Kabanata 20: Tribe of Lykos

1323 Words
Alexeus Inoobserbahan ko aking paligid mula rito sa aking puwesto. Nasa tribo ako ngayon ng mga taong lobo, mga taong may mga mata, tenga, at buntot ng isang lobo, o ang Lykos. Sari-sari ang mga ginagawa nila. May mga naglilinis at nag-aayos ng mga armas, may mga kumakain habang nagtatawanan at nagkukuwentuhan, at..mga babaeng Lykosian na kung 'di ako nagkakamali ay kanina pa ako tinitingnan. Nakakakilabot. Habang ako, heto sa loob ng kulungang may rehas, nakatali ng kadena ang mga kamay ko, at ang isa kong paa ay nakakadena sa rehas. Para akong hayop nito. Nakakainis. Nang mahulog kami ni Charlotte mula sa mataas na lugar, nawalan na 'ko ng malay. At paggising ko, nandito na 'ko. Mabuti na nga lang at nagising ako bago pa nila ako tuluyang kainin. Si Charlotte. Hindi ko siya maiwasang alalahanin. Saan kaya siya napadpad? Sana naman hindi niya dinaranas ngayon ang kinalalagyan ko ngayon. Tsk. Kailangan ko talagang makalabas dito para mahanap siya. Hindi ko mapapatawad ang aking sarili kapag may nangyaring masama sa kanya. Ngunit paano? Hindi ko magagamit ng ayos ang Flágo dahil nakatali ng kadena ang aking mga kamay. At nasasaktan na rin ako dahil sa higpit ng pagkakagapos nito sa akin at bigat ng mismong kadena na gawa sa isang matibay na bakal.  Natanaw ko naman na may mga Lykosian na pumasok. Karamihan sa kanila'y may mga akay na sugatan. Mukhang galing sila sa isang engkuwentro. "O, mukhang napalaban yata kayo ah," sambit ng isang sumalubong sa kanila. "Oo. Napalaban kami sa mga Poulían ng 'di oras," inis na sambit ng isa, habang ang iba nilang kasama ay isa-isang ibinababa ng dahan-dahan ang mga sugatang Lykosian. Poulían? Ano naman ang mga iyon? "Hah. Ang mga taong ibon na naman. Kahit kailan talaga mga sagabal ang mga iyan sa ating pangangaso. Palibhasa kasi mga madadamot," inis niyang sambit. Mga taong ibon pala ang mga Poulían. Bukod kaya sa mga ito, mayroon pa rin kayang ibang mga kakaibang nilalang dito sa Hagnós?  Bigla ko tuloy naalala ang aking napag-aralang mga saliksik tungkol dito sa lupain ng Hagnós. Tinatawag din itong Gitnang Aglaea. Kasinlaki din ito ng isang imperyo. Ngunit sinasabing mahiwaga at misteryoso ang lugar na ito dahil sa mga kakaibang nilalang na naninirahan dito. Kaya naman bibihira ka lamang makakakita ng mga taong naninirahan dito. "Hoy, mga taong lobo!" maangas kong sigaw. Nakuha ko naman agad ang kanilang atensyon. "Pakawalan niyo na nga ako dito!" utos ko. "Aba, kung makapagutos ka akala mo prinsipe ka ah!" sigaw ng isa. Napataas ang mga kilay ko sa sinabi niya. "Ano bang balak ninyong gawin sa akin ha? Bakit ayaw niyo pa akong pakawalan?" maangas kong tanong. "Manahimik ka, mortal! Gagawin ka pa naming pagkain!" sigaw sa akin noong isa. Kung ganoon ay binabalak pa rin pala nila akong gawing pagkain. Napailing na lamang ako at napatiim-bagang ako sa inis. -- Sumapit na ang hapon at wala na rito ang mga lalaking Lykosian. May sagupaan daw sila ngayon laban sa mga Poulían upang gumanti dahil sa naganap na engkuwentro no'ng isang gabi. Kaya't walang ibang naiwan sa akin ngayon para magbantay kundi ang ilang matatandang Lykosian. At ang mga babae din. Kahit hindi ko sila tingnan ay alam ko'ng kanina pa nila ako tinitingnan at pinagbubulungan. Nararamdaman ko 'yon. Kailangan ko namang makaisip ng ibang paraan upang makaalis mula dito at mahanap si Charlotte. Hindi ako maaaring gumamit ng sandata upang makaalis dahil nga nakagapos ako. 