Hindi pa rin talaga kami makapaniwala ni Alexeus na mananatili ngayon ang magkapatid na Calisto at Adara ng ilang araw dito sa palasyo.
Narito kami ngayong mga nakaupo sa tanggapan ng palasyo, magkakaharap kasama ang pamilya ni Alexeus.
"Maligayang pagdating sa aming palasyo, Prinsipe Calisto at Prinsesa Adara ng Baltsaros. Medyo matagal na rin mula nang dumalaw kayo dito bilang aming mga personal na panauhin," maligayang sambit ng Emperador.
"Maraming salamat, Kamahalan. Nasabik lamang talaga kami nang aming malamang nakabalik na ng palasyo si Prinsipe Alexeus," nakangiting sagot naman ni Adara sa Emperador.
Halatang-halata kay Adara na si Alexeus lang naman talaga ang pinunta niya dito.
"Siya nga pala," sambit ni Adara kaya't natuon ang atensyon namin sa kanya.
Humarap siya sa'kin. "Nais ko sanang humingi ng paumanhin sa aking nagawa noong..." malumanay niyang sambit.
Ah, tama. Naalala ko na. 'Yong binuko niyang isa akong pekeng prinsesa. "Ah, w-wala na 'yon. Ayos na ang lahat, Prinsesa," sagot ko naman.
Ikinagulat ko ang pagngiti niya sa'kin. "Salamat, Charlotte. Tunay ngang napakabuti mo."
Napaisip tuloy ako kung totoo ba ang pinapakita niyang ito sa akin o...pakitang-tao lang dahil kaharap namin ang pamilya ni Alexeus? Kaduda-duda ito.
"Ayos na iyon, Adara. Naiintindihan din namin kung bakit mo iyon nagawa. Ang mahalaga maayos na ang lahat," nakangiting sambit ng Emperador.
"Mga dama, dalhin sina Prinsipe Calisto at Prinsesa Adara sa kanilang mga magiging silid," utos ng Emperador.
May lumapit ngang dalawang dama at sinundan iyon ng magkapatid habang tinutulungan silang dalhin ang kanilang mga gamit.
Pagsapit ng gabi, ipinatawag na kami upang magsalu-salo sa hapunan. Pagdating ko doon ay naroon na ang maharlikang pamilya. Binati nila ako ng isang ngiti kaya't ngumiti din ako pabalik.
Papunta na sana ako sa puwesto ko sa tabi ni Alexeus ngunit natigilan ako nang narinig ko si Adara. "Alexeus!" magiliw niyang bati habang dere-deretso papunta kay Alexeus at parang 'di niya 'ko napansin dahil nilampasan niya lang ako.
Napataas ang kilay ko nang makita kong umupo siya sa puwesto ko, sa tabi ni Alexeus.
"Masaya ako't makakasalo kita ngayon sa hapunan, mahal kong prinsipe," sambit ni Adara kay Alexeus habang nakangiti ng abot hangaang tenga.
"Ah...ganoon din ako, Adara," sagot naman ni Alexeus. Napatingin sa'kin sandali si Alexeus tapos at ibinalik niyang muli kay Adara.
"Ah...Adara," tawag nito.
"Ano iyon?" tanong naman niya.
"Paumanhin, ngunit si Charlotte ang nakaupo sa puwestong iyan," malumanay niyang sambit. Napatingin naman sa akin si Adara tapos ay ibinaling niyang muli kay Alexeus.
"Ganoon ba? Ayos lang 'yan. Tutal, bisita naman ako ngayon dito sa palasyo. Dito muna ako pupuwesto habang nandito ako," sambit ni Adara.
"Ayos lang naman iyon, hindi ba Charlotte?" nakangiti niyang sambit sa'kin na siyang kinagulat ko kaya't napatango na lang ako.
"Ah, oo. Walang problema, Prinsesa," sagot ko. Tapos ay napabuntonghininga ako. Wala naman akong magagawa.
"Charlotte." Napatingin ako sa pagtawag sa'kin ni Calisto.
"Ako na lamang muna siguro ang iyong samahan," nakangiti niyang sabi.
"Ah...s-sige," tanging nasabi ko.
Pumuwesto kami sa kabilang bahagi ng mesa at hinila niya ang upuan para sa akin.
"Salamat, Prinsipe Calisto," sambit ko matapos kong umupo. Tapos ay umupo na rin siya sa tabi ko sabay ngiti sa'kin.
At habang kumakain kami ay nararamdaman ko ang pagsulyap-sulyap sa akin ni Alexeus. Kapag tumitingin ako sa kanya'y minsan nahuhuli ko siyang nakatingin.
Nabigla ako nang hawakan ni Calisto ay kamay ko at bahagyang inilapit sa kanya.
"Napakaganda naman ng pulseras na ito," sambit niya habang nakatingin sa stefani ko.
"Ah, oo. Iyan ang stefani, ang nagsisilbing sisidlan ng mga kosmima na makukuha ko," sambit ko.
"Pula, berde, at kayumanggi ang mga kulay ng mga diyamanteng nakikita ko rito. Heto ba ang mga kosmima?" usisa niya.
"O-oo," sagot ko. Naiilang ako habang hawak niya ang kamay ko kahit alam kong tinitingnan niya lang ang stefani.
Natuon naman ang aming atensyon kay Alexeus nang marinig namin siyang tumikhim.
"Calisto, maaari mo bang iabot sa akin ang lalagyan na iyon ng panghimagas?" sambit niya.
"Ah, oo naman," sagot ni Calisto sabay bitiw niya sa kamay ko at kinuha niya ang katabi niyang mangkok na pilak at iniabot ito kay Alexeus. Nang magtagpo naman ang aming mga mata ay nabigla ako sa kanyang tingin.
Parang iritable ang ekspresyon ng kanyang mukha.
"Salamat," sambit ni Alexeus nang maiabot sa kanya ang mangkok. Mukhang naiirita talaga siya. Napakunot-noo ako. Bakit naman kaya?
"Kamusta naman ang pagiging Magissa mo, Charlotte?" sambit ni Calisto.
"Maayos naman sa ngayon. Alam kong marami pa akong kakaharapin dahil sa responsibilidad na tinanggap ko, pero handa ko namang harapin ang mga 'yon ng buong tapang," sambit ko.
"Isang magandang binibini na may mabuti at matapang na kalooban. Kahanga-hanga," sambit naman ni Calisto sabay ngiti nito sa'kin.
Napatingin na naman ako kay Alexeus at nahuli ko na naman siyang nakatingin sa'kin.
"Alexeus," tawag ni Adara.
"Pagkatapos nating kumain, maaari mo ba akong samahang mamasyal sa hardin?" pakiusap nito.
Napataas ng kilay si Alexeus at mukhang napaisip siya sa hiling ni Adara. Napatingin na naman siya sa'kin tapos ay ibinalik din niya ito kay Adara.
Tumango lamang si Alexeus bilang sagot. "Salamat, Alexeus," nakangiting sambit ni Adara.
Hindi ko alam kung bakit. Pero may parang kung anong kumurot sa puso ko nang pumayag si Alexeus. Napailing na lamang ako. 'Di bale na nga.
Matapos namin maghapunan ay napagpasyahan kong maglakad-lakad muna sa isang pasilyo na palasyo.
Habang naglalakad ako ay nakatingin ako sa bawat malalaking hugis-arkong mga bintanang nadadaanan ko.
Nakatingin ako sa langit na puno ng mga bituin. Habang ang kalmado at malamig na hangin ay humahaplos sa aking balat na pumapasok mula sa bintana.
Bigla akong napahinto nang matanaw ko sina Alexeus at Adara na nakatayo habang nagkukuwentuhan. Mga nakangiti sila. Mukhang masaya ang pinag-uusapan nila. Lalo na si Adara. Mukhang napakasaya niya na kasama siya si Alexeus.
Napahawak ako bigla sa dibdib ko. May nararamdaman akong kung ano. Mainit, na parang naninikip. Ewan ko ba? Ano ba ito?
"Charlotte." Tila natauhan ako nang narinig ko ang pangalan ko.
"Ikaw pala, Calisto," sambit ko. Tapos ay lumakad pa siya papalapit sa puwesto ko.
"Aba. Puno pala ng mga bituin ang langit ngayong gabi," sambit niya matapos niyang dumungaw sa bintana at tumingala.
"Oo nga. Ang ganda nga eh," sambit ko.
Tumingin naman sa akin si Calisto. At napansin kong tinititigan pala niya 'ko na para bang sinusuri niya ang mukha ko.
"B-bakit?" tanong ko. Nakakailang na kasi.
Nabigla ako nang ilapit niya ang kamay niya sa gilid ng mukha ko. Tapos ay hinawi niya pala ang buhok ko at inilagay sa likod ng aking tenga.
"Nang aking mabalitaan na ang hinirang na Magissa ng Stavron ay ang babaeng mapapangasawa ni Alexeus, talagang ako ay nabigla. Hindi ko talaga iyong inasahan," sambit niya.
"Ako rin naman. Hindi ko inaasahang mahihirang ako bilang tagapagligtas," sambit ko.
"At ang lalong nakakamangha dito, ikaw ay isang nilalang na nagmula pa sa ibang mundo," sambit niya.
"Oo, ganoon nga. Iyon talaga ang pangunahin kong rason kaya ako pumayag. Ang makauwi sa amin," sagot ko.
"Alam mo ba, noong una kitang masilayan sa gabi ng pagtitipon dito sa palasyo, agad na akong napukaw ng iyong kagandahan," sambit niya.
Napaawang ang bibig ko sa sinabi niya. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko.
"Naisip ko no'n, kung sakaling hindi ka mapipili ni Alexeus, agad kitang lalapitan at lubos na kikilalanin," sambit pa niya.
"Nakaramdam ako ng kaunting pagkadismaya nang ikaw ang piliin niya. Ngunit hindi ko naman masisisi si Alexeus kung ikaw ang kanyang napili. Dahil kung ako din ang kanyang nasa katayuan ay ikaw din ang aking pipiliin, Charlotte," sambit niya.
Wala akong masabi. Hindi ko alam ang magiging reaksyon ko sa mga sinasabi niya sa'kin ngayon. Isa pa, kung alam lang niya ang totoo. Na pinlano naman talaga namin ni Alexeus ang pagpili niyang 'yon sa'kin.
"Naku, pasensya na. Mukhang naiilang ka na yata sa akin ngayon," nangingiti-ngiti niyang sambit sabay iwas ng tingin sa'kin.
"Ayos lang, Calisto," tanging nasabi ko na lang.
Isang katahimikan ang sandaling namayani sa pagitan naming dalawa.
"Sigurado akong interesado si Alexeus sa mundong iyong pinagmulan," pagbasag niya sa katahimikan.
Napangiti ako. "Oo. Nabanggit niya nga 'yon sa'kin," sambit ko.
Iyon nga mismo ang isa pang dahilan kaya gusto akong tulungan no'n ni Alexeus.
"Charlotte," tawag niya sa'kin kaya't nilingon ko siya.
"Nais kong malaman mo na masaya ako ngayon pagkat nakita't nakasama kita. Nais pa kitang makikilala ng lubusan," sambit niya.
Wala na akong nasabi kaya't tumango na lamang ako at ngumiti. Tapos ay ningitian niya rin ako pabalik.
Tapos ay napasiya na kaming bumalik sa aming silid. Sinamahan ako ni Calisto na maglakad hanggang makarating sa aking silid.
"O paano. Dito na lamang. Magandang gabi sa'yo, Prinsipe Calisto," sambit ko.
"Magandang gabi din sa'yo, Charlotte," nakangiti niyang sambit sa'kin.
Tapos ay tumalikod na siya at naglakad na papalayo. Nang tuluyan nang makaalis si Calisto, hinawakan ko na ang busol ng aking pintuan para buksan ito.
"Charlotte." Natigilan ako nang may tumawag sa'kin tapos ay nilingon ko kung sino 'yon.
"Ikaw pala, Alexeus," sambit ko.
"May kailangan ka ba sa'kin?" tanong ko pa.
Nakatingin lamang siya sa'kin na para bang iniisip niya kung anong sasabihin niya.
"Nais sana kitang yayaing samahan akong maglakad ngayon sa hardin. Ngunit mukhang matutulog ka na," sambit niya.
"Hindi pa naman," bigla kong sagot. Napansin ko ang pagkabigla niya.
"Ang ibig kong sabihin, hindi pa naman talaga ako inaantok. Maaari pa naman kitang samahan...kung gusto mo," sambit ko. Ano bang nangyayari sa'kin? Bigla na namang bumilis ang pintig ng puso ko.
Ngumiti si Alexeus. "Kung ganoon, tayo na," sambit niya. Tumango ako at sinundan siya agad nang magsimula na siyang maglakad.
Nang makarating kami sa hardin ay sinalubong kaagad kami ng malamig at sariwang simoy ng hangin dito. Sumasabay ang mga halama't bulaklak sa pagsayaw ng hangin.
"Alam mo na ba kung ano ang maaaring magawa ng kapangyarihan ng kosmima ng lupa?" tanong ni Alexeus.
"Hindi pa eh. Nais ko sanang magtanong kay Aristea. Baka sakaling alam niya. Para magkaroon na ako ng ideya," sagot ko.
"Bakit mo nga pala ako niyaya rito? Hindi ba't galing na kayo ni Adara dito?" usisa ko. Naku naman, bakit 'yon pa ang naitanong ko?
Sandali kaming nanahimik. Hindi yata nagustuhan ni Alexeus ang tinanong ko.
"Sapagkat ikaw ang nais kong makasama dito, Charlotte," sagot niya.
Nakatingin ngayon sa mga mata ko ang magagandang pares ng kanyang mga bughaw na mata. At pakiramdam ko'y tumatagos ito hanggang sa kaluluwa ko.
Nakaramdam ako bigla ng pagkailang kaya't napaiwas ako ng tingin.
"Ganoon ba," tanging naisagot ko na lang.
"Hindi ko alam kung bakit. Ngunit hindi ko gusto ang bawat tingin at paghawak sa iyo ni Calisto," sambit niya habang nakatingala sa langit.
Nabigla ako sa sinabi niya. Hindi ko alam kung paano ko 'yon bibigyang kahulugan.
"Kay ganda ng kalangitan ngayon, ano? Bilog ang buwan at maraming mga bituin," sambit niya.
Napatingala na rin ako sa langit at tumango bilang pagsang-ayon sa kanya.
"Bigla ko tuloy naalala ang una nating pagtatagpo," sambit niya.
May kung anong tuwa akong naramdaman sa aking puso nang marinig ko iyon mula sa kanya. Napangiti tuloy ako nang hindi ko sinasadya.