Kabanata 13: Rebel's Captive

1682 Words
Pinagpapawisan ako ng malamig at butil-butil ngayon dahil sa aking kinalalagyan. Dinakip lang naman ako ng mga rebelde kanina na mga narinig kong nagpupulong sa eskinita. Kung paano ako napunta rito? Habang nakikinig ako ng mabuti sa usapan nila, hindi ko na naisip pa na may makakakita sa'kin. "Anong ginagawa mo diyan?"   Napatalon ako sa aking kinatatayuan ng marinig kong may nag tanong na isang lalaking nakakita sa'kin. Dahan-dahan akong lumilingon, habang ang puso ko'y 'di mapigil sa pagpintig ng mabilis na para bang lalabas na 'to sa aking dibdib, nanlalamig na rin ang aking mga kamay at nanginginig na ang aking mga binti. Hindi maaari 'to. Lagot na. May nakakita sa'kin. Nang tuluyan na akong nakaharap sa lalaking nakakita sa'kin ay nagsilapitan na rin sa'kin ang iba pang mga lalaking nagpupulong sa eskinita matapos niya siyang marinig. "Sino ka at bakit mo kami pinakikinggan? Espiya ka 'no?" maangas na sambit sa'kin no'ng isa. Lalo akong ninerbiyos nang makita ang mga galit nilang mga mukha na nakatingin ngayon sa akin. Hindi ko na malaman ang gagawin ko kaya't napalunok na lamang ako. "H-ha? Hindi! Aksidente lang...napadaan kasi ako dito eh..." nauutal kong pagpapalusot. "Teka, sandali nga..." sambit no'ng isa habang naniningkit ang mga matang nakatingin sa'kin. Tapos ay pinasadahan niya 'ko ng tingin mula paa hanggang ulo. "Kung di ako nagkakamali, siya ang hinirang na Magíssa!" nanlalaki ang mga mata niyang sambit. Tinitigan na rin akong mabuti ng mga kasamahan niya. "Oo nga! Kakaiba ang kanyang kasuotan!" "Isa pa, suot niya ang simbolo ng maharlika,"  sambit ng isa sabay turo niya ang kuwintas na suot ko.  "Tamang-tama. Sige, dakipin natin ang babaeng ito at iharap natin sa ating pinuno upang siya ang magdesisyon kung anong gagawin natin sa kanya," madiin na utos no'ng isa. Nagulantang ako sa narinig ko. "A-ano?!"    Wala na akong nagawa nang hawakan nila ako sa magkabila kong braso ng mahigpit at tinutukan nila ako ng punyal sa aking tagiliran. "Huwag kang mag-iingay o magtangkang lumaban. Kung hindi..." bulong sa'kin ng isang nakahawak sa braso ko't tumututok sa'kin ng punyal. Sa labis kong takot ay wala na akong nagawa kundi ang sumama na lamang sa kanila. At eto na nga, nandito na 'ko. Siguradong nag-aalala na sa'kin ngayon si Alexeus. Napabuntonghininga na lamang ako ng malalim. Naroon lamang sila habang may kanya-kanyang pinagkakaabalahan at nagbubutingting ng kung anu-ano. Tinitingnan ko lamang sila habang narito ako sa isang sulok, at nakagapos ang mga kamay sa likod. "S-sandali nga..." lakas-loob kong sambit kahit pa para nang tambol ang puso ko sa kaba. Napukaw ko naman ang atensyon nilang lahat. "A-ano bang nais ninyo at binihag ninyo 'ko?" tanong ko. Sandaling katahimikan ang namayani at nagtinginan muna sila sa isa't isa. "Ikaw ang Magissa, hindi ba? Sigurado kaming mahalaga ka sa palasyo kaya't gagawin ka naming pampalit sa gagawin naming pag-aalsa laban sa palasyo," sagot no'ng isa. Lalong kumunot ang noo ko. "Maaari ko bang malaman ang dahilan kung bakit nais niyong labanan ang gobyerno?" seryoso kong tanong. Lalo akong nagpawis nang makitang nanlisik ang kanilang mga mata sa'kin. "Dahil sakim ang Emperador sa imperyong ito!" galit na sambit ng isa. "Sakim?" pagtataka ko. "Mga dati kaming manggagawa sa isang malawak na lupain dito sa Ajax. Kami roon ay mga karpintero, magsasaka, mga pastol, at iba pa. At dahil nga sa lupaing iyon kami naghahanap-buhay, doon na rin kami mga nakatira. Maayos naman ang mga naging buhay namin doon, hanggang isang araw...nagising na lamang kami na wala na ang lahat," kuwento ng isa. Ramdam ko ang pinaghalong labis na lungkot at galit sa kanyang tinig. Nakaramdam na ako ng kaunting simpatiya. "Anong kinalaman ng Emperador diyan?" tanong ko pa. "Pinalayas kami ng nagpakilalang bagong may-ari ng lupain. s*******n niya kaming pinalayas na halos ipagtabuyan na para kaming mga maruruming hayop. Napakalupit niya. Ang mga pinaglalaban ang kanilang mga karapatan ay pinahihirapan. At ang pinakamalala't masakit sa lahat..." galit na paliwanag niya. Tapos ay nagkuyom ang kanyang mga kamao at lalong nabakas ang poot sa kanyang mukha na halos namumuo na ang mga luha sa mata niya. "Pinapatay niya ang iba! Pinatay niya ang iba sa amin na wala namang kalaban-laban at ibang ginusto kundi ang manatili sa aming mga tahanan at hanapbuhay! At dahil 'yon sa Emperador! Siya ang nagbenta sa malupit na taong 'yon ng aming lupain. Noong una'y hindi kami naniwala dahil ang alam nami'y mabuti talaga ang Emperador. Ngunit naglabas ang mga sapat na ebidensya ang taong 'yon na may permiso talaga mula sa palasyo ang pagbili sa aming lupain," galit na paliwanag ng isa. Kitang-kita ko iyon sa kanyang mga mata, hinagpis at poot. "Naghintay rin kami ng tulong mula sa palasyo dahil ilang beses kaming sumulat doon. Ngunit wala kaming natanggap na kahit anong tugon. Kaya't naisip namin na balewala talaga kami sa Emperador. Bakit? Dahil ba mga maralita kami, gano'n ba?" mariin na sagot ng isa. Hindi ako makapaniwala sa mga narinig ko ngayon. Parang hindi totoo. Seryoso ba sila? Mabuting tao naman ang Emperador. Hindi talaga ako naniniwalang magagawa ito ng ama ni Alexeus. Kailangan may gawin ako. Gusto kong malaman ang totoo. "Kaya't nang may nag-alok sa amin ng tulong na gumanti sa palasyo, hindi na kami nagdalawang-isip pa," sambit ng isa. Nagtaka ako. "Nag-alok ng tulong?" tanong ko. "Oo. Ang aming pinuno ngayon. Ang aming pinuno sa balak naming pag-aalsa. Siya rin ang tumulong sa amin upang magkaroong muli ng tahanan at kabuhayan. Sa kanyang lupain kami ngayon naglilingkod," sagot nong isa. Napaisip ako. Pinuno? Ng kanilang isasagawang pag-aalsa? Lumunok ako. "M-maaari ko bang malaman kung sino ang sinasabi ninyong pinuno at kung saan ko siya matatagpuan?" tanong ko. Napakunot-noo ang limang rebeldeng kasama ko. "Bakit nais mong malaman, ha?" maangas na tanong no'ng isa. Heto lang ang naisip kong gawin. Bilang Magissa, sana'y makatulong. "N-nais kong makipag-usap sa inyong pinuno. B-baka sakaling makuha ang lahat ng ito sa maayos na usapan," mungkahi ko. Natigilan ang mga lalaki. Tapos mayamaya'y naghagalpakan sila ng tawa. Napakunot tuloy ako ng noo. "B-bakit? Anong nakakatawa?" pagtataka ko. "Nagpapatawa ka ba, ha? Sigurado ka ba diyan sa gusto mo?" nanunuyang tanong sa'kin ng isa. "Oo naman! Seryoso ako. Baka sakaling, maiwasan ko ang pagdanak ng dugo sa Stavron sa paraang ito," seryoso kong sambit. Sumeryoso nang muli ang mga mukha nila at mukhang naniniwala na sila sa sinasabi ko. Pero, mukhang mga nagdadalawang-isip pa sila. Sana nama'y pumayag sila. Gagawin ko ang lahat para lang makumbisnsi ko sila't pumayag na sila sa gusto ko. Pagkatapos ko silang makausap ay naging abala na silang muli sa mga kanya-kanya nilang gawain. Tapos ay lumapit sa akin ang isang kasamahan nila na may dalang plato ng pagkain. "Gusto mo bang kumain?" alok sa'kin bigla ng isang lalaking kasama ng mga rebelde. Tingin ko mga kasing-edad siya ni Alexeus. Matangkad at makisig din siya. "Ayaw ko pa. Busog pa 'ko," sagot ko. Nakaupo lang ako ngayon sa isang sulok tapos ay tinabihan ako ng lalaking ito. "Anong pangalan mo?" tanong niya bigla sa'kin. "Charlotte ang aking pangalan. Ikaw?" sambit ko. "Ako si Lucio," sagot naman niya. Sandali kaming nanahimik, tapos ay nagsalita ako. "Nasaan ang inyong pinuno?" tanong ko. Napatingin muna sa'kin si Lucio. Tapos ay sumagot siya,  "Nasa templo niya." "Templo?" kunot-noo kong tanong. "Oo. Nasa isang liblib na lugar iyon na 'di kalayuan dito at nandoon din sa lugar na iyon nakatira ang iba pa naming mga kasama," sambit pa niya. Ganoon pala. Oo nga naman. Paano nga naman sila mag-aalsa kung ganito lang sila kaunti? "Seryoso ka ba talagang nais mong makausap ang aming pinuno?" usisa niya. "Oo naman. Hangga't maaari ayaw kong dumanak ang dugo sa Imperyo ng Stavron," seryoso kong sambit. "Binabalak ka naming dalhin sa aming baryo bukas. Kaya't maaari mo siyang makaharap," sambit niya. Napatango na lang ako. "Ikaw ba?" tanong ko bigla sa kanya. Napatingin siya sa'kin at nakakunot ang noo. "Gugustuhin mo pa rin bang dumanak ang dugo sa gagawin ninyong pag-aalsa? Maraming buhay ang maaaring mabuwis ng dahil dito," pagkumbinsi ko sa kanya. Umiwas siya sa'kin ng tingin pero mukha namang napaisip siya sa sinabi ko. "Kainin mo na lang 'to pag nagutom ka na," seryoso niyang sambit sabay lapag no'ng plato ng pagkain sa tabi ko tapos ay tumayo na siya't umalis. Kinabukasan, gaya ng sinabi sa'kin ni Lucio, umalis na kami kaagad nang mag-umaga na. Nakasakay ako ngayon sa isang karaniwang karwahe at syempre kasama ko ang limang rebelde na humuli sa'kin. Pinapalibutan nila ako dito sa loob. Iniisip siguro nila na baka tumakas ako. Pero sa pagkakataong ito, hindi na nila ako ginapos pa. Sa totoo lang, kaya ko naman talagang tumakas gamit ang kapangyarihan ko, pero syempre 'di ko iyon gagawin. May bintana ang karwahe kaya naman kita ko ang labas. At mukhang nandito na kami sa lugar na sinasabi nila. Mukha ngang malayo na 'to sa siyudad at parang isa 'tong maliit na village. May mga bahay kaming nadadaanan. Medyo magkakatabi ang mga bahay, na pare-pareho ang mga laki at hitsura. "Anong tawag sa lugar na 'to?" tanong ko. "Ito ang baryo ng Agua," sagot ni Lucio. "Agua?" usisa ko. "Oo. Sapagkat ang lugar na 'to ay malapit lamang sa mga anyong tubig na gaya ng batis, sapa, ilog, at talon. At doon kami kumukuha ng ng pagkain at panghanap-buhay," sagot niya. Gayon pala. May mga malapit ditong gano'n. "Malapit na ba tayo sa templo?" tanong ko. Tumuro si Lucio sa may unahan. At nang sumilip ako sa bintana, nakita kong mukha itong isang maliit na palasyo. Malapit na kami. At habang nakikita kong papalapit na kami, 'di mawala ang kabang nadarama ko. Nanlalamig na naman ang mga kamay ko na para bang nakahawak ako ng yelo. Kahit pa parang imposible ay umaasa pa rin akong sana maayos kausap ang kanilang pinuno. Bigla tuloy sumagi sa isip ko si Alexeus. Paniguradong nag-aaalala na iyon sa'kin. May ideya kaya siya kung saan niya 'ko makikita? Alexeus, kung nasaan ka man, nais kong malaman mo na ayos lang ako. Ginagawa ko ito para sa pamilya mo at sa Stavron. Ito ang tungkulin ko bilang isang Magíssa, 'di ba?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD