Kabanata 10: Being a Magissa

1748 Words
Ilang araw na rin ang lumipas mula nang alukin ako ng Punong babaylan upang maging Magissa ng kanilang imperyo. Tagapagligtas. Kung papayag ako, heto na ang magiging susi upang makauwi ako sa amin. Ngunit sa kabilang banda, anu-ano naman ang mga maaari kong pagdaanan bilang isang Magissa? Alam kong may panganib na kaakibat ito kung tatanggapin ko ang responsibilidad na iyon. Maaaring masalalay ang buhay ko rito, kaya't kailangang pag-isipang mabuti. Nakaupo ako ngayon sa damuhan ng hardin ng palasyo habang dinadama ko ang sariwang hangin na dumadampi sa aking balat at pinagmamasdan ang kakaunti at mapuputing ulap sa asul na kalangitan. Naramdaman ko bigla na may umupo sa tabi ko kaya't lumingon naman ako. "Ikaw pala, Alexeus," sambit ko. "Kamusta, Charlotte?" sambit niya. Napabuntonghinga ako. "Heto. Pinag-iisipan ko pa ring mabuti kung papayag ba 'kong maging Magissa," sagot ko. "Naiintindihan kita, Charlotte. Malaking responsibilidad ito pag nagkataong tinanggap mo," sambit niya. "Iniisip ko rin, paano kung ako na lang talaga ang pag-asa ng inyong imperyo? Paano na kayo?" pag-aalala ko. Napansin kong tila napaisip din si Alexeus.  "Ayaw ko rin namang makitang maghirap ang buong imperyo dahil lamang sa kaduwagan kong maging isang Magissa," sambit ko. Sandaling namayani ang katahimikan sa aming dalawa ni Alexeus tapos ay nagsalita siya. "Basta. Kahit ano pa ang maging desisyon mo, susuportahan kita, Charlotte. Pumayag ka man o hindi, mananatili ako sa panig mo at sasamahan pa rin kitang humanap ng iba pang paraan upang makauwi ka sa inyong mundo," sambit ni Alexeus sabay ngiti. Pakiramdam ko napukaw ang puso ko sa sinabing 'yon ni Alexeus.  Pagdating ng gabi ay kasama kong naghahapunan ang pamilya ni Alexeus. At hanggang ngayon, nahihiya pa rin ako sa kanila dahil sa kasinungalingan ko. "Charlotte." Nabigla ako sa pagtawag na 'yon sa'kin ng Emperador kaya't agad akong tumingin sa kanya. "A-ano po 'yon, Kamahalan?" kinakabahan kong sambit. "Napag-isipan mo na ba ang naging alok sa'yo ng Punong babaylan?" tanong niya. Napalunok muna ako. "Ah, pasensya na. Pero h-hindi pa po, eh," sagot ko. "Ganoon ba," tanging sagot nito tapos ay itinuon nang muli ang Emperador ang kanyang atensyon sa pagkain. Ramdam ko sa tinig niya ang pagkadismaya. Napayuko tuloy ako at sandaling natigilan. Ano na bang dapat kong gawin? Natauhan ako nang maramdaman kong tinapik ni Alexeus ang balikat ko kaya't napatingin ako sa kanya. Tumango siya sabay ngumiti na para bang pinaparating niyang 'ayos lang 'yan'. Kahit papaano'y naibsan ang nararamdaman kong pagkabalisa at alinlangan.  Lumipas pa ang dalawang araw ay sa wakas, nakapagdesisyon na rin ako. Kaya naman agad akong nakipagkita sa Punong babaylan. Nang malaman ito ng babaylan ay pinagtipon niya kaming lahat sa lugar na sambahan nila kay Panginoong Mulciber. Nandito ako ngayon sa harap ng altar ng diyos na dragon ng Stavron na si Mulciber. Kasama ko ang Emperador, Emperatris, si Alexeus, at siyempre, ang Punong babaylan. "Bago ang lahat, Charlotte. Heto nga pala si Mulciber, ang diyos na dragon ng apoy. Siya ang diyos ng Stavron. Bawat imperyo ay may kanya kanyang diyos na dragon. Sila ang nagpapala at pumoprotekta sa isang imperyo," panimula niya. "At narito tayong lahat upang pakinggan ang naging desisyon ng babaeng nagmula sa ibang mundo tungkol sa aking naging alok sa kanya na maging Magissa ng Stavron," dagdag pa niya. Katahimikan ang namayani sa buong silid at tanging paghinga ko lamang at t***k ng aking puso ang aking naririnig. Nakatingin silang lahat sa'kin na pawang nag-aabang ng aking sasabihin. "Bago ang lahat, may nais muna akong malaman," sambit