ang katawan ko. “Salamat,” tugon ko. “Galingan mo para magustuhan ka ng kliyente,” wika ni Tita Asta. Hindi ko na alam kung ilang beses akong tumango sa sinabi nila. Hindi na ako tumutol dahil hawak ko na ang bayad sa akin. Dalawang oras ang naging biyahe namin bago nakarating sa condo kung saan gaganapin ang party. “Hi!” Nakangiting bati ng isang lalaki. Yumuko ako dahil sa sobrang hiya. “H-Hello.” “Sir, siya po ang pinalit sa dancer na napili n'yo. First time niya sa ganitong trabaho kaya bawal siya ng extra service,” wika ni Betina. “Yeah, sinabi ng boss n'yo sa akin.” “Halley, maiwan na kita rito.” “Hindi mo ako hihintayin matapos?” “Hindi na, sumakay ka na lang ng taxi pauwi.” Huminga ako ng malalim. “Sige, salamat.” “Good luck!” Parang gusto kong habulin si Betina habang palabas siya ng condo unit. Sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko ngayon. “Pumasok ka na sa loob.” Tumango ako at sumunod sa kanya. Mabilis kong pinagmasdan ang loob ng condo. Wala naman akong nakitang mga dekorasyon na may birthday, kahit pagkain ay walang nakahanda sa lamesa. Mas lalo tuloy akong kinabahan. Sana hindi ako nagkamali sa desisyon ko. “Have a seat.” Umupo ako at muli kong pinagmasdan ang paligid. “Hindi ako ang may birthday, kung hindi ang pinsan ko.” Tumango ako. “H-Hindi kayo naghanda?” “Parating na ang mga order kong pagkain. May mga dala rin pagkain ang mga pinsan namin para sa kanya.” Tumango ako at muling yumuko. “Ayaw mo ba talaga ng extra service?” Umiling ako. “Hindi ako katulad ng iniisip n'yo.” “Okay.” “Nasaan po ang malaking box? Puwedeng doon na lang ako?” “Are you sure?” Tumango ako. “Hindi ako sanay sa maraming tao.” “Ikaw ang bahala.” Tumayo ako at pinuntahan ko ang malaking box. Pumasok ako doon at naghintay na magsimula. Hindi naman ako nahirapan huminga o naiinitan dahil bukas ang sa taas ng box. Pumapasok pa rin ang hangin lalo na ang aircon. Nilalamig tuloy ako dahil sa suot ko. Pagkalipas ng isang oras, narinig kong marami ng tao sa loob. Nagsimula na rin silang magpatugtog ng malakas. Sinuot ko ang maskara ko para hindi nila ako makilala. “Miss, nandito ang birthday Boy,” wika ng lalaking si Peter. Bumilis ang kabog ng dibdib ko. “Sasayaw na ba ako?” “Later, kumain ka muna,” sabi niya. Umiling ako. “Busog pa ako.” “Ayaw mong kumain, pati tubig ayaw mo rin.” “Okay lang po.” May dinukot siya sa bulsa ng pantalon niya at naglabas ng dalawang libo. “Kung ayaw mong kumain, ito na lang ang ibibigay ko sa’yo.” Hindi na ako nagdalawang-isip na tanggapin ang pera. “Hindi ito para sa extra service?” paniniguro ko. “Oo, tip ko na lang ‘yan sa’yo.” “Salamat ulit.” “Sige, sabihan kita kapag magsisimula na.” “Ang galante pala niya,” naisip ko habang inilalagay ang pera sa bag. “Makakabayad na ako ng dalawang buwan na upa at may pambili pa kami ng pagkain at gamot ni Tatay. Muli akong naghintay ng kalahating oras bago ako sabihan na magsisimula na. This is it! Nang magsimula ang nakakaindak na musika, lumabas ako ng malaking box. Nakita ko ang isang lalaki na nakaupo sa gitna. Marahil siya ang birthday Boy. Lumapit ako sa kanya habang sumasayaw ng sexy dance. Nagsisigawan ang mga tao sa paligid, lalo na nang gumiling ako sa kandungan ng lalaki. Ang lalaki ay tila gulat na gulat at nakatitig lang sa akin. “You look familiar,” bulong ng lalaki. Bigla akong kinabahan at mabilis siyang tinitigan. Hindi ko siya kilala. Muli kong ipinagpatuloy ang paggiling sa kanya hanggang sa hawakan niya ang bewang ko. “Ay!” nagulat ako nang bigla niya akong hilahin at yakapin ang bewang ko. Nagkatitigan kaming dalawa. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Hindi ko alam ang gagawin. Nakatulala ako nang tanggalin niya ang suot kong maskara. Ano bang problema niya? Marahan ko siyang tinulak upang ipagpatuloy ang pagsayaw. Sa tuwing dumidikit ang balat ko sa kanya, bumibilis ang kabog ng dibdib ko. Ang mga tingin niya sa akin ay parang hinubaran ako. “s**t!” sambit ng lalaki. Hinawakan niya ang bewang ko at kinabig niya ako palapit sa kanya. “S-Sir.. Hindi ak—” Hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil siniil niya ako ng halik. Nanlaki ang mga mata ko sa gulat. Sabi ko, ayoko ng extra service. Nag-ipon ako ng lakas at tinulak siya. Pagkatapos, sinampal ko siya. “Bastos!” Hinawakan niya ang mukha niya. “Name your price so I can have s*x with you.” “Abah! Manyakis!” sinipa ko ang bayag niya. “Ouch!” “Bastos! Manyak!” Kinuha ko ang bag ko at nagbihis ng damit saka lumabas ng condo unit. Wala na akong pakialam kung bawiin nila ang perang binayad nila sa akin. “Manyakis! Ginahasa niya ang labi ko,” bulong ko habang nasa loob ng taxi pauwi. BUNGANGA ni Nanay ang nagpagising sa akin kinabukasan. “Halley, gumising ka na! May naghahanap sa ’yo! Tanghali na, nakahilata ka pa rin diyan! Akala mo, anak mayaman ka!” Bumangon ako habang kinukusot ang mata. “Nay, bakit ba ang ingay n’yo?” “Abah! Gusto mo kalbuhin kita diyan! Tanghali na, nakahilata ka pa rin!” Kinuha ko ang bag ko at inabot ang walong libo. “Oh, magbayad kayo ng bahay kahit dalawang buwan. ‘Yung matitira, pambili ng pagkain at gamot ni Tatay.” “Saan ka kumuha ng ganito kalaking pera?” “Nag-sideline ako kagabi sa trabaho.” “Nagtrabaho ka sa club kaya malaki ang pera mo? Huwag mong sabihing pokpok ka na rin, kaya siguro maagang nandito si Betina.” “Nandito si Betina?” “Oo, hinihintay kang magising.” “Puntahan ko na siya.” “Halley, huwag mong sabihing naging pokpok ka na rin. Abah! Sinayang mo ang paghihirap ng Tatay mo.” Napakamot ako sa ulo. “Nay, hindi ako pokpok. Napa-judgemental n’yo naman.” “Eh, bakit ang laki ng binigay mo sa akin?” “Nag-extra ako bilang waiter sa isang event ng mga artista kagabi. Isang libo lang ang sahod ko, lumaki lang dahil sa mga tip ng mga artista at ibang tao sa event,” pagsisinungaling ko. “Totoo ba ‘yan?” “Gusto n’yo puntahan n’yo pa ang lugar kung saan ako nagtrabaho kagabi.” “Eh, bakit nandito si Betina?” “Malamang, maniningil ng utang. Ang dami ko nang utang sa kanya.” “Sige, bibili ako ng almusal natin. Hindi pa kami kumakain ng almusal.” Lumabas ng kuwarto si Nanay. “Betina, bakit ka nandito?” tanong ko nang makita siya. Lumapit siya sa akin at bumulong. “Anong nangyari kagabi?” Bigla akong kinabahan. “Wala naman?” “Gaga, tumawag sa akin si Tita Asta. Tinatanong niya kung saan ka raw nakatira. Gustong malaman ng kliyente mo kung saan ka nakatira.” Tumingin ako sa paligid bago nagsalita. “Sinampal at sinipa ko ang kliyente ko kagabi.” “Ano!” “Huwag kang maingay baka marinig ka!” “Bakit mo ginawa ‘yon?” “Bigla akong hinalikan. Alam naman niyang ayoko ng extra service.” “Siguro nakursunadahan ka kaya gusto ka niyang maka-sex.” “Eh, ayoko nga.” “Ano ba ang itsura ng lalaki?” “Guwapo at macho.” “Oh, bakit ayaw mo?” “Hello, hindi ko siya mahal.” “Paano ‘yan? Gustong malaman kung saan ka nakatira?” “Huwag mong sasabihin.” “Sinabi ko na.” Napakamot ako sa ulo. “Baliw ka talaga! Lagot ako kay Nanay kapag nalaman niya ang ginawa ko.” “Kapag pumunta rito, kausapin mo na lang ng maayos.” “Hays! Ano pa nga ba ang magagawa ko kung hindi kausapin siya.” “Sana nga kausapin ka lang, baka bigla kang damputin ng pulis dahil nanakit ka.” “Self-defense lang ginawa ko.” “Kapag mayaman, puwedeng baliktarin ang kuwento.” “Huwag naman sanang gano’n ang mangyari. Ayokong dagdagan ang problema ng magulang ko.” “Hintayin mo na lang na dumating siya.” “Bakit mo kasi sinabi kung saan ako nakatira?” “Hindi naman ako puwedeng magsinungaling, baka ako naman ang mawalan ng trabaho.” Huminga ako ng malalim. “Sabagay, kasalanan ko rin naman ang nangyari. Salamat pa rin sa tulong mo.” “Sige, balitaan mo na lang ako kapag dumating na ang kliyente mo.” “Sige.” “Alis na ako at matutulog pa.” “Sweet dreams.” Huminga ako nang malalim habang tinatanaw si Betina. “Huwag na sana siyang pumunta rito.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD