Kabanata 35: Welcome Back to Stavron!

1884 Words
Kababalik lamang namin ni Alexeus dito sa palasyo ng Stavron, ang kanyang tahanan. Mainit kaming sinalubong ng lahat ng tauhan ng palasyo. 'Di maipagkakaila ang kanilang tuwa na makita kaming dalawa na makabalik dito sa imperyo ng ligtas. Agad kaming nagtungo ni Alexeus sa aming sariling mga silid upang makapagbihis at makapag-ayos na. Nagbabad ako sa paliguan ng kulang-kulang isang oras. Na-miss ko rin kasi ang ganitong klaseng buhay. Ang sarap talaga sa pakiramdam magbabad sa maligamgam na tubig. Matapos no'n, dumeretso ako sa aking silid at binihis ang nakahandang damit na nakalatag sa kama ko. Suot ang aking kulay pula na meron ding halong puti na Victorian era style ball gown, ay lumabas na ako ng aking silid. Dumeretso ako kung saan naroon ang hapag-kainan. Nadatnan ko na doon ang maharlikang mag-anak na nakaupo na sa kani-kanilang mga puwesto sa mesa. "Charlotte!" masiglang bati sa'kin ni Prinsesa Airlia na nakaupo sa upuang katabi ng kanyang Inang Emperatris. Ngumiti ako sa kanya at kumaway.  "Magissa, halina't maupo ka na. Magsisimula na tayong kumain pagdating ni Alexeus," nakangiting sambit sa akin ng Emperador. Ngumiti rin ako at umupo sa aking puwesto, sa tabi ng puwesto ni Alexeus. Ilang sandali lamang ay nandiyan na rin si Alexeus. Tapos ay umupo na rin siya sa puwesto niya, sa tabi ko. "Ngayong kumpleto na tayo, halina't kumain," sambit ng Emperador. Habang kumakain kami, bigla namang nagsalita ang Emperador. "Maaari ba kayong magkuwento tungkol sa naging inyong paglalakbay sa labas ng imperyo?" nakangiti niyang sambit. Napahinto kami ni Alexeus at nagtinginan. Tapos ay iginala namin ang aming mga paningin sa kanila. Mukhang nasasabik sila habang naghihintay sa aming mga sasabihin. "Sisimulan namin ang kuwento sa Ajax," panimula ni Alexeus. At iyon na nga ang simula ng pagkukuwento namin ng mga dinanas namin sa kamay ng mga rebelde, at ang una naming engkuwentro, kay Zelion. "Oo nga. Napakasama ng Zelion na iyan. Dinala siya rito ng mga guwardiya sibil ng Ajax at kasalukuyan siya ngayong nakakulong sa isang bartolina," sambit ng Emperador. Isinunod naman namin ang kuwento ng pakikipagsapalaran namin sa Hagnos. Ang pagkakapadpad namin sa Pouli, ang tribo ng mga taong ibon. "Totoo nga talaga ang mga kakaibang nilalang doon. Akala ko noon ay mga haka-haka lamang sila o mga kathang-isip lamang. Totoo pala dahil nakasalamuha niyo mismo sila," manghang sambit ng Emperador. "Oo, Ama. Sa katunayan niyan," sambit ni Alexeus sabay tingin sa'kin, tapos ay ibinalik din niya ang tingin niya sa kanyang ama. "Nagkagusto kay Charlotte ang isa sa kanila. Ang Poulian na anak ng mismong pinuno ng kanilang tribo na nagngangalang Kuro," sambit ni Alexeus na parang may halong inis sa kanyang tinig. Namangha sila't nakaawang ang kanilang mga bibig sa kanilang narinig. Pasimple naman akong tumingin kay Alexeus at kinunutan siya ng noo. Ngunit tinaasan niya lang ako ng kilay at nagkibit-balikat. Narinig naming tumawa ang Emperador. "Hindi naman iyon kataka-taka, anak ko," sambit niya. Tapos ay itinuloy namin ang pagkukuwento hanggang sa pagkakadawit namin sa digmaan nila ng mga Lykosian, mga taong lobo. "Aba! At pareho pala kayong naging bihag ng mga Lykosian!" gulantang na sambit ng Emperador. Gano'n din ang naging reaksyon ng Emperatris at ni Airlia. "Opo, Kamahalan. Sa katunayan nga," sambit ko tapos ay ibinaling ko ang tingin ko kay Alexeus tapos ay ibinalik kong muli sa Emperador. "Nagkagusto ang prinsesa ng tribo ng Lykos na si Laira kay Alexeus," sambit ko ng may halong pang-aasar. Naramdaman ko namang tiningnan ako ni Alexeus. Natawa na lamang ang mag-anak na maharlika. Ikinuwento rin namin kung paano kami nagkipagsapalaran sa baryo ng Goiteia at kung paano namin ipinagtanggol ito mula sa mga Fidian.  Ngunit, hindi na namin binanggit pa ang tungkol sa pagkamatay ni Alexeus sa kamay ni Despoina at binuhay na lamang siyang muli ng diyosang si Maia. "Ilang kosmima na ang hawak mo, Charlotte?" sabik na tanong ni Airlia. Ipinakita ko sa kanila ang stefani na kailanma'y 'di ko talaga hinubad. "Tatlo na ang mga kosmimang hawak ko sa ngayon," sambit ko. "Apoy na dito mismo nanggaling sa palasyo, tubig na nanggaling sa Agua nang matalo namin si Zelion, at ang lupa na ipinagkaloob mismo sa akin ng diyosa ng Goiteia na si Maia bilang kabayaran sa pagtatanggol namin sa kanyang baryo," paliwanang ko pa. "Kaya naman pansamantala lamang ang panantili namin dito sa palasyo. Aalis din kami sa lalong madaling panahon," seryoso namang sambit ni Alexeus. Nabakas ang pag-aalala sa mga mukha ng kanyang pamilya. "'Wag kayong mag-alala. Titiyakin naming magtatagumpay kami sa aming misyon. Sigurado 'yan," nakangiti kong sabi sa kanila. Mabuti't napangiti ko naman sila kahit papaano. Pagkatapos ng aming salu-salo ay napagpasiyahan kong maglakad-lakad muna sa hardin upang makalanghap ng sariwang hangin. Dinadama ko ang kapayapaan at kagandahan ng lugar na ito. Pagkatapos ay huminto ako sandali. Bigla kong naalala ang pagpapalit-anyo ko bilang babaeng may pulang buhok at pulang mga mata. Magissa ng Fotia. Iyon ang tawag sa akin kapag ganoon ang aking anyo. Tiningnan ko ang kamay ko kung nasaan nakasuot ang stefani. Bago nga pala ako tuluyang lisanin ni Kokkinos ng araw na iyon ay may orasyon siyang itinuro sa akin upang makaisa kong muli ang kosmima ng apoy. Nais kong subukan itong muli. Payapa naman sa lugar kung nasaan ako ngayon. Ipinikit ko ang mga mata ko at pansamantalang binlangko ang isip ko. Tanging kosmima ng apoy lamang ang dapat kong isipin ngayon. Kapangyarihang nagmula sa anim na elemento. Sa ngalan ng mga makapangyarihang diyos na dragon. Dinggin ang aking hiling, ako ang Magissa kaya't ako'y iyong sundin. Habang binibigkas ko ang orasyon sa aking isipan ay unti-unti kong nararamdaman ang pagdaloy ng malakas na kapangyarihan sa aking buong katawan. Fotia! Sa pagdilat ng aking mga mata ay sa isang iglap, nagbagong muli ang aking anyo. Naging pula muli ang aking buhok at gayon din ang aking mga mata. At naritong muli ang itim kong kapa na may armor sa aking balikat na gawa sa isang matibay na bakal na may mga pulang bato. Ibang-iba talaga ang pakiramdam ko kapag ganito ang aking anyo. Pakiramdam ko'y napakalakas ko na halos kaya kong matalo ang kahit sinong kalaban. Nakakamangha talaga. "Ch-Charlotte?" Napatingin ako bigla sa tumawag sa'kin. "I-ikaw ba 'yan?" pagtataka ni Alexeus habang dahan-dahang lumalapit sa akin na bakas ang alinlangan at pagtataka. "Alexeus," sambit ko sa kanyang pangalan matapos niyang makalapit sa akin. Mukhang 'di siya makapaniwala sa nakikita niya sa'kin. Naikuwento ko na naman sa kanya ang tungkol dito. Ngunit ngayon lang niya ko nakitang ganito nang personal. "Ayan ba ang...anyo ng Magissa ng Fotia?" pagkamangha niya. Tumango ako bilang sagot sabay ngiti. "Labis na nakamamangha. At isa pa," sambit niya. Tapos ay tumingin siya sa mga mata ko't ngumiti. "Bagay din sa iyo ang kulay pulang buhok at mga mata, Charlotte," sambit niya. Hindi ko alam ngunit nakaramdam ako ng pag-init ng aking mga pisngi. Bigla namang sumagi sa isip ko ang paghalik ko sa kanya. Bumilis ang t***k ng puso ko dahil na naman do'n sabay napalunok ako. "Charlotte? May problema ba?" tanong niya. Umiling ako kaagad. "W-wala naman," sagot ko. Mayamaya'y bumalik na sa normal ang aking anyo. "Mawalang-galang na po, Kamahalan." Napatingin kami pareho sa isang dama na kararating lang. "Mayroon po kayong panauhin," sambit ng dama. Tapos ay dinala kami ng dama sa tanggapan ng palasyo. Nabigla ako sa kung sino ang dumalaw sa amin dito sa palasyo. "Kuro?" sambit ko. Nakaupo siya sa isa sa mga malalambot at malalaking upuan ng tanggapan. Tumingin siya sa amin at ngumiti. Isa siyang 'normal' na tao ngayon. "Kamusta, Charlotte?" sambit niya. "Ah, m-mabuti naman. Naparito ka yata?" sambit ko tapos at lumapit ako at umupo sa upuang katapat lamang niya. Mayamaya'y sumunod na rin sa akin si Alexeus at naupo sa aking tabi. Tumingin ako sandali kay Alexeus at kita sa mukha niya ang pagkayamot. Ayaw niya talaga kay Kuro. "Nariyan ka pala, Kamahalan. Kamusta na?" nakangiting sabi ni Kuro sabay baling ng tingin nito kay Alexeus. "Ano ang iyong sadya dito, Poulian?" maangas na tanong nito kay Kuro.  Natawa si Kuro ng bahagya. "Nais ko lamang makita si Charlotte. Labis akong nangulila sa kanyang pag-alis sa aming tribo. At tunay nga talagang napakaganda niyang binibini," sambit niya. Nabigla ako sa sinabing iyon ni Kuro. Sumeryoso naman ang mukha ni Alexeus habang nakatingin kay Kuro. "Ngunit bukod do'n, may mas mahalaga pa 'kong pakay," seryoso niyang sambit bigla. Ano naman kaya 'yong pakay niya? "Hinahanap ko ang aking ama. Baka nagawi siya rito," sambit niya. Bakas ang pag-aalala sa kanyang mukha. Napakunot ang noo ko. "Bakit? Anong nangyari? Bakit nawawala si Pinunong Aviar?" usisa ko. "Ilang araw na rin siyang nawawala. May kutob akong pumunta siya ng siyudad upang hanapin ang kanyang dating kasintahan," seryosong sambit ni Kuro. "Dating kasintahan? Huwag mong sabihing--" Naputol ang sinasabi ko nang biglang magsalita si Alexeus. "Kung gayon, wala rito sa Stavron ang iyong ama. Marapat na ikaw ay pumunta ng Baltsaros," sambit naman ni Alexeus. Mukhang nabigla si Kuro sa sinabing iyon ni Alexeus. "Ahm...paumanhin, Kuro. Ngunit, nabanggit ko kay Alexeus ang tungkol sa nakaraang pag-ibig ng iyong ama," sambit ko sabay halukipkip. "Paumanhin," dagdag ko. "Ayos lang 'yon, Charlotte. Naiintindihan ko kung nabanggit mo ito sa Prinsipe," sambit niya sabay ngumiti ng malumanay. "Ang dating kasintahan ng iyong ama ay ang Emperatris ngayon ng Baltsaros, si Arcanea," sambit ni Alexeus. Si Emperatris Arcanea, ang ina nina Calisto at Adara. "Maraming salamat sa impormasyon, Kamahalan," sambit ni Kuro. Ilang sandali'y nagpaalam na rin siya sa amin at umalis upang pumunta ng Imperyo ng Baltsaros. Naiwan kaming dalawa ngayon dito ni Alexeus sa tanggapan ng palasyo. "Bakit kaya? Siguro mahal pa rin ni Aviar si Arcanea. Pero, paano naman 'yon? May pamilya na si Arcanea, at higit sa lahat, isa siyang Emperatris. Ano namang kailangan sa kanya ni Aviar?" pagtataka ko. Nagkibit-balikat lamang si Alexeus. "Hindi ko alam," tanging nasagot niya. Mayamaya'y halos mapatalon kami ni Alexeus sa aming kinauupuan nang may narinig kaming sumigaw. "Alexeus!!" masayang sigaw ng isang babaeng papalapit sa puwesto namin na ikinalaki ng mga mata ko. Nang makalapit siya'y agad niyang niyakap si Alexeus. "Alexeus. Masaya ako't narito ka nang muli. Labis akong nangulila sa'yo, aking prinsipe," malambing na sambit niya. "Ah...sandali lamang, Adara," naiilang na sambit ni Alexeus habang dahan-dahang inilalayo si Adara mula sa pagkakayakap sa kanya. "Bakit, aking prinsipe? Hindi ka ba nangulila sa akin?" malambing niyang tanong kay Alexeus. "Charlotte." Napatingin ako sa lalaking lumapit sa'kin na tinawag ang pangalan ko't nakangiti sa akin. "Calisto," sambit ko. "Kamusta naman ang magandang Magissa ng Stavron?" nakangiti niyang sabi sa'kin. "Ah...maayos naman, Kamahalan," sagot ko. Tapos ay ibinaling niya ang tingin niya kay Alexeus. "Kamusta, kaibigan?" nakangiti niyang tanong dito. "Narito ka rin pala, Calisto," sambit naman ni Alexeus. Napatingin naman ako kay Adara na nakatingin din pala sa'kin. Nagulantang ako sa masamang titig niya sa'kin na para bang pinapatay na niya 'ko sa isip niya. "Ano nga pa lang sadya ninyo at kayo'y naparito?" tanong ni Alexeus. "Pagkat nais ka naming dalawin at magtatagal kami rito ng mga ilang araw, aking mahal na prinsipe," sagot ni Adara. Medyo nayayamot na 'ko sa kinikilos ng babaeng 'to, ah. Nakakapit pa siya sa braso ni Alexeus na parang tuko. Pareho kaming nabigla ni Alexeus sa aming naring. "Ano? Nang ilang araw?" sabay naming sambit ni Alexeus.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD