Napasok ako bilang Magazine Editor. Hindi kalakihan ang sahod dahil maliit lang ang kumpanya pero ayos na rin para sa first job.
Isang linggo na ang nakalipas mula noong magkita-kita kami sa club. Wala na rin si Raf sa bahay dahil nandiyan na si Pia. Hindi rin naman niya ko pinansin buong linggo at hindi ko alam kung bakit.
Basta magfo-focus na lang ako ngayon sa career ko. Balang araw magiging successful din ako at makakahanap ng lalaki na makakasama ko talaga habang buhay.
"Wala ka ng asawa kaya tigilan mo na ang pagtingin diyan sa gamit pang-baby." Pagpaparinig ni Dina.
Hindi ko maiwasang bumusangot sa kanya. Gusto ko kasing bilin 'yung cute na nakasabit sa kuna. Siguradong bagay 'yon sa nabili ko dating kuna para sa magiging baby sana namin ni Raf. Kung binigyan niya lang ako ng baby kaso hindi. Lagi siyang maingat tuwing gagawin namin 'yon at lagi akong pinapagalitan kapag binabanggit ko ang tungkol sa pagkakaroon ng baby. Ayaw niya.
"Bilin mo na," kunsumidong sabi ni Dina habang nakahawak sa nuo.
Natawa na lang ako at tuwang-tuwa na kinuha 'yon para ilagay sa basket namin.
"Nagte-text sa akin si Stephen. Ang sabi niya hindi mo na raw siya pinansin buhat noong magkita kayo sa bar."
"Saka na lang. Kapag okay na ko," abala kong sagot habang tumitingin pa ng ilang gamit pang-baby.
"Paanong kapag okay ka na? Hindi ka pa rin move on?" bulalas niya.
"Isang buwan pa lang mula nang mag-divorce kami, Dina. Alam mo namang malalim ang nararamdaman ko para kay Raf. Ayokong saktan ulit si Stephen."
"Sinasaktan mo na siya ngayon."
"Kung mahal niya talaga ako, maiintindihan niya kung bakit ako lumalayo. Ayokong magkamali ulit at masaktan siya, okay?" sarkastiko kong sagot.
"Ayos lang naman 'yon sa tingin ko," sabat ni Stephen.
Natigilan ako sa pagkuha ng stuffed toy. Rinig ko ang pagtawa ni Dina na ikinapikit ko nang madiin.
"'Wag mo kong tingnan nang ganyan. Hindi ko siya tinext na nandito tayo sa mall ngayon, 'di ba Stephen?" Kumindat siya kay Stephen habang nakatawa.
"Bakit ang daming pang-baby? Buntis ka?" tanong niya naman kay Dina.
"Buntis? Eh, wala nga akong jowa."
"Eh, kanino 'to?"
"Diyan sa babae na 'yan. Laging bumibili ng mga pang-baby. Kumpleto na nga yata siya ng gamit at ang kulang na lang ay bata," nakatawa niyang kwento habang nilalakihan ko naman siya ng mata. "Stephen, bakit hindi ikaw ang magbigay ng baby sa kanya?" dugtong niya pa.
Ilang akong umiwas ng tingin nang tingnan ako ni Stephen. Pasimple kong nilagay ulit sa basket ang isang stuffed toy na hinawakan niya naman.
"Gusto mo nang magka-baby?" Nakatawa rin siya ngayon kaya gusto ko nang lumubog sa lupa.
Napaka tsismosa talaga ni Dina. Nanggigigil ako.
Hindi ko siya sinagot at kunyaring tumingin ng kung ano-ano.
"Stephen, hawakan mo nga 'to. Naalala ko may pinabibili sa akin si Mama diyan sa supermarket." Palusot niya na naman kaya tinignan ko siya. "Besh, 'wag niyo na kong hintayin. Kayo na lang dalawa ang umikot-ikot ha?" Mapanadya talaga siya.
"Ingat ka." Ngiti ni Stephen.
"Dina, akala ko ba sasamahan mo kong magpa-parlor mamaya?" madiin kong tanong sa sobrang kunsumi.
"Ayan na si Stephen, oh. Siya na ang sasama sa'yo. Kung gusto mo nga payag din 'yang gumawa na kayo ng baby," nakatawa niyang biro.
"Pwede naman," pabirong sagot din ni Stephen.
Wala na, napagtulungan na naman ako. Nakabusangot na lang akong bumalik sa pamimili at hindi siya pinansin.
"'Yon, oh! Mukhang magandang unan para sa baby!"
"Asan?" Mabilis kong tingin pero wala naman. Iniinis niya na naman ako. Nakangisi siya ngayon habang lumalapit sa pwesto ko. "'Wag mo kong pag-tripan," masungit kong angal.
"Hindi naman, ah. Ito 'yung sinasabi ko."
"Hindi naman 'yan unan. Inuupuan 'yan, Stephen."
"Bakit ang taray mo? Malay ko ba. Basta cute." Ngumuso siya at nilagay 'yon sa basket namin.
Hindi na ko nakapili ng ibang gusto ko. Lumakad na lang ako papuntang counter para magbayad.
"Ang cute niyo namang tingnan dalawa. Cute rin panigurado ang magiging baby niyo," bati ng matanda sa pila habang nakangiti sa aming dalawa.
"Noong kabataan ko, ganyan na ganyan din ang itsura ko sa kanya, hindi ba?" Turo ng matandang lalaki naman kay Stephen kaya napangiti ako.
"Swerte ka na sa kanya, hija. Mahirap na humanap ng gwapo ngayon."
"Parang sinabi mong nagsisinungaling akong kamukha ko siya dati," angal ng asawa niya.
Natawa na ko pati na si Stephen. Nang kami na ang magbabayad nakipag-unahan siya kaya naitulak ko tuloy siya. Tinignan kami ng cashier at tinawanan.
"Ako kasi ang bumibili," madiin kong sagot sa pagtingin niya sa akin.
Nakabusangot niyang kinuha ang mga 'yon na ikinangiti ko na lang kasi para siyang bata.
"Ang gwapo, 'no?"
"Saan kaya nakakahanap ng gano'n?"
"Bakit bigla kang nangiti? May type ka do'n?" taas kilay kong tanong.
"Masarap pa lang nasasabihan ng gwapo," mayabang niyang bulong.
"Palagi ka namang nasasabihan no'n," kunyaring mataray kong sagot.
"Oo, pero hindi kita kasama."
"Anong connect?" Tinignan ko siya na tuwang-tuwa talaga.
"Naririnig mong gwapo ko. Dagdag points 'yon, 'di ba?"
"Ewan ko sa'yo, Stephen." Iniwan ko siya doon at mabilis akong lumakad na hinabol niya.
"Aba, kung hahanap ka na lang ng magiging daddy ng baby mo. Dito ka na sa gwapo," mayabang niyang saad. Natawa ko at nailing na lang habang pumapasok sa parlor.
"Ay, ang gwapo. Boyfriend mo?" nakatulalang tanong ng bakla sa akin nang pumasok din si Stephen. Tinignan ko siya mula sa salamin na nauupo sa isang gilid.
Nagpa-iksi ako ng buhok at nagpakulay ng brown kaya natagalan. Gusto kong matawa kapag nasusulyap ako kay Stephen. Bored na bored siya doon at panay ang laro lang sa cellphone.
"Okay na ko. Akina 'yan." Kuha ko sa mga binili kong gamit.
"Aba, 'wag mong sabihin na maganda ka lang ngayon kaya ginaganito mo na ko." Nagpamewang siya.
"Ano ba? Hindi ko sinasabing maganda ko," natatawa kong sagot.
Ngumiti naman siya at hinawakan ang buhok ko. "Bagay sa'yo."
"Oo na, alam ko."
"Pero kumain naman tayo bago ka umalis. Ang tagal kaya kitang hinintay mayari tapos iiwan mo na lang ako basta-basta. Hindi ka pa rin nagbabago," tuloy-tuloy niyang reklamo kaya napabuga ko ng hangin.
"Oo na, tumigil ka na."
Ngumiti siya at nauna na sa paglakad papunta sa isang restaurant sa loob ng mall.
"Bakit wala ka pang girlfriend, Stephen?" tanong ko at parang kunsumido naman siyang tumigil sa pagsubo.
"Ano bang klaseng tanong 'yan? Paano kong magkaka-girlfriend kung hindi mo pa ko sinasagot ulit?"
"Seryoso kasi."
"Seryoso ko."
"I mean, dati."
"Dati?" Sumubo ulit siya at nagkunot nuo.
"Oo, noong kinasal ako. Ang huli kong rinig na girlfriend mo si Pia," pasimple kong sagot. Umiwas ako ng tingin nang magseryoso siya. Sumubo ako nang sumubo para makaiwas kung magtatanong man siya.
"Hindi naman naging kami ni Pia. Tsismis lang 'yon," pabiro niyang sagot at muling sumubo rin ng karne.
"Tsismis daw," bulong ko.
"Ang kulit mo." Tinawanan niya ko. "Hindi nga naging kami."
"Oo na lang."
"Alam mo ikaw, Lory. Wala ka pa ring pinagbago. Wala kang tiwala sa akin."
"Oo na nga..."
"Mas naniniwala ka pa sa tsismis kaysa sa boyfriend mo." "Ex," sabat ko at tumawa naman siya.
"Akala ko makakalusot 'yon," sagot niya.
Hindi na lang ako kumibo pagkatapos no'n. Hinatid niya ko sa bahay at parehas kaming nagulat noong bumungad sa amin sina Pia at Raf. Papasok pa lang sila na huminto rin dahil sa amin.
"Bakit nandito kayo?" mapait kong tanong. Inayos ko ang mukha ko para hindi mapansin ang biglaang pagkawala ko sa mood.
"Bakit nandito 'yan?" masungit namang tanong ni Raf kasabay ng pagtingin niya nang masama kay Stephen.
"Hinatid niya lang ako," sagot ko.
"Hi, Lory, nandito lang talaga kami para humingi ng pasensya sa nangyari noong nakaraan. Hindi ko sinasadyang magselos," mabait na bati ni Pia.
"Ah, okay lang," pilit kong sagot nang nakangiti kahit nadudurog na naman ang puso ko dahil sa mga kamay nilang magkahawak.
Tumango-tango siya sa akin na parang naiilang din. Hindi ko maiwasang tingnan si Raf. Parehas pa rin sila ni Stephen na ayaw magpatalo sa staring contest na ginagawa nila ngayon.
"Buntis ka?" tanong ni Pia na ikinagulat ko.
"Hindi, mahilig lang siyang bumili ng mga ganyan." Si Raf ang sumagot para sa akin. Hanggang ngayon ang cold niya pa rin pagdating sa gano'ng bagay.
"Soon," sagot ni Stephen. Nagtinginan ulit silang dalawa na para bang wala kami dito ni Pia. "Hindi pa ba tayo papasok? Nangangawit na ko." Biglang baling niya sa akin.
"Ako na kasi diyan."
"Hindi mo man lang ako pagmemeryendahin?"
"Kakakain lang natin."
"Kahit tubig lang na malamig. Grabe ka talaga sa akin," angal niya kaya wala na kong nagawa kundi buksan ang gate.
"Pasok din kayo," aya ko sa kanilang dalawa at nagulat nang mauna si Raf na pumasok. Siya ang nag-enter ng password sa pinto at pumasok mag-isa.
"Ano bang problema ng boyfriend mo?" Inis na baling ni Stephen kay Pia.
Nagkibit balikat lang siya na para bang naiilang kay Stephen. Sabi niya naman kanina ay hindi naging sila pero bakit ganyan siyang umasta? Kanina ko pa rin siyang napapansin na tingin nang tingin kay Stephen.
Hay, ewan ko sa kanila.