Kabanata 22: Alpha vs. Alpha

1711 Words
Aviar Habang abala ang aking mga kasamahan sa pakikipagtuos sa aming mga kalaban, sa kabilang banda ay narito ako ngayon sa isang malawak na kapatagan na nababalutan ng mga luntiang d**o ang lupain na nasa gitna ng kagubatan. Tahimik at tanging bulong lamang ng hangin ang iyong maririnig. Walang kahit sino man ang nasa lugar na ito, kung hindi ako at ang mortal kong kaaway.  "Lykoias," bigkas ko sa pangalan niya nang may pagkamuhi. Ningitian niya lamang ako nang nakakaasar. "Aviar! Kamusta, aking kaibigan?" tanong niya nang may halong panunuya. Tinitigan ko lamang siya ng masama na para bang pinapatay ko na siya sa aking isipan. Labis na pagkamuhi lamang ang aking nararamdaman sa tuwing makikita ko ang pinunong iyan ng Lykos. Hinding-hindi ko malilimutan ang kasalanang ginawa niya sa akin noon. Binunot ko ang malaki at matalim kong espada sa aking tagiliran. Labis ang aking pagnanasa na mapaslang ko ang nilalang na iyan gamit ang aking espada na ito. Ngumiti na naman siya ng nakakaasar sabay bunot din niya ng kanyang espada. "Hindi mo pa rin ba nalilimutan ang nangyaring iyon dalawampu't limang taon na ang nakararaan?" tanong niya. Pinaikot ko ang aking espada sa aking kamay. "Hinding-hindi ko iyon kailanman malilimutan, Lykoias," sagot ko. Tumawa siya ng may panunuya. "Puwes, ako rin. Hinding-hindi ko rin malilimutan ang ginawa mong iyon sa akin!" pagalit niyang sigaw sabay takbo niya papalapit sa'kin upang atakihin ako ng kanyang espada. Mabilis siyang kumilos ngunit nasasabayan ko ito. Sa labis na tindi ng aming sagupaan ay maririnig mo ang mabibigat na kalansing ng aming mga nagbabanggaang espada. "Hinding-hindi ko malilimutan ang kasalanang ginawa mo sa'kin noon, Aviar. Kaya't wala akong pinagsisisihan sa ginawa kong pagganti noon sa'yo!" sambit niya na puno ng galit at poot na makikita sa kanyang mga mata habang nakikipagbuno ng espada sa akin. "At ilang beses kong sasabihin sa'yo na wala akong kinalaman sa sinasabi mo," seyoso kong sambit sabay tulak sa kanya papalayo. "Baka nakakalimutan mong may nakakita sa'yo sa karumaldumal na bagay na iyong ginawa?" maangas niyang tanong sabay hambalos sa'kin ng kanyang espada na nasangga ko naman. Hindi na ako umimik pa. Alam kong sarado ang isipan ng nilalang na ito at malakas din ang ebidensiya laban sa'kin mula sa bagay na hindi naman talaga ako ang gumawa. Patuloy lang kami sa pagtutuos hanggang sa nakakita ako ng tiyempo na maisahan siya. Bukas ang guwardiya niya kaya't mabilis kong sinipa ang kanyang mga binti. Halatang nabigla siya kaya't agad siyang natumba. Tatayo na sana siya nang tadyakan ko ang kanyang sikmura. Halos masuka siya sa sakit at hindi na siya nakatayo pa. Itinutok ko ang aking espada sa kanyang leeg na para bang handa ko itong ilaslas sa kanya. "Hanggang dito na lamang, Lykoias," seryoso kong sambit. Nagtaka ako nang makitang bigla siyang ngumiti. Napansin kong may pinagulong siyang itim na bola malapit sa akin. Alam ko kung ano iyon kaya't nanlaki ang mga mata ko. Sa bilis ng pangayayari ay wala na akong nagawa pa. Sumabog ang itim na bola na naglabas ng makapal na usok na masakit sa mata at ilong. Naikubli ko tuloy ang aking mukha gamit ang aking mga braso. Nang aking mapagtanto na wala na ang usok na iyon ay inilibot ko ang aking paningin sa paligid.  Nakatakas na naman ang tusong Lykoias na iyon. --- Charlotte Kasama namin ngayon ni Alexeus ang mga Poulían, kasalo sa hapunan katabi ang mga nagtatayugang mga puno, sa ilalim ng kadiliman ng langit na puno ng mga bituin, sabayan pa ng malamig na simoy ng hangin, habang may bonfire sa gitna ng aming inuupuang lupa na nilalatagan ng maiiksi at berdeng d**o. "Kung gayon, kayong dalawa ay hindi magkasintahan?" Nagulat ako sa tanong ni Kuro. Samantalang si Alexeus naman, kahit katabi ko lang ay nakatingin naman sa malayo at parang patay-malisya lang sa kanyang narinig. O baka naman hindi niya narinig? "Ahm, oo ganoon na nga," sagot ko. Napangiti lamang si Kuro. "Charlotte." Napatingin ako sa kanya ng tinawag niya 'ko. "Maaari mo ba akong samahang maglakad-lakad?" paanyaya niya. Tumingin muna ako kay Alexeus ngunit parang wala lang iyon sa kanya kaya't tumango na lamang ako kay Kuro bilang sagot. Ngumiti siya at sabay kaming tumayo tapos ay naglakad na kami papalayo.  Nagpunta kami sa isang parte ng kanilang tribo kung saan tahimik at kaming dalawa lang ang naririto. Nagagandahan talaga ako sa paligid dahil sa mga nagtataasan at nagyayabungang mga puno't halaman na naririto. Tapos, ang liwanag pa ng buwan at ang langit ay puno ng mga bituin na may mga konting ulap. Ang sarap pa ng simoy ng hangin. "Kuro, bakit mo nga pala akong naisipang yayain dito?" tanong ko. "Nais ko lamang magkaroon ng kasama," nakangiti niyang sagot. Palagi talaga siyang nakangiti. 'Di gaya ni Alexeus, bihira lang ngumiti tapos tipid pa. Mas madalas siyang seryoso. "Charlotte, gaano na kayo katagal na magkakiklala ni Alexeus?" usisa niya. "Ahm, sa tingin ko, mag-iisang buwan na," sagot ko. Iyon ang bilang ko mula ng araw na nakilala ko siya, base sa araw dito. "Paano kayo nagkakilala?" usisa pa niya. Napakunot ang noo ko dahil sa pagtataka. Para naman kasi akong nasa interview nito. "Ah, siya ang nagligtas sa akin mula sa mga lalaking gustong lumapastangan sa akin."  Namangha siya sa sinabi ko. "Aba, bayani naman pala itong si Alexeus," sambit niya sabay tawa. Oo. Para sa'kin bayani ko siya dahil kung 'di dahil sa kanya, marahil isa na 'ko sa mga babaeng bayaran doon, at hindi ako mahihirang na Magissa. Biglang sumeryoso ang mukha niya, "Ikaw ay nakakagamit ng kapangyarihan ng apoy. Saan nagmula ang iyong kapangyarihan? Kahit ang iyong kakayahang manggamot? Sino ka ba talaga? Isa ka nga ba talagang mortal?" sunud-sunod niyang usisa. Tinitigan ko muna siya sandali sabay huminga muna ako ng malalim. "Iyon ay dahil...isa akong Magissa," sagot ko. Kumunot ang kanyang noo, "Magissa? Ano iyon?" "Ang Magissa ay kinatawan ng isang diyos," sagot ko. Halata ang pagkamangha sa kanyang mukha na may halong pagtataka. "Ang Magissa ay dapat na isang babaeng birhen na may busilak na kalooban. Ako ang Magissa ng dragon na diyos ng Imperyo ng Stavron na si Mulciber," dagdag ko pa. "Stavron, ang Timog Aglaea. Bakit nila kakailanganin ng isang Magissa?" usisa pa niya. "Dahil nasasaad sa hula ng punong babaylan ng imperyo na sasapit ang kanilang kaharian ng matinding trahedya at ang Magissa ang tanging susi upang matawag ang diyos at pigilan ang trahedyang ito. Ang kapangyarihang mayroon ako ngayon ay pinahiram lamang sa akin gamit ang mga kosmima habang ako pa ang hinirang," paliwanag ko. "Nakikita mo ba ito?" tanong ko sabay pakita sa kanya ng aking stefani. "Heto ang mga makapangyarihang bato na tinatawag na kosmima." "Ah, naiintindihan ko na ang lahat ngayon. Mukhang ang bigat yata ng responsibilidad na nakapataw sa iyo ngayon," mangha niyang sambit. Napangiti na lang ako sa sinabi niya. Isang katahimikan ang namayani sa aming dalawa. Tapos ay nagsalita siya. "Naranasan mo na bang umibig, Charlotte?" seryosong tanong niya sa'kin habang nakatingala siya sa kalangitan. Nanlaki ang mga mata ko dahil sa gulantang sa kanyang tanong. "B-bakit mo naman naitanong iyan?" Tumingin siya deretso sa mga mata ko. "Maaari ko bang malaman kung sino ba si Alexeus para sa'yo?" Naramdaman kong mas nagulantang ako sa tanong niya ngayon kaya't napaawang ang aking bibig. "S-si Alexeus ang aking...hinirang na kabalyero." Halatang nagulat siya sa naging sagot ko ngunit agad naman itong nawala, "Iyon lamang ba?" tanong pa niya. Napakunot ang noo ko sa naging tanong niya. Ano bang ibig niyang sabihin? Mayamaya'y ngumiti siya, "Lumalalim na ang gabi. Sa tingin ko'y kailangan na nating bumalik." Pagkasambit niya ay umuna siya ng lakad sa akin at siya namang sunod ko. Nang makarating na kami sa kampo ay huminto kami nang makarating na kami sa tapat ng aking tinutuluyang silid. "O paano, magandang gabi sa'yo, Charlotte. At salamat sa pagsama sa akin kahit sandali," nakangiti niyang tugon. Tumango ako. "Walang anuman iyon, Kuro."  Pag-alis ni Kuro ay pumasok na agad ako. Pagpasok ko sa aking tinutuluyan, nadatnan ko si Alexeus na nakaupo sa sahig habang nakasandal sa pader at katabi ng bintana.  "Saan kayo nanggaling ni Kuro?" seryoso niyang tanong habang nakatingin pa rin sa bintana. "Inilibot niya lang ako sa paligid nitong kanilang tribo," sagot ko habang inihahanda ang hihigaan ko para sa pagtulog. "Anong pinag-usapan niyo?" usisa pa niya. "Nagtataka lang siya kung bakit ako nakakagamit ng kapangyarihan. Kaya't pinaliwanag ko sa kanya ang lahat tungkol sa aking paggiging Magissa," sagot ko naman. Suminghal siya, "Iyon lang?"  Tumingin ako sa kanya na nakakunot noo. "Oo, 'yon lang," mariin kong sagot. Ano bang meron sa kanya? Pagkatapos ay humiga na ako. "Ikaw, hindi ka pa ba matutulog?" tanong ko. Napakamot siya sa batok niya, "Wala akong tutulugan."  Napataas naman ang mga kilay ko sa sagot niya. Wala siyang tutulugan? Paano na naman 'to? Iisa lang ang higaan dito, at medyo may kaliitan. Bumangon ako, "Kung ayos lang sa'yo..." Napakamot na rin ako sa batok ko, "Tabi na lang tayo." Tumingin siya sa'kin na para bang 'di siya makapaniwala sa sinabi ko. Bigla tuloy akong nakaramdam ng hiya dahil sa sinabi ko. Bakit ko nga ba sinabi 'yon? "B-bakit? Ayos lang kung ayaw mo. Naiintindihan ko," sambit ko. "H-hindi naman sa ganoon." Mukhang nahihiya siya. Maging ako ay nahihiya na rin. Pakiramdam ko nga namumula na ang mga pisngi ko. Napakunot ang noo ko. "Oh...a-ano? Saan mo na balak matulog?" nahihiya kong tanong. Nagkatitigan muna kami sandali. Tapos ay lumapit na rin siya. "Sige na. Tabi na tayo," sambit niya. Hindi ko gaanong inaasahan ang pagpayag niya. Umisod ako ng puwesto tapos ay humiga na siya sa tabi ko. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko ngayon. Naiilang ako pero ayos lang din naman sa'kin na ewan.  "Naiilang ka ba?" tanong niya. "Ah...h-hindi? Medyo..." naiilang kong sagot. Tumagilid siya ng higa patalikod sa'kin. "Naiintindihan ko. Huwag kang mag-alala, wala akong masamang gagawin sa'yo. Isa akong maginoong prinsipe," sambit niya. "A-alam ko naman 'yon. At wala akong iniisip na gano'n sa'yo. Sige, matutulog na 'ko. Magandang gabi sa'yo, Prinsipe Alexeus," sambit ko tapos ay tumagilid na rin ako patalikod sa kanya sabay pikit. "Magandang gabi rin sa'yo, Charlotte," sagot niya. Hindi ko alam, pero bigla na lang akong napangiti ng 'di ko sinasadya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD