"Okay din pala 'tong naging bahay niyo," nakangiting sabi ni Pia habang umiikot ang tingin sa buong bahay. "Ilang bedrooms ang meron dito?" Baling niya sa akin.
"Apat," nakangiti kong sagot. Nagbaba ako ng meryenda sa lamesa. Juice at cookies na ako mismo ang gumawa.
"Ano na naman 'yan?" reklamo ko kay Raf nang pagpalitin niya ang baso nilang dalawa ni Stephen.
"Orange juice ang gusto ko," matipid niyang sagot.
"Nagseselos ka pa rin ba kay Stephen?" mahinahong tanong ni Pia. "Ipinaliwanag ko na sa kanya na hindi naman naging tayo." Baling niya naman kay Stephen.
Hindi sumagot si Stephen. Seryoso lang ang mukha niya at mukhang napipikon kay Raf.
"Ibang klase talagang mag-isip ang mga tao ngayon. Nagulat ako noong nalaman kong kumalat dito na naging kami ni Stephen five years ago," dugtong ni Pia.
Kahit naman sino 'yon ang iisipin lalo na't sabay silang pumunta sa ibang bansa para doon mag-stay. Isang taon din sila doon at ang bali-balita ay iisa rin ang tinuluyan nila.
"Kayo naba ulit?" tanong ni Pia.
Hindi ako agad nakasagot dahil sa biglaang pagtingin sa akin ni Raf. Sa tingin niyang 'yon parang binabalaan niya kong ayusin ang isasagot ko.
"Hindi—" "Malapit na," sabay naming sagot kaya mabilis akong napatingin sa kanya.
"Anong malapit na?" Pinaningkitan ko siya ng mata at mahinang tinawanan.
"'Di ba gagawa na nga tayo ng baby?" pabiro niyang bulong.
"Stephen."
"Hindi pa kayo niyan? Pero ang sweet niyo na," sabat ni Pia.
"Pwede ba tayong mag-usap sandali?" Tumayo si Raf at mukhang ako ang kinakausap niya.
Ilang kong tinignan si Pia bago tumayo at sundan si Raf na umakyat sa itaas.
Naabutan ko siyang nakaupo sa kama at mukhang masama ang timplada.
"Anong problema?" tanong ko habang sinasara ang pinto.
"Akala ko ba hindi ka na nakikipagkita sa kanya?" masungit niyang tanong pabalik. Naghalukipkip siya at mas lalo pa kong tinignan nang masama. "Tapos pinapapunta mo na rin siya dito?"
"Hindi, nagkataon lang na nagkita kami sa mall."
"Ang daming ibang lalaki diyan, Lory. Makakahanap ka pa ng iba."
Gusto kong umiyak at sabihin sa kanya na marami ring ibang babae diyan hindi lang si Pia. Pero hindi ko kayang sumagot sa kanya.
"Makinig ka sa akin. Hindi siya makakabuti sa'yo." Lumapit siya sa akin at pinagpantay ang mga mukha naming dalawa. "Kung gusto mo, pwede kitang ipakilala sa mga kaibigan ko."
"Tama na, Raf." Yumuko ako at hinawakan siya sa balikat. Hindi ko na napigilan ang pag-iyak sa sobrang sama ng loob. "Umalis na kayo. Ikaw na lang ang magsabi sa kanila."
"Umiiyak ka ba?"
"Please, 'wag ka nang lumapit. Umalis na kayo at iwan niyo na lang akong mag-isa." Pagpigil ko sa kanya bago magtalukbong sa kama.
"Lory, para sa'yo ang sinasabi ko." Hindi niya ko sinunod at talagang umupo pa siya ngayon sa higaan.
"Hindi mo ba naiintindihan?!" paos kong sabi sabay harap sa kanya. "Mahal pa rin kita, Raf. Pinalaya lang kita kasi gusto kong sumaya ka. Please naman, tigilan mo na ko."
Hindi siya kumibo tulad ng inaasahan ko. Tumayo siya at umalis nang walang paalam.
Pagkatapos ng nangyari, pinilit ko ang sarili kong bumangon. Nagpaka-busy ko sa trabaho para ma-regular agad.
Wala pa ring tigil sa pagte-text si Stephen. Hindi niya ko mahanap dahil pinili kong 'wag ipaalam sa kahit na sino kung saan ako napasok ng trabaho. Lumipat din ako ng tirahan sa isang malapit na condo na nakuha ko. Maliit lang 'yon pero malayo namang magkita pa kami ni Raf.
Ito ang mas makakabuti sa akin. Natauhan na ko sa ilang gabi kong pag-iyak. Tama na nga ang limang taon na paghihirap ko. Chance ko naman siguro ngayon na sumaya.
"Ikaw 'yung bago?" tanong ng isang lalaki. Pamilyar ang mukha niya. Mukhang siya 'yung leader sa kabilang grupo.
Tumigil ako sa paghalo ng kape at tinignan siya na abala ngayon sa pagtitimpla ng sa kanya.
"Hmmm, good morning," matipid kong sagot.
Nahuli ko ang pagsulyap niyang ginawa. Ngumiti siya at nilahad ang kamay. "Ezekiel," pakilala niya.
"Lory." Nilahad ko rin ang kamay ko at nakipagkamay.
"Matagal na kitang tinitignan. Akala ko masungit ka," pabiro niyang sabi.
Nakitawa na lang din ako sabay higop ng kape. Naupo ako sandali para magpahinga at nagulat nang maupo siya sa katapat kong bangko.
"Bakit lagi kitang nakikita na walang kausap?"
"Mas focus ako sa work kaysa sa pakikipagtsismisan," prangka kong sagot na tinawanan niya.
"Ako ba kilala mo?"
Humigop ako habang pasimple siyang tinitignan. "Ezekiel. Kakasabi mo lang."
"Hahaha! No, I mean, kung anong trabaho ko dito."
Mukhang may sayad ang isang 'to. Mapanghusga ko siyang tinignan habang mabilis kong inuubos ang kape. Magsasalita pa sana siya pero ayoko nang makipag-usap. Tumayo na ko at nagpaalam agad.
Gabi na kong nakakauwi dahil sa tambak na trabaho sa office kaya naman lagi akong dumadaan sa night market. Dito na ko kumakain ng hapunan para hindi na ko magluluto. Ayos, 'di ba?
Nasa entrance pa lang ako pero amoy na amoy ko na ang iba't ibang amoy ng pagkain. Nakakagutom.
"Ate!!" Napalingon agad ako bago maisubo ang binili kong shawarma. Si Sam 'yon na masayang kumakaway sa akin mula sa isang kainan.
Tumigil ako sa paglapit noong makita kong may kasama siyang dalawang lalaki at ang isa doon ay si Raf. Seryoso siyang nakatingin ngayon sa akin habang may iniinom na shake.
"Halika dito. Ang tagal lumakad, ah," reklamo ni Sam at hinila ko paupo sa tabi ni Raf.
"Bakit nandito siya?" mahina kong tanong habang nakaturo kay Raf.
"Pinasama siya sa amin ni Mommy." Ngumuso siya na may pagkayamot.
"Kilala mo na ba siya?" Kinausap niya ko. Humarap siya sa akin at mas lumapit.
"Hindi, sino ba siya?" Tinignan ko si Sam bago tingnan ang kasama nilang lalaki.
"Boyfriend siya ni Sam," bulong sa akin ni Raf.
"Boyfriend?!" bulalas ko. Matalim ko silang tinignang dalawa habang nakaturo. "Anong boyfriend? Hindi ka pa tapos sa pag-aaral, ah!"
"Ate, college na ko. Graduating..."
"'Wag mo kong sinasagot."
"Hindi naman ako sumasagot. Bakit ba ganyan kayong lahat sa akin? Hindi naman na ko bata." Naghalukipkip siya na parang nagtatampo.
"Hi po, Louis nga po pala," pakilala niya.
Hindi ko tinanggap ang kamay niyang nakalahad sa halip ay tinignan ko talaga siya nang nakataas ang kilay.
"Mas nakakatakot 'yung ate mo kaysa sa kuya mo," bulong niya kay Sam na rinig na rinig naman.
"Ate! 'Wag mo naman siyang pagmulatan nang ganyan!" angal niya. "Para kang si Mommy, e. Pinasama pa 'tong si Kuya Raf dahil lang nalamang lalabas kami."
"Aba, dapat lang na may kasama kayong lalabas."
"Ikaw din naman nagka-boyfriend noong nag-aaral ka pa."
"Dean's lister ako no'n," mayabang kong sagot.
"Kasi ikaw, e. Tinawag mo pa 'yung ate mo. Hindi na nga ako mahigpit sa inyong dalawa." Mahina kaming tinawanan ni Raf at muling uminom ng shake niya.
"Pwede ka ng umalis. Ako na ang bahala sa kanila at baka may gagawin ka pa."
"Mukha ba kong busy?" seryoso niyang balik kaya nanahimik na lang ako at sumandal.
Maya-maya pa ay dumating na ang ibang pagkain nilang inorder. Napakadami kaya napanganga ko habang tulo ang laway.
"Gusto mo?" Alok ni Raf habang abala na tumutuhog doon ng kung ano-ano. "Ah, ayaw mo nga pala ng fishball." Tinignan niya ko at nakangiting inabutan ng chicken wings.
"Nakita mo 'yon? Dapat gano'n ka rin sa akin. Hindi 'yong kumakain ka na diyan." Rinig kong angal ni Sam.
Tumigil sa pagkain si Louis na punong-puno ang bibig ngayon.
"Hayaan mo na lang sila," mahinang saad sa akin ni Raf. Nginitian niya ko at muling inabutan ng shake na kanina ay iniinom niya. "Matanda na si Sam at mukhang mabait naman si Louis."
"Parang lang..." usal ko bago bumaling sa pagkain na mahina niya namang tinawanan.
Pagkatapos kumain, bigla na lang silang tumakbong dalawa. Iniwan nila kami ni Raf kaya lalo akong nakunsumi. Tapos itong isa naman ay tuwang-tuwa pa at talagang kinukonsinte ang kapatid ko.
"Bakit hindi ka umuuwi sa bahay?" Pagbasag niya sa katahimikan namin. Sabay kaming lumalakad ngayon at nagpapababa ng kinain kanina.
"Paano mo naman nalaman?"
Hindi siya sumagot at tinignan lang ako habang nagpapamulsa sa jacket na suot. Umiwas na lang ako ng tingin at hinayaan siya.
Maya-maya pa ay nagulat ako at napatingin nang hawakan niya ang kamay ko. Gusto kong bawiin 'yon pero ang higpit ng hawak niya habang ibinubulsa sa jacket na suot.
Lalo lang akong naiilang sa ginagawa niya. Nagtalo na kami noong nakaraan pero hindi pa rin siya natuto. Talagang pinapahirapan niya kong mag-move on.
"Hindi ka pa naman nakikipag-live in sa iba, 'no?" Huminto siya at mapanghusga akong tinignan kaya napanganga ko.
"Ako?" Pikon kong turo sa sarili ko. "Mukha ba kong gano'ng klaseng babae?"
"Nagtatanong lang naman ako."
"Ganda ng tanong..."
"Ang tahimik mo kasi hindi ako sanay. Ikaw ang maingay sa ating dalawa."
"So, laging dapat maingay?" sarkastiko kong balik na tinawanan niya nang mahina.
"Galit kapa rin ba dahil lang pinagbawalan ko kayo ni Stephen?"
"Hindi ako galit," matipid kong sagot habang bumabalik na sa paglakad pero hindi siya nagpahila. Ako ang hinila niya pabalik kaya mabilis akong napahawak sa isa niyang braso.
"Kung hindi ka galit, bakit pakiramdam ko nagbago ka na ng pakikitungo sa akin?"
"Raf, wala na tayo at—" "At?"