Kabanata 40: The Prince's First Love

2200 Words
Hindi pa rin talaga ako makapaniwalang nasa katawan ako ngayon ni Melayna. Totoo ba 'to? Kasalukuyan ako ngayong nagpupunas ng muwebles sa may tanggapan ng palasyo. Napansin ko lang na iba ang posisyon ng ibang mga kagamitan dito. Maging ang ibang gamit dito ay parang hindi ko naman nakikita sa palasyo. Ano ba talagang nangyayari? "Melayna." Lumingon ako sa isang tumawag sa akin. Isa ding dama rito. "Bakit?" tanong ko. "Halika na. Pinatatawag na tayong lahat sa bulwagan ng palasyo upang salubungin ang Mahal na Prinsipe," sambit niya. "G-ganoon ba." Nang maglakad siya ay sumunod na rin naman ako kaagad. "Sandali, anong taon na ngayon?" tanong ko. "Ahh, ngayon ay Taong ika-isang libo't isang daan at walompu. Bakit?" tugon naman niya. Nagulat ako sa kanyang sinabi. Ibig sabihin, nasa nakaraan ako limang taon mula sa panahong pinanggalingan ko? Umiling ako. "Wala naman." Napaisip ako. Paano ako makakabalik nito sa kasalukuyang panahon? Sa sarili kong katawan? Paano at bakit ba ako napunta dito? Namalayan ko na lang na nakarating na kami sa bulwagan ng palasyo. Nagtipon nga lahat dito ang mga tauhan ng palasyo, hanggang sa pinakamaliit ang katayuan. At nasa hanay ako ngayon ng mga dama. "Ang Mahal na Prinsipe ay narito na!" pag-anunsyo ng isang kawal. Pagkatapos iyon marinig ng lahat at nagsiyukuan sila. Tahimik lang ang lahat habang dumadaan ang prinsipe sa pasilyo. Nang magkatapat na kami at iniangat ko nang bahagya ang aking ulo. Nasilayan ko ang kanyang mukha. Seryoso lamang ang ekpresyon ng kanyang mukha at mas bata. Malamang dahil labintatlong taong gulang pa lamang siya nang mga panahong 'to. Tapos ay sandaling nagtama ang mga mata namin. Mga isang segundo siguro. Ibang-iba talaga siya mula sa Alexeus na kilala ko ngayon. Mukhang mas malala ang kasungitan ng isang 'to kaysa sa Alexeus na nakilala ko sa unang pagkakataon. Pagkatapos naming salubungin ang pagdating ng prinsipe ay pinabalik na kami sa kanya-kanya naming gawain. --- Narito ako ngayon sa silid ng mga dama ng palasyo. Ang silid na ito ay nasa likurang bahagi ng palasyo. Katamtaman lamang ang laki nito para sa isang-dosenang dama dito sa loob na may tig-iisang kama na pang-isahang tao lang talaga ang laki.  "Lutang na lutang na ang kakisigan ng Prinsipe kahit labintatlong taong gulang pa lamang siya. Lalong-lalo na ang pares ng kanyang mga bughaw na mata. Sadyang kaakit-akit," sambit ng isa. "Tama. Sang-ayon ako sa'yo. Masuwerte ang mapipiling asawa ng Prinsipe. Sana nga lang maaari siyang makapag-asawa ng isang dama," sambit naman ng isa. "Naku, hanggang pangarap na lamang 'yan. Dahil hindi 'yon maaari. Hindi kailanman mapahihintulutan ang pagmamahalan ng isang maharlika at ng isang hamak na alipin," sabi naman ng isa. "Pagkatapos ng limang taon ay itatakda nang mag-asawa ang Prinsipe," sambit naman ng isa. Nakaupo lamang ako sa sarili kong kama habang tahimik na nakikinig sa kanila. Bigla ko tuloy naalala ang gabi ng pagtitipon sa bulwagan. Nang mapili niya 'ko bilang mapapangasawa niya. "Melayna." Napalingon ako sa kanila nang tinawag nila ang pangalang 'yon. "Kasing-edad mo ang Prinsipe, 'di ba? Ano namang masasabi mo ngayong nakita mo na siya sa unang pagkakataon?" usisa ng isa. Napakunot naman ang noo ko dahil sa sinabi niya. Sa unang pagkakataon? "O bakit, Melayna?" tanong niya. "Unang pagkakataon?" pagtataka ko. "Ah, oo. Kararating mo pa lamang dito sa palasyo isang buwan na nakararaaan ngunit wala naman dito ang Prinsipe dahil nagbabakasyon siya sa Baltsaros," sagot ng isa. "Nakalimutan mo na ba?" usisa niya. "Ah...h-hindi naman sa ganoon," palusot ko. Humiga na lamang ako sa aking kama patalikod sa kanila. Nang ipasok ko ang isa kong kamay sa ilalim ng unan ko ay parang may nakapa akong kung ano. Kaya naman kinuha ko ito. Nanlaki ang mga mata ko sa nakita ko. "'Yong libro," bulong ko sa sarili ko. Eto 'yong libro na binasa sa'kin ni Airlia. Tapos ay binuklat ko ang pabalat ito. "Ang Pag-ibig ng Isang Manlalakbay," pagbasa ko sa pamagat nito na nakasulat sa unang pahina. Teka sandali. Nakakabasa ako ng Aglaerus? Hindi ako makapaniwala! Marahil nasa katawan kasi ako ni Melayna kaya gano'n. Binuklat ko pa ang mga sumunod na pahina. Pinasadahan ko lamang ng tingin ang mga ito. Saka ko na lamang ito siguro babasahin. Nang sumunod na araw, inatasan ako ni Lisara na maglinis ng silid-aklatan. Sa pagkakaalam ko, lima ang silid-aklatan dito sa palasyo. At dahil ang pangunahing silid-aklatan lamang ang alam ko ay doon na lang ako nagtungo. Bahala na. Dahan-dahan kong binuksan ang pinto at tahimik na pumasok. Nakabibingi talaga ang katahimikan dito. Wala namang nagbago sa histura nito sa paglipas ng mga taon. Nagsimula ako sa unang istante ng mga libro. Pinagpagan ko muna ang mga ito gamit ang dala kong panlinis na gawa sa balahibo saka maayos na sinalansan isa-isa ang mga libro sa istante. Nilibot ko ang paningin ko sa buong silid. Napabuntonghininga ako dahil siguradong nakakapagod ito dahil sa dami ng mga librong naririto. Tapos napakalawak pa ng silid na ito. Iniisip ko pa lang napapagod na 'ko. Pero tuloy-tuloy pa rin ako sa aking ginagawa. Hindi naman pati sinabi ni Lisara na tapusin ko 'to sa loob lang ng isang araw.  "Anong ginagawa mo dito?" Isang maawtoridad na tinig ang aking narinig kaya't napahinto ako. Tapos ay dahan-dahan akong lumingon sa aking likuran. Nanlaki ang mga mata ko kung sino ang taong nagsalita. Halos mapako ako sa aking kinatatayuan habang titig na titig sa kanya. "Dama? Kinakausap kita." Bigla naman akong natauhan nang magsalita siyang muli. "Uh...uhm...p-pasensya na, Kamahalan. Napag-utusan lamang ako ni Lisara na maglinis dito," naiilang kong sagot. Napakunot siya ng noo. "Ano? Wala naman akong ipinag-uutos na ipalinis ang silid-aklatan na ito. Alam mo ba na hindi ka maaaring pumasok dito nang walang pahintulot sa isang maharlika?" masungit niyang tugon. "G-ganoon po ba? P-pasensya na po," sambit ko habang pilit siyang iniiwasan ng tingin. "Sa palagay ko'y bago ka lamang dito," sambit niya. "O-opo. Kararating ko pa lamang dito noong nakaraang buwan. Ako po si Melayna, Kamahalan," sambit ko. "Melayna. Makakaalis ka na," maawtoridad niyang sambit. Napayuko na lamang ako sabay umalis. Noon pa lang talaga may kasungitan na talaga itong si Alexeus. Bigla ko tuloy naalala ang una naming pagkikita. Napailing na lamang ako sabay napangiti sa aking isip. --- Nang matapos ang mga gawaing iniatas sa akin, dumeretso na ako sa silid. Nakakapagod pala talaga ang maging isang kasambahay. Halos manlambot ang buong katawan ko sa mga ginawa ko. Pabagsak akong umupo sa aking kama. Naalala ko bigla 'yong libro. Kaya naman kinuha ko ito sa ilalim ng unan ko. Binuklat ko ang paunang pahina. "Noong unang panahon, may isang manlalakbay na naligaw sa isang kaharian. Ang manlalakbay na ito ay nagmula pa sa kabilang panig ng mundo. Naglalakbay siya upang makatuklas ng mga bagay-bagay sa iba't ibang lupain na kanyang mapupuntahan. Bukod kasi sa isa siyang manlalakbay, isa rin siyang mananaliksik sa kanilang bansa," pagbasa ko. "Nang mabatid ng palasyo ang kanyang pagdating, ipinatawag kaagad siya ng Hari ng kahariang ito. Wala namang alinlangang nagpunta ang manlalakbay nang mabatid niya ang imbitasyon na iyon na nagmula pa mismo sa palasyo," pagpapatuloy ko. "Nang ako ay makatapak sa palasyo, ang kagandahan nito ang una kong napuna. Ngunit akala ko'y iyon lamang ang makabibihag sa aking mga mata. Tapos ay nasilayan ko ang iyong mga mata. Napagtanto kong hindi lang ang aking atensyon ang iyong nakuha. Ngunit maging ang aking puso ay nabihag mo na rin," pagbasa ko pa sa dayalogo ng tauhan. Matapos kong basahin ang mga katagang iyon, sa isang iglap ay bigla na lamang nagdilim ang paligid. Nakaramdam ako ng pagkataranta kaya't wala na akong nagawa kundi ang magpalinga-linga sa paligid. Tapos ay nakaramdam ako bigla ng p*******t ng ulo. May mga alaalang biglang lumilitaw sa aking isipan. Gaya na lamang ng pagkakahuli ni Alexeus kay Melayna na palihim na nagbabasa sa pangunahing silid-aklatan.  At doon na nagsimula ang lahat. Noong una'y hindi pa sang-ayon si Alexeus sa pagpuslit doon ni Melayna dahil mahigpit na pinagbabawal ang pagpasok doon ng mga alipin. Ngunit nang magkakilala sila nang mabuti ay naging malapit na magkaibigan sila. Hindi man kapanipaniwala sa iba, ngunit tunay na naging malapit na magkaibigan ang isang maharlika at isang alipin.   Ang mga alaala nina Melayna at Alexeus ay mga nagsusulputan sa isip ko na para bang mga alaala ko mismo ang mga ito. Habang nakikita ng isipan ko isa-isa ang mga alaalang ito, nakakaramdam ako ng paninikip ng dibdib na para bang kinakapos ako nang paghinga. Masaya silang dalawa. Ang mga ngiti at tawa ni Alexeus. Masasabi mong totoo ang mga ito dahil makikita mo rin ang ligaya sa kanyang mga mata. At ang kasama niya ay si Melayna.  Si Melayna ang nakakapagpasaya sa kanya ng tunay. Bigla kong naisip. Kaya ko rin kayang pangitiin ng gano'n si Alexeus? Ilang sandali ay bigla nang lumiwanag ang paligid. Labis ang aking pagtataka nang mapagtanto kong nasa kusina ako ngayon. Pinagmasdan kong mabuti ang paligid ko. May ilang mga dama akong kasama dito na may mga kanya-kanyang lugar na nililinis dito. "Hoy, Melayna!" Nagulantang ako sa sumigaw sa aking 'yon. "Ano pang tinatayo-tayo mo diyan? Bilisan mong tapusin 'yang paghuhugas ng mga pinagkainan!" utos ni Lisara. "O-opo," tanging nasagot ko. Agad na akong nagsimulang gawin ang kanyang pinagagawa. Nakakapagtaka. Paano ako napunta dito? Samantalang nasa kuwarto ako kanina? Pagkatapos ko sa aking gawain, naglalakad ako ngayon sa pasilyo papunta sa aking silid. Pero habang naglalakad ako, bigla akong nakaramdam ng pagkahilo. Napasandal tuloy ako sa pader. Pakiramdam ko rin ay hinang-hina ako. Halos nangangalumata na 'ko. Pakiramdam ko'y babagsak ako ano mang oras. Nakaramdam ako bigla na parang may tumulo mula sa aking ilong. Nang kinapa ko ito, nakakita ako ng dugo sa aking kamay. Nakaramdam ako bigla ng takot kaya't bumilis na naman ang t***k ng puso ko sa kaba. Dugo. Bakit may dugo? Hindi ko na kaya. Hinang-hina ako. Bakit? Ano bang nangyayari? Bakit ganito ang nararamdaman ko? At dahil hindi ko na talaga kaya, tuluyan na akong bumagsak sa sahig at nawalan ng malay. --- "Melayna!" "Melayna, gumising ka!" Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata dahil sa tinig na tumatawag sa'kin. Nakita kong pinalilibutan ako ng mga damang kasamahan ko habang nakahiga ako sa aking kama. Nakikita ko sa mga mukha nila na sobra silang nag-alala sa'kin. "Melayna!" Napatingin kaming lahat sa kung sinong dumating. Nagulantang ang lahat dahil hindi nila talaga iyon inaasahan. "K-Kamahalan," sambit nila sabay yuko bilang pagbibigay-galang. "Anong nangyari sa'yo, Melayna? Ayos ka lang ba? Nabalitaan ko kay Lisara ang nangyari. Natagpuan ka raw nilang walang malay na nakahiga sa sahig. At nagdudugo ang ilong. Ano? Kamusta? Anong nararamdaman mo ngayon?" sambit ni Alexeus na bakas ang labis na pag-aalala habang nakaupo sa gilid ng kama ko at hawak-hawak ang isa kong kamay. Ngumiti ako. "Ayos lang po ako, Kamahalan. Wala po kayong dapat na alalahanin," sambit ko. Bumangon ako upang makaupo. Tapos ay tiningnan ko siya sa kanyang mga bughaw na mata. Kitang-kita ko ang pag-aalala niya para sa'kin. Ay hindi. Para pala kay Melayna. Ako si Melayna ngayon, 'di ba? Bigla akong napaubo ng malakas kaya't tinakpan ko agad ang aking bibig. Matapos kong umubo ay nakakita ako ng maraming dugo sa aking kamay. Napalunok ako at nanlalaki ang aking mga mata. Bakit?  "Melayna! Ano bang nangyayari sa'yo?" pag-aalala ni Alexeus. "H-hindi ko rin alam. Hindi ko alam," sagot ko. "Huwag kang mag-alala, ipatitingin kaagad kita sa isang mahusay na manggagamot ng imperyo," sambit niya. Tumango na lamang ako bilang sagot. Nagulat ako nang bigla niya kong yakapin nang mahigpit. At nang dahil do'n, napanatag ang aking kalooban. Gumaan ang aking pakiramdam kahit papaano. --- Pansin na pansin ang pangangayayat ng aking katawan. Namumutla na rin ako at madaling manghina, mahilo at hapuin. Kaya naman hindi na ako masyadong pinakikilos pa sa palasyo gaya na rin ng kagustuhan ni Alexeus. Hindi ko gusto ang nangyayari sa akin na 'to. Sa tingin ko'y may malubha akong sakit. Isang araw ay dumating na rin ang manggagamot na tinawag ni Alexeus upang ipasuri ako. "Kamahalan, si Melayna ay nagtataglay ng isang malubhang karamdaman sa baga," sambit ng manggagamot. Nabigla kaming dalawa sa aming narinig na pawang hindi kami makapaniwala. Ako? May sakit na gano'n? "I-isa 'yon sa mga karamdaman na wala nang lunas. 'di ba?" usisa ni Alexeus. "Sa kasamaang palad, oo. Isa 'yon sa mga karamdamang wala nang lunas pa. At ang labis na nakalulungkot..." Nangtinginan kaming tatlo tapos ay huminga ng malalim ang doktor. "Hindi na magtatagal pa ang kanyang buhay," sambit ng doktor. Labis naming ikinagulat ang balitang iyon. Halos gumuho ang mundo ko sa aking narinig. Mamamatay na 'ko? Dito na nagsimulang bumuhos ang mga luhang namuo sa aking mga mata.  "May kulang-kulang tatlong buwan na lamang ang kanyang itatagal," dagdag pa ng doktor na lalong nakapagpawasak ng puso ko. At dito na ako napahagulgol. Mamamatay na 'ko sa murang edad?  Namalayan ko na lang na nakayakap na sa'kin si Alexeus.  "Melayna..." sambit niya. "M-mamamatay na raw ako. Mamamatay na'ko," paghagulgol ko. "Sshh...tama na. Kahit anong mangyari, nandito lang ako. Hindi kita iiwan kahit anong mangyari. Nasa tabi mo lang ako palagi, pangako," sambit pa niya. Patuloy lang ako sa pag-iyak kaya't napayakap na rin ako sa kanya. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD