Kabanata 23: Attack of Lykos

1507 Words
Kusa na akong nagising pagkat umaga na pala. Sumalubong ang nakasisilaw na sinag ng araw sa aking mata mula sa bintana. Agad ding tumambad ang mukha ni Alexeus sa aking harapan na mistulang natutulog pa, pagkat pareho kaming nakatagilid at nakaharap sa isa't isa. Magkatabi nga pala kaming natulog. Ang amo talaga ng mukha niya na parang isang anghel. Ang dark brown at bagsak na buhok niya hanggang noo ay nagmimistulang kulay tanso kapag nasisinagan ng araw.  Ang mga mata niyang may kaliitan, ngunit may makakapal at mahabang pilik ang lalong nagdedepina dito. Tapos kulay bughaw pa ang mga ito. Manipis at mamulamula ang kaniyang labi na parang talulot ng rosas. Samahan pa ng matangos niyang ilong na bumagay sa hugis ng kanyang mukha na may perpektong ukit ng panga.  Tapos mas maputi at mukhang mas makinis pa ang kanyang balat kaysa sa'kin. Napangiti tuloy ako dahil sa karikitang pinagmamasdan ng aking mga mata ngayon. Pakiramdam ko'y kaya ko siyang titigan kahit magdamagan pa. Hindi nakakasawa ang kanyang mukha. Ngayon lang ako humanga sa isang lalaki. Teka, sinabi ko bang, humanga? Paghanga lang naman. Wala naman sigurong masama doon, 'di ba? Hala, bigla siyang bumalikwas. Sa taranta ko, napapikit ako para magpanggap na tulog pa 'ko. Kinabahan ako do'n, ah. Akala ko mahuhuli na niya 'kong nakatitig sa kanya habang siya'y natutulog. Pinapakiramdaman ko siya. Hindi pa siya bumabangon. Pakiramdam ko nga nakatingin siya sa'kin. Kinakabahan tuloy ako. Sana wala akong panis na laway.  Mayamaya, naramdaman kong hinawi niya ang bangs ko. Nabigla ako kaya't lalong lumala ang kaba ko at parang may kaunting boltahe ng kuryente akong naramdaman dahil sa pagdampi ng kanyang mga daliri na naramdaman ko sa aking noo. At sandali lang, naramdaman kong parang may hangin na umihip sa mukha ko. Napakunot tuloy ang noo at mata ko. Narinig kong tumawa siya, "Alam kong gising ka, Charlotte. Bumangon ka na diyan." Napabalikwas ako at napatakip ako ng aking mga palad sa aking mukha habang naririnig ko ang mahina niyang pagtawa. Alam niya? Ibig sabihin, alam din niya na kanina ko pa siya pinagmamasdan? Kung ganoon...nakakahiya ka, Charlotte! --- Matapos namin mag-almusal kasalo ang mga Poulian ay dinala akong muli ni Kuro sa Puno ni Boreas. Pero sa pagkakataong ito, kasama na si Alexeus. "Aba, dumami na ang mga itlog na naririto kaysa noong huli tayong nagpunta dito," sambit ko. "Tama ka. Naging mga itlog na rin kasi ang ibang mga balahibong nakatusok sa ugat. Mukhang madadagdagan na naman ang mga miyembro ng aming tribo," natutuwa namang sambit ni Kuro. Napansin kong may dinukot si Kuro mula sa kanyang bulsa. Isang maliit na botelya na may lamang kulay puting likido. "Ano 'yan?" usisa ko. "Eto ang dagta ng punong iyan. Ipakikita ko sayo ngayon ang nagagawa nito," sambit niya. Binuksan niya ang cork na takip nito tapos ay lumagok siya ng kaunti. Mayamaya'y nagliwanag ang kanyang mga pakpak, ganoon din ang kanyang mga paa't kamay. Pagkatapos ng liwanag ay nanlaki ang mga mata ko't napaawang ang aking bibig sa labis na pagkamangha. "N-naglaho ang iyong mga pakpak at matutulis na kuko! Isa ka ng mortal!" mangha kong sambit. "Pansamantala lamang ang bisa nito. Labindalawang oras lamang ang itinatagal nito," sambit niya. "Alam ba ng iyong mga kasamahan ang tungkol diyan?" usisa ko. Umiling siya, "Aksidente ko lamang itong natuklas tatlong taon na ang nakararaan. Kahit ang aking ama ay walang alam tungkol dito." "At kapag natuklasan ng iyong ama ang tungkol diyan, lagot ka," walang emosyong sambit ni Alexeus bigla habang nakatingin sa nilalaro niyang puting dahon sa kanyang kamay. Bahagyang sumimangot si Kuro tapos lumapit siya sa'kin ng kaunti, "Mukhang ayaw talaga sa akin ng iyong kabalyero, Charlotte," bulong nito sa'kin. "Naku, pasensya ka na. Ganyan talaga 'yan. Hirap kasing magtiwala si Alexeus sa iba. Sinasabi ko sa'yo, ganyan din siya sa akin noong una kaming magkakilala," pabulong ko ring paliwanang. Napatango na lang si Kuro sa aking sinabi. "Sandali, kung labindalawang oras lamang ang bisa niyan, matatagalan pa bago ka makabalik sa dati. Baka hanapin ka ng iyong ama o kung sino mang ka-tribo mo," pag-aalala ko. Ngumiti siya, "'Wag kang mag-alala." Pumitas siya ng isang dahon mula sa puno. Pagkatapos ay kinain niya ito. Mayamaya lang ay tumubo nang muli ang kanyang mga pakpak at matutulis na kuko. Napanganga na lang ako sa mangha dahil sa nakita ko. Wala na akong nasabi. "Kuro!" Napatingin kami sa tumawag sa kanya mula sa itaas. "Sinasalakay na naman ang ating tribo!" sambit nito. --- Agad na kaming nagpunta sa lugar na tinutukoy ng nagbalita. Pagdating namin sa pinapangyarihan, nakikipagdigma na naman ang mga Lykosian sa mga Poulian. Ganito ba talaga kalalim ang alitan ng dalawang tribo na 'to? "Ayon 'yong mortal na bihag natin na tumakas!" sambit ng isang grupo ng mga Lykosian nang makita nila si Alexeus at sabay sumugod. "Flago," pagbanggit ni Alexeus sabay litaw nito sa kanyang kamay. Isang grupo ng Lykosian ang nakikipaglaban sa kanya ngayon na siguro ay mga nasa walo sila.  Kahit marami silang umaatake, nagagawa pa rin ni Alexeus salagin ang bawat pag-atake nila. Habang abala si Alexeus makipagbuno sa iba, may akma namang sasaksak sa kanyang likuran. Kaya't hinanda ko ang aking pana at inasinta ko ang Lykosian. Nang pinakawalan ko ang palaso, sumapul naman ito sa kamay ng Lykosian gaya ng aking nais at naging yelo ang kanyang kamay na tinamaan. Nabanggit din sa akin ni Aristea noong nakaraan na maaari kong basbasan ang mga palaso ko upang magkaroon ito nang bahagi ng kapangyarihan ng kosmima. Salamat sa kapangyarihan ng kosmima ng tubig. Gulat na gulat ang Lykosian na aking tinamaan at napukaw ko ang kanyang atensyon. "Gumagamit ang babaeng iyon ng kapangyarihan!" sambit niya. "Binalutan niya ng yelo ang aking kamay gamit lamang ang kanyang palaso!" dagdag pa nito. Nang marinig siya ng iba pa niyang kasamahan, ako naman ang sinugod nila ngayon. Mabilis nila akong napalibutan. Isa laban sa pito, hindi patas 'to! "Charlotte!" sigaw ni Alexeus. Nais niya sana akong tulungan pero patuloy ang pag-atake sa kanya ng mga Lykosiang kalaban niya. "'Wag ninyong gagalawin si Charlotte!" sigaw pa niya habang patuloy sa pakikipaglaban. "Aba, mukhang mahalaga para sa'yo ang mortal na babaeng iyan," sambit ng isang kalaban ni Alexeus. "Manahimik ka!" At nagkalampagan ang kanilang mga espada sa bawat malakas na pagtama ng mga ito sa isa't isa. Ang isa ay inaatake ako gamit ang kanyang espada ngunit nagagawa ko itong sanggain ng aking harang na gawa sa apoy. Nang inatake ko siya ng inilabas kong apoy mula sa aking palad ay nasangga naman niya ito ng metal na kalasag niya na nakakabit sa kabila nitong braso. Sabay inatake naman ako ng isa pa sa gawing gilid ko ngunit nasangga ko ito nang maglabas ako ng apoy sa pagwasiwas ko ng aking kamay sa kanyang harapan. May naaninag pa akong palasong rumaragasa papalapit sa akin ngunit nasangga ko ito ng aking nagawang pulang harang kaya't naabo ito nang makarating sa akin. Pareho kaming kinukuyog ni Alexeus ng mga kalaban kaya't gustuhin man niya akong tulungan, hindi naman siya makalapit sa akin. Paulit-ulit ang mga pag-atakeng ginagawa sa akin ng mga Lykosian na kalaban ko. Parami pa nang parami ang mga palaso at sibat na ibinabato nila sa akin. Kaya naman kahit medyo nahihirapan na ako ay kinakaya ko pa rin. At nang sabay-sabay nila akong kuyugin gamit ang matatalim nilang mga espada at sibat, isinuntok ko ang aking kamao sa lupa at nakagawa ako ng pabilog na apoy sa aking paligid kaya't nagsitalsikan ang aking mga kalaban. Bigla akong hiningal. At para bang nanlalambot na ang aking katawan. Parang napapapagod na 'ko. Dahil ba 'to sa paggamit ko ng kapangyarihan ng kosmima? Mayamaya lang, may grupo na namang papalapit sa akin nang makitang bumulagta ang mga kasamahan nila dahil sa pag-atakeng ginawa ko. Hindi ko alam pero bigla na lang akong itinakbo ng aking mga paa papalayo at hindi ko alam kung saan ako papunta. Ang alam ko lang, kailangan kong takbuhan ang mga Lykosian na humahabol sa akin. Sa aking pagtakbo, naramdaman ko ang panlalambot ng mga tuhod ko. Bumagal ako sa pagtakbo at mayamaya'y naabutan na nila ako.  Huminto ako at humarap sa kanila. At nakita ko ang mga sibat na rumaragasa papunta sa akin, nasalag ko pa ang mga ito ng ginawa kong harang na gawa sa apoy. Lalo akong hiningal sa ginawa ko at parang nanlalabo pa ang paningin ko. Kaya naman napatuon ako sa sarili kong mga tuhod. Hindi puwede 'to... Nang papalapit na sila sa akin na handang umatake, pilit akong tumindig at itinapat ko sa kanila ang pareho kong mga palad at pinaulanan sila ng mga bola ng apoy.  Umubra naman dahil bumulagta silang lahat matapos noon. Pero hindi na maganda ang nararamdaman ko ngayon. Lalong lumala ang paghingal ko. Nahihilo na rin ako. Pakiramdam ko babagsak ako ano mang oras. Nanlalabo na talaga ang paningin ko. Mabagal na lakad na lang ang nagagagawa ko. At mula sa malayo, may natatanaw akong tumatakbo papunta sa'kin. Isang lalaki. "Alexeus..."  At dito na ako tuluyang bumigay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD