KABANATA APAT

1866 Words
KABANATA 04: ANG MISTERYO NG KUWINTAS *** Minsan na rin akong napagalitan ni Tatay, noong tinulak ko sa ilog 'yong batang nang-aaway kay Ravi at muntikan pang mamatay, ngunit ni minsan ay hindi niya ako pinagbuhatan ng kamay. Binubugbog niya lang ako ng sandamakmak na salitang masakit dahil totoo, pagkatapos ay bubusugin naman ako ng pangaral. Ito yata ang unang beses na nasampal ako sa buong buhay ko. Masakit nga talaga lalo na at galing pa sa taong pinakamahalaga sa 'yo, ngunit naiintindihan ko naman. “Hindi ko na kailangang isa-isahin pa ang mga kasalanan mo ngayong araw, Earth, dahil batid kong alam mo na naman ang mga nagawa mo,” panimula niya at ngumiti. Nanindig ang mga balahibo ko sa ngiting iyon ni tatay. Iyong ngiting pinilit lang banatin ang labi para kumurba samantalang ang kanyang mukha...ang kanyang mga mata ay 'sing talim ng anumang espada. “Alam mo bang palalampasin ko sana ang pagtakas mo para pumunta sa lungsod dahil alam kong ngayon ang kaarawan mo ngunit, matapos kang umuwi ritong galing sa kung anong gulo at sugatan? Earth, anak, isang buwan kang grounded!” “Pero madali lang naman—” Hindi na niya ako pinatapos at agad pinaluhod sa munggong bigla na lang lumitaw sa harapan namin. “Ah, kusang humihilom ang mga sugat mo...kaya ano?! Ayos lang na sumabak ka sa digmaan?!” Lumakad siya sa likuran ko at pinulot ang espadang nilinis ko at pinatong sa kanang balikat ko. “Ilang dugo ang dumampi rito?” “Ngayon, hahayaan kitang magpaliwanag. Anong nangyari, simula sa pinakaunang nangyari,” nakangiting wika niya, umupo sa harapan ko at pinagkrus ang mga kamay sa dibdib. Huminga ako nang malalim at sinimulang mangumpisal ng mga nangyari, nang mabanggit ko ang tungkol kay Prinsesa Sapphire ay napatayo si tatay ngunit minuwestra niyang ipagpatuloy ko kaya malugod kong tinapos ang kuwento. Nanginginig ang mga kamay ko, pinagpapawisan din ito, wala ring pagsidlan ang kabog ng dibdib ko. Bakit ngayon ko lang nararamdaman ito? Ha. Siguro ay dala na rin ng pagnanais kong matulungan ang prinsesa kanina ay hindi gumapang sa akin ang takot, at ngayong tapos na ay 'saka lang ako kinokonsensya. Hayaan, at ipagtitirik ko ng kandila ang mga sundalong pinaslang ko. Teka, ilan ba sila? Wala pa naman akong pera upang bumili ng kandila. “Alam mo ba ang ginawa mo, anak?! Isang krimen ang ginawa mo! Pumatay ka anak, hindi isa, dalawa o tatlo, isang hukbong militar ang kinitil mo!” bulalas niya at paulit-ulit na kinatok ang noo ko. Napasimangot ako at sinalag ang hintuturo niya. “Ngunit pinagtanggol ko lamang ang prinsesa! Humihingi siya ng tulong, 'tay, hindi ko kayang lagpasan lang ang taong 'yon dahil siya ang prinsesa, at tiyahin siya ng kaibigan ko! At hindi ako naniniwalang ninakaw niya ang kuwintas na ito!” depensa ko at pinakita sa kanya ang kuwintas. “Iyan pa, sigurado ka bang ang prinsesa ang tinutukoy mo? Paanong ang prinsesang palaging nasa Howling District ay iiwanan ang tungkulin at nanakawin ang kuwintas na iyan sa palasyo ng hari?!” Nagpanting ang tenga ko sa narinig. “Hindi nga po niya 'to ninakaw 'tay!” “Sige, hindi niya ninakaw ang kuwintas ngunit sa mga oras na ito, lumalabas na ninakaw mo ang kuwintas, at malamang ay pinaghahahanap ka na ngayon! Ha! Anong gagawin natin ngayon?!” Saglit akong natigilan at ngumiti sa aking ama. “Marahil ay tama kayo, ama. Kahit anong dahilan ang ilatag ko ay hindi nito maipagkakailang pumaslang ako, at isa iyong krimen. Patawad kung nadamay pa ang pamilya dahil sa akin, aalis na lang po ako tutal hindi—!?” Nanlalaki ang mga mata niya, namumula-mula na nga ang mukha niya't halos malagot na ang kanyang ugat sa leeg at sintido. Hinablot niya ang kwelyo ng damit ko dahilan upang umangat ang katawan ko mula sa pagkakaluhod sa munggo. “Earth, anong sinasabi mong aaalis ka? Iiwan mo ang pamilya? Iiwanan mo ako, anak? Sa tingin mo ba ay mapo-protektahan mo ang pamilya sa gagawin mo? Hindi mo kailangang gawin 'yon,” sambit niya at binitiwan ako. “Kung ang kuwintas na 'yan ang kailangan nila, ibabalik natin, ngayon din! Susuko ka, at tatanggapin ang anumang kaparusahan, kung naisin nilang buhay mo ang kabayaran, ako ang papalit sa 'yo,” seryosong saad ni tatay at tinangkang hablutin ang kuwintas ngunit tulad ng inaasahan ay hindi man lang niya ito nahawakan at agad na lumiwanag. Tumilapon siya palabas ng kwarto at iika-ikang tumayo. Nangungunot ang kanyang noong pinagmasdan ang pagliliwanag ng kuwintas. “Nakita niyo po ang kapangyarihan nitong kuwintas? Kahit anong gawin ko ay hindi ito matanggal sa leeg ko, 'tay, at kahit anong gawin mo, o ng kahit sinong tao ay hindi sila makalapit sa akin dahil sa puwersang nagmumula sa alahas na ito,” paliwanag ko at inakay si Itay. Napabuntonghininga siya, “Kung sa hari nga ang kuwintas na iyan ay siguradong matatanggal niya iyan sa 'yo, anak.” “Paano kung hindi ito sa hari, 'tay? Nabanggit ng isa sa sundalong kinuha ito ng prinsesa sa museyo sa palasyo, at kung pag-aari ito ng hari, bakit ilalagay ito sa museyo at hindi niya isuot bilang proteksyon o ilagay sa kaniyang silid? Bakit gano'n na lamang ang sakripisyo ng prinsesa para lamang makuha ito at ilayo sa hari? Bakit ganoon na lamang ang pagnanais ng hari na makuha ito at kahit ang buhay ng mahal na prinsesa ay kaya niyang ipagpawalang bahala?! 'Tay, kapag sumuko ako sa hari, paniguradong tatanggalin nila ang ulo ko makuha lang ito!” “Woah! Hindi nila pwedeng tanggalin ang ulo mo dahil iyan lang naman ang maganda sa iyo!” Boses iyon ni Ravi, wala namang ibang miyembro ng pamilya ang may galit sa akin e, at 'saka ang tawa kasi e, parang baboy. “Huwag kang maniniwala sa kapatid ko, Ate Earth. Maganda ka kahit walang ulo...ouch!” “Hoy, Savi!” Nilingon ko ang pintuan, nakasilip ang sutil kong pinsan kaya agad akong lumapit dito at piningot ang tainga niya. Sa pasilyo ay nasilayan ko ang halos buong pamilya, maliban kay Uncle Sakurai at Lolo. Si Uncle Tanaka ay hawak ang isang martilyo at sinimulan ng ayusin ang nasirang pinto, habang si Savi ay hawak ang walis at pandakot para linisin ang mga kalat. “Ha! Hindi ba't nagbilin akong walang susunod sa inyo?” tanong ni tatay, pinandilatan niya ng mata si Uncle Tanaka na ngingiti-ngiting nagpupukpok. “Anong problema niyong mag-ama? Sinabi mo, brother na kakausapin mo lang si Earth pero bakit wasak ang pintuan?” “Itanong mo riyan sa paborito mong pamangkin! Pagkatapos n'yo rito ay bumalik na kayo sa inyong mga silid at matulog na, ikaw rin, Earth,” sagot ni tatay, bumaling siya sa akin at tinapik ang balikat ko, “Good night, anak.” “Good night! Woah!” Sa isang iglap ay namalayan ko na lang ang sariling nasa loob muli ng kwarto ni lolo gayundin sina tatay na kasama ko lang kanina. Tulad ng veil ni tatay, ay ganoon din ang kay lolo. Kung ang kay tatay ay limitado lamang sa isang tao ang kayang i-summon, si lolo ay kahit ilang tao, kahit nga yata buong bayan ay maaari niyang i-summon basta't nahawakan na niya ang mga ito noon. Bumungad sa amin ang nakangiting matanda, ginaya niyang lumapit ako sa kanya kaya lumakad ako at umupo sa paanan niya. “Kumusta, Earth? Oh? Magaling na iyong mga sugat, mabuti naman. Maligayang kaarawan, Earth, apo. Patawarin mo sana kami kung ni minsan ay hindi pinagdiwang ang iyong kaarawan....” usal niya at pinisil ang kamay ko. Malambing ang kanyang tinig. Ito ang unang beses na narinig ko mula sa malapit ang kanyang boses sapagkat buhat nang dumating ako sa mundong ito ay mailap na siya sa akin, lalo na nang siya ay mabaldado dulot ng isang aksidente at mapilitang ipagkatiwala sa aking ama ang negosyo. Ni minsan ay hindi niya rin ako tinawag sa aking pangalan, kahit tawaging apo. Hindi ko alam kung bakit, siguro dahil labag sa loob niya ang isilang ako? Ha. Tumango ako, “Dahil ang araw na isinilang ako ay siya namang pagpanaw ng aking ina.” Tumawa siya at nilingon ang aking ama. “Iyon ba ang sinabi mo kay Earth? Patawad, apo, siraulo ang tatay mo. Ang katotohanan ay ang kanyang kaibi—” Hindi niya itinuloy ang sasabihin matapos tumikhim si tatay. Kaibigan? Ah. Mukhang naintindihan ko kahit paano. “Earth, kahit anong mangyari ay huwag na huwag mong iiwan ang ating pamilya, lalo na ang iyong ama. Patawarin mo ako sa aking pagkukulang, ngunit nais kong malaman mong masaya ako't nasaksihan ko ang labingwalong taon ng iyong buhay. Palagi mong tatandaan, isang kang Fujiwara, ang nag-iisang bulaklak ng ating pamilya.” “Kung bulaklak po si Earth, 'lo, ano po kami? Ugat?” pabirong komento ni Ravi at tumawa. “Ah, ngayon ko lang nakita ang kuwintas na iyan, regalo ba iyan ng iyong kasintahan?” Pilit akong ngumiti, “Ah, napulot ko lang po, 'lo.” Hinawakan niya ang kuwintas, at ngumiti. Sandali. Nahawakan ni Lolo ang kuwintas...paano? Umarko ang ngiti sa aking labi nang mapagtanto ang isang bagay — may rules and condition. Ha. “Kawangis ng kuwintas na ito ang larawan na nakita ko noon sa libro ng kasaysayan.” “Talaga po?! Ah, libro ng kasaysayan? Ngunit nabasa ko na ang mga libro ro'n sa national library ngunit wala akong natatandaan na ganitong kuwintas.” “Maraming aklat, apo, lalo na sa lungsod,” sagot niya pagkatapos ay pumalakpak. Isang kisapmatang nagbalik kami sa aking silid na nasa ikalawang palapag. Kasama ko sina Ravi at Savi, kaya't natitiyak kong nais makausap ni Lolo ang kanyang mga anak ng pribado. “Ate Earth, may tanong ako sa 'yo,” pagbasag ni Savi sa katahimikan. Matagal ko siyang tinitigan, hindi ko mawari kung ano ang tumatakbo sa isip niya, na siya namang kabaligtaran ni Ravi na sa isang tingin lang ay mababasa mo na ang nasa isipan niya. Napabuntonghininga ako, “Ano 'yon, Sav?” “Kapag ang tao namatay, palagi nilang sinasabi na babalik sila sa panginoon sa langit, o sa impyerno kung sila ay makasalanan. Ang tanong ko po, kapag ba namatay ka, Ate Earth, saan ka mapupunta?” Bigla kong nakagat ang dila at muntikan ko pang malunok ang dugo. Pareho kaming napatitig ni Ravi kay Savi. Walang ibang namumutawi sa mukha niya maliban sa kuryosidad. “Anong klaseng tanong 'yan, Savi! Obvious naman na sa impyerno mapupunta si Earth!” “Hindi ikaw ang tinatanong ko, Ravi kaya manahimik ka,” banta nito sa kapatid at muling bumaling sa akin. “Hm, sa lahat ng kasalanan ko, siguro sa impyerno,” sagot ko at ngumiti. Umiling si Savi, “Mali, alam mo ba kung saan ka mapupunta, Ate Earth? Eh 'di, sa earth, sa putik, babalik ka lang sa pinagmulan mo, tapos, babalik ka ulit. Hangga't may earth, mabubuhay si Ate Earth.” Ha. Ha? Ha?! Bumunghalit nang tawa si Ravi habang sinusuntok-suntok ang kapatid, samantalang tuluyan kong tinanggap ang katotohanang kung sa impyerno ako mapupunta, ha, isasama ko ang dalawang 'to! ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD