Ibinaling muli ni Alexeus ang kanyang tingin kay Calisto. "A-ano bang klaseng katanungan iyan? May kailangan lamang ako kay Charlotte, iyon lang," mariin niyang sambit.
Sabay hinablot niya 'ko sa pulsuhan. "Halika na," utos niya. Tapos ay hinila na ako ni Alexeus papalayo sa lugar na iyon habang iniwan naming nakatayo doon si Calisto.
Habang naglalakad kami at hawak-hawak niya 'ko sa pulsuhan ko ay hindi ko alam kung saan kami papunta o kung saan niya 'ko binabalak na dalhin.
Lutang ang isip ko 'pagkat iniisip ko kung ano bang nangyayari dito kay Alexeus? Nang matauhan na ako ay napansin kong nakalayo na nga kami mula sa lugar ng sanayan.
"Sandali lang, Alexeus," sambit ko. Huminto naman siya kaya't gano'n din ako. Tapos ay dahan-dahan niyang binitiwan ang pulsuhan ko.
"Alexeus, may problema ba?" usisa ko. Mayamaya'y humarap siya sa akin. Tumingin siya deretso sa mga mata ko. Hindi ko mawari kung anong emosyon ang pinahihiwatig niya. Kung titingnan ay mukhang wala siyang emosyon ngunit kung titingnan ang kanyang mga mata, tila parang may lungkot sa mga ito.
Hindi siya sumasagot, bagkus ay humakbang siya papalapit sa akin. Humakbang siya papalapit nang papalapit na siya namang hakbang ko paurong. Napalunok ako nang mapagtanto ko na wala na akong mauurungan pa dahil nakasandal na ako sa pader.
Ngunit si Alexeus naman ay patuloy pa rin sa paglapit. Hindi niya inaalis ang pagkakatitig niya sa mga mata ko habang ginagawa niya ito. Bumilis tuloy ang kabog nitong dibdib ko.
Inilagay niya ang isa niyang palad sa pader malapit sa ulo ko na siyang ikinagulat ko. Nakatitig pa rin siya sa mga mata ko nang walang emosyong makikita dito.
"B-bakit ba? Ano bang problema mo?" tanong ko.
"Ikaw. Dahil hindi ko na alam kung anong gagawin ko sa'yo," sagot niya.
Nagulat ako na naguluhan sa naging sagot niya. Kaya't napakunot ang noo ko.
"Alexeus!" Sabay kaming napatingin sa sumigaw na iyon.
Si Adara pala. Nang ibaling niya ang kanyang tingin sa akin ay naging matalim ang mga tingin nito. "Charlotte," banggit niya sa pangalan ko nang may halong panggigigil.
"Ano sa tingin niyong ginagawa niyo?" inis niyang tanong sabay lapit sa amin at hila kay Alexeus papalapit sa kanya.
Pinagpalipat-lipat niya ang kanyang paningin sa aming dalawa ni Alexeus. Tapos ay suminghal siya sabay alis habang hila si Alexeus sa braso nito.
---
Narito ako ngayon sa isa sa mga tanggapan ng palasyo habang nakadungaw sa malaking bintana na ito na hugis-arko habang pinagmamasdan ang mga pagsayaw ng mga halama't bulaklak sa saliw ng ihip ng hangin.
"Nakakabagot naman," bulong ko sa sarili ko habang nakapalumbaba sa harap ng bintana. Gusto ko sanang magbasa kaso hindi ko naman maintindihan ang gamit nilang mga letra.
"Charlotte!"
Lumingon ako sa taong tumawag sa akin. "Airlia!" sambit ko.
Gaya nang nakasanayan, binati ako ng magandang bata na ito nang may ngiti tapos ay nilapitan niya ako.
"Kamusta ka, Charlotte? Mukhang naiinip ka, ah. Bakit hindi mo yata kasama ang aking adelfos?" usisa niya.
Bumuntonghininga ako. "Ayos lang naman ako. Medyo naiinip nga lang. Ang iyong adelfos ay kasalukuyang kasa-kasama ni Prinsesa Adara at hindi ko alam kung nasaan sila ngayon," sagot ko.
"Ah, ganoon ba. Hmm..." sambit niya at umaktong nag-isip.
"Kung gayon, nais mo ba na kuwentuhan kita, Charlotte?" alok niya.
"Oo naman. Sige," nakangiti kong sagot sa kanya.
Tapos ay umupo kami sa malalaki at malalambot na upuang kulay pula at ginto nang magkaharap.
"Ano bang ikukuwento mo sa akin, Prinsesa?" tanong ko.
May inilabas si Airlia mula sa kanyang likod at ipinatong ito sa maliit na mesang kaharap namin.
"Isang libro?" tanong ko. Maliit ito at kulay abo ang makapal nitong pabalat ngunit hindi naman gaano kakapal ang mga pahina nito.
"Ikukuwento ko sa'yo ang laman ng librong ito. Maganda ang kuwentong nilalaman nito kaya't sayang dahil hindi ka nakakaintindi ng Aglaerus," sambit niya.
Napangiti na lamang ako. Aglaerus ang tawag sa sistema ng kanilang pagsulat.
"Tungkol saan ba ang nilalaman ng librong iyan?" usisa ko.
"Ito ay kuwento tungkol sa isang lalaking manlalakbay na napadpad sa isang kaharian at umibig sa nag-iisang prinsesa nito," sagot niya.
"Aba, mukhang maganda nga ang kuwentong iyan," sambit ko.
At nagsimula na ngang basahin ni Prinsesa Airlia ang librong iyong para sa'kin. Bungad pa lamang ng kuwento ay interesante na ito.
Isa pa, nakakatuwa magbasa at magkuwento si Airlia dahil parang hindi siya isang labintatlong taong gulang na bata. Magaling siyang magkuwento na para bang bihasa na siya sa gawaing ito.
Nakikinig lamang ako sa kanya at hindi ako nakakaramdam ng pagkabagot. Hindi na rin namin namalayan ang oras at dapit-hapon na.
"Wakas. Ano, Charlotte? Nagustuhan mo ba?" tanong niya.
Tumango ako. "Oo naman. Napakaganda ng kuwentong iyan. Mabuti't nabigyan nang pagkakataon ang pagmamahalan ng manlalakbay at ng prinsesa," sagot ko.
"Mabuti't nagustuhan mo. Alam mo ba, eto ang paborito naming libro ni adelfos?" sambit niya.
"Talaga?" usisa ko. Tumango naman siya bilang tugon.
"Paborito ko ito dahil nagustuhan ko ang kuwento. At paborito ito ni adelfos dahil mahalaga para sa kanya ang taong nagbigay sa kanya nito," sambit niya.
Nagtaka ako sa sinabi niya. "Taong mahalaga para kay Alexeus?" tanong ko.
"P-puwede ko bang malaman kung sino siya?" usisa ko.
"Siya ay si--" Naputol ang kanyang sasabihin nang may isang dumating na dama.
"Mahal na Prinsesa, pinatatawag po kayo ng inyong Inang Emperatris," sambit ng dama.
"O pa'no, Charlotte. Mauna na ako sa'yo," paalam niya sa'kin. Tapos ay sumama na si Airlia sa dama na sumundo sa kanya dala ang libro.
Nakaramdam ako nang pagkadisyama at panghihinayang. Hindi man lang ako nasagot ni Airlia. Ngunit hindi ko maintindihan kung bakit nakakaramdam ako ngayon ng matinding pagnanais na malaman kung sino ang tinutukoy na iyon ni Airlia.
Taong mahalaga para kay Alexeus? Sino 'yon?
Pagkatapos no'n, napagpasyahan kong maglakad-lakad muna. Naglalakad ako ngayon sa isang malawak na pasilyo ng palasyo habang nakatingin sa bawat bintanang nadadaanan ko dahil pinapanood ko ang paglubog ng araw.
Hindi pa rin mawala sa isip ko ang sinabing 'yon sa'kin ni Airlia kanina.
"Alexeus."
Napalingon ako sa gawi kung saan ko narinig na may nagbanggit ng pangalan ni Alexeus.
Nakita ko sa isang tabi sina Alexeus at Adara na parang may seryosong pinag-uusapan. Nagpasya akong gumilid muna sa isang tabi. Alam kong masamang makinig sa usapan ng iba ngunit may parte sa isipan ko na makinig sa kanila.
"Alam nating si Charlotte ay ang hinirang na Magissa pagkat siya'y isang dalaga na nagmula sa kabilang mundo. Bukod do'n, siya din ang iyong mapapangasawa. Ano nang plano mo kung sakaling kailangan na niyang lumisan at bumalik sa kanyang tunay na mundo?" usisa ni Adara.
Lalo kong naramdaman na ayaw kong umalis dahil kasama ako sa kanilang pinag-uusapan.
"Hindi ko alam," tanging tugon ni Alexeus.
"Hindi mo alam? Anong klaseng sagot 'yan? Iba ang aking nais na marinig mula sa'yo," sambit ni Adara.
"Nais kong sabihin mo sa'kin na 'ikaw ang aking nais na mapangasawa, Prinsesa Adara,'" pagsusumamo niya.
Nanikip ang dibdib ko nang makita kong niyakap ni Adara si Alexeus mula sa likod.
"Alexeus...nais kong maging asawa mo. Alam mo naman 'yon, 'di ba? Bakit kasi hindi na lang ako ang pinili mo noong gabi ng pagdiriwang? Bakit si Charlotte pa?" mangiyak-ngiyak niyang tugon. Talaga ngang mahal ni Adara si Alexeus.
Dahan-dahang tinanggal ni Alexeus ang mga braso ni Adara na nakayakap sa kanya.
"Sa totoo lang, hindi ko pa naiisip ang pag-aasawa. Lalo na't ako ang hinirang na kabalyero ng Magissa. Mas kailangan kong gampanan ang tungkulin kong iyon sa ngayon. Isa pa," sambit ni Alexeus tapos ay bumuntonghininga siya.
"Hindi ko pa naiisip ang paglisan ni Charlotte. Kung maaari, ayaw ko siyang lumisan pa," sambit pa niya.
Mukhang nabigla si Adara sa naging sagot na iyon ni Alexeus. Kahit ako ay nabigla rin sa aking narinig.
"Bakit? Bakit Alexeus? Sabihin mo nga sa'kin ang totoo. Gusto mo ba si Charlotte? May gusto ka na ba sa kanya?" mangiyak-ngiyak na usisa ni Adara. Tapos ay hinarap siya ni Alexeus.
Mukhang napaisip si Alexeus sa tanong na iyon sa kanya ni Adara. Habang ako naman ay bumilis na naman ang pintig nitong puso ko habang hinihintay ang magiging sagot ni Alexeus.
"Pagod na ako, Adara. Babalik na ako sa aking silid," sagot niya.
"Alexeus, sandali lang!" usal ni Adara.
Nang makita kong papalapit si Alexeus sa gawi ko ay agad akong tumakbo at nagtago sa kabilang poste. Mabuti na lamang at makakapal ang matatayog na poste nitong palasyo.
Nakahinga ako nang maluwag nang makita kong nakalampas na si Alexeus.
"Charlotte."
Nagulantang ako nang marinig ko ang pangalan ko. Lalo na nang makita ko si Adara na nakatayo sa harapan ko ngayon. Nakatitig ako sa mukha niya at kita ko ang pinaghalong inis at lungkot.
"Anong ginagawa mo diyan?" usisa niya.
"Ah...w-wala naman. Napadaan lamang ako," palusot ko.
"Sinungaling," pagsinghal niya. "Alam kong nakikinig ka sa usapan namin ni Alexeus. Narinig mo, hindi ba?" inis niyang usisa.
Umiwas na lamang ako ng tingin sa kanya. "H-hindi ko sinasadya, Prinsesa. Paumanhin," sambit ko.
"Ikaw? Gusto mo ba si Alexeus?" Nabigla ako sa naging tanong niya bigla.
Nagkatitigan muna kaming dalawa habang hinihintay niya ang sagot ko. Napaisip tuloy ako. May gusto ba ako kay Alexeus?
"Sagutin mo 'ko nang totoo, Charlotte," sambit niya.
Napalunok ako kasabay nang pagpintig na naman ng puso ko nang mabilis.
"Si Alexeus ay...gusto ko dahil siya ay aking kabalyero. Iyon lamang at wala nang iba," sagot ko.
"Mawalang galang na. Ngunit maiwan na kita, Prinsesa," sambit ko. Tapos ay mabilis akong naglakad at nilampasan ko si Adara.
Hindi ko alam ngunit pakiramdam ko'y labag sa kalooban ko ang naging sagot kong iyon sa kanya.
---
Tahimik na natapos ang aming pagsasalu-salo sa hapunan. Pagkatapos no'n ay nagpasya akong pumunta sa hardin ng palasyo. Pinagmamasdan ko ang kalangitang kalahati ang buwan, may mga bituin at kakaunting mga ulap habang dinadama ko ang ihip ng sariwa at malamig na hangin.
"...At paborito ito ni adelfos dahil mahalaga para sa kanya ang taong nagbigay sa kanya nito,"
"May gusto ka ba kay Alexeus?"
Napabuntonghininga na lamang ako dahil sa mga salitang 'yon na bumabagabag ngayon sa aking isipan.
"Ang lalim naman yata ng buntonghinga na 'yon, Charlotte."
Napalingon ako sa nagsalitang iyon. "Ikaw pala, Prinsipe Calisto."
"Paumanhin nga pala sa nangyari kanina kung nagalit sa'yo si Alexeus," sambit niya.
Umiling ako. "Hindi. Hindi naman siya galit. Hindi ka dapat humingi ng paumanhin," sambit ko. Ngumiti lang siya bilang tugon.
"Charlotte," tawag niya.
"Hmm?"
"Gusto kita," sambit niya. Nabigla ako sa narinig ko kaya't napaawang ang aking bibig.
"Gusto kita, Charlotte. Mula pa noong una kitang makita no'ng gabing iyon," sambit niya.
"Calisto..."
"Hindi ko alam kung anong iniisip mo sa akin ngayon. Ngunit gusto ko talagang malaman mo na gusto kita. Kung hindi ka naniniwala, nais ko sanang bigyan mo ako ng pagkakataon upang patunayan ang aking nararamdaman para sa'yo. Iyon ay kung ayos lang sa'yo," sambit niya.
Hindi ko alam ang dapat sabihin sa kanya. Nabigla talaga ako. Nakikita ko naman ang sinseridad sa kanyang mga mata at ramdam ko rin 'yon sa kanyang pananalita.
"Ano kasi...Calisto." Wala akong masabi. Hindi ko talaga alam ang sasabihin. Paano ba 'to?
"Alam kong iniisip mong maaari akong makasagabal sa iyong tungkulin bilang Magissa. Ngunit pinapangako ko na hinding-hindi iyon mangyayari," sambi niya.
"Calisto, alam naman natin na ako ang mapapangasawa ni Alexeus, hindi ba?" sambit ko.
"Alam ko iyon. Ngunit dahil ikaw ang hinirang na Magissa ay walang bisa na ito," sagot niya.
Nanlaki ang mga mata ko. "G-gano'n ba 'yon?" usisa ko. Tumango lamang siya bilang sagot.
"Ng-ngunit, isa akong dalagang taga-ibang mundo," sambit ko naman.
"Alam ko. Ngunit, paano kung sabihin ko sa'yong handa akong lisanin ang mundo ko upang sumama sa iyong mundo makasama ka lamang?" sambit niya.
Lalong nanlaki ang mga mata ko sa sinabing iyon ni Calisto. Ano nang gagawin ko? Anong sasabihin ko? Puwede ba 'yong sinasabi niya?