Charlotte
"Narito na tayo," sambit ni Lucio pagbaba namin ng karwahe.
Napaawang ang aking bibig sa laki ng templo ng kanilang sinasabing pinuno. Hindi maipagkakaila ang antas ng kanilang 'pinuno' sa lipunan dahil sa kanyang tahanan. Ang laki. Parang Taj Mahal, 'yong museleo na mukhang palasyo ng isang maharlika sa India. At napalilibutan din ito ng tubig.
Pumasok na kami sa loob. 'Di ko maiwasang ilibot ang aking paningin dahil sa ganda at lawak ng paligid. Aba, may mga tubig din na dumadaloy sa bangbang ng sahig. Mukhang konektado ito sa isang malinis na ilog.
"Bakit panay tubig ang templong ito?" usisa ko habang patuloy lang kami sa paglalakad.
"Sapagkat nakatayo ito sa ibabaw ng isang ilog. Ayon ito sa kagustuhan ni Pinuno," sagot ng isa. Kaya pala. Bakit niya kaya ito naisipang gawin? Kakaiba ang trip ng isang 'to ah.
Nagpalinga-linga pa 'ko sa paligid. Halos puti at berde ang nangingibabaw na kulay dito. Makintab na gawa sa marmol ang sahig. Napakatataas ng kisame at sa sobrang lawak ng lugar, umaalingawngaw sa paligid ang aming mga yabag.
Tapos sa may mga nadadaanan din kaming mga naglalakihang rebulto. Iba-iba, may rebulto ng mga hayop, mandirigma, at ng diyosa. Mga kulay puti rin ang mga ito na mukhang gawa din sa marmol.
May mga muwebles din kaming mga nadaanan na 'di maipagkakailang may kamahalan pag iyong pinresyohan.
Pakiramdam ko, ilang oras na kaming naglalakad. Ang laki naman kasi ng templong ito. Medyo napapagod na ang mga paa ko.
"Narito na tayo," sambit bigla no'ng isa.
Huminto kami sa tapat ng isang malaking pintuan. Mukhang gawa sa isang matibay at makapal na kahoy ang malaking pintuan na ito na kulay puti at may mga komplikadong disenyo. Maging ang busol nito ay gawa sa ginto. Tapos ay kumatok ang isa naming kasama.
"Tuloy," sambit ng nasa loob.
Habang binubuksan nila Lucio ang malaking pintuang nasa harapan namin, na silid ng kanilang tinatawag na 'Pinuno' ay 'di maalis ang bilis ng kabog ng dibdib ko. Napapalunok na lamang ako at napagkuyom ko ang aking mga palad sabay hinga ng malalim habang nag-iipon ng isang baldeng lakas ng loob.
Pagpasok namin, yumuko agad ang mga rebeldeng kasama ko bilang paggalang siguro sa pinuno nila.
"Mahal na Pinuno, narito kami ngayon upang iharap sa inyo ang hinirang na Magíssa ng Stavron," sambit ng isa.
Nakatalikod siya sa'min habang nakatayo sa harap ng isang bintana.
"Ganoon ba? Sige. Maaari ninyo na kaming iwanan," utos ng kanilang 'Pinuno.'
Lalong lumala ang kabang nararamdaman ko kanina nang iwanan na ako dito nila Lucio. Pero kailangan kong harapin ang taong 'to sa ngalan ng kaligtasan ng pamilya ni Alexeus at ng Imperyo ng Stavron.
Nakasuot siya ng isang damit na mukhang pangmaharlika. Kulay itim na vintage gothic military jacket na may gintong detalye. Puti ang kanyang pantalon at naka-leather boots na itim at may kulay itim din siyang kapa. Talagang nayaman nga siguro ang taong 'to.
"Ikinagagalak kitang makilala, mahal na Magíssa," bati niya sa'kin sabay harap niya. Tapos ay ningitian niya 'ko.
Hindi naman ako makapaniwalang bata pa pala ang kanilang pinuno. Isang matangkad at makisig na binata, na siguro matanda lang sa'kin ng hanggang limang taon.
Tila mais ang kulay ng kanyang buhok at kulay kayumanggi ang kanyang mga mata. Maputi rin ang kanyang kutis.
"Bakit ganyan ka makatingin sa akin? Nabighani ka na ba sa taglay ko'ng kakisigan?" sambit niya habang iaayos-ayos pa ang kanyang buhok.
Napakunot ang noo ko sa sinabi niya. Masyado rin yatang mayabang ang kanilang batang pinuno.
"Tunay ngang isang magandang dilag ang hinirang na Magíssa. Ano ang iyong dahilan at naparito ka? Isinugo ka ba ng Emperador ng Stavron upang ako ay tugisin?" sambit niya.
"Hindi. Walang alam ang palasyo tungkol dito. Ako mismo ang may kagustuhang makita ka," seryosong sagot ko naman.
Ngumisi siya, "At bakit nais mo akong makita?"
"Nais kitang makausap," sagot ko.
"Tungkol sa?" usisa niya.
Lumunok ako at huminga ng malalim. "Nais kong...ihinto mo ang binabalak mong pag-aalsa. At minumungkahi ko na makipag-usap ka na lamang ng maayos sa Emperador hingil sa iyong mga hinaing," seryoso kong sagot.
Natigilan siya na para bang hindi siya makapaniwala sa aking sinabi. Tapos ay tumawa siya na parang nang-aasar, "Bago nga pala ang lahat, ako nga pala si Zelion. Ikaw? Siguro naman may ngalan ang hinirang na Magíssa, hindi ba?"
"Ako si Charlotte," sagot ko.
"Ah...Charlotte. Kasingganda mo ang iyong pangalan. Alam mo, posible naman ang nais mong mangyari," sambit niya.
Nabuhayan ako ng loob sa kanyang sinabi. "Talaga?" tanong ko na mistulang 'di ako makapaniwala.
"Oo naman. Ngunit sa isang kondisyon," sambit niya.
Napakunot ang noo ko at nakaramdam ako ng 'di magandang kutob. "K-kondisyon?"
Nabigla ako nang nilaptan niya 'ko kaya't bahagya akong napaatras tapos ay hinagip niya ang baba ko at inangat ito.
"Pumayag kang maging babae ko," seryoso niyang sambit habang nakatitig sa mga mata ko.
---
Alexeus
Nakaupo ako ngayon sa loob ng isang madilim na selda na parang isang bilanggo at ang aking tanging ilaw ay nagmumula lamang sa isang sulo ng apoy sa harapan nitong kulungan ko.
Napunta ako rito matapos akong harangin ng mga kalalakihan kanina sa daan papunta sa aking kabayo at para puntahan na rin si Charlotte na paniguradong naghihintay sa akin.
"Ikaw marahil ang prinsipe nitong imperyo, hindi ba?" tanong ng isa.
Napakunot ang aking noo. Bakit naman niya tinatanong? Nakilala niya ba ako?
"Nagkakamali ka, ginoo," pagtanggi ko. Hindi ako basta-basta maaaring umamin na ako ang prinsipe. Malay ko ba kung sino ang mga ito?
Magpapatuloy na sana ako sa paglalakad nang napahinto ako dahil may nagsalita. "Sandali. Hindi kami maaaring magkamali. Ikaw si Prinsipe Alexeus. Ang prinsipeng may mga natatanging bughaw na mga mata."
Natigilan ako sa kanyang sinabi. Ibig sabihin, kilala nga ako ng mga taong ito. Tapos ay hinarap ko sila.
"Kung ako nga? Anong kailangan ninyo?" seryoso kong sambit. Mayroon akong hindi magandang kutob sa mga lalaking ito.
Lumapit pa sa akin ang isa. "Kamahalan, nais naming malaman mo na bihag namin ngayon ang Magissa ng Stavron," bulong niya sa'kin.
Nanlaki ang mga mata ko. Bihag nila ngayon si Charlotte?
"Anong balak ninyong gawin sa kanya?" seryoso't may halong galit kong tanong sa kanila. Tumawa sila ng mahina na animo'y mga nang-aasar.
"Sagutin niyo 'ko!" bulyaw ko.
"Huminahon ka, Kamahalan. Walang mangyayaring masama sa kanya kung susunod ka sa mga kagustuhan namin," sambit ng isa.
Alam ko na. Mga rebelde ang mga ito. Malamang nais nilang gamitin si Charlotte bilang bihag laban sa palasyo. Pero bakit naman? Ano ang magiging dahilan ng kanilang pag-aaklas laban sa palasyo?
Nagpupuyos ang aking damdamin. Nais kong lumaban ngunit alam kong 'di ko iyon maaaring gawin ng basta na lamang sa mga oras na 'to.
Dahil maaari nilang saktan si Charlotte pag nagkataon.
"Sige. Sabihin mo ang iyong kagustuhan, rebelde," seryoso kong sambit.
"Sumama ka sa amin ng tahimik at maluwat, Kamahalan. At sisiguraduhin naming walang masamang mangyayari sa Magissa, at sa iyo," sambit niya.
Hindi na ako nagdalawang-isip pa. Sadya akong sumama sa mga rebeldeng ito. Kailangan kong makita si Charlotte at siguraduhin ang kanyang kaligtasan. Tapos ay saka ko iisipin kung paano kami makakatakas sa mga rebeldeng ito.
Pagdating namin sa isang parte ng siyudad na wala gaanong tao, isinakay nila ako sa isang karwahe. Nang nasa loob na kami'y ginapos nila ang aking mga kamay sa aking likuran.
Hindi na ako nanlaban, ni umangal pa. Gagawin ko muna ang kagustuhan ng mga rebeldeng ito hanggang sa malaman ko kung nasaan si Charlotte at ang kanyang kalagayan.
Habang nasa daan ay tahimik lamang ako at walang laman ang aking isipan kundi si Charlotte. Na sana'y kung nasaan man siya ngayon, ligtas siya at hindi pinahihirapan ng mga rebelde.
Napabuntonghininga ko ng malalim. Kalmado lamang ako ngunit ang aking kalooba'y hindi mapakali sa pag-aalala ng husto. Malaman ko lamang na pinahirapan o sinaktan nila si Charlotte, hindi ako magdadalawang-isip na gumanti sa mga taong ito.
Nang makarating na kami dito sa sinasabi nilang templo ng kanilang pinuno, tinakpan muna nila ang aking mga mata bago ako tuluyang ibinaba ng karwahe.
Tinanggal lamang nila ang takip sa aking mata nang ikulong nila ako dito sa likod ng mga bakal na rehas. Sa aking palagay ay nasa pinakatatagong parte ako ng templo. Marahil, nasa silong ako ng kanyang templo, 'di kaya?
At sa ganoong paraan nga ako nakarating sa lugar na ito. Napansin kong walang mga bintana dito. At sulo lamang ang nagsisilbi nilang ilaw dito. May katagalan din ang pagdating ng mga susunod na nagbabantay sa akin.
"Rebelde, maaari ko bang malaman ang dahilan ng inyong pag-aaklas?" seryoso kong tanong sa taong naatasang magbantay sa akin ngayon.
"Dahil kami ay napopoot sa iyong Amang Emperador," sagot niya.
Napakunot ang aking noo sa pagtataka. "Bakit? Ano ba ang nagawang kasalanan sa inyo ng aking ama?" pagtataka ko.
"Dahil siya ay sakim. Pinabayaan niyang maghirap at mamatay ang iba sa amin dahil sa kanyang kasakiman," sagot niya na may halong galit.
Hindi ako lubos na makapaniwala sa aking narinig. Alam kong hindi iyon magagawa ng aking ama. Mabuti siyang Emperador, mabuti siyang tao. Alam ko iyon dahil saksi ako, bilang prinsipe, at bilang kanyang anak na susunod sa kanyang mga yapak.
"Hindi ako naniniwala. Hindi iyan magagawa ng aking ama," seryoso kong sambit.
Suminghal siya. "Iyan din ang paniniwala namin noon. Pero wala. Nagkamali kami. Ikaw, malamang dahil anak ka niya," maangas niyang sagot.
"Anong karumaldumal na bagay ba ang inyong tinutukoy na nagawa kamo sa inyo ng aking ama?" tanong ko.
Sasagot na sana ang rebelde nang may isang kasamahan nila ang dumating.
"Ang Magissa ng Stavron. Narito na siya ngayon. Kausap ng ating pinuno," balita niya sa kanyang kasama.
Nanlaki ang mga mata ko sa narinig ko. Si Charlotte. Kasama ang kanilang pinuno? Nagmistulang tambol ang aking puso na para bang gusto na itong kumawala mula sa loob ng aking dibdib. Nagbubutil-butil na rin ang aking malamig na pawis.
Hindi ako mapakali sa narinig ko. Ano na ngayong gagawin mo, Alexeus?