Habang narito ako ngayon sa selda sa loob ng tribo ng Lykos, sa tingin ko'y nakatulog naman ako, kahit papaano. Nakapikit pa rin ako. Kahit pa hindi ako komportable sa kinalalagyan ko, siguro kasi dala na lang 'to ng pagod. Kaya, mababaw lang siguro ang naging tulog ko.
Iminulat ko ang mga mata ko nang maramdaman ko na parang may nakatayo sa unahan ko.
Namilog ang mga mata ko nang makita kong isang babaeng Lykosian.
"Aba, gising ka na pala," bungad niya sa akin.
Lalong nanlaki ang mga mata ko nang makita kong suot-suot niya ang hinahanap ko.
"S-sandali. Akin 'yan ah! Ibalik mo sa'kin 'yan!" bulyaw ko sa kanya sabay napatayo na rin ako.
Suot niya ang Stefani ko. Paano nangyaring napunta sa kanya 'yan? Hindi maaari 'to.
"Puwede ba, mortal? 'Wag mo nga akong masigaw-sigawan. Hindi mo ba kilala kung sino ang kaharap mo ngayon?" mataray niyang sambit.
Napataas naman ako ng kilay. Wala akong pakialam kahit sino pa siya. Ibalik niya ang Stefani ko!
"Para sabihin ko sa'yo, ako ang prinsesa ng tribong ito. Ako si Laira," pagmamalaki niya.
Ibig sabihin, anak siya ni Lykoias?
"Bakit ba nasa iyo ang Stefani ko, ha? Puwede ba, ibalik mo nga sa'kin 'yan. Wala akong pakialam sa katayuan mo dito sa tribo niyo. Basta ibalik mo sa akin iyan, ngayon din!" bulyaw ko sa kanya dala nang pagpupuyos nang aking damdamin. Agang-aga pinapainit niya ang ulo ko.
"Hoy ikaw mortal, wala kang karapatang sigawan ako. Isa pa, akin na 'to. Dahil lahat ng gusto ko, nakukuha ko," maangas niyang tugon sa'kin habang pinandidilatan ako ng kanyang mga mata.
Tinaliman ko siya ng tingin habang nagtataas-baba ang dibdib ko't napagkuyom ko ang kamao ko. Sa tingin ko, mukhang uso din pala ang spoiled brat sa mundong ito. At ang malala pa, taong lobo ang isang 'to.
Bigla ko namang naalala si Adara ng walang dahilan.
"Akin pa rin 'yan. Kinuha mo sa'kin 'yan nang walang paalam. Magnanakaw ka," inis kong sambit sa kanya. Wala akong pakialam kung prinsesa siya ng tribo na 'to.
Bakas sa kanyang mukha ang pagkainis niya sa sinabi ko.
"Lapastangan!" bulyaw niya.
Bigla ko namang napansin ang leeg niya. Nanlaki na naman ang mga mata ko nang makita kong suot din niya ang kuwintas na binigay sa'kin ni Alexeus. Lalong kumulo ang dugo ko sa isang 'to.
"Pati 'yang kuwintas na suot mo! Kinuha mo rin sa'kin 'yan!" bulyaw ko.
Tinawanan niya lang ako na parang nang-aasar.
Kainis! Gusto kong magwala! Napahigpit na lamang ako ng kapit sa mga rehas nitong kulungan ko dahil sa sobrang inis. Lagot talaga sa'kin ang babaeng 'to pagnakawala ako dito.
"Ano ba talagang kailangan ninyo sa'kin at kailangan niyo pa akong bihagin?" inis kong tanong.
"Ipinadukot kita sa aking adelfós na si Lairos nang malaman kong kasama ka pala ni Alexeus," sagot naman niya.
Aba, malamang siya na nga ang sinabi sa'kin ni Lykoias kagabi na anak niyang may kailangan sa'kin.
Napakunot ang noo ko sa sinabi niya. "Ano namang kailangan mo kay Alexeus?" maangas kong tanong.
"Ano pa ba? Dahil gusto ko siya," sagot niya.
Napataas naman ang mga kilay ko sa narinig kong sagot mula sa kanya. Seryoso ba siya?
"Alam kong babalik dito si Alexeus upang iligtas ka. At kapag bumalik nga siya, yayayain ko na siyang magpakasal!" pagmamalaki niya.
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya, "Ano? Seryoso ka ba?" pasigaw kong tanong.
"Oo naman! Mula noong araw na sinabi niya sa aking nabighani siya sa aking ganda, nang ningitian niya ako ng ubod ng tamis, tapos hinawakan niya ang mga kamay ko at sinabi niyang mala-porselana ang mga ito, doon na nahulog ang loob ko sa kanya at napagdesisyunan kong pakasalan siya," sambit niya nang may pagkasabik.
Nakangiwi ako habang nakaawang ang aking bibig. Hindi ako makapaniwala sa narinig ko. Nagawa't nasabi ni Alexeus ang mga bagay na 'yon? Sigurado ba ang Laira na 'to? Baka nananaginip lang siya? Kilala ko si Alexeus. Alam kong hindi siya 'yong tipong gagawin ang bagay na 'yon.
"S-sigurado ka ba sa sinasabi mo na 'yan? Isa pa, hindi kayo basta-basta puwedeng magpakasal," sambit ko.
Napataas siya ng kilay habang naka-ekis ang mga braso niya.
"Isa siyang prinsipe ng isang imperyo. Hindi lang basta prinsipe, siya ang tagapagmana ng trono ng kanyang ama," pagtutol ko.
"E 'di, mas mabuti kung ganoon. Ako ang magiging kauna-unahang Emperatris na nagmula sa Lykos," maangas niyang sambit.
Lalo akong napangiwi't napanganga sa sinabi niya. Nahihibang na siya.
Alam ko na. May naisip ako. Suminghal ako tapos ay tumawa nang pang-asar.
"O, bakit?" usisa niya.
"Hindi mo lubusang kilala si Alexeus, Laira," nakangiti kong sambit.
Napakunot siya ng noo. "Anong ibig mong sabihin?"
Suminghal akong muli, "Hindi mo ba alam na marami na siyang babaeng nauto? Tulad ng ginawa niya sa'yo, ganyan din niya utuin ang mga babaeng natitipuhan niya," nanunuya kong sambit.
"T-totoo ba 'yang sinasabi mo?" usisa niya.
"Oo naman. 'Di hamak na mas nauna ko siyang nakilala kaysa sa'yo kaya alam ko. Marami na siyang babaeng nabilog ang ulo. Nakapagtataka ba 'yon? Sa hitsura pa lang niya, halata mo na," sambit ko.
"Sinasabi mong...si Alexeus ay isang babaero, ganoon ba?" pag-usisa niya. Napangiti ako sa isip ko. Mukha ngang madaling utuin ang isang 'to. Hindi na 'ko magtataka kung paano siya natakasan ni Alexeus.
"Ganoon na nga, Laira. Sa katunayan niyan, kahit ako...pinangakuan niya ako ng isang kasal. Ngunit umayaw ako nang malaman ko na marami pala kaming pinangakuan niya," maangas kong sambit.
Nanlaki ang mga mata ni Laira sa sinabi ko. Ngunit agad din iyong nawala.
"'Di bale. Pag naging mag-asawa na kami, hindi ko na pahihintulutan ang bagay na iyon. Papatayin ko ang sinumang babae na aaligid sa kanya," maangas niyang sambit tapos ay umalis na siya.
Mukhang walang kuwenta ang ginawa kong paninira kay Alexeus sa kanya. Matigas ang ulo. Spoiled brat talaga ang dating ng Laira na 'yon.
Ano nang gagawin ko ngayon? Wala sa akin ang Stefaní kaya't wala akong kapangyarihan.
Napabuntonghininga na lang ako sabay bagsak ng aking mga balikat dahil sa kawalan ng pag-asa.
Ang selda ko ay nasa loob ng isang madilim na silid na medyo may kalakihan. Gawa sa bricks ang pader nito maging ang sahig. At sa isang maliit na bintana na nasa bandang itaas ng pader nagmumula ang liwanag at hangin na pumapasok dito sa silid na 'to.
Umupo na lamang ako sa isang tabi at ipinatong ang aking ulo sa aking mga tuhod. Sa mga oras na 'to, masasabi kong si Alexeus na lang ang tanging pag-asa ko.
Matapos ang nakabibinging katahimikan, bigla akong nakarinig ng pagguho. Agad naman akong napatingin sa gawing iyon.
Nanlaki ang mga mata ko at agad akong napatayo.
"Alexeus..."
Nabuhayan ako ng pag-asa nang makita ko siya. Pumasok siya mula sa gumuhong pader, hawak ang kanyang Flágo at lalong lumiwanag ang silid dahil sa malaking butas sa pader na siguradong ginawa ni Alexeus.
Agad siyang pumunta sa'kin at iwinasiwas ang kanyang espada kaya't nawasak ang mga rehas ng aking selda.
Inilahad ko sa kanya ang nakagapos kong mga kamay. Nang hihiwain na niya ay napapikit ako. Pagdilat ko ay tanggal na ang kadena at nalaglag ito sa lapag.
Hinawakan niya ang pulsuhan ko, "Halika na," sambit niya sabay hila sa akin papalabas ng silid mula doon sa ginawa niyang butas doon.
"Teka sandali," sambit ko tapos ay huminto kami.
"Bakit?" tanong niya pagharap niya sa'kin.
"Kasi...'yong Stefaní ko. Wala siya sa'kin." Nanlaki naman ang mga mata niya sa sinabi ko.
"Ano?...Paanong...Nasaan?" usisa niya na kahit mukha siyang kalmado ay halata ko pa rin na natataranta siya.
"Naka'y Laira siya. Mukhang kinuha niya 'yon sa'kin habang wala akong malay," sagot ko.
Nakita ko ang pag-igting ng panga niya. Hindi ako makatingin sa kanya dahil ramdam ko ang pagka-inis niya.
Bumuntonghininga siya ng may ingay, "Dito ka lang," bilin niya.
Napatingin ako sa kanya dahil sa narinig ko.
"'Wag kang aalis dito. Babalikan kita kaagad, maliwanag?" bilin niya.
"E paano kung mahuli ako?" pag-aalala ko.
"Tawagin mo lang ako. Darating agad ako para sa'yo," sagot niya.
Kahit papaano'y, nakaramdam ako ng kapanatagan sa sinabi niya. Pagkatapos ay umalis na siya. Habang naghihintay ako sa kanya, inilibot ko muna ang paningin ko sa paligid.
Hmm, eto pala ang tribo ng Lykos. Mukhang kastilyo itong kuta ng kanilang pinuno, na may kalumaan at nakatayo ito sa isang mataas na lugar. Kaya naman tanaw ko mula rito ang kanilang buong tribo.
Kung ang mga kabahayan sa tribo ng Poulí ay gawa sa kawayan at pawid na mistulang mga kubong nakaangat mula sa lupa, dito sa Lykos, mukha lang mga malalaking tent na gawa din sa kahoy at pawid.
Medyo nakakalula dito sa puwesto ko dahil sa taas nito at bingit na rin ito. Makipot ang daan na wala namang harang kaya maling galaw mo lang, siguradong hulog ka.
Ano kayang ginagawa ngayon ni Alexeus para mabawi ang Stefaní ko?
Malamang, baka inuuto na naman si Laira. Napangiwi na lang ako sabay iling dahil sa naisip ko.
"Charlotte." Nabigla ako sa pagsulpot ni Alexeus sa likod ko.
"Heto." Nakangiti niyang iniabot sa akin ang Stefaní.
Napangiti na rin ako sabay suot nito sa kamay ko.
"Halika na. Baka magduda pa si Laira at maisipan pa niyang sundan ako," sambit niya sabay hinawakan niya ang pulsuhan ko. Tatakbo na sana kami nang bigla kaming napahinto dahil may mga humarang sa amin.
"Saan kayo pupunta?" Nabigla kami sa biglang pagsulpot ni Laira. At mukhang nagliliyab siya sa galit! Sa taranta namin ni Alexeus ay nagpatuloy na lang kami sa pagtakbo.
"Hulihin ang dalawang 'yan!" utos niya sa mga kasama niyang Lykosian. Isang grupo ng mga lalaking Lykosian na may mga dalang iba't ibang armas ang humahabol sa amin ngayon.
Sa katatakbo namin, hindi na namin namalayang nakarating na kami sa bingit ng bangin. Wala na tuloy kaming nagawa pa kundi ang huminto na lang dahil wala na rin kaming ibang mapupuntahan pa.
Isa pa, napapalibutan na nila kami!
Pinaurong ako ni Alexeus sa kanyang likuran, "Flágo." Sabay litaw nito sa kanyang kamay.
Sabay-sabay nilang sinugod at inatake si Alexeus. Nasasangga naman ng espada niya ang bawat atake sa kanya ng mga kalabang gumagamit din ng espada, kahit pa sumusulpot sila sa magkakaibang direksyon.
Aatakihin naman ako ng ibang Lykosian. Mabuti't alerto ako kaya't nasasangga ko ng apoy na harang ang bawat atake nila.
May akmang aatake kay Alexeus sa kanyang likuran kaya't agad ko iyong tinira ng apoy.
Pagkabulagta ng isang 'yon, sa akin natuon ang atensyon ng mga kalaban, kaya't ako na ang aatakihin nila ngayon.
Ngunit bago pa sila makalapit ay natira ko na sila ng apoy mula sa aking mga palad.
Nang bumulagta sila ay agad akong nilapitan ni Alexeus.
"Paano naman tayo makakababa mula sa napakataas na bangin na 'to?" tanong ko habang nakatingin sa ibaba na nababalutan ng mga mayayabong na puno. Na sa sobrang taas ng kinalalagyan namin, mistulang ga-langgam na lamang ito sa aming paningin. Wala naman kaming ibang pupuntahan.
May bigla naman akong natanaw na lumilipad papalapit sa amin.
"Teka, si Kuro ba 'yon?" tanong ko habang pilit na tinatanaw ang Poulíang lumilipad papalapit sa amin.
"Charlotte," tawag sa akin ni Alexeus kaya't nilingon ko siya.
"Hah?"
"May tiwala ka ba sa'kin?" tanong niya bigla habang nakatingin sa mga mata ko. Kita ko ang pagiging sinsero niya.
Napakunot ako ng noo. "Ah, o-oo naman," sagot ko kahit nagtataka pa 'ko.
"Kung ganoon, kumapit ka sa'kin," sambit niya.
"Ha? Bakit naman?" pagtataka ko.
"Basta gawin mo na lang," pagpilit niya. Sumulyap muna ako ng kaunti sa aking likuran at mukhang nagkakamalay na ang mga Lykosian.
Kaya kumapit na agad ako sa braso niya.
"Tsk. Hindi ganyan," sambit niya. Tapos ay nagulat na lang ako nang iharap niya ako sa kanya at ipinulupot ang mga braso ko sa katawan niya. "Ganito ang ibig kong sabihin."
Bigla na namang bumilis ang t***k ng puso ko.
At mayamaya lang ay halos malaglag ang puso ko nang biglang nagpatihulog siya habang yakap ako! Naku po, eto pala ang ibig niyang sabihin!
Dahil sa takot ay lalong napahigpit ang yakap ko sa kanya at napapikit na rin ako.
Ramdam ko ang pagsalubong ng hangin sa amin habang bumubulusok kami pababa. Mayamaya lang, naririnig ko ang mahinang pagdaing ni Alexeus habang nahuhulog kami sa pagitan ng mga puno.
Siguro nasasaktan siya sa pagtama ng katawan niya sa mga dahon at sanga ng puno.
Sandali lang ay naramdaman ko ang pagtalamsik ng tubig. Nahulog kami sa isang ilog.
Ngayon, para kaming mga basang sisiw na umahon sa ilog. Ang lamig!
"Ano ba 'yan, Alexeus! Natakot ako do'n, ha! Bakit nagpatihulog tayo nang walang pasabi? Paano kung mamatay tayo do'n?" sambit ko nang may halong inis. Basang-basa na talaga ako.
Tumawa siya, "Sa tingin mo, hahayaan ko na mangyari 'yon? Alam kong sa tubig tayo babagsak kaya kampante ako," sagot naman niya.
Napakunot ako ng noo, "Kahit na. Tingnan mo, nabasa tuloy tayo. Nakita mo naman pati na paparating si Kuro, dapat hinintay na lang natin siya at nailipad niya tayo pababa," sambit ko habang pinipiga-piga ang dulo ng palda ko. Nakita ko naman siyang tumalikod sa'kin.
"Ayaw kong magpatulong. Kaya kitang iligtas kahit ako lang mag-isa. Ako ang iyong kabalyero kaya't ako lang ang gagawa ng aking tungkulin sa'yo," seryoso niyang sambit. Parang mas malamig pa ang pagkakasambit niya kaysa sa tubig sa ilog.
"Bilisan na nating makabalik sa Poulí. Para makapagpatuyo na tayo. Baka magkasakit ka pa niyan," malamig pa rin ang pagkakasambit niya. Lumakad na siya kaya't sumunod naman ako.
Bigla kong naalala. Siya nga pala, 'yong kuwintas!