Nagulat ang lahat sa ginawa kong pag-amin. Hindi sila makapaniwala, lalo na ang pamilya ni Alexeus. Hindi tuloy ako makatingin sa kanila ng deretso dahil sa labis na hiyang nararamdaman ko sa kanila. Nais ko nang maiyak.
"Hah! Umamin na siya, Kamahalan. Mabigat ang kaparusahan para sa mga nagsisinungaling sa Mahal na Emperador. Kamatayan ang nararapat para sa kanya," sambit ni Adara.
"K-kamatayan?" Nanlumo ako sa narinig ko na tila ba gumuho na ang aking mundo. Paparusahan ako ng kamatayan? Eto na ba ang katapusan ko? 'Di na ba 'ko makakauwi sa'min? 'Yon lang naman ang gusto kong mangyari. Ang makauwi sa'min, sa mundo ko, sa pamilya ko. Napagkuyom ko ang mga palad ko dahil sa labis na inis.
"Hindi ako papayag." Nabigla ang lahat sa sinabi ni Alexeus.
"Alexeus!" sigaw ni Adara.
"Hindi niyo siya maaaring parusahan sapagkat ako ang nagsabi sa kanyang magpanggap siya bilang isang prinsesa at dumalo sa pagtitipon," mariin na pahayag ni Alexeus. Tila hindi makapaniwala ang lahat sa sinabi ni Alexeus.
"Anong ibig mong sabihin, anak? Na matagal mo nang alam ang tungkol dito?" seryosong tanong ng Emperador na halata rin ang pagkagulat nito.
"Oo, Ama," sagot niya.
"Tingnan ninyo, Kamahalan. Tuluyan nang nalinlang ng babaeng ito si Prinsipe Alexeus. Baka gumagamit ang babaeng iyan ng itim na mahika. Mapanganib ito!" panghihikayat niya sa Emperador. Buwiset talaga 'tong Adara na 'to ah. Ano bang tingin niya sa'kin? Mangkukulam?
"Ikaw. Bakit mo ba 'ko sinisiraan, ha? At paano mo ba nalaman na hindi talaga ako isang prinsesa?" matapang kong sambit sa kanya. Nadala na 'ko ng damdamin ko. Hindi ko na matiis eh.
Tiningnan niya muna ako ng masama. Na para bang gusto na niya 'kong mabura sa mundo. Ngunit hindi ako nagpapatalo. Tinitingan ko rin siya ng gano'n.
"Bilang matagal na panahon ng magkaanib ang aming mga imperyo, nagpapakita lamang ako ng malasakit sa Stavron. Kaya naman nang napili ka ni Prinsipe Alexeus upang kanyang maging asawa, nagsaliksik ako tungkol sa'yo. At doon ko nalamang hindi ka talaga isang prinsesa. Dahil wala kang kahit anong tala ng pagkatao. Maging ang iyong bansa at imperyong pinagmulan. Kaya sino ka ba? Saan ka nagmula at anong balak mo?" nanggagalaiti niyang sambit sa'kin.
Napalunok na lang ako. Sasabihin ko na ba? Eto na ba ang tamang pagkakataon? Mukhang galit na sa'kin ang Emperador para maniwala pa sa'kin. Ano nang gagawin ko ngayon? Gulong-g**o na ang isip ko dahil sa sitwasyong kinalalagyan ko ngayon.
"Sapagkat hindi taga-rito sa ating mundo si Charlotte. Taga-ibang mundo siya. At dinala ko siya dito upang aking tulungang makabalik sa kanyang pinanggalingan," katwiran ni Alexeus.
Nagtaka ang lahat sa sinabing 'yon ni Alexeus. "Taga-ibang mundo?" pagtataka ng Emperador.
Nabigla rin ako nang sabihin niya 'yon kaya't napatingin ako sa kanya.
"Alexeus, anong ginagawa mo? Hindi sila maniniwala sa'yo," sambit ko kay Alexeus na siya lamang ang nakakarinig.
"Isang malaking kalokohan. Kamahalan, sa tingin ko'y tuluyan na ngang nabilog ng babaeng iyan ang ulo ng inyong anak," singit ni Adara.
"Tumahimik ka, Adara!" sigaw sa kanya ni Alexeus, at nanlilisik ang mga mata nito sa kanya.
"Tingnan ninyo, Kamahalan. Mukha nang wala sa katinuan ang inyong anak!" paawa ni Adara sa Emperador.
"Ama, pakiusap. Maniwala ka. Tunay ang aming mga sinasabi," pakiusap ni Alexeus sa kanyang ama.
Natigilan kaming lahat habang nakatingin sa Emperador. Puno na ng tensyon ang paligid dahil sa pagkakabuko sa'kin. Pawang naghihintay kami ng kanyang desisyon. Patuloy lang sa pagkabog ng malakas ang puso ko habang pinagpapawisan ako ng malamig.
"Hindi ko alam kung maniniwala pa ako dahil minsan na kayong nagsinungaling. Isa pa, siya ay nagsinungaling sa akin at sa ating lahat at higit sa lahat, siya'y nagpanggap bilang isang maharlika. At ito ay may kaakibat na kaparusahan," sambit ng Emperador.
Nakaramdam na 'ko ng matinding takot at kaba. At nararamdaman ko ang panlalambot ng aking sistema na para bang gusto na nitong bumigay.
Ang nais ko lamang ay makauwi sa mundo ko. Ayaw ko pang mamatay. Hindi sa ganitong paraan. Marami pa 'kong pangarap at mga nais gawin sa buhay ko, isa pa bata pa 'ko.
Nangingilid na ang mga luha ko. Ano kayang ipaparusa niya sa'kin? Dito na ba 'ko mamamatay?
"Itapon ang babaeng ito sa labas ng Stavron. At huwag siyang hayaang makatungtong saan mang lupain ng aking imperyo. Kapag siya ay lumabag, huwag kayong magdalawang-isip na kunin ang kanyang buhay," seryosong utos ng Emperador.
"Ama, huwag!" mariin na pagtutol ni Alexeus.
Dinakip na 'ko ng dalawang kawal. Pumipiglas ako pero malakas talaga ang pagkakahawak nila sa'kin. "Sandali lang! Saan ninyo ako balak dalhin?!" paghuhurumintado ko.
"Sandali lamang! Huwag ninyong dakipin si Charlotte!" pagtutol ni Alexeus. Pilit niya akong nilalapitan ngunit agad na nagsilapitan sa kanya ang ilang mga kawal upang pigilan siya.
"Charlotte! Bitiwan niyo 'ko! Hayaan niyo 'kong lapitan si Charlotte!" pagwawala ni Alexeus. Habang ako naman ay pilit nang kinakaladkad ng mga kawal na dumakip sa'kin papalabas ng palasyo. Pilit kong nililingon si Alexeus.
"Alexeus..." sambit ko sa pangalan niya habang unti-unting namumuo ang mga luha sa aking mga mata.
Heto na nga ba talaga ang kapalaran ko? Ang mapunta sa misteryosong mundo na 'to at dito na rin mamatay? Nagsimula nang umagos ang mga luha sa aking mga mata. Ito na nga marahil ang katapusan ko. Sadyang napakasaklap ng kapalaran ko para sa isang gaya ko na wala namang masamang ginagawa.
Nadudurog ang puso ko dahil sa sitwasyong kinalalagyan ko ngayon. Gusto ko lang makauwi...'yon lang.
"Sandali!" Napahinto kaming lahat ng may narinig kaming sumigaw kaya't napatuon ang atensyon naming lahat sa kanya.
Isang matandang babae. Puti at mahaba ang buhok nitong hanggang alak-alakan, mas maliit sa akin ng kaunti, suot ang kulay pulang mala-kimonong damit nito na halos sayad na sa lupa na halos 'di na makita ang mga kamay at paa nito na may mga burda ng mga kulay gintong disenyo. May mga ginintuang kolorete pa ito sa ulo.
"Ibalik ninyo ang dalagang iyan dito," utos pa niya.
"Punong babaylan," sabay na sambit ng Emperador at ni Alexeus.
Sinunod naman ito ng mga kawal na may hawak sa'kin ang utos ng matandang babae na tinatawag nilang Punong babaylan, at binitiwan nila ako.
"Bakit, Punong babaylan? Anong kailangan mo sa babaeng iyan?" tanong ng Emperador.
"Baka ang ibig mong sabihin ay, anong kailangan natin sa kanya?" sambit ng matanda. Naguluhan kaming lahat sa sinabi niya.
Nang titigan ko ang matandang babaylan, bigla siyang...nanlaki ang mga mata ko. Hindi ito kapani-paniwala. Naging batang babae siya!
Itinapat ko ang hintuturo ko sa kanya, "I-ikaw! I-iyong batang babae sa pagtitipon. Paano nangyaring..." sambit ko nang may halong gulat at mangha.
"Anong pinagsasasabi mo, Charlotte?" pagtataka ni Alexeus.
Tumawa siya ng malakas, "Ang iyong nakita ay ang aking unang anyo. Iyon ang aking anyo nang una akong tumuntong dito sa palasyo bilang isang babaylan. Iyon ay walongpu't tatlong taon na ang nakararaan." sambit niya. 83 years? Ibig sabihin sobrang tanda na nga niya. Bigla na ulit siyang naging matanda sa paningin ko. Napailing tuloy ako at napakusot sa aking mata.
"Ikaw lamang ang nakakakita sa akin ng ganoon. Tunay na espesyal nga ang dalagang nagmula sa kabilang mundo" sabi pa niya.
"Totoo ngang nagmula ang dalagang iyan sa ibang mundo, huh?" sambit ng Emperador habang nakahawak sa kanyang baba at tumatango-tango pa.
"Totoo po ba iyon, Ina?" usisa naman ni Airlia sa Emperatris na halatang naguguluhan sa mga nangyayari.
"Oo, anak. Totoo iyon pagkat ang Punong babaylan na mismo ang nagsabi," tanging nasagot ng Emperatris.
"Paano po nangyari iyon, Ina? Mayroon pa palang mundo bukod dito sa mundo natin?" usisa pa ng munting prinsesa.
"Anak, masyado ka pang bata upang maintindihan mo ang lahat ng ito," sambit ng Emperatris sabay hagod nito sa likod ni Airlia.
Bakit gano'n? Parang natural ang reaksyon ng mag-asawang maharlika na parang may alam sila tungkol dito.
"Alam mo?" tanong ko naman sa babaylan. Ngumiti siya sa'kin at tumango.
"Naaalala niyo pa ba ang aking hula tungkol sa sasapitin ng ating imperyo isang taon na ang nakakaraan?" sambit ng babaylan.
"Ang tinutukoy mo ba ay 'yong malaking digmaan na magiging sanhi ng paghihirap, taggutom, at sakit sa buong Stavron?" tanong ng Emperador.
"Oo. Iyon na nga, Kamahalan. At ang babaeng ito na nagmula sa ibang mundo, ang tanging may kakayahang iligtas ang ating imperyo mula sa nalalapit na sakuna," sambit pa niya.
Ikinagulat naming lahat ang sinabi ng babaylan. Lahat kami'y napanganga sa sinabi niya. Lalong-lalo na ako.
"Ako? Paano? Eh wala naman akong kapangyarihan. Isa lang akong ordinaryong estudyante na 'di sinasadyang mapadpad dito," katwiran ko. Imposible naman kasi talaga.
"Lahat ng bagay ay may dahilan. Dalawang linggo nang nakakaraan, nahulaan ko ang taong magliligtas sa imperyo sa pamamagitan ng isang pangitain sa panaginip. Isa siyang dalagang magmumula pa sa ibang mundo," sambit niya.
"Dalawang linggo? Ganoon na 'ko katagal sa mundong 'to." Nabigla sila na may halong mangha. Ngumiti naman sa'kin ang babaylan. "Alam kong nais mong makauwi sa iyong mundo, hindi ba?" Mistulan akong nabuhayan ng loob sa tanong niya.
"Oo. Gustung-gusto ko," mariin kong sagot.
Ngumiti siya. "Magaling. Para sabihin ko sayo, ang tanging paraan upang makabalik ka sa iyong mundo, ay maging isang Magíssa."
Nagulat ang lahat sa sinabi ng babaylan, na halos ang lahat ay napalaglag ang panga. Pero ako naman ay naguguluhan. "Magíssa? Ano 'yon?" kunot-noo kong tanong.
"Magíssa ang tawag sa hinirang na kinatawan ng diyos upang maging tagapagligtas," sagot niya.
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya, at laglag-panga pa. Tagapagligtas?
"A-ako? Bilang isang tagapagligtas? Sigurado ba kayo diyan?" pag-aalinlangan ko.
Tumango ang babaylan. "Oo naman, binibini. Iyon marahil ang dahilan kaya't napadpad ka dito sa aming mundo, ang maging aming tagapagligtas," sambit niya.
May punto, pero...hindi talaga. Imposible. Napapailing na lamang ako.
"Parang ganito lang 'yan. Kapag matagumpay mong nailigtas ang Imperyo ng Stavron mula sa sakuna, maaari mong hilingin sa Panginoong Mulciber na makauwi ka na sa inyo," sambit niya.
"Hiling? Maaari kong gawin 'yon?" usisa ko.
"Oo naman. Ang mga hiling mo ang magiging gantimpala mo mula sa diyos na si Mulciber kapag napagtagumpayan mo ang pagiging aming Magissa," sambit pa niya.
Napaisip ako sa sinabi ng babaylan. Malaking responsibilidad ang pagiging tagapagligtas. Kung papayag ako, kakayanin ko naman kaya?
"Sandali lamang," pagsingit naman bigla ni Adara. Nandyan pa pala siya.
"Ang sinungaling na babaeng 'to ang nais ninyong hirangin upang maging Magissa ng Stavron? Sigurado ba kayo diyan? Kalokohan. Baka hindi siya tanggapin ng inyong diyos dahil isa siyang sinungaling," inis niyang sambit.
"Paumanhin, Prinsesa Adara. Ngunit sa aking palagay ay may matinding rason naman siya kaya't napilitan siyang magsinungaling," sagot sa kanya ng babaylan.
"Hindi ba't tama ako, Charlotte?" tanong ng babaylan sabay tingin sa'kin.
Tumango ako. "O-oo. Gano'n na nga," sagot ko.
"Sinabi ko na kanina ang dahilan kung bakit. At ayaw ko nang ulit-ulitin pa," sambit bigla ni Alexeus.
Iginala ni Adara ang kanyang paningin sa aming lahat at halata ang matinding pagkainis nito.
Tapos ay suminghal siya sabay lakad papaalis kasunod ang kanyang mga dama. Nang tuluyan nang makaalis si Adara ay nagsalitang muli ang babaylan.
"Pag-isipan mong mabuti ang aking alok, Charlotte. Ngunit umaasa akong papayag ka," sambit sa'kin ng babaylan.
Matapos ng pangyayaring iyon ay hinayaan na ako ng emperador na manatili sa palasyo. Narito ako ngayon sa aking silid, nakahiga habang iniisip mabuti kung papayag ba akong maging Magissa ng Stavron. At kung papayag ako, kakayanin ko ba?
Magissa...tagapagligtas.