CHAPTER 2 - CLUB

1500 Words
"Nandiyan na pala sila, e!" sumasayaw na sigaw ni Dina. "Bakit lasing ka na?" Hila ko sa kanya. "Girl, kanina pa kami rito. Ang tagal niyo." "Traffic." Ngumiti si Stephen. "Lory!" sigaw ni Josh habang palapit na. "Happy birthday!" bati ko. "Wala ka man lang dalang regalo?" bulong ni Stephen kaya tinignan ko agad siya nang masama. "Ano ba 'yan, ang kuripot. Invited kaso walang regalo." Tinawanan niya ko at pabibong nag-abot ng regalo kay Josh. Taka siyang tinignan nito. Pabibo lang kasi siya 'di naman invited. "Siya si Stephen, 'yung sinasabi ko sa 'yong kaibigan kong inimbita ko," sabat ni Dina dahil sa takang mukha ni Josh. "Ah, Stephen? Okay, okay, enjoy ka lang. Thank you." Lasing na rin siya. "Lory, ang ganda mo ngayong gabi." Baling niya sa akin. "Thank you, pasensya na wala akong regalo. Biglaan lang kasing sinabi ni Dina sa akin," nahihiya kong sagot. Inakbayan niya naman ako na ikinagulat ko. Walang hiya-hiya siya ngayon at hinila ko papunta sa iba nilang kasama. "Mga kaibigan ko. Hoy, pansinin niyo kami!" nakangiti niyang sigaw. Tumingin sa amin ang lahat at bigla na lang naghiyawan ng 'ayiiiee.' "Siya ba si Lory? 'Yung nililigawan mo?" biro ng isa. "Sagutin mo na. Birthday naman!" Hindi ako makakibo sa mga sinasabi nila. Sagutin? Eh, hindi nga siya nanliligaw. Last time, pinagkalat niya pang manang daw ako dahil sa suot kong bistida noong una naming kita. Tinignan ko si Dina na nakangisi ngayon sa isang gilid. Tumabi siya sa kanila at nakisali ulit sa pag-inom. "'Wag niyo siyang i-pressure. Baby, umupo ka lang diyan at mag-enjoy." Hila niya sa akin paupo. Nagkatabi kami ni Stephen sa upuan. Hindi siya kumikibo at inom lang ng inom. Sa sandaling oras namin dito, nakakatatlong bote na siya agad kaya napapanganga ko. Straight kung straight, gano'n siya uminom. Kung sabagay, ayos din na malasing siya. Hindi na siya mamaya makakapagpilit na ihatid ako. "Raf!" sigawan nila kaya gulat akong napalingon sa likuran ko. Hindi niya ko pinansin at nakangiting nakipag-apir sa ilang tao na nandito. "Dina," madiin kong tawag sa kanya. Nginitian niya lang ako nang alanganin at pinagpalit-palit ang tingin kina Stephen at Raf. "Buti nakarating ka." "Late naman kayong mag-text," sagot niya at bigla na lang bumaling sa akin na may kataliman ang tingin. Umasog ako nang konti palayo kay Stephen. Kabang-kaba na ang puso ko. "Bakit kilala nila si Raf?" angal ko ulit kay Dina. "Malay ko." Nagkibit balikat siya at pekeng ngumiti nang tingnan siya nito. "Bakit ba nang-iirap 'yang ex mo?" Hila niya naman sa akin. "Gusto niyo bang magtabi? Ako ang nahihirapan sa inyo," reklamo ni Stephen na nagigitgit namin sa gitna. Kunsumido na lang akong bumuntong hininga saka nagpalumbaba nang tahimik. Umupo siya sa dulong pwesto katapat ko. Panay ang tingin niya nang masama na para bang may nagawa akong masama. "Lory, bakit hindi ka umiinom?" Lingon sa akin ng isa nilang barkada. Inabutan niya kong pilit ng isang bote na mabilis kong tinanggap. Ilang akong lumagok mula sa bote. Dalawa kasing lalaki ngayon ang nakatingin sa pag-inom ko. "Lory, halika may ipapakilala ko sa'yo," masayang aya ni Josh. Hindi ko alam kung tatayo ba ko. Para kong biglang napako kasi rito sa upuan. Ganyan na ganyan ang tingin ni Raf kapag hindi siya natutuwa dati sa ginagawa ko. Natatakot na ko. "Halika." Hila niya na sa braso ko. Inakbayan niya ulit ako kaya hindi na ko nakasulyap pa kay Raf. Lory, relax ka lang. Ex-husband mo na siya ngayon. Dapat magpakasaya ka lang. Ngumiti agad ako at nakipagkamay sa pinakilala niyang dalawang babae sa akin. Mga pinsan niya raw. Sandali lang din kaming nag-usap. Iniwan niya kong nakatayo rito na hindi ko malaman ang gagawin ko. Babalik pa ba ko doon sa nakakatakot na pwesto na 'yon? Napalingon ako sa balcony ng club. Doon ako dumiretso para makapagpahangin na lang. Hindi ganito ang ine-expect ko ngayong gabi. Buong akala ko talaga ay makakapag-enjoy ako. Makakainom ako ng marami para malunod 'tong durog kong puso. Pero mali pala ko, bakit kasi kailangang nandito pa sila? Nakakainis! "Bakit nandito ka?" Lapit ni Stephen. May dala pa rin siyang alak at namumula na rin ang mukha. "Nagpapahangin lang," ilang kong sagot. "Nagpapahangin o naiilang ka lang kasi nando'n 'yung ex mo?" Tinawanan niya ko. "Ex din naman kita," prangka kong sagot. "Ex mo na pwede pang maging future mo." Pabiro lang 'yung pagkakasabi niya pero may laman. Mas lumapit pa siya sa akin at ilang akong napalayo nang hapitin niya ko sa bewang. "Stephen, mukhang lasing ka na." Nilayo ko ang mukha ko sa kanya na seryosong nakatitig. "Hindi, hindi pa ko lasing. Alam mo namang hindi ako nalalasing," seryoso niyang sagot. "Bakit dito umattend ka? Samantalang kahapon, inaaya rin naman kitang lumabas." Mas nilapit niya pa ang mukha niya hanggang sa wala na kong maatrasan. Kabado akong napasandal sa pader. Malakas ang t***k ng puso at titingin-tingin sa may entrance ng balcony. "Sino bang hinahanap mo pa? Si Raf ba?" Ngumiti siya na may pagkasarkastiko. Natigilan din ako at napatitig sa mga mata niyang may hinanakit sa akin. "Hanggang ngayon ba mahal mo pa rin siya?" dugtong niya sabay iwas ng tingin. "Sorry..." "Bakit nagso-sorry ka?" Baling niya ulit sa akin. "Sorry sa mga ginawa ko sa'yo." "Pwede mo ba kong mahalin ulit ngayon?" Nagulat ako sa tinanong niya. Titig na titig siya sa mga mata ko na para bang nagmamakaawa. Ayoko ng ganito. Ayoko ng nako-corner niya ko nang ganito. Kumikirot ang dibdib kong lalo dahil sa mga mata niya. "Please, give me a chance. Promise, hinding-hindi kita sasaktan," malambing niyang sabi. Kusang tumulo ang luha ko sa sinabi niya. Na may pagsisisi akong naramdaman dahil doon. Kung hindi ko lang sana pinilit ang sarili ko kay Raf. Masaya siguro ko ngayon. Hindi sana ako umiiyak gabi-gabi at hindi ko kinailangan na ipilit ang sarili ko para mahalin. "Hindi kita inaaway." Pinunasan niya ang luha ko. "Sshhh, don't cry." "Sorry..." Mas lumakas pa ang pag-iyak ko. "Bakit ka ba nagso-sorry? Tumahan ka na." "Nasaktan kita nang sobra-sobra." "Ayos lang 'yon." "Hindi ayos 'yon. Nakakahiya ako." "Lory..." "Please, 'wag mo na kong tingnan. Hindi ko deserved na mahalin mo ulit." Nanahimik siya sa sinabi ko at nagulat ako nang bigla niya kong halikan. "Hindi kita minamahal ulit. Kasi hindi naman ako tumigil na mahalin ka," mahina niyang saad na ikinatingin ko sa mga mata niya. Madiin niya kong hinalikan ulit na ikinapikit ko na. Tinumbasan ko 'yon tulad ng ginagawa niya. Niyakap niya ko at niyakap ko rin siya na parang dati lang. Nawala ang lahat ng pangamba ko dahil sa halik niya. "Kayo na ba ulit ni Stephen?" "Hindi pa, bakit?" Sumandal ako sa bar top at takang tinignan si Dina. "Nakita ko kayong naghahalikan sa taas kanina—" Tinakpan ko agad ang bibig niya. Tinapik niya 'yung kamay ko at saka tumawa. "Bakit? Nahihiya ka? Itong babae na 'to." Umiling-iling siya na parang dismayado. "Medyo, alam mo naman 'yung ginawa ko dati." "Bruha! Kung gusto mo pa siya! Then go! Bakit pipigilan mo 'yung sarili mo?!" "Nahihiya pa rin ako sa ginawa ko." "At bakit? Hindi mo kagustuhan 'yon." "Ginusto ko 'yon," madiin kong sagot. "Ginusto ko na makasal kay Raf kaya pumayag ako," ulit ko habang bumabaling ng tingin kay Raf. Kanina pa siya seryoso doon na umiinom lang. Hindi siya nakikipagkwentuhan at panay ang lagok lang ng alak. "Eh, hayaan mo na. Gano'n talaga, minsan nadadapa tayo para malaman natin ang maling nagawa natin." "Kaya nga hindi ko matingnan sa mata si Stephen." "Hindi matingnan pero kalaplapan mo na kanina," pabiro niyang saad kaya mabilis ko siyang kinurot sa tagliran. "Ah, basta! Boto ko kay Stephen. Mukhang mahal na mahal ka niya talaga." Nakangiti akong bumaling kay Stephen. Kakwentuhan niya ngayon sila Josh tungkol sa mga project niya. Engineer kasi silang pareho at mukhang nakahanap siya ng bagong kaibigan. "'Yung ngiti mo na 'yan, sinasabing gusto mo pa rin siya." Tinuro ni Dina ang mukha ko. Nginitian ko lang siya at muli na rin akong bumalik sa pag-inom. Nauna silang lahat na umalis sa club at naiwan kaming apat dito sa parking lot. "Tara na," aya ni Stephen pero hinila naman ako ni Raf. "Hayaan mo na. Iisa lang naman ang bahay nilang uuwian. Ako na lang ang ihatid mo." Awat ni Dina sa tangka niyang pagsunod. Ilang akong umiwas ng tingin kay Stephen noong mag-iba ang mukha niya. Mukha kasing dismayado siya sa akin. "Ako na ang magda-drive at mukhang nakarami ka kanina." "Ako na. Sumakay ka na lang diyan," seryoso niyang sagot. Nanahimik na lang ako kasi tahimik din naman siya. "Hello," sagot niya sa tawag na ikinatingin ko. Mukhang si Pia 'yon at tinatanong ang lagay niya. From: Stephen Pwede na ba tayong lumabas bukas? "Hindi ko alam," wala sa loob kong sagot. Nagulat din ako at napalingon kay Raf na kausap pa rin si Pia. Naabutan ko siyang nakatingin sa akin. Umalis siya ng tingin at nag-park na sa garahe.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD