5: Misis Duties

2524 Words
INAGAHAN talaga ni Polly na magising ngayong araw na ito kahit naninibago pa rin ang katawan niya sa normal na oras ng pagtulog at paggising dahil nga nasanay siya na ginagawang gabi ang umaga. Maaga siyang gumising ngayon para maabutan niya si Paco bago ito pumasok sa opisina nito. Nakakainis naman kasi ang lalaking iyon, inuwi siya sa bahay nito tapos ay tila lang siya display naman doon. Hindi na sila halos nagkikita sa loob ng bahay nito. Kaya nga ba pinuntahan niya ito kahapon para ipatikim ang cookie niya. Napangiti siya nang tila kumislap ang singsing na may malaking diamond na nasa daliri niya ngayon. Siyempre pa, galing iyon kay Paco. Ang mag-asawa raw kasi ay may singsing. Dumiretso sila kahapon sa binilhan nito ng singsing na iyon. Okay na rin, at least naman, kasal na lang ang hihintayin niya. Lihim tuloy siyang napahagikgik sa naglaro sa isipan. Hagikgik na hindi na niya naawat na makaalpas nang sa wakas ay tagumpay siyang nakapasok sa k'warto ni Paco nang walang nakakapuna sa kaniya at mas lalo na nang mapagtanto niyang naliligo pa lang ang huli. Hindi niya ito magiging tunay na mister kung hindi sila halos nagkikita kaya siya na ang mag-a-adjust. Heto, narito na siya sa k'warto nito. Wala naman siya ibang plano kundi ang ipaghanda ito ng maisusuot. Nagsimula siya sa basic—ang ipag-bake ito at guluhin sa office nito, heto na ang ikalawa niya—ihanda ang isusuot ni Facundo na para siyang tunay na misis nito. "Wow," manghang bulalas niya nang makapasok siya sa closet ni Paco. Medyo nakakalula sa dami ng mga damit na naroon. Nakakalula rin ang koleksyon ng mga sapatos nito at relo. "Hmn..." Nag-isip siya kung ano ang maaari niyang ihanda na damit para rito. Inalala niya ang nadatnan niyang suot nito kahapon sa opisina nito. "OH, sh't! What the hell are you doing here?!" "Ay, pandesal! Kape na lang ang kulang!" Magkapanabay na bulalas nilang bulalas ni Paco nang basta na lamang itong pumasok sa closet at sumigaw. Natural naman na magulat siya, ang hiyaw naman kasi ni Paco, daig pa ang haciendero na hindi binigyan ng karapatan na magsuot ng damit dahil mas maganda ang tanawin kung walang suot— jusko, ano ba naman ang mga pinagsasasabi niya! Nakagat niya muna ang lower lip niya bago siya magsalita at harapin si Paco, "Kumalma ka okay? Hinga-hinga rin, ako lang 'to," pagbibiro na lang niya upang mapagtakpan niya ang sandaling kahihiyan na nadama. Napangiti naman siya nang gawin nito ang sinaad niya. Ngiti na nauwi na sa hagikgik nang magsalubong ang mga kilay nito at napagtantong hindi dapat nito ginawa ang sinasabi niya. "Polly ano ba! Nakakainis naman. Sinabi ko na sa 'yo na 'wag kang pumasok sa k'warto ko 'di ba, pero heto at nasa closet ka na." Lukot ang ilong nitong sambit sa kaniya. Itinaas niya ang dalawa niyang palad na para siyang sumusukong pulis. "Kalma, okay? Pumasok lang ako sa k'warto mo kasi ipinaghanda kita ng maisusuot." Minuwestra niya rito ang mga nakaayos nang damit nito, pants, sapatos, medyas, may relo at panyo pa nga siyang inihanda para rito e. Sinulyapan naman nito iyon bago ibinalik ang mga mata sa kaniya. "Sige, salamat. Puwede ka nang umalis, magbibihis kasi ako," anito sa kaniya sa kalmadong boses na. "Misis duties 'yan. Nakakahiya naman sa 'yo, pasasahurin mo 'ko tapos wala naman akong ginagawa rito. Saka nakakatampo ka, dinisplay mo lang ako rito sa bahay mo," she said, sounded both pitiful and eager to tell what she wanted to say. NATIGILAN naman si Paco dahil doon. "I—I'm sorry, nasabi ko naman sa 'yo na busy lang ako, babawi naman ako—" "E, 'di goods pala. Bumawi ka na ngayon." "Huh?" nagtataka niyang tanong kay Polly. May mga salita kasi ito na hindi niya munawaan talaga. "Ako na kaya ang magbihis sa 'yo, Pacs?" Sa sinabi nito ay awtomatiko siyang napaatras. "H—Hindi na, kaya ko na 'to!" Nandidilat ang mga mata na wika niya rito. She giggled. "Joke lang! 'To naman." Tumalikod na ito kaya maluwag siyang nakahinga. Mapilit pa naman ito kapag sinumpong ng kapilyahan. "Alright, you can go now, male-late ako, Polly. And, bakit ang aga mo naman yatang nagising ngayon ha?" "Oo na, sige na, lalabas na 'ko, hintay kita sa dining area. May ipapatikim ako sa 'yo." "Ano naman 'yan, cookie mo na naman?" Bumukas ang bibig nito sa sinabi niya. "Naku naman Facundo, sarap na sarap ka pala sa cookie ko, hindi mo 'ko sinabihan kaagad!" He grinned. "Seryoso, masarap naman talaga." Totoong masarap ang cookie, nagulat nga siya na marunong palang mag-bake ito. Gayong sabi sa kaniya ay wala namang alam ito sa gawaing bahay. "Thank you. Pero hindi 'yon cookie e, puto na may leche flan 'yon." Wow, sounds good. Nakatalikod na si Polly pero tumugon pa rin siya, "Hayaan mo, natapos ko naman na ang mga naiwan kong trabaho no'ng basta na lang ako umalis kaya mas marami na 'kong time na maglagi rito sa bahay." Tumigil naman 'to sa paglalakad at hinarap siya. "E 'di mabuti. Pero Pacs, hindi ko pa rin gets kung saan banda ko sisimulan ang trabaho ko sa 'yo," pag-amin nito sa kaniya. Kahapon lang kasi ay binigay niya rito ang unang sahod nito sa trabaho nito sa kaniya bilang misis niya kunwari kaya siguro nangungulit ito ngayon na asikasuhin siya. Sino nga naman ba kasi ang matinong tao na magpapasahod ng malaking halaga habang wala namang ginawa ang pinasahod kundi ang tumambay nga naman sa loob lang ng bahay? Aaminin niyang sa simpleng pag-uugali ni Polly na ganoon ay napapabilib siya nito, sa totoo lang. "Malapit mo nang masimulan, 'wag kang mag-alala, Polly." "Ha?" "Dahil ayon sa mahusay kong kapatid na si Akilles, nagbanta raw si Monica na hindi titigil kahit pinakilala na kitang misis ko sa kaniya. Saka isa pa, nakita ka ng kapatid kong 'yon kaya gusto kong ihanda mo na ang sarili mo sa pagdating ni Doña Matilde rito." Hindi niya alam kung imagination lang ba na nakita niyang marahas na napalunok ito o ano... "Kay Monica ay nakahanda ako, do'n sa lola mo, sa totoo lang ay ewan ko pa," sabi pa nito bago siya tuluyang talikuran. "Hmn, sa tingin ko ay mas baligtad, Polly. Dahil sigurado akong hindi ka naman papayag na paglaruan ni Doña Matilde," bulong niya na lang sa hangin nang mawala na ito sa paningin niya. ***** ISA sa sobrang kinatutuwaan ni Polly sa bahay ni Paco ay ang mga halaman na nakapaligid sa tapat ng bahay nito bukod sa magandang lutuan na lihim niyang pinapangarap noon. Lihim dahil mananatili namang lihim iyon at saan naman sa maliit na k'warto niya sa squatter ilalagay ang ganoong lutuan. E, mas malaki pa nga iyong stove ni Paco sa k'wartong inuupahan niya. "Olen...?" may kalakasan na tawag niya sa kasambahay. Pabubuksan niya sana rito ang gripo. Inilatag niya kasi ang hose para makapagdilig siya gamit ang improvised na pandilig—takip ng naubos na ang laman na pulbos niya. Wala lang. Wala siyang magawa e kaya pati iyon ay nakutingting niya. Saka baka iyon na ang huling kutingting niya sa bahay na iyon dahil nangako na si Paco sa kaniya na mas maaga nang uuwi mula sa trabaho para magkaroon sila ng time together. Na siyang goal naman niya dahil nga naniniwala siyang bukas makalawa ay mapapaibig niya rin ito. Mapapaibig niya si Paco, gagawin niya ang lahat para hindi na maglaho sa kaniya ang marangyang buhay na binigay nito sa kaniya. At wala siyang pakialam sa binanta noong