7: Something Confusing

2591 Words
KANINA pa hindi makatulog si Paco. Hindi kasi siya sanay na may katabing matulog sa kama kahit pa nga ba may nakaharang naman na mga unan sa pagitan nila ni Polly. O baka malaking rason din ang mga sinabi sa kaniya ng babae kaninang bago sila nito matulog... Aminin man niya kasi o hindi, malaking dahilan na nga iyon mismo sa pagkaligalig niya ngayong gabi dahil ikinagulat niya iyon. Hindi niya alam ang sasabihin o iisipin sa sinabi nito. Alright, confusing sa kaniya iyon dahil never pa naman siyang nagseryoso sa isang babae mula noong... Ipinilig niya ang sariling ulo upang mapalis ang kung ano-ano nang naglalaro sa isipan niya. Tulog na kaya si Polly? piping tanong na lamang niya sa sarili. Mas mainam nang ituon ang atensyon sa kasalukuyan kesa sa nakaraan. Kaya naman mula sa nakatabon sa mukha niya na comforter ay unti-unti niyang sinilip ang babaeng katabi. Naka-eye mask ito kung matulog at may pillow neck, terno ang disenyo ng mga iyon. Kulay pink. Katulad ng ibang babae ay mahilig din ito pala sa mga ganoong bagay. At oo, tulog na nga ito dahil pantay na ang paghinga nito. Nakangiting naipilig na lang niya ang sariling ulo nang umawang ang maliit na labi ni Polly habang tinititigan niya ito. Napailing siya. Si Polly na nga ang kung ano-ano ang sinabi kanina sa kaniya ay ito pa ang masarap ang tulog sa kanilang dalawa ngayon… "Ouch!" pabulong na daing niya nang walang ano-ano'y napahiga siya pabalik sa kaninang puwesto niya sa kama niya—dinantayan lang naman kasi siya ng babaeng tinititigan niya kanina! Ganoon na lamang ang pamimilog ng mga mata niya nang maramdaman niyang sumiksik ito sa bandang leeg niya—nang maramdaman niya na mismo ang labi nito sa leeg niya! Calm down, Paco. Mas lalo kang hindi ka makakatulog niyan! piping kastigo niya sa sarili. Kung kanina ay confuse lang siya, ngayon ay malinaw na mas nakakalito na para sa kaniya kung gising ba ang katabi niya o tulog dahil unti-unting naramdaman niya ang paggalaw ng labi nito sa kaniyang leeg na tila siya binibigyan ng mumunting halik nito roon! "P—Polly...?" nananantyang tawag niya rito. "Gising ka ba?" Napapikit siya nang maramdaman niyang ang kaninang mumunting halik nito sa kaniyang leeg ay parang nagbago... Sinisimulan na ni Polly na sipsipin ang leeg niya! "ARAY!" Kandangiwi at sapo ni Polly ang nasaktan niyang balakang nang tuluyan siyang bumagsak sa sahig. Kung mamalasin nga naman siya, sa dulong parte pa siya ng carpet napunta kaya medyo matigas na ang napaghulugan niya! "Uy, Polly, ayos ka lang ba?" dinig niyang tarantang tanong ni Paco sa kaniya. Inangat niya ang eye mask niya't pinanlisikan niya ito ng mga mata. "Tinatanong mo pa talaga 'yan?!" asik niya rito. Nagkamot ng sariling ulo ang lalaking tumulak lang naman sa kaniya kaya siya nahulog sa kama! At nakakainis lang talaga, sa kahit anong anggulo yata ay magandang lalaki ito. Kahit sa mga mata niyang ilang oras na rin naman nang matakpan ng kapirasong tela. "S—Sorry, e, nagulat kasi ako... n—nananaginip ka yata kanina..." kandautal pa nitong turan, tila nahihiya. May gana pa talaga itong mahiya pagkatapos siyang itulak nang walang kaabog-abog! "Dito na lang ako matutulog sa lapag! Nakakainis ka!" Nakangusong aniya rito. Wala na, nagtampo na siya! Kaagad siyang humila ng isang unan para mailagay niya sa sahig saka niya iyon hinigaan. Patalikod kay Paco ang puwestong ginawa niya sa paghiga dahil naiinis talaga siya sa huli. Hindi naman kasi siya tulog talaga kanina. Plano niyang akitin sana ito kaya lang ay ganoon na nga ang nangyari. Akalain ba naman niyang itutulak siya ng damuho! Kainis! Narinig niya ang malakas na pagbuga ng hangin ni Paco. "Ako na lang ang matutulog sa sahig. Ikaw na sa kama." Ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata ni Polly nang maramdaman niyang umangat siya sa ere—binuhat siya ni Paco! Dumilat siya. Nasalubong niya ang nakokonsensyang deep set eyes ng damuhong may karga sa kaniya. Buti na lang talaga, maganda ang mga mata nito. Sandali tuloy na nalimutan niyang naiinis siya rito, pinulupot niya na rin ang mga braso niya sa batok nito. Naramdaman niyang nanigas si Paco sa ginawa niyang pagkapit sa batok nito. Binalewala lamang niya iyon dahil hinayaan lang naman siya nito kahit halata naman na naiilang ito. "Hindi mo 'ko dapat na tinulak," aniya rito. "Akala ko pa naman ay gentleman ka. Puwede mo naman akong gisingin ah." Inismiran niya ito. "Sorry na." Buntonghininga nitong tugon sa kaniya. Nang muli niyang salubungin ang mga mata ni Paco, nagulat siya sa naging reaksyon ng puso niya. Tumambol iyon... Pagtambol na bumibingi na sa kaniya dahil sinabayan na rin iyon ng pagkabog ng dibdib ng lalaking kasalukuyan siyang karga... Parehong nag-iingay ang mga puso nila habang nakatitig sila sa bawat isa... Safe na bang sabihin niyang pareho naman sila ng nararamdaman ni Paco pero parang may kung ano lang talagang pumipigil dito kaya siya nahihirapan na kumbinsihin ito na totohanin na nila ang lahat? "Sige, sorry rin na nasungitan kita pero pa-kiss muna!" Walang busina, ninakawan niya ng halik si Facundo Hondradez. Mabilis na halik lang pero nahuli niya ang paglaki ng magandang mga mata nito sa gulat. Mabilis na halik lang ang ginawa niya pero ibinagsak siya nito ora mismo sa kama—buti na lang malambot na ang kinabagsakan niya ngayon! "D'yan ka na nga. Hindi na rin ako makakatulog e," reklamo ni Paco. Lukot ang ilong na tinabunan siya nito ng makapal na comforter. "Hoy, saan ka naman pupunta?!" "Sa 'baba. Magkakape na lang muna ako," sagot nito. Mataman siyang tinignan. "Sige. Salamat sa kiss, Facundo." Umiling-iling si Paco. "You're really crazy, Polly." "Crazy sa 'yo." "Baduy rin." "Basta naka-kiss, ayos lang," seryosong tugon ni Polly. Seryoso rin naman kasi ang tonong ginagamit ni Paco sa kaniya. Hindi niya alam kung ano ang puwede niyang itawag sa biglaan na lang na paglalaho ng masayang atmosphere sa pagitan nila nito. Bigla na lang silang naging seryoso kasi ngayon. Oo, kasabay ng tahimik na gabing iyon na ang tanging naririnig lang nila ay huni ng aircon sa loob ng malaki at malamig na kuwartong iyon. Walang natatawa sa kanila dahil alam nilang hindi na biro? Ah ewan, basta ang sigurado niya lang, dama naman nila iyon pareho... "Hindi mo naiitindihan, Polly," ani Paco sa mas seryoso pang tinig na ngayon lang niya narinig mula rito. "E bakit hindi mo muna kasi subukan na ipaunawa sa 'kin bago ka gumanyan d'yan?" Walang tugon. Saglit lang siyang tinitigan nito bago siya walang salitang tuluyan na nitong tinalikuran... ***** "GRANNY, nagwo-work nga siya sa bar pero feeling ko naman kung hindi mo titignan kung ano si Polly noong bago siya makilala ni Paco ay magugustuhan mo siya. Yes, sobrang maasikaso niya sa apo mo. Nagulat nga ako. I mean, hey, even I, hindi ko magagawa ang ginagawa niyang pag-aasikaso na gano'n, dzuh…" Natigilan si Polly sa akmang paglabas sana sa likod-bahay nang maulinigan niyang may kausap si Monica sa cellphone nito. Kaagad siyang nagtago sa gawing pinto at masusing pinakinggan ang sinasabi nito sa kausap. Naulinigan kasi niyang binanggit nito ang pangalan niya. Pupunta sana siya sa likod-bahay para magsampay. Inako niya ang gawain na iyon mula kay Olen dahil wala naman na siyang ginagawa. Pantanggal inip na rin. "'Yon naman ang gusto mo ah, 'yong may mag-asikaso sa mga apo mo na matitigas ang ulo!" tumatawang sambit pa ni Monica sa kausap nito sa kabilang linya. Hindi na mahirap hulaan na ang lola na nga ni Paco ang kausap nito. Nagkuwenta siya sa isipan, halos apat na araw na rin pala buhat nang mapunta sa bahay na iyon si Monica. Sa loob ng apat na araw na iyon ay napuna niyang nag-lie low ito sa pangungulit kay Paco. Tila nga naging housemate na lamang nila ito, hindi nga lang nila napag-usapan iyon ng huli dahil hayun, pagkatapos kasi ng gabing iyon sa loob ng kuwarto ay parang iniwasan siya ni Facundo. Literal na housemates silang tatlo sa malaking bahay na iyon at naisip niya nga nitong mga nakaraan na wala siyang planong hayaan iyon. Humanda si Paco sa kaniya kapag nakabawi na siya sa sakit na dinulot sa kaniya ng pag-uusap nila noong gabing iyon. Oo naman, masakit sa kaniya iyon. Nagtampo talaga siya. Kahit hindi niya alam kung bakit, paano o saan, basta ang malinaw sa kaniya ay nakakatampo ang pagtanggi ni Facundo Hondradez sa kaniya. Pero patuloy na ginagawa naman niya ang trabaho niya bilang kunwaring misis nito. Naudlot ang mga naglalaro sa isipan niya nang marinig niya ulit na magsalita si Monica, "Granny, may naalala na rin kasi ako about that particular night. And guess what? I think, hindi si Paco 'yon. Uh—huh." Nangunot ang mga kilay ni Polly. Hindi siya tanga at hindi ito ang tamang oras para magtanga-tangahan. Oo, nauunawaan niya ang sinasabi ng self proclaimed heredera—iyon ang gabing sinasabi ni Paco sa kaniya na wala itong maalala na sa binibintang dito ni Monica. "No! Mali pala, sure ako! Hundred percent, hindi 'yon si Paco. And I'm sorry for my katangahan, Granny, really," dagdag pang sabi ni Monica sa kausap. "Yup, may mga documents sila na nagpakasal sila sa Vegas but I'm not sure if that's authentic, and hey, hindi ko na job na alamin 'yon, Granny!" Patawa-tawa pa ang heredera, iyong klase ng tawa na tunog mayaman talaga. Isang side lang ng pag-uusap ang naririnig niya pero malinaw naman na nakuha niya ang mga sinambit ni Monica. Ilang sandali pang naghintay siya ng iba pang sasabihin nito ngunit hindi na iyon nangyari dahil sa isang malakas na busina ng kotse. May bisita pa yata sila. Sino kaya? Imposible kasing si Paco ang bagong dating dahil hindi naman bumubusina ang huli kapag dumarating. Ah, ayaw niyang isipin na ang lola na nito ang bagong dating gayong kausap pa lamang ito ng herederang spoiled brat. Kaagad siyang pasimpleng umalis sa pinagkukublihan para tignan kung sino ang istorbo sa masarap na pakikinig niya sa tsismis. "A—AKILLES," paanas na sambit ni Monica sa pangalan ng bisita nila. Nakagulatan pa ni Polly na nasa likod na niya pala ang heredera. Hindi niya namalayan ang pagsunod nito sa kaniya. Narinig din siguro nito ang malakas na busina kanina. Saglit na sinulyapan niya ang heredera bago ibinalik niya ang tingin sa bisita nilang si Akilles nga, ang kapatid ni Paco na nakilala niya noon. "Uy, napadalaw ka yata? Uhm, wala naman si Pacs dito ngayon," aniya kay Akilles. "Hello," bati naman ni Akilles sa kaniya. "I hope you don't mind na nagpunta ako rito nang walang pasabi, Polly." "You shouldn't be here!" maarteng bulalas ni Monica. Kinagulat iyon ni Polly kaya napalingon siya sa heredera. Tumaas ang kilay niya nang nagdadabog na naupo ito sa single seater sofa. Magkakrus pa ang mga braso sa dibdib, inirapan ang duktor. "Why not? As far as I remember, kay Facundo naman 'tong bahay at hindi sa 'yo, Nics," pasensyosong ani naman ni Akilles. "That is 'Monica' for you!" asik ni Monica sa duktor. Nagtataka man siya ay hindi na lamang niya pinansin ang pag-iinarte ng babae. Spoiled nga at brat ito kaya ganoon. Wala namang bago, nakita niya na ang ugali nitong 'yon. "Ay, hala, pasok ka, Akilles. Ano ang gusto mo, kape, juice?" naisipan na lang niyang alukin ang bayaw niyang hilaw. Ang kanila nga ni Paco ay hindi niya na malaman ang gagawin niya, idaragdag pa ba niya ang nahahalata na niyang something sa dalawang kasama niya ngayon sa living room? "Cold