ko. "Ano iyon?" usisa ng babaylan. "Bakit po kailangan pa ng isang Magíssa para mailigtas ang isang imperyo?" tanong ko. "Dahil noong unang panahon, lumayo ang loob ng mga diyos sa tao dahil sa pagiging makasalanan namin. Kaya naman upang makausap ang mga diyos, tanging isang hinirang lamang ang kanilang pinahihintulutang kausapin sila ng direkta, at ito ay ang Magíssa," sagot niya. "Eh kayo pong mga babaylan? Nakakausap niyo po ba sila?" tanong ko. "Hindi direkta. Dahil nagpapadala lamang sila sa amin ng mga pangitain sa panaginip. At iyon ang aming inuulat sa aming mga propesiya," sagot naman niya. Ibig sabihin napaginipan niya 'ko? "Tatlong bagay lamang ang kailangang taglayin ng isang hinirang na Magíssa. Una, dapat ikaw ay isang dalagang nagmula sa ibang mundo. Pangalawa, dapat busilak ang iyong kalooban. At ang huli, dapat ikaw ay isang birhen," dagdag pa niya. "Iyon lang po?" tanong ko. "Siyempre, may misyong dapat gawin ang isang Magíssa bago ang lahat," sagot naman niya. "M-misyon?" Kinabahan ako lalo sa narinig ko. "Misyon ng Magissa na kolektahin ang anim na kosmima ng elemento," sagot niya. "A-anim na kosmima ng elemento? Ano 'yon?" kunot-noo kong tanong. "Kosmima ay isang makapangyarihang mga diyamante na kumakatawan sa anim na elemento ng mundo. Ito ay ang apoy, hangin, tubig, lupa, kidlat, at psyché. Kapag napagtagumpayan mo ang pagkolekta ng mga ito, maaari mo nang matawag ang Panginoong Mulciber at bibigyan ka niya ng tatlong kahilingan. Dito mo maaaring hihilingin ang kaayusan ng Imperyo ng Stavron, at maging ang iyong pauwi sa iyong mundo," paliwanag niya. "Paano kung hindi ako magtagumpay sa misyon ko bilang Magissa?" tanong ko. Tumawa ang babaylan, "Masasabi mo lang na hindi ka nagtagumpay kapag ikaw ay wala nang buhay, Charlotte," sagot niya. Napakunot ang noo ko do'n. "Ibig sabihin, kamatayan lang ang makakapigil sa'kin?" usisa ko. "Parang ganoon na nga. At syempre, habang tinataglay mo ang busilak na kalooban at ang pagiging birhen. Dahil pag nawala, kahit isa man diyan sa'yo. Itatakwil ka na ni Panginoong Mulciber bilang kanyang Magíssa at ikaw ay dadanas dito ng paghihirap hanggang ika'y nabubuhay," sambit niya. Napalunok ako dahil sa sinabi niya. Ibig sabihin, hindi na ko maaaring bawiin pa ang desisyon ko kapag pumayag na akong maging Magissa. "Ano, Charlotte? Napag-isipan mo na bang mabuti? Nais na naming marinig ang iyong desisyon," sambit ng babaylan. Lumunok muna ako at huminga ng malalim. "Napagisip-isip ko na..." Tumingin muna ako sa paligid at lahat nga sila'y nag-aabang. "Pumayag sa iyong alok." Nabigla ang lahat sa sinabi ko na parang 'di sila makapaniwala at sa kabilang banda ay parang nakahinga sila ng maluwat sa aking pagpayag. "Ako ay pumapayag na bilang inyong maging Magissa," pagpapatuloy ko. Napangiti ang babaylan sa sinabi ko. "Masaya ako sa naging desisyon mo, Charlotte. Ngayon, upang tuluyan nang maging ganap ang iyong pagiging isang Magíssa, hihingi tayo ng basbas mula kay Panginoong Mulciber," sambit niya. Humarap siya sa altar at lumuhod habang nakatingala sa pagkalaking imahe ni Mulciber, at ang mga palad niya ay nakalahad. "Panginoong Mulciber, ang dakilang diyos na dragon ng apoy, ang natatanging diyos ng Imperyo ng Stavron, narito ako ngayon sa inyong harapan, ang Punong babaylan na si Aristea, isang tapat na lingkod. Sa kadahilanang, inihaharap ko sa inyo ang dalagang nagmula sa ibang mundo na nagngangalang Charlotte, ay napili bilang iyong Magíssa na magliligtas sa buong Imperyo ng Stavron. Hinihiling ko na siya'y iyong basbasan upang tuluyang maging ganap ang kanyang pagiging hinirang!" Matapos niyang sambitin ang mga salitang 'yon ay bigla na lang nag-apoy ang malaking gintong sulo sa altar na kaharap ng malaking imahe. Pagkatapos ay tumayo na ang babaylan at nakangiting humarap sa akin. "Nakuha na natin ang kanyang basbas. Binabati kita, Charlotte. Ikaw ay ganap nang hinirang na Magíssa ni Panginoong Mulciber," sambit niya sa'kin. Napangiti ako ng bahagya sa sinabi niya. Ngayong tinanggap ko ito, buong tapang kong haharapin ang mga dadating na pagsubok sa akin bilang Magissa. Ngunit, sandali lang... "Paano ko mahahanap ang mga kosmima? Anong maaari kong gawin upang ipagtanggol ang sarili ko kung sakaling naharap ako sa panganib?" alinlangan kong tanong sa babaylan. "Iyon ba? Kung ganoon, may nais akong ibigay sa'yo," sambit niya tapos ay humarap siyang muli sa altar na may umaapoy na higanteng ginintuang sulo. Lahat kami'y nabigla nang itinapat niya ang isa niyang palad sa apoy ng gintong sulo. At lalong nanlaki ang mga mata namin at nalaglag ang mga panga namin ng makita naming parang hindi napapaso ni umiinda man lamang ang babaylan dulot ng apoy. Mayamaya, may lumabas mula doon at napunta sa kamay ng babaylan. "Heto." Ipinakita niya sa'kin ang nakuha niya mula doon sa apoy. Isang gintong bangle bracelet na may anim na diamante. Lahat kami'y namangha nang makita ang kababalaghan na iyon. Isang gintong bangle bracelet na lumabas mula sa apoy? Tapos ay iniabot niya sa'kin ito. "P-para saan po ito?" pagtataka ko. Kinuha niya ang kaliwang kamay ko at isinuot niya ito sa'kin. "Iyan ang Stefaní. Iyan ang magsisilbing sisidlan ng mga kosmima na makukuha mo. Ingatan mo 'yang mabuti. Huwag na huwag mo 'yang iwawala. Maliwanag?" mahigpit niyang bilin sa'kin. "Opo," sagot ko habang namamanghang tinititigan pa rin ang bracelet na tinawag niyang Stefani. Siguro talagang mahalaga nga sa misyon ko ang Stefaní na 'to. Infairness, maganda siya. Nabaling ang atensyon namin sa higanteng gintong imahe ni Mulciber nang biglang umilaw ang mga mata ng imahe ni Mulciber ng kulay pula, at ganoon din ang noo niya. Nagulantang kaming lahat nang makita namin na mula sa noo niya, may lumabas na isang pulang bato. Halos natulala ako nang makitang lumulutang ito papunta sa'kin, wala sa sarili kong nailahad ang palad ko para saluhin ito. Isang pulang diamante. Tapos, nanlaki ang mga mata ko sa gulat nang naglaho ito sa palad ko. "N-nasaan na 'yon?" pagtataka ko. Nakita kong biglang umilaw itong Stefaní. Pagkatapos ng liwanag, napansin kong nagkulay pula ang isang diamante nito. Nagtataka akong napatingin sa babaylan. "Ibinigay na sa'yo ni Panginoong Mulciber ang kosmima ng apoy. At ngayon, nakalagay na ito sa iyong Stefaní. Limang kosmima pa ang iyong dapat hanapin, Magíssa," sambit niya. "Iyon ang...kosmima ng apoy?" mangha kong sambit. Iyon pala ang hitsura ng isang kosmima. Nakatingin pa rin ako sa Stefaní na suot ko. Namamangha pa rin ako sa mga pangyayari. Pakiramdam ko'y isa itong mahiwagang panaginip. Ngunit alam kong hindi. "Siya nga pala, may isa pa nga palang tao ang nakatala sa aking propesiya," sambit niya bigla. Nagkatinginan kaming lahat na pawang nagtaka, sa kabilang banda ay naging interesado kaming lahat sa narinig namin. "Sino naman 'yon?" tanong ko. "Ipinakita din sa aking propesiya ang nakatakdang maging iyong tagapagtanggol," sambit niya. Lahat kami'y nagulat at parang nasasabik na malaman ang tungkol sa sinasabi niyang 'tagapagtanggol ng Magissa'. "A-ako? May tagapagtanggol?" usisa ko. "Oo naman. Hindi naman maaaring nag-iisa ka lamang sa iyong laban. Syempre, meron ka ring hinirang na tagapagtanggol," sambit niya Bahagya akong nakaramdam ng kaunting pagkakampante at pagkasabik kaya't napangiti ako, "Talaga? At sino naman siya?" tanong ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD