Ako si Charlotte Revilla, labingpitong taong gulang, isang normal na mag-aaral sa Senior high, at bukod doon, ako rin ang Vice President ng Student Council ng aming school.
Dahil sa 'di inaasahang pangyayari, napadpad ako sa isang mundo, kung saan ang panahon ay parang nasa Victorian era ng sinaunang England dahil sa estilo nila ng pananamit, samantalang ang architectural style naman ng mga gusali dito, pang-Baroque era ang style.
Gusali at pananamit lang, ha. Hindi ang kanilang mga hitsura. Para nga akong nag-time travel sa sinaunang Europa eh. Pero, ang mga tao naman dito, hindi mukhang mga Western. Mga mukha ding Asian. Kung tutuusin nga si Alexeus, may kamukhang Korean artist na di ko mawari kung sino. Blue lang ang mga mata niya.
At dahil nga isa akong dalagang taga-ibang mundo, ako ang napili upang hiranging kinatawan ng diyos na tinatawag nilang Magíssa, isang tagapagligtas.
--
"Charlotte."
Nasasarapan pa ako sa aking pagtulog nang may narinig akong tumatawag sa pangalan ko.
"Charlotte."
Ayan na naman. Boses ng isang lalaki. Sino ba 'yon at ginugulo niya ang masarap kong pagtulog? Naman, oh.
Dahan-dahan kong minulat ang mga mata ko. At nabigla ako sa kung sino ang gumigising sa'kin.
"Alexeus?" sambit ko nang may pagkabigla. Agad akong napabangon ng 'di oras. Pasimple kong kinapa ang pisngi ko. Baka kasi tulo laway ako eh. Kakahiya naman. Okay, mabuti't mukhang wala naman.
Nakaupo siya dito gilid ng kama ko habang nakatingin lang sa'kin. Teka, anong ginagawa niya dito sa kuwarto ko?
"May problema ba at napasugod ka dito?" tanong ko habang inaantok-antok pa.
"Wala naman. Pero, pinatatawag tayo ng Punong babaylan," sagot naman niya.
Nabigla at nagtaka ako sa sinabi niya. Ano? Nang ganito kaaga?
Matapos akong gisingin ng prinsipe'ng 'yon, agad ko nang inayos ang aking sarili habang hinihintay niya 'ko sa labas. Tapos ay nagtungo kami ngayon sa silid kung nasaan ang altar ni Mulciber.
"Narito na kami, Aristea," sambit ni Alexeus pagkapasok namin.
"Magandang umaga, mahal na Magíssa," bati sa'kin ni Aristea.
"Magandang umaga din sa'yo. Bakit mo kami ipinatawag?" sambit ko naman.
"Sa pagkat nais ko lang sanang malaman kung nakapagplano na ba kayo kung kailan kayo aalis upang makapaglakbay para hanapin ang mga kosmima?" sambit ni Aristea.
Nagkatinginan lang kami ni Alexeus. Oo nga pala. Kailangan naming umalis ng palasyo at maglakbay para mahanap namin ang mga 'yon.
"Ngayong araw kami mismo aalis." Nabigla ako sa sinabi ni Alexeus. Ngayon talaga? Grabe siya, excited lang?
Napataas din naman ng kilay si Aristea. "Ah, kung gayon pala. Marapat lamang na ibigay ko ito sa iyo," sambit ni Aristea habang mag dinudukot sa ilalim ng napakahaba niyang manggas.
At may ibinigay sa akin si Aristea na isang maliit na bilog na salamin. Silver ang frame nito at may ukit ng paruparo sa likod.
"Para saan 'to?" tanong ko.
"Iyan ang magsisilbi nating komunikasyon," sagot niya.
Namangha ako sa sinabi niya. Talaga? Wow, parang cellphone lang?
"Ingatan mo iyan," sambit niya.
Matapos naming makipag-usap kay Aristea ay nagtungo kami ni Alexeus sa isang silid.
"Alexeus," tawag ko sa kanya matapos naming makarating sa silid.
Lumingon naman siya sa'kin. "Bakit?" tanong niya.
"Bakit mo naman naisipang umalis ngayong araw mismo?" usisa ko.
"Masyado itong biglaan, Kamahalan," dagdag ko pa. Totoo naman eh. Kahit pa sabihing sabik siyang makalabas ng palasyo.
Napahawak siya sa kanyang baba at mukhang napaisip siya sa sinabi ko. "Kung gayon ay bukas na lamang," sagot niya bigla.
"Bukas? Ang bilis pa rin. Hindi ko pa nga gaanong gamay ang paggamit ng kosmima, eh," katwiran ko.
"Ah, iyon ba ang iyong inaalala? Hmm, sige. Ikaw na lamang ang aking tatanungin, Charlotte. Kailan mo gustong umalis?" sambit niya.
Nabigla ako't napaisip. Oo nga. Kailan ko ba gustong umalis? Nag-aalinlangan pa rin kasi ako dahil wala naman kaming ideya kung saan namin mahahanap ang mga kosmima na 'yon.
"Charlotte," tawag niya bigla kaya't agad akong natauhan.
"Ano 'yon?" tanong ko. May itinuro siya kaya't tiningnan ko kung ano 'yon. Nagulat ako dahil umiilaw ang bulsa ko. Kaya't agad kong dinukot ito.
"Ang salamin!" mangha kong sambit habang tinitingan ko ito sa mga kamay ko. Umiilaw ang salamin. Ilang sandali lang ay may imaheng ipinakita ang salamin na ikinalaki ng mata ko.
"A-Alexeus!" taranta kong tawag sa pangalan niya.
Napakunot-noo siya. "Bakit? Ano 'yon?" pagtataka niya.
"Halika. Tingnan mo ito. Dali!" paghuhurumintado ko habang titig na titig sa imaheng pinakita ng salamin at kinukumpas-kumpas ko ang kamay ko bilang senyas na lumapit si Alexeus.
Kahit bakas sa mukha ng prinsipe ang pagtataka ay agad naman itong lumapit sa'kin.
"Ano 'yan? Isang larawan ng...ilog?" pagtataka ni Alexeus habang nakatitig sa salaming hawak ko.
"Anong ibig sabihin niyan?" pagtataka pa niya.
"Nagpapakita din ang salaming iyan ng pangitain kung saan ninyo maaaring matagpuan ang susunod na kosmima." Halos mapatalon kaming dalawa ni Alexeus sa aming kinatatayuan nang biglang sumulpot si Aristea sa likuran namin.
"Aristea!" sambit ko.
"Pangitain?" pagtataka ni Alexeus. Tumango naman si Aristea.
"Marahil iyan ang nais sa inyong iparating ng kathreftis. Na may 'ilog' sa lugar kung saan ninyo maaaring matagpuan ang pinakamalapit na kosmima," paliwanag naman ng babaylan.
"Kathreftis?" kunot-noo kong tanong.
"Iyan ang pangalan ng salaming iyan," nakangiti niyang sagot. Napaawang naman ang bibig ko sa naging sagot niya. May pangalan din pala ang mahiwagang salamin na 'to.
"Hmm, may isang baryo sa siyudad ng Ajax ang napalilibutan ng mga anyong-tubig," sambit bigla ni Alexeus.
"Maaaring iyon ang tinutukoy ng salamin," sambit ni Aristea.
"O ayan. May hinuha na tayo kung saan natin maaaring matagpuan ang susunod na kosmima," nakangiting sambit sa'kin ni Alexeus. Napangiwi na lamang ako't napailing. Talaga naman.
Pag-alis ni Aristea, agad naming inasikaso ni Alexeus ang mga dadalhin namin para sa aming pag-lalakbay. At napagkasunduan na naming bukas na lang umalis.
Tig-isa kami ng malalaking 'backpack' na gawa sa leather. Lahat ng mga pangunahing pangangailangan namin ay inilagay namin doon.
Mayamaya'y napansin kong may kinuha siyang winter coat.
"Pangtag-lamig iyan ah," sambit ko.
"Oo nga. Baka kasi abutin tayo ng taglamig sa ating paglalakbay. Tag-lagas na kaya ngayon," sambit niya habang patuloy lang sa kanyang ginagawa.
Namangha ako sa sinabi niya. Ibig sabihin, may winter dito?!
"Ibig sabihin, umuulan dito ng niyebe?" mangha kong tanong.
"Oo naman," sagot niya.
Ahh! "Wow naman!" Naku, 'di ko napigilang matuwa. Napatingin tuloy sa'kin si Alexeus na parang na-weirdo-han sa kinilos ko.
"O bakit parang tuwang-tuwa ka? Hindi ba umuulan ng niyebe sa mundo niyo?" kunot-noo niyang tanong sa'kin.
"Umuulan. Pero sa bansa namin, hindi. Tanging tag-araw at tag-ulan lang," sagot ko.
Pero, sa wakas at makakakita rin ako ng snow! Pangarap ko 'yon eh.
"Ah, hindi pala umuulan ng niyebe sa bansang Pilipinas, Imperyo ng Calabarzon," nakangiti niyang sambit. Mas guwapo talaga ang prinsipe'ng 'to kapag nakangiti.
Matapos ang aming ginawang paghahanda, napagpasyahan naming dalawa na pumunta sa hardin ng palasyo.
"Flago!" sigaw ni Alexeus at agad naman itong lumitaw sa kanyang kamay.
"Talagang namamangha pa rin ako sa espadang ito, Charlotte," sambit niya sa'kin at bakas nga 'yon sa kanyang mukha.
Bigla naman siyang sumeryoso. Pinosisyon niya ang kanyang kaliwang paa paharap, at inilagay ang espada sa harap niya habang hawak ito gamit ang kanyang parehong kamay.
Sa pagkakaalam ko, si Alexeus ay talagang bihasa sa pakikipaglaban. Magaling siyang lumaban may sandata man o wala.
Nagsimula na niya itong iwasiwas. At habang iwinawasiwas niya ito ay may lumiliyab din ang nasabing espada. Umaapoy talaga ang Flago kapag iwinawasiwas ito.
Malaki talaga ito at mukhang mabigat. Pero kayang-kaya ito ni Alexeus na para bang hinulma talaga ito para sa kanya.
Mayamaya'y puwersahan niya itong inihampas sa hangin tapos ang apoy nito ay biglang tumalsik sa may malaking bato ng hardin.
Pareho kaming nagulat ng labis nang makitang nawasak ang malaking bato. Hindi lang wasak, durog pa.
Nanlalaki ang aming mga mata't nakaawang ang aming mga bibig habang nakatulala sa nawasak na bato na umuusok pa dulot ng apoy na nagmula sa Flago.
"Kamangha-mangha talaga," nasambit na lamang ni Alexeus.
Nilapitan ko si Alexeus. "Mabigat ba 'yang Flago?" usisa ko sa kanya.
"Ah, hindi naman. Ayos lang ang bigat nito para sa akin. Bakit? Nais mo bang subukan?" sambit niya.
Napataas ang kilay ko. "Talaga? Puwede? Ayos lang sa'yo?" usisa ko. Tumango lamang siya habang nakangiti. Tapos ay iniabot niya sa'kin ang espada.
Tinitigan ko muna ito, tapos ay dahan-dahan ko ring hinawakan ang hawakan nito. At naramdaman kong mainit ito.
Nang hawak na ito ng pareho kong mga kamay ay siya namang bitiw niya dito.
Nabigla ako nang bigla itong bumagsak sa lupa at muntik na akong madala nito pababa.
"Ay naku po!" nasambit ko dahil sa labis na gulat. 'Di ko akalaing sobrang bigat pala nito. Mabuti't nabitiwan ko ito kaagad bago pa 'ko tuluyang sumubsob sa lupa.
"Ano, Charlotte? Ayos ka lang?" pag-aalala ni Alexeus. Pinilit kong ituwid ang tayo ko habang nakahawak sa bewang ko at nangiwi-ngiwi pa. Akala ko mapupunit na ang mga braso't bewang ko do'n eh.
"O-oo, ayos lang ako. Hindi ko lang akalaing ganyan 'yan kabigat," sagot ko.
Bago pa madampot ni Alexeus ang espada ay agad na itong naglaho na parang bula.
"Mabuti pa, ang paggamit na lamang ng kosmima ng apoy ang pag-aralan mo," mungkahi niya sa'kin.
Tumango ako. "Mabuti pa nga," sagot ko ng may pilit na ngiti habang inuunat-unat ang mga braso.
Tumindig ako ng maayos, tapos ay iniangat ko ang palad ko, kung nasaan nakasuot ang stefani, pantay sa aking sikmura at ibinuka ang palad ko habang nakatitig dito.
Pumikit ako para lalo akong makapag-isip ng mabuti. Iblangko ang isipan, pakiramdaman ang paligid, isipin ang apoy at damahin ang kapangyarihan nito.
Tumindig ang mga balahibo ko. Ngunit mayamaya'y nakaramdam ako ng 'di maipaliwanag na sensasyon sa aking buong katawan. Init na dumadaloy sa mga ugat ko, at papunta ito sa kamay ko.
Bigla akong dumilat. Gano'n din ang biglang pagliyab ng aking palad. Napangiti ako. Matagumpay na naman akong nakapagpalabas ng apoy sa aking palad.
Tapos ay naisip kong gano'n din ang gawin sa kabila kong kamay. Iniangat ko rin ito't inilahad. Medyo nabigla ako nang magkaapoy din ito. Ngayon, pareho nang nagliliyab ang aking mga palad. Pinagbalik-balik ko ang mga tingin ko rito.
"Ikaw nga talaga ang itinandhanang maging Magissa, Charlotte. 'Pagkat nagagawa mo iyan na parang walang kahirap-hirap," nakangiting sambit sa'kin ni Alexeus.
Ningitian ko rin siya. Tapos ay bigla kong naisip kung paano ko 'to ipang-aatake?
Nilibot ko ang paningin ko sa buong hardin at nakakita ako ng malaking kahoy. Tuyo na ito at mukha itong isang natumbang malaking puno.
Naglakad ako malapit dito. Hindi naman gano'n kalapit at 'di rin naman gano'n kalayo. Sapat lamang ang distansya nito sa akin.
Tumindig ako ng maayos at pareho kong puwersahang ibinato ang mga apoy na nasa palad ko doon sa patay na puno.
Nanlaki ang mga mata ko nang tamaan ko ito kaya't lumiliyab na ito ngayon. Unti-unti itong tinutupok ng apoy.
Pagsapit ng umaga ay agad na kaming nag-ayos at naghanda ni Alexeus para sa aming pag-alis.
Suot ko ang school uniform ko na siyang suot ko rin ng mapadpad ako rito. Samantalang si Alexeus naman ay naka-polo na kulay puti na may mahabang manggas. Pinapatungan ito ng vest na kulay kayumanggi. Nakapantalon siyang itim at leather boots na kulay itim din.
Tapos ay nagtipon kami dito sa tarangkahan ng palasyo.
"Alam namin na kailangan niyo itong gawin para sa ikaliligtas ng Stavron. Sana lamang ay mag-iingat kayo ng mabuti," paalala sa'min ni Emperatris Aldora. Bakas sa kanyang mukha ang labis na pag-aalala para sa kanyang anak.
Nandito kami sa tapat ng palasyo dahil paalis na kami.
"Anak, ngayon pa lamang ay ipinagmamalaki na kita dahil ikaw ang magiting na tagapagtanggol ng Magíssa. Mag-iingat ka ha? Dahil magiging Emperador ka pa ng ating imperyo," sambit naman ni Emperador Acanthus tapos ay tinapik nito ang balikat ni Alexeus.
"Adelfós, mag-iingat ka ha. Mahal kita. Ikaw din, Magíssa," sambit sa'min ni Airlia na mukhang nag-aalala at malulungkot talaga sa pag-alis namin ng kuya niya.
"Mahal din kita, munti kong prinsesa, kayong lahat. 'Wag kayong mag-alala, magtatagumpay kami sa aming misyon at makakabalik kami dito ng ligtas. Pangako 'yan," nakangiting sambit sa kanila ni Alexeus.
Sumakay na 'ko ng kabayo. Tapos ay sumakay na rin si Alexeus pagkatapos niyang yakapin isa-isa ang pamilya niya. Nasa likod ko siya dahil iisa lang ang kabayong sinasakyan namin. Pakiramdam ko tuloy yakap niya 'ko.
At tuluyan na kaming umalis ng palasyo. May mga kasama kaming kawal, mga apat. At kasama din namin si Heneral Balsicus. Ihahatid nila kami sa bukana ng Ceyx.
"Eto ang unang beses na lalabas ako ng Ceyx upang maglakbay, Charlotte," sambit niya sa'kin at halata ko sa boses niya ang tuwa.
"Siya nga pala..."
"Ano 'yon?" tanong ko dahil parang may gusto siyang sabihin. Nagtaka ako nang mapansin kong bumitiw siya sa tali ng kabayo. Bakit kaya? Tapos bigla ko na lang naramdaman na may isinuot si Alexeus sa leeg ko.
Kinapa ko 'to, "Kwintas?" pagtataka ko. Tiningnan ko at nakita kong ginto ito na may pendant na gintong paruparo.
"P-para saan 'to?" usisa ko. Bakit kaya niya 'ko binigyan ng kuwintas?
"Palatandaan 'yan," sagot niya
"Palatandaan?" kunot-noo kong tanong.
Tumawa siya, "Basta," tanging sagot lang niya.
Basta? Ano naman 'yon? Ano pati'ng palatandaan ang pinagsasasabi niya? Nakakapagtaka naman 'tong si Alexeus.
Mayamaya'y huminto na kami.
"Hanggang dito na lamang po kami, Kamahalan," sambit ni Balsicus.
Nandito na din kami. Sa tingin ko ilang oras din kaming nasa daan.
"Maraming salamat, Heneral," sambit ni Alexeus.
Nag-bow naman si Balsicus sa kanya, pati na rin ang apat na kawal na kasama niya.
"Nawa'y magtagumpay ang inyong misyon ng mahal na Magíssa. Lagi namin'g ipapanalagin ang inyong kaligtasan," sambit ni Balsicus. Ang seryoso talaga nitong Heneral na 'to. Parang 'di marunong ngumiti.
"Salamat," tugon naman ni Alexeus.
At dito na nga kami nawalay kina Heneral Balsicus.
--
Sakay pa rin kami ng kabayo at nakarating kami sa isa pang syudad.
"Alam mo ba kung nasaan na tayo?" tanong ko.
Inihinto ni Alexeus ang kabayo at bumaba siya. Kinuha niya ang mapa sa bulsa ng kabayo.
"Ayon dito sa mapa, narito na tayo ngayon sa siyudad ng Ajax," sambit niya.
Bumaba na din ako ng kabayo. Mabuti't narito na kami. Eto 'yong tinutukoy na lugar no'ng salamin, 'di ba?
"Ajax? Nasa Stavron pa rin ba tayo?" tanong ko.
"Oo naman," sagot niya.
Bigla namang kumulo ang tiyan ko. Napatigin tuloy sa'kin si Alexeus. Nakakahiya.
"Siguro, kailangan na muna nating kumain," sambit niya.
At dahil nasa siyudad kami, 'di kami nahirapang humanap ng kakainan. Uso na rin pala ang mga resto dito. Pero siyempre, vintage style nga lang. Masasabi kong sulit naman dahil bukod sa masarap naman ang pagkain, maganda't maaliwalas ang lugar. Hindi rin gano'n karami ang tao gaya ng gusto ni Alexeus.
"Mabuti't walang nakakakilala sa'yo," sambit ko matapos kong lunukin ang ningunguya kong pagkain.
"Hindi gaanong kilala ang mukha ko sa labas ng Ceyx," sagot naman niya.
"Ahh," sagot ko naman na may pagkamangha. Kaya pala 'di na niya kailangan pang mag-disguise.
Bigla na naman akong natulala sa kanya. Kahit sa pagkain lang ay halata mo pa rin ang pagiging maharlika niya.
"Charlotte?" Natauhan ako bigla nang tinawag niya 'ko.
"A-ano 'yon?" tanong ko.
"Maaari mo bang bilisan na ang pagkain? Upang tayo'y makausad na," sambit niya.
"O-oo," sagot ko habang tumatango tapos ay ibinalik ko na ang atensyon ko sa pagkain ko.
Lumipas lang ang ilang sandali ay natapos na rin kami sa aming pagkain.
"Alexeus, mauna na 'kong lumabas. Walang bantay ang kabayo natin eh," paalam ko. Naroon kasi sa may kabayo namin ang aming mga bagahe.
"O sige. Hintayin mo na lang ako. Susunod ako agad," sambit naman niya tapos ay pumunta siya sa may parang 'counter' para bayaran ang mga kinain namin.
Paglabas ko, may nadaanan akong eskinita. Nasulyapan kong may mga grupo ng lalaki doon na parang nagmi-meeting.
"Para sa ating pag-aalsa."
Napatigil ako sa narinig ko. Pag-aalsa? Mga rebelde ba sila? Bakit sila mag-aalsa? Bigla akong kinabahan at tumindig ang mga balahibo ko sa aking narinig.
Kahit nakararamdam ako ng takot, naisip ko pa ring gumilid muna sa katabing pader. Pakikinggan ko muna sila. May kutob kasi akong masama dito eh.
"Hindi pa buo ang plano ng ating pinuno. Hintayin muna natin ang kanyang hudyat bago tayo kumilos."
"Ngunit kailan pa? E ang balita ko may hinirang na Magíssa na ang palasyo."
Teka, bakit nasali sa usapan ang Magíssa? Este ako pala. Lalo tuloy lumala ang kabang nararamdaman ko ngayon.
"'Wag kayong magalala. Bago pa matawag ng Magíssa si Mulciber, napatay na natin siya. At ang isusunod nating pababagsakin ay ang palasyo ng Emperador."
Nabigla ako sa narinig ko. Pababagsakin nila ang palasyo. Nasa panganib ang pamilya ni Alexeus!