'Di ko sinasadyang mapansin na ang susi ng kulungan at ng mga kadena ko ay iniwanan doon sa isang babaeng Lykosian. Sandali lang. Uubra kaya itong naisip ko? Kahit na labag sa aking kalooban, kailangan ko ng gamitin ang nag-iisa ko'ng sandata para makatakas mula dito. Walang iba kundi ang aking...hitsura. Napailing ako. Hindi, hindi. Huwag 'yon. Ayaw ko. Hindi ko kaya. Pero sandali, wala naman akong nakikitang iba pang paraan eh. Wala naman sigurong mawawala, 'di ba? Pero bakit pakiramdam ko nakasalalay ang aking dangal bilang isang prinsipe? Bahala na siguro. Huminga ako nang malalim. Kaya mo 'to, Alexeus. Isipin mo na lang na nakasalalay dito ang kaligtasan mo at ni Charlotte. Sige, heto na. Lumunok muna ako. Sinisipat ko na iyong babaeng Lykosian na may hawak ng mga susi. Nakaupo siya sa may hapag-kainan kasama ang iba pang mga gaya niya. Hindi ko inaalis ang mga tingin ko sa kanya. Iyong tingin na may interes ako sa kanya. Mayamaya lang ay sa wakas at napansin na rin niya ako. Mayamaya'y ningitian ko siya. At napansin kong namula ang pisngi niya at umiwas siya ng tingin na parang nahihiya. Ayos. Mukhang gumana ang unang bahagi ng naisip ko. Natingin-tingin pa rin siya sa akin, kaya't 'di ko tinatanggal ang mga tingin at ngiti ko sa kanya na pawang interesado ako sa kanya. Kumpiyansa akong bibigay siya. Kaunti na lang. Ayan, tumayo siya. At naglalakad siya papunta dito. "May kailangan ka ba sa akin, mortal?" tanong niya sa akin na may malambing na tono matapos umupo pantay sa harap ko. Ningitian ko siya. "Mukha kasing nabighani ang aking puso ng isang magandang Lykosian," sagot ko ng may lambing. Mukhang nabigla siya at lalong namula ang mga pisngi niya. Natupad ang ikalawang bahagi. Napangiti ako sa aking isipan. "Maaari ko bang malaman ang iyong pangalan?" nakangiti niyang tanong. "Alexeus ang aking pangalan. Ikaw?" sambit ko. "Laira," sagot niya. "Laira. Kasingganda mo ang iyong pangalan," sagot ko. Napahawak si Laira sa mga namumula niyang pisngi habang nakangiti ng abot-tenga. Parang nararamdaman ko ngayon ang nararamdaman ni Charlotte nang magsinungaling siya na isa siyang prinsesa. "Ah, Laira," sambit ko. "Hmm?" "Napansin kong mayroon kang mala-porselanang mga kamay. Sana lamang ay mabigyan ako ng pagkakataong mahawakan ang mga iyan," nang-aakit kong sambit sa kanya. Naiilang na ako sa aking ginagawa, sa totoo lang. Hindi ko talaga gusto ang ginagawa kong ito dahil hindi ko ito kailanman ginawa. Ngunit wala akong pagpipilian sa ngayon kaya't kaunting tiis na lamang. Nagkatitigan muna kami sandali. Tapos ay nagsalita ako. "Nakakalungkot lamang dahil nakagapos ang aking mga kamay gamit ang mabibigat na kadenang ito," malamya kong sambit sabay tingin sa mga kamay ko. "Nasa akin ang susi. Nais mo bang tanggalin ang mga iyan?" alok niya. Napangiti ako sa aking isip. Ibinalik ko ang mga tingin ko sa kanya. "Talaga?" nakangiti kong tanong. Tumango siya nang may ngiti. "Hindi mo iyan pagsisisihan, Laira," nakangiti kong sambit. Heto na 'yon. Gumana ang aking plano.  Kinuha na niya ang mga susi na nakasabit lamang sa kanyang sinturon. Tinanggal niya ang kandado gamit iyon at tinulungan pa niya akong tanggalin ang pagkakapulupot ng kadena sa aking mga kamay. Hinawakan ko ang kanyang mga kamay sabay lumapit pa ako habang nakatitig sa kanyang mga mata, "Maraming salamat," sambit ko. Ningitian niya 'ko ng matamis habang ang kanyang mga pisngi ay nananatiling mapupula. Mabuti na lamang at mukhang umubra naman ang paggamit ko sa aking karisma. Sa wakas ay malaya na 'ko. Nakalabas na ako ng aking kulungan at wala nang mga mga kadenang nakatali sa akin. May pumasok bigla na isang lalaking Lykosian. Nagtama agad ang mga paningin namin at tinitingnan niya ako ng masama na para bang gusto niya akong kainin. Hindi naman ako nasisindak sa kanya dahil malaya na ako at kayang-kaya ko siyang labanan. "Paano ka nakawala ha?! Anong ibig sabihin nito, Laira?" galit niyang sambit. Hindi makasagot si Laira dahil sa takot niya. "'Wag kang magalit sa kanya," mahinahon kong sambit. "Ikaw..." galit niyang sambit sabay suntok niya sa akin ngunit nasangga ko ito gamit ang aking palad kahit pa ito ay biglaan. Pagkatapos pinilipit ko ang kanyang braso at sinipa ang kanyang mga binti kaya't siya ay natumba. "Flago," sambit ko sabay lumitaw ito sa aking kamay at itinutok ko ito sa kanya bago pa siya makabangon. Nakita ko sa kanyang mukha ang gulat at takot. "S-sino ka ba talaga?" naginginig niyang tanong. Ako ay ngumiti. "Ako si Prinsipe Alexeus ng Imperyo ng Stavron," sagot ko. "P-prinsipe?!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD