Bakit ganito ang nararamdaman ko? Malamig. Mabigat ang aking mga kamay. Ano bang nangyari? Ang huli kong naaalala...
Alexeus. Tama, bago ako mawalan ng malay, nakita ko pang tumatakbo si Alexeus papalapit sa'kin.
Idinilat ko na ang mga mata ko. At nanlaki ang mga ito sa gulat dahil sa aking nakikita ngayon. Nakagapos ang mga kamay ko gamit ang mga bakal na kadenang ito na may kabigatan.
At nakakulong ako ngayon sa likod ng mga rehas. Anong ibig sabihin nito?
"Aba, gising na pala ang bihag nating mortal," nanunuyang sambit ng isang...sandali. Taong lobo?!
--
Alexeus
Narito ako ngayon sa Pouli matapos ang isang sagupaan sa pagitan ng mga Lykosian. Hindi matigil ang aking pag-aalala kay Charlotte matapos siyang dakpin ng mga ito. Hindi mapakali ang isipan ko.
Tumatakbo ako papalapit sa kanya at mukhang hinang-hina na siya. Dahil siguro ito sa kanyang paggamit ng kosmima.
Dahil may kalayuan siya sa akin, naunahan na ako ng mga Lykosian sa pagkuha sa kanya matapos niyang mawalan ng ulirat.
Dahil na rin sa kanilang taglay na bilis at liksi ay hindi ko na sila nagawang maabutan pa. Tuluyan na nilang tinangay nila si Charlotte.
"Charlotte! Ibalik ninyo siya rito!!" Umaalingaw-ngaw ang aking pagsigaw habang pilit na hinahabol ang mga Lykosiang dumukot sa kanya.
Kahit nawawala na sila sa paningin ko ay 'di pa rin ako tumitigil sa paghabol, kahit pagod na ako. Nanlalambot na rin ang aking mga binti kaya parang pinipilit ko na lamang tumakbo sa bilis na kaya ko. Ngunit ito'y hindi naging sapat.
Bigla namang sumulpot sa aking harapan si Kuro. Bumaba siya mula sa itaas kaya't napahinto ako.
"Alexeus. Tama na. Umurong na tayo," pakiusap niya. Binigyan ko siya ng isang matalim na tingin.
"Umurong? Hindi mo ba nakita? Tinangay nila si Charlotte! Kailangan ko silang sundan para mabawi ko siya," mariin kong katwiran.
"Alam ko. Ngunit marami na tayong mga kasamahang sugatan. Isa pa, para makapagplano pa tayo kung paano natin mababawi si Charlotte sa mas mabisang paraan. Hindi biro ang pagpasok sa kanilang tribo," sambit niya.
Hindi ko magawang umimik. Dahil may punto siya. Marahas ko siyang tinalikuran at naglakad papalayo.
"Alexeus." Tinatawag ako ng Kuro na iyon ngunit hindi ako natitinag sa aking puwesto. Ayaw ko siyang harapin. Naiinis ako sa kanya sa dahil sa hindi ko malamang dahilan.
"Dinalhan kita ng maiiinom. Baka kasi nauuhaw ka na," sambit niya.
"Hindi ko iyan kailangan," sagot ko.
Bumuntonghininga ako, "Kausapin mo na lang ako kung may plano ka na kung paano maililigtas si Charlotte." O kaya naman, maaaring ako na lamang mag-isa ang gumawa.
"Kung binabalak mong pumuslit mamaya, 'wag mo nang ituloy. Mapapahamak ka lang," babala niya.
"Wala kang karapatang diktahan ako, Poulian," inis kong sambit.
"Alexeus, pareho lang naman nating gustong iligtas si Charlotte," katwiran niya.
Humarap ako sa kanya, "Siguro nga. Ngunit, nais kong ako lang ang magliligtas sa kanya. Katalavaínoun?" malamig 'kong tugon.
"Óchi," sagot niya.
Napakunot ako ng noo, "Sygnómi?"
"Ililigtas ko rin si Charlotte, dahil mahal ko siya," mariin niyang sagot.
Nabigla ako sa sinabi niya't kaya napataas ako ng mga kilay. Napag-igting ko ang panga ko tapos ay tumawa ako ng may halong inis. Pakiramdam ko'y hindi ko gusto ang kanyang sinabi.
"May nakakatawa ba sa sinabi ko?" nakakunot-noo niyang tanong.
"Akala ko ba, ipinaliwanag na niya sa'yo ang lahat tungkol sa kanyang pagiging Magissa?" tanong ko.
"Anong ibig mong sabihin?" usisa naman niya.
Ngumiti ako nang parang nanunuya. "Hindi mo alam? Puwes, sasabihin ko sa'yo." Sumeryoso ang aking mukha, "Hindi maaari 'yang sinasabi mo. Dahil magiging sagabal lamang 'yan sa kanyang misyon bilang isang Magissa."
"Handa akong maghintay matapos ang kanyang misyon kung kinakailangan," sambit niya.
Tumawa ulit ako. "Sa palagay ko, hindi niya naipaliwanag sa'yo nang maayos ang lahat. Hindi niya sa'yo nabanggit ang pangunahing pangangailangan upang maging isang Magissa?" Nakakunot ang kanyang noo na pawang hinihintay niyang ipaliwanag ko ang lahat.
Suminghal ako. "Si Charlotte ay hindi taga-rito sa mundong ito. Nagmula pa siya sa kabilang mundo kung saan sobrang moderno na ng lahat. Hindi mo ba napansin ang kanyang kasuotan? At iyon ang kanyang pangunahing dahilan kaya pumayag siyang maging isang Magissa. Ang makauwi sa kanyang mundo. Maliwanag na ba?" paliwanag ko.
Nananatili siyang walang imik at nakaawang ang bibig. Mistulan yata siyang namangha sa aking sinabi at mukhang iniintindi pa niya ng mabuti ang mga sinabi ko.
"Kaya kung ako sa'yo, itigil mo na 'yan. Ngayon din," mariin kong tugon.
--
Charlotte
Nakaupo lamang ako dito sa loob ng kulungan kong may rehas habang nakatanga. Natataranta ang isip ko kanina nang makita ang taong lobo sa harap ko. Ngunit mayamaya'y kinalma ko rin ang aking sarili upang makapag-isip.
Tiningnan ko muna ang paligid ko. At naisip ko na habang walang nakatingin, tutunawin ko ang kadena ko. Nagsimula na akong mag-isip ng malalim habang nakapikit.
Matapos ang ilang sandali, napagtanto ko na parang bakit walang nangyayari? Sinubukan kong muli. Naghintay pa 'ko ng ilang sandali ngunit wala talaga. Ni wala akong maramdamang kapangyarihan na dumadaloy sa katawan ko. Ni hindi rin nag-iinit ang mga palad ko.
Idinilat ko ang mga mata ko. Nanlaki ang mga mata ko nang makita kong wala sa akin ang Stefani! Nawawala ang Stefani ko! 'Di ako mapakali. Hindi 'yon puwedeng mawala. Dito na ako tuluyang kinabahan. Ang Stefani, nawawala. Saan na napunta 'yon? Lagot ako nito!
"Mortal."
Nagulantang ako sa biglang nagsalita. Napatingin ako sa kanya. Isang taong lobo na mukhang kasing-edad ni Aviar. Ganoon din ang kanyang pangangatawan, at kulay abo ang mahaba nitong buhok na hanggang likod na bumagay sa kulay puti niyang mga tenga at buntot ng isang lobo.
"S-sino ka? Ano bang kailangan ninyo sa akin?" tapang-tapangan kong tanong.
Umupo siya pantay sa'kin, "Ako si Lykoias, ang pinuno ng tribong ito. Hindi ako ang may kailangan sa'yo, kundi ang aking anak."
Napakunot ang noo ko sa sinabi niya. Ano namang kailangan sa'kin ng anak niya?
Ngumiti siya ng may kasamang singhal, "Hindi ko akalaing magtatago si Aviar ng isang mortal sa kanyang tribo. Sa pagkakaalam ko, malaki ang galit niya sa inyo."
"Oo. At ikaw mismo ang may kasalanan noon," seryoso 'kong sambit. Mukhang nabigla siya sa sinabi ko. "Anong alam mo?" maangas niyang tanong.
"Alam kong ikaw ang nagsuplong sa mga kawal ng imperyo kay Aviar. Sinabi mo na dinukot niya ang babae kahit ang totoo niyan ay kusa itong sumama kay Aviar dahil magkasintahan silang dalawa," maangas ko namang sagot.
Lalong nanlaki ang mga mata niya sa pagkagulantang, "Paano mo nalalaman ang mga iyan?" pagtataka niya.
Hindi ako sumagot. Si Kuro ang nagkuwento ng lahat sa'kin tungkol sa bagay na'to. "Ikaw ang may dahilan kung bakit wala na siyang tiwala ngayon sa mga mortal. Dalawamput-limang taon na ang nakalilipas, tama ba?"
Nakita ko ang pag-igting ng kanyang panga tapos ay bumuntonghininga siya nang may ingay. "Oo! Dahil pinatay niya ang asawa ko! Natagpuan ko ang walang buhay na katawan ng aking asawa sa gitna ng kagubatan sa kadiliman ng gabi. At siya ang huling nilalang na nakita ko. Nakita ko siya sa ere na lumilipad papalayo upang takasan ang kasalanang ginawa niya!" pag-aamok niya.
Nakikita ko ang pinaghalong poot at lungkot sa mukha ni Lykoias ngayon. "Ngunit, naisip mo rin ba kung may motibo ba si Aviar na gawin ang bagay na iyon sa'yo?" tanong ko.
"Anong ibig mong sabihin? Na mali ako, ganoon ba?" sambit niya ng may halong inis.
"Oo. Dahil hindi naman talaga si Aviar ang pumatay sa iyong asawa. Kundi ang mga mangangasong mortal na naligaw sa kagubatan ng Hagnos ng gabing iyon," sagot ko.
Nagulat siya na parang hindi makapaniwala sa sinabi ko. "Sinungaling. Pinagtatanggol mo lamang ang tribo na iyon."
"Totoo ang mga sinabi ko. Sa tingin mo, magagawa ni Aviar na tadtarin ng tama ng palaso at mga sibat ang katawan niya? Posibleng maraming tao ang makakagawa ng bagay na iyon," pagkumbinsi ko pa sa kanya.
"Kung ganoon, bakit mistulang tumatakas papalayo si Aviar ng gabing iyon? Isa pa, nakita siya ng iba kong tauhan na gumagala nang gabing iyon at sila mismo ang nag-ulat sa akin," mariin niyang tanong.
"Kung ganoon ay maling akala lamang iyon ng mga tauhan mo. Ang totoo niyan, iyon ay dahil hihingi sana siya ng tulong dahil may buhay pa ang iyong asawa nang kanya itong matagpuan. Ngunit nang nasa ere na siya, natanaw niyang dumating ka na kaya't naisip niyang 'di na niya kailangan pang humingi ng tulong sa iba. Bagkus, sinundan na lamang niya ang mga mangangasong pumatay sa iyong asawa," paliwanag ko.
Nakikita ko na sa kanyang mukha ang unti-unting pagkawala ng galit at parang mas nangingibabaw na sa kanya ang interes na makinig. Ang tunay na kuwentong matagal na panahon niyang hindi pinakinggan.
"Natatandaan mo pa ba ang tatlong mortal na natagpuang patay sa harap mismo ng inyong tribo ng panahong iyon? Sila iyon. Ang mga pumatay sa iyong asawa," sambit ko.
Bumakas ang gulat sa mukha ni Lykoias. "Ipinaghiganti ni Aviar ang pagpatay nila sa iyong asawa. Ayaw niya nang may mga nasasaktang kahit sinong nilalang sa Hagnos, ka-tribo man niya o hindi," sambit ko.
Napaiwas siya ng tingin sa akin at yumuko. "Ngunit ang iyong iginanti ay ang pagsuplong sa kanya. Nagkahiwalay sila ng babaeng mahal niya, at muntik pang mawasak ang kanyang tribo dahil sa paglusob sa kanya ng mga kawal ng imperyo," dagdag ko pa.
Tumingala siya sabay ngumiti ng mahinahon, "Isuplong ko man siya o hindi, ganoon pa rin naman ang mangyayari. Anak ng isang Duke ang kanyang kasintahan. At may ideya na ang mga ito na nakikipagrelasyon ang kanyang anak sa isang taong ibon. Ako lamang ang nagturo sa kanila ng kinaroroonan ng Pouli, dahil nais ko na maranasan ni Aviar ang mawalan ng minamahal," sambit niya.
"Ngunit nang dahil doon, dumanas ng pasakit at paghihirap ang kanilang tribo. Kaya't nawalan na siya ng tiwala sa mga tao. At ang puno't dulo ng lahat ay ang pagkakapatay ng mga mortal sa iyong asawa," sambit ko.
"Ngunit hindi naman lahat ng mortal ay masasama. Ako, naligaw lang ako rito mula sa isang paglalakbay. Wala akong kahit anong intensyon na guluhin kayo," dagdag ko pa.
Tumayo na si Lykoias, "Sana lamang ay totoo ang iyong mga sinabi sa akin, mortal."
Tumingin siya sa akin, "Maiwan na kita at magandang gabi sa'yo."
Pagkatapos ay iniwan na niya 'ko. 'Yon lang? Napataas ang kilay ko at napaawang ang aking bibig. Matapos 'kong maglahad sa kanya ng mga katotohanan tungkol sa pagkamatay ng asawa niya, ganito lang? Hindi na niya ako pinakawalan, ni tinanggal ang mga kadenang nakapulupot sa mga kamay ko. Kainis!
Marahas kong isinandal ang aking sarili sa rehas at bumuntonghininga ng may halong inis. At ang pinakaikinagulat ako, ay 'yong babae pala ay gustong mapangasawa ng isang prinsipe, at ngayon sila na ang Emperador at Emperatris ng isang imperyo.
Siguro nga, hindi para sa isa't isa ang dalawang nilalang na magkaiba ang mundo.
...magkaibang mundo.
Kakaiba. Bigla na lamang kumirot ang puso ko.