"Kuro, saan tayo pupunta?" nagtataka kong tanong sa kanya habang nandito kami sa ere, lumilipad habang hawak niya ako. Halos ga-langgam na lang ang laki ng mga puno't halaman mula sa puwesto namin ni Kuro ngayon dito sa ere. Halos nililipad na rin ang mga buhok namin dahil sa pagaspas ng hangin dito sa taas. Sa una ay nalulula talaga ako na halos hindi ako makatingin sa ibaba. Pero mabilis din akong nasanay kalaunan.
"Basta. Pero sigurado akong matutuwa ka," sagot niya ng nakangiti habang nakatingin pa rin sa harap. Napakunot na lang ang noo ko sa sinagot niya sa'kin.
Mayamaya lang ay lumapag na rin kami.
"Narito na tayo," sambit niya nang may pagkasabik.
Namangha ako sa bagay na nakikita ko ngayon sa aking harapan. Isang malaki at mataas na puno. Na may mga bagin na nakabitin at malalaking mga ugat na gaya ng isang balete.
At ang nakakamangha dito? Kulay pilak ang kahoy nito at kulay puti ang mga dahon nito na kahugis ng cherry blossom. Mukha tuloy siyang puting cherry blossom.
"Ang ganda! Kakaiba. Ngayon lang ako nakakita ng ganitong klaseng puno," sambit ko ng may pagkamangha habang tinititigan ang buong hilatsya ng puno.
"Anong klaseng puno ito?" tanong ko habang namamangha pa rin sa nakikita ko.
"Ito ang Puno ni Boreas," sagot niya habang nakatingala din sa puno.
"Boreas?" usisa ko.
"Oo. Si Boreas ay ang diyos ng Tribo ng Pouli," sagot niya.
"Ramdam ko ang hiwagang taglay ng punong ito," mangha kong sambit. Napatingin naman ako sa mga malalaking ugat nito.
"Teka, bakit may mga nakatusok na mga balahibo ng ibon sa mga naglalakihang mga ugat nito?" tanong ko habang nakatingin sa mga 'to.
"Ah, 'yan ba? Tingnan mo," sambit niya sabay turo. Kaya naman tiningnan ko ang tinuturo niya.
Nanlaki ang mga mata ko sa gulat at mangha nang lumiwanag na lang bigla ang isang balahibo na nakatusok sa may ugat. Noong nawala ang liwanag, lalo akong namangha sa nakita ko.
"Itlog? Naging itlog 'yong balahibo!" gulat na gulat kong sambit na may halong labis na pagkamangha. Isang itlog na sinlaki na parang sa dinosaur.
"Hindi ba't tinatanong mo sa akin kung paano kami dumarami gayong wala naman ditong mga kababaihan? Ganyan lang," pagmamalaki niya.
Nabigla talaga ako. Wow. Hindi ako makapaniwala. "Talagang 'di niyo na kailangan pang mag-asawa nito," sambit ko.
Tumingin siya sa akin at ngumiti. "Depende pa rin iyon sa amin, Charlotte."
Napakunot ang noo ko. Ibig sabihin, opsyonal sa kanila 'yon? Puwede silang mag-asawa, pero puwede ring hindi? Ang galing naman.
"Kuro!"
Napatingin kami sa biglang tumawag sa pangalan niya. Isang Poulían na lumilipad pababa sa'min.
"Ano iyon?" tanong dito ni Kuro pagbaba niya.
"Kasalukuyan tayong sinasalakay ng mga Lykosian," tarantang balita nito.
Bumakas sa mukha ni Kuro ang pag-aalala matapos niyang marinig ang balita ng kasamahan.
Walang imik na lumipad silang dalawa sa himpapawid. Hindi na ako nakapagsalita pa at naiwan na naman ako dito. Talaga naman o!
Walang anu-ano'y tinakbo ko na lang para makarating ako sa tinutuluyan ko dito. Kinuha ko ang aking pana at palaso at nagmadali na akong umalis papunta sa lugar ng pinapangyarihan. Nais kong may magawa naman sa pagkakataong ito.
--
Alexeus
Malayo-layo na ako sa tribo ng Lykos. Natakasan ko ang mga hangal na taong lobo na bumihag sa'kin. Nagulat ako nang bigla naman akong nakarinig ng pagsabog. Kaya naman nagmadali akong pumunta kung nasaan iyon.
Sa aking pagtakbo ay nakalagpas ako sa mga kakahuyan, at napahinto ako nang makita ko ang pakikipagsagupaan ng mga Lykosian sa mga taong ibon, mula dito sa aking puwesto 'di kalayuan sa kanila.
Akin munang pinanood ang mga nangyayari. Mga nagpapalitan ang mga magkalabang lahi ng mga atake ng espada, palaso, sibat, at mga pampasabog.
May bigla namang nasabugan ng isang pampasabog na isang Lykosian habang hawak niya ito dahil tinamaan ito ng bumubulusok na palasong may apoy.
Tiningnan ko ang direksyong pinanggalingan nito.
Nanlaki ang mga mata ko nang makita kung kanino nanggaling ang palasong may apoy. Charlotte! Nagmula kay Charlotte ang palasong may apoy.
Kahit papaano'y gumaan ang aking kalooban sapagkat mukhang mabuti naman pala at mukhang maayos lang ang kalagayan niya. At mukha ring sa tribo ng Poulí siya napadpad.
Halos tumigil naman ang aking paghinga nang makitang may sasaksak sa kanya mula sa likuran! Kaya't walang anu-ano'y agad naman akong tumakbo papalapit sa kanyang kinaroroonan na para bang may sariling isip ang aking mga paa. Ngunit bago pa ako makalapit ay may tumangay na sa kanya. Kaya't napahinto ako nang makitang inilipad si Charlotte ng isang Poulían paitaas.
Iniligtas niya si Charlotte. Nakaramdam ako ng pagkainis. Dahil dapat ako 'yon. Naiikom ko tuloy ang aking mga palad at napag-igting ang aking panga sa inis. Kaya ngayon wala akong ibang magawa kundi ang tingalain na lamang sila.
Pakiramdam ko'y naninikip ang aking dibdib dahil sa labis na inis. Naiinis ako sa aking sarili, at pati na rin sa lalaking Poulian na tumangay sa kanya. Nakayakap siya kay Charlotte habang inililipad sa himapapawid. Lapastangan. Kahit pa alam kong iniligtas lamang nito si Charlotte. Ano ka ba, Alexeus! Ayusin mo nga ang iyong sariling pag-iisip!
Nakita kong pinaulanan naman sila ngayon ng mga palaso, kaya't tumalikod iyong Poulían at tinamaan ng mga ito ang pakpak niya. Nabitiwan niya si Charlotte at babagsak sila ngayon!
--
Charlotte
Inilipad ako ni Kuro sa ere dahil iniligtas niya ako mula sa sasaksak sana sa'king Lykosian kanina.
"Salamat, Kuro," sambit ko habang hawak niya ako sa katawan at lumilipad dito sa alapaap.
"Walang problema, Charlotte," sagot niya.
Bigla naman kaming pinaulanan ng mga Lykosian ng kanilang mga palaso. Sa bilis ng mga pangyayari ay wala na kaming nagawa. Kaya't bigla na lamang siyang tumalikod at pinangsangga ang mga pakpak niya!
"Kuro!" sigaw ko ng may pag-aalala. Nanlumo ako nang makitang tadtad ng tama ng palaso ang mga pakpak niya. Nanlalambot ang mga kamay ko nang makitang dumudugo ang mga ito.
"Kuro..." mangiyak-ngiyak kong sambit.
"Pasensya na, Charlotte. Mukhang 'di ko na kayang lumipad pa." Nakangiti pa rin siya kahit mukhang sobrang nasasaktan na siya. Ramdam ko ang bigat ng kanyang paghinga at mahinang pag-inda dahil sa sakit na kanyang nararamdaman. Masyado kaming mataas mula sa lupa. Pakiramdam ko'y kahit anong oras ay titigil sa paglipad si Kuro dahil mukhang nanghihina na siya. Lagot kami pag kami ay bumagsak.
Nararamdaman ko ang panginginig ng katawan niya na kahit anong oras ay mabibitiwan niya 'ko at babagsak kami. Lumakas na ang kabog ng dibdib ko dahil sa labis na takot na kahit anong oras ay mahuhulog na kami.
Muntik na niya 'kong bitiwan kaya't napasigaw ako. Mabuti't napakapit pa ako sa kanyang damit at ramdam kong pilit niyang kinakaya na hawakan ako. Lalo tuloy lumakas ang pintig ng puso ko na para bang sasabog na ito.
"Kumapit ka ng mabuti, Charlotte!" sambit niya.
Napakapit nga ako ng mahigpit sa kanya.
Natatakot ako ng sobra, pero mas nag-aalala ako para kay Kuro. Sugatan na ang mga pakpak niya. Nararamdaman ko na rin ang panghihina niya at ang mabigat niyang paghinga. Sa tingin ko pinipilit na lang niya ang sarili niya.
Mayamaya'y nakita kong pumikit na ang mga mata niya. Nanlaki ang mga mata ko't napanganga ako nang maramdaman kong nabitiwan na niya 'ko. Wala na siyang malay at pareho na kaming bumubulusok pababa!
Hindi ko tuloy mapigilan ang pagsigaw ng malakas habang nalalaglag pababa mula sa ere. Napapikit na lang ako sa takot dahil 'di ko alam kung saan ako babagsak at wala na akong magawang kahit ano kundi ang magdasal na sana'y makaligtas pa kami.
Naiiyak na ako habang pumipintig ang puso ko ng mabilis. Tapos mayamaya'y naramdaman kong lumapag na 'ko. Pero parang 'di naman ako nasaktan o ano. Kaya't dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko.
Namilog ang mga mata ko sa aking nakita. "A-Alexeus!" gulat kong sambit.
Sinalo niya 'ko. Buhat niya 'ko ngayon na parang isang prinsesa.
"Sa wakas at nagkita din tayo, Magíssa," wika niya. Ibinaba na niya 'ko ngunit ang mga mata ko ay 'di pa rin maalis sa kanya.
"Masaya akong makita ka ulit, Alexeus," nasambit ko na lang bigla. Ningitian niya lang ako. Masaya talaga akong makita siya. Parang napanatag ang puso ko. Ewan ko ba. Bakit parang pakiramdam ko na-miss ko siya? Halos maluha-luha kasi ako nang magkita kami ngayon.
Bigla ko namang naalala si Kuro. "Oo nga pala! S-si Kuro!" natataranta kong sambit.
"Bumagsak din siya kasama ko. Tadtad siya ng tama ng palaso sa kanyang pakpak," pag-aalala ko.
Kaya't agad ko namang hinanap ang lugar kung saan posible siyang bumagsak. Hanggang sa napunta ako sa may kakahuyan.
Sa wakas ay natagpuan ko din siya. Nakahimlay siya sa ibabaw ng makakapal at matataas na d**o.
"Kuro!" Tapos ay nilapitan ko siya. Isa-isa ko agad na tinanggal ang mga palasong nakatusok sa pakpak niya. Duguan ang pakpak niya at wala siyang malay. Kinapa ko ang pulsuhan niya at mahina na ang pulso nito.
Kinalma ko kaagad ang sarili ko at pinipigilan kong lumabas ang nangigilid kong luha. Hinawakan ko agad ang mga sugat niya. Taglay ko ang kosmima ng tubig na may kakayahang manggamot.
Mayamaya lang, nagamot ko rin ang mga sugat niya.
"Kuro. Kuro, gumising ka!" sambit ko habang nakahiga siya sa kandungan ko. Pakiusap, gumising ka Kuro.
Natuwa ako nang makita ko na dahan-dahan niyang iminulat ang kanyang mga mata.
"Charlotte..." sambit niya.
Napangiti ako nang malapad nang tuluyan na siyang magising. "Masaya ako at gumising ka na."
Ningitian niya 'ko at dahan-dahan siyang bumangon at pareho na kaming tumayo.
"Hmm, isang mortal," sambit niya kaya't napalingon ako dahil lampas sa akin ang tingin niya.
"Ah, oo nga pala. Kuro, siya si Alexeus," sambit ko bigla. Muntik ko nang makalimutang nandiyan na siya.
"O, Alexeus. Ikaw siguro iyong tinutukoy ni Charlotte na kasama niya. Ako nga pala si Kuro," sabay inilahad nito ang palad niya para makipagkamay. Tiningnan lamang 'to ni Alexeus na mistulang walang emosyon ang kanyang mukha. Tapos ay walang imik itong tumalikod sa amin at naglakad papalayo.
Napakunot ang noo ko sa kanyang ginawa. Nagtinginan lang kami ni Kuro na pawang nagtataka.
Ano na naman kayang problema ng isang 'yon?