water na lang, thanks," sagot sa kaniya ni Akilles. "Okay, wait lang ha," tipid na tugon naman ni Polly sa duktor. "Nakakainis ka! Ano ba ang ginagawa mo rito? Sinabi ko na sa 'yong tigilan mo 'ko hindi ba?" Napailing na lamang siya nang marinig niya na naman ang naghihisterikal na tinig ni Monica nang makatalikod na siya para kumuha ng malamig na tubig para kay Akilles. Bahala na kayong dalawa, kaya niyo na 'yan... "LET me go! Ano ba, nakita mo nang umuulan!" tili ni Monica. Masakit sa tenga ang tili ng heredera pero ngayon lang napagtanto ni Polly na sanay na pala siya na marinig iyon. Nagmamadaling inilapag niya sa coffee table ang bitbit niyang isang baso ng malamig na tubig saka nagmadali na siyang puntahan ang labas ng bahay upang masilip niya kung ano ang nangyayari kay Monica at Akilles. "Ang tigas talaga ng ulo mo! Wala rin namang magagawa 'yang pagpasag mo. Sasama ka sa 'kin sa ayaw mo at sa hindi!" ani Akilles kay Monica sa tinig na tila nakukunsumi ito sa huli. Iyon ang nadatnan ni Polly na senaryo ng dalawa. Hindi naman humihingi ng saklolo sa kaniya ang heredera kahit nakita na siya nito. So, she therefore conclude na hindi niya kailangan na awatin ang duktor. Puwede naman niyang i-text or tawagan si Paco mamaya para malinawan siya sa nangyayari sa pagitan nina Monica at Akilles. Pero hindi rin naman masama na lapitan niya ang mga ito at tanungin man lang ang duktor para malinawan siya kahit kaunti sa nadatnan na eksena ng mga ito. "Akilles, saan mo ba dadalhin si Monica?" tanong niya agad nang makalapit na siya sa dalawa. Gulat na nilingon siya ng duktor. "Polly, umuulan!" Iyon na nga, umuulan pero ganoon pa ang ginagawa ng dalawa sa garahe. "Polly, umuulan, mababasa ka. Pumasok ka na sa loob, ako na ang bahala sa lalaking 'to," ani Monica sa kaniya. Kasalukuyan na itong nasa front seat ng kotse, sinilip lang siya. Gusto niyang iikot ang eyeballs niya sa heredera, kung makatili kasi ito ay akala mo na kung napapaano pero hayun, ito na raw ang bahala sa sarili. Sumugod-sugod pa siya sa ulanan! "Haist, ano ba naman kayong dalawa, pareho kayong maligalig." Lukot ang ilong na aniya sa mga ito. Nanghingi ng pasensya si Akilles sa kaniya bago ito sumakay na sa driver's seat ng kotse nito. Nagsabi pa ito na si Paco na lamang daw ang magpapaliwanag sa kaniya ng lahat. Iiling-iling na lang na sinundan niya ng tingin ang papalayong kotse ng duktor nang makaalis na iyon. "Mga tinamaan na ng magaling," bulong pa niya sa sarili. Nang makaalis ang mga ito ay nayakap na lang niya ang sarili nang mangaligkig siya sa lamig na dulot ng malakas na ihip ng hangin. Biglaan naman ang pagsama ng panahon ngayon. Pero biglaan din naman ang dating ng isang pamilyar na kotse. Nang lumabas ang driver niyon ay ganoon na lang ang sama ng tingin na natanggap niya mula rito... "What the hell are you thinking, woman? It's raining hard!" agad na asik ni Paco nang makalapit ito sa kaniya. "Ah, e, kasi 'yong kapatid mo at si Monica..." Nakangiwing paliwanag niya. Ngayon lang niya nakitang ganoon kagalit si Paco kaya yata nailang siya rito bigla. "Tsk, hindi ko na naabutan si Akilles," anito sa naiinis na tono, nakapamewang din ito na tanaw ang daan kung saan lumabas ang kotse ng kapatid nito. "Kaya ba maaga kang umuwi dahil hinahabol mo siya? Uhm, tangay na niya si Monica paalis." Salubong ang mga kilay ni Paco nang tingalain niya. Ganoon din nang bigla itong magbaba ng tingin at nasalubong ang mga mata niya. She bit her lower lip. Nag-iwas siya ng tingin dahil bigla siyang nailang kay Paco sa hindi niya malaman na dahilan. Iyon na yata ang something na sinasabi nila. Something na mararamdaman mo na lang isang araw, na kahit ikaw pa mismo ay hindi maipapaliwanag kung ano iyon...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD