Hindi ako kaagad nakasagot kay Calisto. Masyado kasi akong nabigla sa kanyang sinabi.
"Huwag kang mag-alala, Charlotte. Sapagkat hindi naman kita minamadali. Nais kong pag-isipan mo itong mabuti," nakangiti niyang tugon sa'kin.
Napatango na lang ako bilang sagot.
Kami ngayon ay kasalukuyang nasa tanggapan ng palasyo kasama ang pamilya ni Alexeus at ang magkapatid na maharlika na nagmula sa Baltsaros.
"Sana'y nasiyahan kayo sa pamamalagi dito sa aming palasyo, Prinsipe Calisto, Prinsesa Adara," sambit ng Emperador.
Paalis na ngayon ang magkapatid at hinihintay na lamang nila ang paparating nilang sundo mula sa kanilang imperyo.
"Maraming salamat sa magiliw at maayos na pagtanggap sa amin dito sa inyong palasyo, Kamahalan," pagbibigay-galang ni Calisto.
"Walang anuman iyon. Karangalan iyon para sa amin. Paki kamusta na lamang kami kina Emperador Basileous at Emperatris Arcanea," sambit naman ng Emperador.
"Narito na po ang sundo na nagmula sa Baltsaros," sambit ng isang kawal na kararating pa lamang.
"O pa'no, maauna na kami. Maraming salamat at hanggang sa muli," magiliw na sambit ni Calisto.
Hahakbang na sana sila papaalis nang biglang huminto si Calisto. "O, bago ko nga pala makalimutan," sambit niya.
Tumingin siya sa'kin tapos ay lumapit siya sabay kuha sa kanan kong kamay na siyang ikinabigla ko. "Maghihintay ako sa iyong tugon, Charlotte," sambit niya.
Lalong nanlaki ang mga mata ko nang halikan niya 'ko sa kamay. Matapos niyang gawin 'yon ay tumingin naman siya kay Alexeus.
"Hanggang sa muli, kaibigan," sambit nito. Walang naging tugon si Alexeus at kapansin-pansin ang seryosong emosyon nito.
"Hanggang sa muli. Mag-iingat kayo," sambit ng Emperador at Emperatris sa papaalis na magkapatid.
Nang tuluyan nang makaalis ang magkapatid ay bumalik na sila sa kanilang mga kanya-kanyang pinagkakaabalahan. Habang ako naman ay dumeretso sa hardin at umupo sa ilalim ng isang matayog at malilong na puno.
Napakaganda ng panahon ngayon. Sariwa ang simoy ng hangin na sinasabayan ng mga halama't bulaklak sa pagsayaw nito, banayad ang sikat ng araw sa bughaw na langit na may kakaunting mga ulap. Napakatahimik, napakapayapa.
Bigla kong naisip, ano kaya 'yong tinutukoy sa propesiya ni Aristea na magdudulot ng matinding sakuna na magiging sanhi ng pagbagsak ng Stavron? Anong klaseng sakuna? Ano o sino ang magdudulot no'n?
Kung ano man 'yon, hindi ko hahayaang masira ang ganitong klaseng kapayapaan dito sa imperyong ito. Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko bilang ang kanilang hinirang na Magissa.
Napatingin ako sa aking stefani. Tatlong kosmima na. Tatlong kosmima pa.
"Charlotte."
Napatingin ako sa tumawag sa akin.
"Ikaw pala, Airlia."
"Paumanhin. Ngunit, naabala ba kita?" usisa niya.
Umiling ako. "Syempre, hindi. Bakit? May kailangan ka ba?" nakangiti kong wika.
Umupo siya sa tabi ko. "Wala naman. Nais lamang kitang makilala pa nang lubusan," sambit niya.
Tumingin siya sa'kin sabay binigyan niya ako ng isang magandang ngiti. Tapos ay binaling niyang muli ang kanyang tingin sa kanyang kandungan.
"Ah...Charlotte."
"Ano 'yon, Prinsesa?" tanong ko.
"Maaari bang...dito ka na lang at huwag mong iwan si Adelfos?" Nagulat ako sa tanong niyang 'yon.
"A-Airlia..."
"Charlotte, gusto kita para sa aking kapatid. Alam kong magiging mabuting asawa ka sa kanya at magiging masaya siya kung makakasama ka niya," sambit niya.
"Ngunit, Airlia. Alam mo naman na..."
"Oo, alam ko 'yon. Na ikaw ang Magissa at nais mong makabalik sa totoong mundo na pinanggalingan mo," sambit niya. Ramdam ko ang panghihinayang kay Airlia.
"Alam mo, masaya akong malaman na ganyan ang tingin mo sa akin. Ngunit, may mga bagay talaga na sadyang kahit gusto mo ay hindi maaaring mapagbigyan," sambit ko sabay tapik nang marahan sa likod niya.
"Narinig ko kasi isang beses na nag-uusap ang aking Ama at si Adelfos. Nabanggit nila na pipiling muli ang aking kapatid ng kanyang mapapangasawa pagkatapos niyong mapagtagumpayan ang inyong misyon," sambit niya.
Napalunok ako sa aking narinig. At sa hindi ko maipaliwanag na dahilan ay tila may naramdaman akong kung anong kirot sa aking puso.
"Tapos ay nabanggit ko iyon sa aking kapatid. At may sinabi siya sa'kin," sambit pa niya.
"Ano naman 'yon?" usisa ko.
"Sinabi ko sa kanya na ikaw ang gusto ko para sa kanya. At sinabi niya sa'king ganoon din daw siya. Gusto ka rin niya, Charlotte," sambit niya.
Nabigla ako sa aking narinig at ang kirot na naramdaman ng puso ko kanina ay tila yata napalitan nang kung anong saya.
"Ikaw ba? Gusto mo rin ba ang aking kapatid?" tanong niya.
Tila nabigla ako sa kanyang tanong kaya't nakatitig lamang ako sa mga mata niya habang hinihintay niya ang magiging sagot ko.
Ngumiti ako sabay tumango. "Oo, Airlia. Gusto ko si Alexeus," sambit ko.
Tapos ay bigla kong napagtanto ang sinabi ko kaya't itong puso ko ay bumilis na naman sa pagpintig. Bakit ko nga ba nasabi 'yon?
Napaisip ako. Marahil iyon siguro ang alam ko. Ang nararamdaman ko...
"Masaya akong malaman 'yan mula sa'yo, Charlotte," nakangiti niyang tugon.
"Uhm...ngunit sandali lamang. Kung maaari, sa ating dalawa na lang muna ang pinag-usapan nating 'to. Maaari ba?" pakiusap ko sa kanya.
Tumango siya. "Oo naman. Makakaasa ka," sambit niya nang may ngiti.
"Salamat. At, siya nga pala," sambit ko.
"Hmm?"
"Bigla ko kasing naalala 'yong sinabi mo sa'kin no'ng nakaraang araw. 'Yong tungkol sa taong mahalaga para kay Alexeus?" usisa ko.
"Ah, 'yong may-ari no'ng libro na ikinuwento ko sa'yo?" sambit niya.
"Oo, 'yon nga. Maaari ko bang malaman kung sino ang tinutukoy mo?" tanong ko.
"Ang taong tinutukoy ko ay si Melayna," sagot niya.
"Melayna?" kunot-noo kong tanong.
"Oo. Si Melayna...ay ang unang pag-ibig ng aking kapatid," sagot niya.
Tila tumigil ang mundo ko dahil sa pagkakabigla ako sa aking narinig. Si Alexeus? May unang pag-ibig?
"Uhm...maaari ko bang malaman kung nasaan na siya ngayon?" usisa ko.
"Siya ngayon ay--" Biglang naudlot ang kanyang sasabihin nang biglang may dumating na dama.
"Mawalang galang na. Mahal na Prinsesa, narito na po ang inyong maestra," sambit nito.
"Ah, naku. Pasensya na, Charlotte. Kailangan ko nang umalis," paalam niya. Tinanguan ko lang siya tapos ay tuluyan na siyang umalis.
Napasandal na lang ako sa puno sabay bumuntonghininga ng malalim.
Melayna? Ang unang pag-ibig ni Prinsipe Alexeus...
Pumikit ako habang dinadama ang sariwang simoy ng hangin na humampas sa aking mukha. Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata. Tapos mayamaya'y may nakita akong kakaiba.
Napakunot ang aking noo nang makakita ako ng isang bola ng puting liwanag na lumulutang-lutang sa hangin. Sinusundan ko lamang ito nang tingin habang iniisip kung ano 'yon at kung saan 'yon nanggaling.
Nanlaki ang mga mata ko nang makita kong lumulutang ito papalapit sa'kin. Dahil sa pagkabigla at kurysosidad, hindi ako natinang sa aking puwesto. Basta sinusundan ko lamang ito ng tingin habang lumulutang-lutang sa paligid ko.
Nabigla ako nang pumasok na lang ito bigla sa aking katawan. Kakaiba ang naramdaman ko. Napahawak ako sa aking sikmura kung saan ito tumagos sa'kin. Pakiramdam ko'y nahilo ako at nahiwalay ang aking kaluluwa sa aking katawan.
Hindi na ako tuluyang nakagalaw pa. Nanlabo na ang aking paningin hanggang sa tuluyan nang nagblangko ang lahat.
---
"Melayna!"
May naririnig akong sumisigaw ng pangalan na iyon na parang may kalayuan pa sa aking puwesto.
"Melayna!"
Nang idilat ko ang aking mga mata ay nakita ko ang sarili ko na nakahiga sa damuhan. Ano bang nangyari?
"Melayna!" Nagulantang ako nang marinig ko ang malakas na boses na iyon.
"Nandiyan ka lang palang bata ka! Kanina pa kita hinahanap!" Nakakunot lang ang noo ko habang nakatitig sa may katandaang babae na lumapit sa'kin. May katabaan ang kanyang katawan ngunit medyo matangkad din.
"O, bakit tinitingan mo 'ko nang ganyan?" kunot-noong tanong sa'kin no'ng babae.
"S-sino po ba kayo? Tinawag niyo po ba 'kong Melayna?" pagtataka ko.
Lalong kumunot ang noo ng babae. "Ano bang pinagsasasabi mo diyan? Nakalimutan mo na agad na ako si Lisara, ang mayordoma ng palasyo?" sambit niya nang nakataas ang isang kilay habang nakapamaywang pa.
"Lisara...?" pagtataka ko. Ano bang nangyayari dito? Naguguluhan na talaga ako.
Bumuntonghininga ang babae nang may ingay. "Puwede ba, Melayna? Kay bago-bago mo pa lamang dito sa palasyo, gumaganyan ka na? Baka gusto mong mapalayas dito nang 'di oras dahil sa inaasal mong 'yan?" pagsermon niya sa'kin.
"M-Melayna? Bakit niyo ba 'ko tinatawag na Melayna? E hindi naman ako 'yon?" sambit ko nang may labis na pagtataka.
"Ano ka bang bata ka? Nagdadahilan ka lang ba? Kung ayaw mo nang maglingkod pa sa palasyo, sabihin mo lang. Bukas ang pintuan nito para sa iyong paglisan," sambit pa niya.
Pinag-ekis niya ang kanyang braso. "Wala ka nang pupuntahan, 'di ba? Kaya kung gusto mo pa talagang manatili dito sa palasyo, umayos ka. Halika na. Marami pa tayong dapat gawin. Dahil ngayon ang araw ng pag-uwi ni Prinsipe Alexeus mula sa bakasyon niya sa Imperyo ng Baltsaros," utos niya.
"S-si Alexeus?" usisa ko.
Kumunot muli ang noo nang masungit na babae. "Ano 'yon? Tinawag mo lamang ang Prinsipe sa kanyang pangalan? Hoy, para sabihin ko sa'yo, wala kang karapatang gawin 'yan. Dahil isa siyang maharlika. At ikaw, isa ka lamang alipin dito. Maliwanag ba?" pagsermon na naman niya sa'kin.
Hinablot ni Lisara ang aking braso. "Halika na. 'Wag ka nang magpatumpik-tumpik pa diyan," utos niya sabay hila niya sa'kin papasok ng palasyo.
Hanggang ngayon ay labis pa rin akong nagtataka at naguguluhan sa mga nangyayari. Bakit ako nandito? Sino itong Lisara na ito? Sa pagkakaalam ko, hindi naman siya ang mayordoma ng palasyo.
At higit sa lahat, bakit tinatawag niya 'kong Melayna?
Habang patuloy pa rin ang pagkaladkad sa'kin ng nagpakilalang mayordoma ay napatingin ako sa sarili ko. Napansin kong nag-iba ang aking kasuotan. Kanina lamang ay naka-ball gown ako, ngunit ngayo'y bakit nakasuot ako ng uniporme ng isang dama?
Nakamahabang kulay itim na paldang hanggang talampakan, pang-itaas na kulay pulang damit na may mahahabang mga manggas na halos kamay ko na lamang talaga ang kita. Hanggang leeg pa ang kuwelyo nito.
Tapos ay may nadaanan kaming salamin. Isang bilog na salamin na ang mga gilid ay gawa sa ginto.
Napahinto ako at nanlaki ang mga mata ko. Sumikip din bigla ang dibdib ko dahil hindi ako makapaniwala sa nakikita ko.
Napahawak ako sa aking mukha habang titig na titig pa rin sa repleksyon ko sa salamin. Halos manlambot din ang aking tuhod. Totoo ba 'tong nakikita ko? Bakit...? Bakit tila yata ibang tao ang nakikita ko sa salamin?
Anong nangyari? Nananaginip ba 'ko?
"Melayna! Ano ba? Hanggang kailan mo ba balak titigan ang iyong sarili sa salamin?" pagalit na tanong ni Lisara.
Ngunit hindi parin ako natitinag. Kinikilatis kong mabuti ang taong nakikita ko sa salamin. Eto ba si Melayna?
Napatingin ako sa parehong palad ko. Ako ba si Melayna ngayon? Nasa loob ba 'ko ng katawan niya? Paanong...? Ano ba talagang nangyayari?!