Kagabi lamang nangyari ang 'magical ball party' na 'yon. At nang araw na 'yon, naging fiance ko na si Alexeus, ang prinsipeng tagapagmana ng trono ng Stavron.
Bukod do'n, hindi pa rin mawala sa isip ko iyong batang babae na nakita ko ng gabing 'yon. Ano kayang kinalaman niya sa pulang paru-paro? May kinalaman kaya siya sa pagkakapadpad ko dito?
"Charlotte." Bigla akong natauhan nang tinawag ako ni Alexeus kaya't napatingin ako sa kanya. Magkatabi kami ngayong kumakain ng tanghalian kasama ang buong pamilya niya.
"Napansin kong tila wala ka yata sa iyong sarili. May bumabagabag ba sa'yo?" sambit niya ng may halong pag-aalala. Ngumiti lang ako ng pilit at agad na akong tumingin sa pagkaing kaharap ko.
Hindi ko na muna sinagot pa si Alexeus. Pero mabuti nama't hindi na niya 'ko inusisa pa.
"Napakasaya ko ngayon sa pagkat nakapili na ang aking anak ng kanyang mapapangasawa," masayang sambit bigla ng Emperador.
"Masaya din ako para sa inyong dalawa, Alexeus at Prinsesa Charlotte," nakangiting sambit naman ng Emperatris.
Nagkatinginan lamang kami ni Alexeus at ngumiti sa kanila.
"Hamak mo 'yon, ang babaeng nanaising mapangasawa ng aking anak ay natagpuan na pala niya? Nakamamangha talaga ang trabaho ng tadhana," sambit ng Emperador tapos ay tumawa siya. Napahinga ako ng mamalim sa sinabi niyang 'yon.
"Kailan ang kasal ninyo?" usisa naman ni Airlia. Muntik na akong masamid do'n ah.
"Ah...sa isang taon pa naman 'yon, mahal kong kapatid," sagot naman ni Alexeus.
"Ang tagal pa pala," nakangusong sambit ni Airlia. Napaka-cute talaga ng batang 'to.
"Kailangan na nating pagplanuhan ang kasal ninyo, anak ko," sambit ng Emperador. Nabigla kami pareho ni Alexeus dahil do'n.
"P-plano?" tanong ko.
"Oo, Prinsesa. At sisimulan natin 'yon sa pagkilala namin sa iyong mga magulang," sambit ng Emperatris. Sa pagkabigla ko, nasamid tuloy ako.
"Charlotte, ayos ka lang?" tarantang tanong sa'kin ni Alexeus habang tinatapik ang likuran ko.
Tumango ako. "O-oo. A-ayos lang ako," sambit ko habang nauubo-ubo pa.
"Nasasabik na kaming makilala ang iyong Inang Emperatris at makita ang inyong imperyo, Prinsesa Charlotte," nakangiting sambit ng Emperatris.
Naku, paano ba 'to? Paano ko naman kaya lulusutan ito? Haay, mabubulilyaso ba ng maaga ang pagpapanggap naming 'to ni Alexeus?
Matapos naming magsalu-salo, nagpunta ako ulit dito sa mala-park na hardin ng palasyo. Nakaka-relax naman kasi talaga dito. Pumikit ako at nilanghap ang sariwang hangin.
"Nandito ka lang pala".
Napalundag ako sa gulat, "Alexeus!"
Ano ba 'yan? Para naman siyang kabuteng bigla na lang sumulpot.
"Mukha ka talagang may problema. Tatanungin kitang muli. May bumabagabag ba sa iyo?" usisa pa niya. Haay, hindi rin makulit 'tong si Alexeus, 'no?
"Eh kasi naman. Paano naman natin lulusutan 'yong kagustuhan ng mga magulang mo na makita ang aking ina? E alam naman natin pareho na..." sagot ko.
"Oo alam ko. Iisip ako ng paraan. Huwag kang mag-alala," sambit niya.
Napabuntonghininga ako. Mabuti naman kung gano'n. Pero siguraduhin lang niya.
"Ang ibig ko nga pa lang sabihin ay kung may iba pa bang bumabagabag sa'yo bukod do'n?" tanong pa niya.
"Ah, 'yon ba? Hindi kasi mawala sa isip ko iyong batang babae na nakita ko noong gabi ng pagtitipon," sagot ko.
"Batang babae? Bakit naman? May kakaiba ba sa kanya?" usisa niya.
"Oo, pakiramdam ko. Iba kasi 'yong kasuotan niya kaysa sa amin na mga imbitado. Tapos, higit sa lahat, kasama niya 'yong pulang paru-paro na sinabi ko sa'yong nakita ko bago ako mapadpad dito. Hindi ko maiwasang isipin kung may kinalaman ba siya sa pagkakapadpad ko dito," sagot ko tapos ay bumuntonghininga ako ng malalim.
"Hmm, wala naman akong kakaibang batang babae na napansin no'ng gabi iyon. Ngunit may ibang bagay akong napansin ng gabing iyon," sambit niya.
"Hah?" pagtataka ko.
Tumingala muna siya sa asul na langit, na kakulay ng kanyang mga mata.
"Anong napag-usapan ninyo ni Prinsipe Calisto?" tanong niya. Natigilan ako sa sinabi niyang 'yon. Napakunot-noo ako. Bakit naman kaya niya tinatanong?
"Uhm, wala naman. Nagpakilala lang siya sa'kin," sagot ko.
"Ganoon ba.." tugon naman niya.
Teka, nakatingin ba siya sa'kin ng gabing 'yon at alam niya?
"Ikaw? May kailangan ka ba sa'kin?" tanong ko. Lumingon na siya sa'kin.
"Ah, oo. Pumunta ka na sa iyong silid at naghihintay na sa'yo ang mga dama na mag-aayos sa'yo," sagot niya.
"Ha? Bakit? Anong meron?" pagtataka ko.
"Ngayon na ang tradisyunal na parada natin," sagot naman niya.
"Para saan 'yon?" tanong ko.
"Lilibot tayo sa buong siyudad ng Ceyx sakay ng isang karwahe. Ito ay upang ganap na ipakilala ka sa lahat bilang aking mapapangasawa," nakangiti niyang sagot. Talaga naman. Kailangan pa ba 'yon? Sa bagay...
"Haay, alam mo ba sa mundo namin, hindi pa maaaring magpakasal ang mga nasa labingpitong taong gulang pababa. At labingpito lang ako, 'no." sambit ko.
Ngumisi siya, "Dito, ang lalaki ay dapat nasa labingwalo at ang babae ay nasa labing-anim. Mga tagapagmana lamang ng trono ang minamadaling ipakasal. Tradisyon kasi iyon sa aming maharlika," sambit niya.
Wow. Ang bata pala ng legal age of marriage ng mga babae dito.
"O, paano. Mauna na 'ko upang makapaghanda na. Ikaw din," sambit niya tapos ay umalis na siya.
Ilang sandali lang matapos niyang umalis ay pumasok na rin ako sa aking silid. Pagkatapos nila akong ayusan, suot ang aking pink off shoulder ball gown, at silver na tiara na may mga diamond and pearls pa na nakapatong sa ulo ko. Papunta ako ngayon sa labas ng palasyo kung saan naghihintay sa'kin ang karwaheng sasakyan namin ni Alexeus sa parada.
Pagdating ko sa magarbong karwahe na walang bubong, naroon na si Alexeus. Nakatayo lang siya sa tabi ng karwahe.
"Handa ka na ba?" tanong niya sa'kin.
"Oo. Pero medyo kabado ako," sagot ko. Totoo naman eh. Paano kung hindi ako magustuhan ng mga mamamayan ng Stavron para kay Alexeus?
"'Wag kang kabahan. Ayos lang 'yan. Isa pa sandali lang 'to. Tayo na?" sambit niya.
Tapos ay nauna na siyang sumakay ng karwahe tapos ay inalalayan niya 'kong umakyat para sumakay. Ang laki nitong karwahe para lang sa'ming dalawa. Hindi kasama ang Emperador at Emperatris dahil 'di naman nila kailangan magpakita sa publiko.
Magkatabi kaming nakaupo ni Alexeus.
"Wala kang ibang gagawin kundi ang kumaway at ngumiti sa mga tao. Basta maging natural ka lang at ayos na 'yon. Ang nais lang naman makita ng mga tao ay kung sino at mabuting tao ba ang mapapangasawa ko," sambit niya. Tumango lang ako bilang sagot. Hindi pa rin naaalis ang kaba sa dibdib ko.
Nagsimula ng umandar ang karwahe palabas ng tarangkahan ng palasyo. Nagulat ako sa dami ng tao paglabas pa lang namin. Siguro nga mahal ng mga mamamayan ng Stavron ang imperial family na 'to. Maraming kawal ang nakapalibot sa'min for security siguro. Nasa pinakaunahan namin ang grupo ni Heneral Balsicus, tapos may mga grupo pa ng kawal sa likod namin. Nang karwahe na namin ang nakalabas, 'di magkandamayaw ang dami ng tao. Para lang piesta ng Poong Nazareno.
"Ang mahal na Prinsipe Alexeus!"
"Sa wakas nakapili na rin siya ng mapapangasawa!"
"Siya na ba iyon? Maganda siya at mukhang mabait."
Mga usap-usapan ng mga tao habang dumadaan ang aming karwahe sa harap ng maraming tao.
Nagsimula ng kumaway at ngumiti si Alexeus bilang pagbati. Kasabay nito ang paghiyaw ng mga tao dahil sa saya na makita siya.
Bigla ko naman naramdamang kinuha ni Alexeus ang kamay ko at pinulupot sa braso niya. Tapos ay tumingin siya sa'kin ng may ngiti.
Napangiti na rin ako at mukhang natanggal 'yong kaba ko, kaya naman nagawa ko na rin ang ginagawa niya. Ang magiliw na bumati sa mga tao.
Natuwa naman ako sa magiliw na pagsalubong sa'kin ng mga tao. Sa tingin ko, pasado naman ako sa paningin nila bilang mapapangasawa ng kanilang mahal na prinsipe.
Mga isang oras din pala 'yon. Nakabalik na kami sa palasyo at papunta kami ngayon sa bulwagan.
Pagpasok pa lang namin, "Narito na pala ang huwad na prinsesa," sambit bigla ng isang babae na kaharap ang pamilya ni Alexeus.
Nagulantang ako sa sinabing 'yon ng babae. Huwad na prinsesa? "Anong ibig mong sabihin? Sino ka ba?" tanong ko.
Tumawa siya na parang mangkukulam. "Ako lang naman si Prinsesa Adara ng Imperyo ng Baltsaros," pagmamalaki niya.
Ah, siya pala ang sinabi sa'kin ni Prinsipe Calisto na kapatid niya. Maganda sana siya, pero mukhang maldita.
"Eh ikaw? Prinsesa ka nga bang talaga, Charlotte?" nang-iinis niyang tanong.
"Buking ka na. Kaya 'wag ka nang magsinungaling pa't umamin ka na. Baka sakaling babaan pa ng Emperador ang parusa niya sa'yo dahil sa pagsisinungaling mo," dagdag pa niya.
Tila napako ako sa aking kinatatayuan. Hindi ako makagalaw dahil sa kaba. Nanlalamig na ang mga kamay ko at nagsimula na akong pagpawisan. Nakatingin sa akin ang lahat ng taong naririto sa bulwagan na para bang hinihintay nila ang susunod na mangyayari.
"Charlotte, totoo ba ang mga paratang na ito ni Adara?" may awtoridad na tanong ng Emperador habang seryosong nakatingin sa'kin. Gano'n din ang Emperatris at si Airlia.
Paano 'to nalaman ng Adara na 'to? Nagkatinginan kami ni Alexeus na pawang nagtataka sa mga nangyayari. Tumingin ako ulit sa Emperador, deretso sa mga mata niya. Siguro nga eto na ang pagkakataon.
Kinakabahan man ako dahil alam kong maaari akong maparusahan dahil sa pagsisinungaling ko, sasabihin ko na ang totoo. Tutal mukhang wala na akong ilulusot pa kung magsisinungaling pa 'ko. Ayaw ko na pating magsinungaling pa.
"Opo, Kamahalan. Totoo po ang kanyang sinasabi," buong lakas ng loob kong sambit.