si Monica. "Ano ba naman 'tong si Olen," reklamo niya nang hindi man lang nakita ni anino ng kasambahay na tinatawag niya. Siya na rin ang tumayo para puntahan ang gripo at buksan iyon. No choice, nagbingi-bingihan na naman ang kasambahay sa bahay na iyon e. Sus, akala yata ni Olen ay hindi niya nahahalata na kapag wala na ang tunay nitong amo na si Paco ay nag-iinarte na ito na parang walang naririnig. Hindi lang talaga siya sumbungera at patolera sa mga ganoong arte kaya deadma niya lang ito. "Buti na lang din at nakakaganda ng mood ang mga halaman na 'to kahit hindi ko alam ang pangalan niyo," aniya na lang sa mga halaman na sinisimulan na niyang diligan. Hindi naman talaga niya alam kung ano-anong mga halaman iyon. Basta alam niya sa sarili niyang bukod sa pagluluto ng mga kakanin at sweets ay gusto rin niya na mag-alaga ng halaman. At siyempre, lahat ng iyon ay nagagawa niya nang dahil kay Paco. Pati nga ang suot niya ngayon ay nabili niya nang dahil sa binigay nitong sahod sa kaniya. Mamaya kasi ay magse-selfie siya pang-status niya for today's vidyow. Mahalaga iyon sa kaniya kaya binilhan niya talaga ang sarili niya ng mga damit kahit marami nang ipinamili sa kaniya si Facundo. May bandana pa nga siya ngayon at gloves na pink. "Ay, may bago palang katulong si Paco rito? Hindi man lang ako na-inform!" untag sa kaniya ng kung sino. Nalingunan ni Polly si... Monica. Oo, ito nga. Pinapayungan pa ito ng isa sa apat na kalalakihan na kasunod nito. Tumayo siya't pinagpagan ang puwitan niya dahil nakasalampak siya nang dumating ang mga bisita sa bahay na iyon. "Ah, pasensya ka na kung mukha akong katulong kung ikukumpara sa suot mo," aniya rito, tinignan niya ito mula ulo hanggang paa. As usual, napakaganda ng suot ni Monica. Hindi ito magiging heredera kung hindi ganoon ang suot nito, maging ang sapatos. Idagdag pa ang ayos ng buhok at make up. Basta, maganda ito, ibibigay niya ang salitang iyon dito. Pero ang lahat ng ganda nito na nakikita niya ay naglaho nang matuon ang paningin niya sa... pink nitong maleta...? "Wala kang dapat na sabihin sa nakikita mong maleta ko ngayon, Policarpia Ramos," ani Monica sa kaniya bilang tugon sa pagtataka niya sa bitbit nitong maleta. "A—Alam ba 'to ni Paco?" "Siguro ay alam na niya sa mga oras na 'to." Nakataas ang noo na sambit pa nito. "Pero ang mas nakakaalam nang pagparito ko ay ang lola niyang si Doña Matilde." Napaamang siya. 'Di yata at tama si Paco sa hinala nito na magkasabwat ang lola nito at ang babaeng baliw na nasa harapan niya ngayon... "Ah, gano'n ba," saad niya na lang. Saka niya ito inaya papasok sa loob ng bahay. "Pasok ka, tuloy, 'wag kang mahihiya." Tinaasan siya nito ng isang kilay. "Teka, oo nga pala, baka puwedeng ikaw na muna ang pumasok sa bahay, Monica? E, kasi, wala si Paco, baka magalit 'yon kung magpapasok kami ng ibang tao lalo at lalaki," naalala niyang sabihin dito. Hindi naman siguro masama na ibulalas niya ang nasa saloobin patungkol sa mga bodyguard nito dahil sa sandaling pagkakakilala niya kay Paco Hondradez ay talaga namang hindi nito magugustuhan na may ibang lalaki sa loob ng bahay nito. Hambog kaya iyong si Paco. Mabait at maginoo, pero hambog. Iyong ugali nga lang sa kapatid niya ay mahahalata mo nang ayaw nito na may ibang lalaki na mas dominante rito. "Okay lang. Basta ako, papasok ako sa bahay ni Paco at wala kang magagawa ro'n." Nakairap na turan nito sa kaniya. "Hindi naman kita inaawat, pinapapasok nga kita 'di ba," tugon naman dito. Nakatikim lang siya ng matalim na irap mula kay Monica bago siya nakapamewang na tinalikuran nito. "WHAT?!" gulat na bulalas ni Paco nang marinig niya ang rason sa likod ng pagtawag sa kaniya ni Polly. "Oo, sabi raw ng lola mo ay okay lang na nandito siya. May maleta siyang dala," ani pa ni Polly. He gritted his teeth. Hindi niya alam na aabot sa ganoong extend ang kabaliwan ni Monica! Oo, si Monica lang dahil hindi naman niya na pagtatakhan ang lola niya't sa mga pinsan niya nga lang kung maglaro ito ay ganoon na lamang. "Tatawagan kita ulit, kakausapin ko lang si Granny—" "Naku, naku, Pacs, 'wag na!" Kaagad na awat sa kaniya nito. "Huwag mo nang kausapin ang lola mo tungkol dito." "Ano? E, bakit naman? Alam na nga niyang nariyan ka. Pinaayos ko naman lahat kay Marigold ultimo ang pekeng marriage certificate natin. Para saan pa ang effort natin kahit 'yang sa suot mong singsing ngayon kung hahayaan natin 'yang si Monica na nariyan habang nand'yan ka sa bahay at alam nilang misis kita!" sambit niya, hindi na niya napigilan na mainis talaga sa nalaman. "Okay lang 'to ano ka ba, maigi nga na nandito 'tong babaeng 'to para matapos na ang problema mo sa kaniya." Kumunot ang mga kilay niya sa sinabi nito. "Polly, ano na naman 'yang binabalak mo ha..." "Paco, wala 'no. Naisip ko lang talaga na tutal naman ay gusto 'to ng lola mo, pagbigyan mo na sila. Turuan ko rin ng leksyon 'tong si Monica." Hindi man niya gustong mag-isip ng kung ano-ano ay napangiti na lang siya sa sinasambit ng pilyang babae. "Leksyon ha, bakit, teacher ka ba?" Humagikgik ito sa kabilang linya. "Sira ka talaga kung magbiro!" Natawa siya. "Sabagay naman mas matanda ka kay Monica, sige nga, turuan mo ng leksyon," pagsakay na lang niya sa biruan nila. "Sure. At habang tinuturuan ko siya ng leksyon, tuturuan ko rin ang puso mo ng isang leksyon na hindi mo makakalimutan." Halakhak ang sumunod niyang pinakawalan. Well, ganito naman siya palagi kapag ang kausap niya ay si Polly. "Sige na nga, naniniwala na 'ko sa fighting spirit mo," masuyong aniya na lang sa babaeng makulit. "Oo, ganyan nga Pacs, magtiwala ka lang, dadaloy rin ang ginhawa." Natawa na naman siya. "Hay, Policarpia, kahit kailan ka talaga." Bumungisngis ito. "Sige na, bye na, patulugin ko 'tong bisita mo sa guest room ah." "Saan pa ba puwedeng matulog 'yan? Do'n lang naman talaga." "Nagpapaalam lang po ako dahil bahay mo 'to." "Oo, sige lang. Hindi rin naman 'yan aalis, s'yempre, kailangan niyan ng k'wartong matutulugan." Nang maibaba na niya ang phone niya'y eksaktong naroon na ang mga hinihintay niya sa loob ng conference room. Tumikhim siya nang tila nakakaloko siyang tinitigan ng mga pinsan niya't kapatid. Kapwa may nakakalokong ngiti na nakapaskil sa mga labi ng mga ito. "Dude, mukhang inspired ka lately ah," biro sa kaniya ng kapatid niyang si Preston. "Nag-asawa ka na bang talaga? 'Yon ang dinig ko sa mga balitang umiikot sa office ko," anang pinsan niyang si Zac. "Gusto kong isipin na totoo at ganyan na ganyan si Macario ngayon e, pareho kayo," dagdag pa nito, tukoy ang kakambal na masungit. "May asawa na nga siya, maganda, sexy, mabait pa at palangiti," si Akilles naman ang nagsalita. Naningkit ang mga mata niya sa mga ito. "Hindi ko na talaga alam kung conference room pa ba na matatawag ang k'wartong 'to o tsismisan room." Iiling-iling na lamang niyang saad. Nang sabay-sabay na mga nagtawanan at nag-apiran sa isa't-isa ang tatlong lalaki na kausap niya ay napabuga na lang siya ng hangin. "Tama na 'yan, let's start," aniya sa mga ito. May nagpapasaya sa kaniya, isang babaeng makulit at malakas ang sense of humor at may ugaling ngayon lang niya naka-encounter. Kung hindi maka-relate ang mga ito, hindi na niya iyon problema.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD