PROLOGUE
"Ang bilis talaga. Magpapakasal na agad silang dalawa," problemadong usal ni Samantha, bunso kong kapatid. Nagpalumbaba siya malapit sa akin at bumusangot. "Handa ka naba, ate?"
Natigilan ako sa paghihiwa. Handa naba ko?
"Kailangan ko bang maging handa?" Sarkastiko kong baling sa kanya. Mapait akong napangiti habang bumabalik sa paghihiwa ng gulay.
"Syempre, 'no! Ayokong panuorin ka ulit na umiiyak. Nauubos mo kaya 'yung tissue natin sa bahay."
"Divorce na kami. Wala na kong magagawa kahit na hindi pa ko handa," sagot ko kasabay ng pagkirot ulit ng aking puso.
"Pero dalawang linggo pa lang kayong divorce!"
"Tumigil ka na," pikon kong sagot. "Hindi niya ko minahal, okay? Please, tigilan mo na ko."
"Sorry."
"Ikaw na ang magluto. Lalabas na muna ko," paalam ko habang binibitawan ang kutsilyo at gulay. Tinalikuran ko siyang nakayuko ngayon at nagpahangin na lang ako sa labas.
Nandito kami ngayon sa bahay bakasyunan namin malapit sa dagat. Inaya ko siya rito para makalayo sa toxic na mundo pero ayaw niya naman akong lubayan tungkol kay Raf, Rafael Domingo, ex-husband ko.
Simula noong dumating kami rito ni Sam, puro bukang bibig niya na lang si Raf. Hindi niya ko tinitigilan kakapaalala sa naging relasyon naming dalawa. Siya raw kasi itong nanghihinayang sa limang taon naming pagsasama. Baka pwede pa raw naming ayusin 'yon ni Raf, na alam na alam kong hindi na maaayos kahit kailan.
Hindi niya ko natutunang mahalin sa loob ng limang taon na pagsasama namin sa iisang bahay. Iisa lang ang laman ng puso niya at 'yon ay si Pia, ang first girlfriend niya.
Noong unang araw pa lang naman na ipakilala kami sa isa't isa at ipagkasundo ay inayawan niya na ko agad. Inis na inis siya dahil kasalukuyan niya no'ng binabalikan si Pia. Ginagawa niya ang lahat, magmakaawa at kulitin ito araw-araw. Kaso mukhang sa akin naka-ayon noon ang tadhana. Nalaman ni Pia ang nalalapit naming kasal at lalo siyang nilayuan.
Nagalit siya at pilit akong pinakiusapan na 'wag pumayag sa kasal para hindi matuloy pero hindi ko siya tinulungan. Hindi ko siya tinulungan kahit pa may sarili rin akong nobyo noong mga panahon na 'yon. Hiniwalayan ko siya para pakasalan si Raf. Tanga kasi ko no'n at manhid. Sa sobrang kasakiman ko at pagkagusto sa kanya ay hinayaan kong mangyari ang lahat ng 'to. Kasalanan ko. Hindi naman ako nagmamalinis. Kung hindi ako pumayag dati ay hindi naman talaga nila itutuloy ang kasal. Mas naaga sana ang kasal nina Raf at Pia.
Sobrang tanga ko kasi, akala ko matututunan niya rin akong mahalin. Kaso hindi pala, sadyang wala na lang pala siyang nagawa at sinunod ang parents niya. Pinakasalan niya ko para sa pagsasanib ng dalawang kumpanya.
At kung tatanungin niyo ko kung bakit ako nakisama kahit alam ko 'yon? Ito ang sagot ko, bakit hindi? Matagal ko na siyang gusto kahit noong highschool pa lang ako. Lagi akong nasa college building dati para lang magpapansin sa kanya. Mabait siya at palabati. Masaya na ko noon kapag nginitian niya ko dahil talagang gustong-gusto ko siya.
Parehas kaming panganay at kahit pa hamak tanda niya sa akin ng limang taon ay wala akong naging rason para hindi siya gustuhin.
"Nag-text si Kuya Raf, 'wag ka raw mawawala sa kasal nila," abalang basa ni Sam habang pumapantay sa pagkakatayo ko. Tinapik niya ko sa braso at may pag-aalala sa mga mata nang balingan niya ko ng tingin.
"Okay kamo."
"Seryoso?!" bulalas niya.
"Hindi naman kami naghiwalay na may alitan. Naging mabait siyang asawa sa akin sa loob ng limang taon kaya bakit hindi?" Gusto nang bumagsak ng luha ko pero mas pinili kong ngumiti sa kanya para hindi na siya masyadong mag-react.
"Pero mahal mo pa rin siya," mahina niyang sagot kasabay ng pag-iwas ng tingin sa mga mata ko. Tumingin din siya sa dagat at ako naman ay pinili ko na lang manahimik.
I want the best for him. Kaya nga pumayag ako sa divorce noong pinilit niya ko dahil bumalik si Pia sa kanya. It hurts, pero wala naman akong magagawa.
Oras na rin siguro para lumaya at magparaya. Okay na sa akin 'yung limang taon na pinilit niyang mahalin ako. Hindi na ko lugi doon.
Napangiti ako nang mapait dahil sa mga tumatakbo sa isip ko. Kanina ko pa kasi pinalalakas ang loob ko kahit alam ko rin na pinagsisinungalingan ko na lang din ang sarili ko.
Ang totoo talaga ay ayoko siyang umalis. Gusto kong sa akin lang siya pero ayaw niya naman sa akin. Kaya anong laban ko?
Limang taon akong naging housewife lang samantalang si Pia naman ay nagtagumpay na sa buhay. May sarili na siyang kumpanya at sobrang proud ni Raf dahil doon.
Ang sakit-sakit pero masaya rin akong masaya siya. Gano'n siguro talaga.
"Ate, hindi ka paba babangon diyan? Ngayong araw kita iiwan para sa tennis tournament ko." Silip ni Sam.
Umingit lang ako sabay taas ng kamay para mostrahan siyang umalis na lang. Muli akong nagtalukbong ng kumot at yumakap sa unan.
"Ibang klase ka talaga," saad niya. "Oh, Kuya Raf, bakit nandito ka?" Pang-uuto niya na naman sa akin. Pero hindi na 'yan bebenta. Lagi niya 'yang ginagamit sa akin para bumangon agad ako.
"Natutulog ka pa rin?" nakatawa niyang sabi na nagpatigil sa akin sa paghinga.
Mabilis akong bumangon at bumungad sa akin ang mukha ni Sam na mapang-asar. Bumaling ako ng tingin kay Raf. Nakangiti siya ngayon at papalapit sa akin. Umupo siya sa kama at tinignan ako nang nakatawa habang inaayos ang bangs ko.
"Bumangon ka na. Tanghali na kaya." Pagtingin niya sa relo niyang suot.
Mas lalong naninikip ang dibdib ko kapag nakikita siyang nakangiti. Parang may matalim na gumuguhit sa puso ko na pwede kong ikamatay.
"Kuya Raf, ikaw na muna ang bahala kay ate. Late na kasi ko baka pagalitan na ko niyan," paalam ni Sam sabay kindat sa akin nang tumango si Raf.
"Kumain ka naba? May dala kong pagkain." Tumayo na rin siya.
"Bakit nandito ka?"
"May hihingin sana kasi kong pabor sa'yo," sagot niya na para bang nahihiya. "Ayos lang ba? Tutal naman ayos na kayo ni Pia, 'di ba?"
Pia na naman...
Pinilit ko na lang ngumiti at tumango. "Ano ba 'yon?" tumatayo kong tanong. Inalalayan niya ko at inakbayan na nagpabilis ng t***k ng puso ko.
Bakit ba sobrang komportable niya pa rin? Dahil ba ako lang itong may nararamdaman para sa kanya?
"Isang linggo pa kasi si Pia sa Japan. Tapos itong designer niya, bukas na ang dating at sa isang araw naman ay lilipad din ng America. Naisip ko na magkakatawan naman kayo . . . kaya baka pwedeng ikaw na lang ang magsukat ng wedding dress tapos send ko na lang sa kanya," papabilis niyang paliwanag.
Para kong binuhusan ng malamig na tubig. Ayoko!
"Ayos lang ba?" tanong niya ulit at ewan ko ba sa sarili ko kung bakit tumatango ako ngayon. "Thank you!" Parang nabunutan siya ng tinik sa dibdib.
Hinila niya ko paupo sa couch at pinaghainan ng dala niyang pagkain.
Kumikirot pa rin ang puso ko pero masaya naman siya, e. Ayos na siguro 'yon.
"Ang tanga mo, besh!" Malakas akong pinalo ni Dina, bestfriend ko, nang ikwento ko ang nangyari. "Lory, ang tanga-tanga mo talaga. Nagpaka-martyr ka na nga para sa kanya ng limang taon tapos ayan na naman? Nasisiraan ka na!"
"Anong magagawa ko?" Bumusangot ako at uminom ng kape. Kunsumido naman siyang sumandal at panay ang buga ng hangin. "Dina, alam mo namang hindi ko siya kayang tiisin!" dugtong ko dahil sa pagtingin niya.
"Bahala ka." May inis sa tono niya. "Ang tanga mo."
"Ang sakit mo namang magsalita."
"Hindi ako si Raf. Siya lang naman ang mapanakit. Nagsasabi lang ako ng katotohanan."
"Hi," bati ng isang lalaki na ikinatingin naming dalawa.
"Stephen," natigilan kong saad sabay tingin kay Dina.
"Kumusta ka na?" Ako lang ang tinatanong niya.
"Mabuti pa iwan ko kaya muna kayo? Mauna na ko sa inyo at may meeting pa kami mamaya ni Archi," paalam niya at hindi pinansin ang panlalaki ko ng mga mata para hindi ako iwang mag-isa.
Si Stephen, siya 'yung ex-boyfriend kong iniwan para lang kay Raf. Nagawa ko 'yon sa kanya kahit na alam kong mahal na mahal niya ko. Nandoon nga rin siya noong araw ng kasal namin ni Raf, umiiyak sa labas ng simbahan kahit pinagtitinginan na ng mga bisita.
"Nakita ko sa groupchat na naging active ka ulit." Umupo siya sa pinanggalingan ni Dina.
"Wala kasi kong magawa," ilang kong sagot habang pinapaikot ang straw sa harapan ko. Hindi ako makatingin sa sobrang kahihiyan. Iniwan ko siya para sa wala.
"Naghahanap ka ng trabaho, 'di ba?"
"Paano mo nalaman?" Gulat kong baling sa mukha niya.
"Nakita ko sa post mo," nakangiti niyang sagot at tumango-tango naman ako. "'Di ba may kumpanya naman kayo? Bakit bigla kang naghahanap ng trabaho?"
"Ha? Ano . . . gusto ko kasing maging independent," maagap kong sagot sabay ngiti.
"Tss, hindi mo naman na kailangan 'yon."
"At bakit? Porket may sariling kumpanya 'yung mga magulang ko, bawal na kong magtrabaho sa iba?" Pambabara ko sa kanya.
"Hindi naman, syempre may asawa ka na."
Ako ang nabara niya.
Tumingin ako kunyari sa wrist watch ko at nagpaalam na lang sa kanya. Kunyari ay may pupuntahan pa kong iba. Ayoko nang humaba ang usapan lalo na't naiilang pa rin ako sa kanya.
Sinayang ko pa rin siya para lang kay Raf!
Magsisi man ako pero wala na.
Tumigil ako sa labas ng coffee shop at binalikan siya ng tingin, na ngayon ay umo-order sa waiter. Nahuli niya ang pagtingin ko na 'yon kaya mabilis akong umiwas ng tingin at dali-daling lumakad palayo.
Naiinis ako sa sarili ko. Ngayon ko lang napagtanto na napakarami kong nagawang mali. At sa tingin ko, mukhang pinaparusahan na ko ng mundo ngayon.
"Mabuti na lang at sinamahan mo ko. Hindi ko talaga kasi alam ang gagawin. Malas daw sa kasal kapag urong sulong," tuwang-tuwang kwento ni Raf habang kinukuha ang dala kong bag.
"Kaya ko na," ilang kong sabi sa pagkuha niya. Mas hinigpitan ko ang hawak sa bag na hawak niya rin. Kaso isang tingin niya lang tiklop na ko. Nagtagumpay siya at sinuot ang bag kong ayaw ipadala sa kanya.
Nakakailang kasi, 'di ba? Ex-husband ko pa rin siya pero kung umasta siya ngayon ay parang walang nagbago. Ganyan na ganyan pa rin siya kahit may iba naman nang pakakasalan.
"Sinabi mo na ba kay Pia na ako ang magsusukat?"
"Hindi," matipid niyang sagot habang abala nang namimili ng gown.
"Paanong hindi?" kabado kong tanong.
Hindi niya na ko sinagot at nagkunyaring busy sa pamimili ng designs. May hawak siya ngayong dalawang fitted na gown at ipinapantay sa akin.
"Raf, paano kakong hindi? Baka mamaya magselos 'yon."
"Don't worry. Alam ko naman 'yon. Kaya nga kapag kinuhanan kita ng litrato hindi ko isasama 'yung..." Minostra niya ang mukha ko at saka tumawa nang mahina. Bumalik siya ng tingin sa gown at minostrahan na kong magsukat.
Binilisan ko na lang ang pagkilos para mayari na ang kalokohang 'to. Wala kasi siyang pakiramdam. Samantalang alam niya namang minahal ko siya at mahal ko pa rin siya. Pero lagi na lang siyang ganyan, masyadong kaswal at parang wala lang ang lahat.
"Masyado 'tong maiksi para sa bride," reklamo ko.
"Wait, steady ka lang." Kinuhanan niya ko ng litrato. "'Yan kasi ang mga tipo niya, 'di ba Carlos?" sagot niya sabay baling sa designer.
Nakatingin 'yon sa akin na para bang may masama akong ginagawa. Masungit siyang tumango kay Raf bilang sagot at inirapan ako. Ano bang problema niya?
"Ito pa." Abot niya ulit ng isa pa.
Nakasampu akong gown na isinukat at ito namang si Pia ay mukhang wala pang napili doon. Kunsumido kasi ang mukha ni Raf ngayon habang kausap siya sa kabilang linya. Nakakaawa ang baby ko.
"Hindi ba, ex-wife ka niya?" taas kilay na tanong ni Carlos. Napatingin ako sa kanya na ngayon ay kasalukuyang nag-aayos ng mga sinukat ko.
"Paano mo nalaman?"
"Hindi ka ba nahihiya sa ginagawa mo?" mataray niyang tanong ulit. Napakunot naman ako ng nuo at tila nakikipagtitigan sa mapanghusga niyang mga mata. "Sorry ha, pero kanina pa kasi ko nakakapalan sa pagmumukha mo. Kahit isinama ka lang niya dito para magsukat, dapat naisip mo ring soon to be wedding gown ito ng bride. Sino ka para isukat 'to at dungisan?"
Napipikon na ko. Masungit ulit siyang tumingin sa akin at ngumisi na may pagkamataray. Papatulan ko na talaga siya kung hindi lang dumating si Raf. Abala siya sa pagpatay ng tawag habang papalapit.
"Tara na," aya niya.
"Ayos ka lang ba?"
"Oo naman." Alam kong pilit lang ang ngiti niyang 'yon dahil kilalang-kilala ko na siya. "Gusto mo bang kumain? Nakakahiya at mukhang napagod kita."
"Ayos lang, wala naman akong ginagawa."
"Nga pala, noong isang araw kinausap ako ni Tita Sally..." "Si Mommy? Bakit daw?"
Natawa siya sa panlalaki ng mga mata ko. "Bigla ka raw kasing naghanap ng trabaho," sagot niya at pinagbuksan na ko ng pinto ng kotse.
Hindi ako makasakay dahil sa mapanghusgang tingin pa rin ni Carlos mula sa loob ng shop. Pinilit kong maging ayos at ngumiti para tumanggi.
"Bakit? Libre ko," gulat niyang tanong nang kuhanin ko ang bag ko sa kanya.
"Hindi na, bigla ko kasing naalala na may lakad pa ko."
"Sabi mo wala."
"Bigla nga, 'di ba?" alangan kong sagot at nilampasan na siya kaso nahapit niya ang braso ko.
"Lory," madiin niyang tawag kaya napabuga ko ng hangin at pasimple siyang tinignan. Minostra ko sa kanya ang kinatatayuan ni Carlos.
"Uuwi na ko," mahina kong sabi sabay tanggal sa kamay niya.
"Dahil ba sa kanya? Okay lang 'yon. Isinumbong niya naman na tayo kanina kay Pia," seryoso niyang sagot at nakipagtitigan kay Carlos nang matalim. "Kapag hindi ka pa sumakay sa kotse. Galingan mong umawat." May pagbabanta sa boses niya kaya mabilis akong napatingin sa kanilang dalawa.
"Isa." Nagsimula na siyang bumilang na ginagawa niya lang kapag napipikon na siya. "Dalawa..."
"Sasakay na ko. Tara na," kabado kong aya.
Ilang minuto rin siyang nakipagtitigan kay Carlos nang matalim bago pumasok ng kotse. Sabi na kasi at pag-aawayan nila 'to ni Pia.
Tahimik akong nakiramdam lang sa kanya. Mukhang pikon pa rin siya at malalim ang iniisip.
From: 09*********
Hi, hulaan mo kung sino 'to.
Napakunot ako ng nuo at nagulat nang agawin ni Raf ang hawak kong cellphone. Tinignan niya 'yon at biglang parang natauhan na binabalik sa akin ang cellphone.
"Sorry, nasanay lang ako," nakatawa niyang sabi.
Taas kilay ko lang siyang tinignan at hindi kalaunan ay binaling ko na ulit ang tingin sa text.
"Sino 'yan? Manliligaw mo?"
"Hindi ko alam. Hulaan ko nga raw kung sino siya. Nabasa mo naman," sarkastiko kong sagot dahil sa pagkirot bigla ng puso ko.
Mali pala kasi ko ng buong akala sa tagal naming dalawa. Dati kasi akala ko tuwing kukuhanin niya ang cellphone ko ay nagseselos siya pero hindi pala. Gano'n lang pala talaga siya. Mahilig mangialam sa buhay ng iba.
From: 09*********
Si Stephen 'to. Hindi ka naman na mabiro. Baka mamaya i-block mo pa ko.
Biglang pumintig ang puso ko pagkabasa ng sumunod niyang text. Mabilis kong tinago ang cellphone sa bulsa ko at kabadong umiwas ng tingin kay Raf.
"Saan mo gustong kumain?"
Tumunog ulit ang cellphone ko na ikinatingin niya sa bulsa ko.
"Kahit saan," maagap kong sagot.
"Sino ba 'yon? Bakit ayaw mong tingnan?"
"Wala, wrong number."
"Talaga?"
"Bakit ba para kang asawa ko kung makatanong? Mag-drive ka na lang diyan at nagugutom na ko." Nabigla siya sa sagot ko pero mas nabigla ako nang hugutin niya sa bulsa ang cellphone ko.
Iginilid niya ang sasakyan at seryosong inilayo ang cellphone. Itinaas niya 'yon at pinigilan pa ang mga kamay ko para maka-agaw.
Napakamalas at hindi ko pa nabago ang password no'n. Nabuksan niya 'yon nang walang kahirap-hirap at ngayon ay parang inis ang mukha na bumaling sa akin.
Bakit ba ko natatakot? Ano naman? Hindi ko naman na siya asawa.
"Akala ko ba hindi na kayo nagkikita?" biglang seryoso niyang tanong gamit ang malalim niyang boses.
"Kahapon lang."
"Kahapon?" Mas nilapit niya ang mukha niya kaya natakot ako. Ngayon ko na lang ulit siya nakitang nagalit mula noong mag-away kami dati dahil sa pagbubuntis.
"Ibinigay mo sa kanya 'yung number mo?" "Hindi," maagap kong sagot. Nagkatitigan kaming dalawa nang matagal at pamaya-maya rin ay walang kibo niyang ibinalik ang cellphone ko.
"Hindi siya makakabuti sa'yo. Alam mo 'yan," salita niya sa pagitan ng katahimikan. Nilingon ko lang siya sandali at hindi na ulit kumibo pa.
Pero iba talagang maglaro si Tadhana. Natigilan kaming dalawa ni Raf sa pagpasok ng restaurant nang makita si Stephen na kumakain sa loob kasama ang mga kaibigan niya.
Tinignan ko si Raf na parang gustong umatras.
Mainit kasi talaga ang dugo niya kay Stephen. Hindi dahil sa ex ko siya kundi dahil kay Pia. Magulo ang love story naming apat. Pinagulo nilang dalawa.
Noong ikinasal kasi kami ni Raf, dalawang linggo lang ang lumipas at nabalitaan naming naging mag-on na sina Stephen at Pia. Sabi ng ilan ay gumanti lang ang dalawa pero para kay Raf, sineryoso ni Pia si Stephen na hindi niya kayang tanggapin.
Sa story na 'to, pakiramdam ko talaga ay ako ang kontrabida. Malandi at sakim na ngayon lang nakokonsensya sa ginawang kasalanan sa dalawang nagmamahalan.