Kabanata 26: Confession - Leaving at Pouli

1964 Words
Narito na kami ni Alexeus sa Poulí. At dahil nga basang-basa kami, pinahiram muna nila kami ng damit nila. Mukha itong chiton, tawag sa damit ng mga sinaunang Griyego. Kaso 'yong suot ko, may maikling manggas dahil pagmamay-ari talaga ito ng isang batang Poulían. 'Yon lang daw kasi ang kasukat ko eh. Pero ayos lang, komportable naman sa pakiramdam. "Charlotte." Nilingon ko ang tumawag sa'kin. "O, Alexeus." Mukhang bagay din sa kanya ang chiton. Kitang-kita ang mga braso niyang may kalakihan. "Aalis na tayo dito sa Poulí bukas. Kailangan na nating makausad sa paghahanap ng mga kosmima," sambit niya. "Naintindihan ko," sagot ko sabay tango. Paglabas namin ni Alexeus sa aming tinutuluyan, nabaling sa amin ang atensyon ng mga Poulían na mukhang may pinagpupulungan. Napatingin na rin sa'kin si Aviar. Bigla na naman akong kinilabutan dahil sa sindak. Tapos lumapit pa siya sa'kin. Napakapit tuloy ako sa damit ni Alexeus ng 'di oras. Nabigla ako nang tumawa siya. "Mukhang natatakot ka nga sa akin, mortal," magiliw niyang sambit. Nagulat at napakunot ang noo ko sa inasal niya. Nakakapagtaka. Ano kayang nakain nitong si Aviar? O baka naman may nasinghot siyang masamang hangin? O 'di kaya nama'y may sanib? "Nakikita ko sa iyong mukha ang pagtataka, binibining mortal," sambit niya. Tama naman kasi siya. "Nais ko lang naman sanang magpasalamat sa ginawa mo. Ngayon, mapapayapa na ang lahat sa pagitan ng Poulí at Lykos," nakangiti niyang sambit. Napatingin ako kay Alexeus, tapos ay ibinalik ko na rin ang tingin ko kay Aviar, "Anong ibig mong sabihin?" pagtataka ko. "Nang dahil sa'yo, naliwanagan na si Lykoias. Sa'yo lang pala siya makikinig," sambit niya sabay tawa. "Maraming salamat," nakangiti niyang sambit sa akin kaya't ningitian ko na rin siya. Tinapik ni Aviar ang balikat ko, tapos ay umalis na siya. -- Aviar Narito ako ngayon sa aking silid at nakaupo sa aking tanggapan habang umiinom ng paborito kong tsaa. Bumuntonghininga ako nang may kapanatagan. Lubos talaga akong nagpapasalamat kay Bathalang Boreas sapagkat natapos na rin sa wakas ang alitan namin sa mga taong lobo. Matatahimik na rin ang aming mga tribo matapos ng dalawampu't limang taon. Bigla namang may kumatok sa aking pintuan. "Sino 'yan?" "Ako 'to, Ama." Ah, si Kuro pala. "Tuloy ka, anak," sambit ko. Pumasok naman siya pagkatapos. "May kailangan ka ba?" tanong ko. Umiling siya. "Nakita ko ang pakikitungo mo kay Charlotte kanina. Hindi ka na ba galit sa kanya?" usisa niya. Nakatingin lamang ako sa kanya. Alam ko ang iniisip niya. At ang nararamdaman niya para sa mortal na nagmula sa Stavron. Tumawa ako. "Hindi, sapagkat siya ang nagligtas sa ating tribo. Kung hindi siya nagsalita kay Lykoias ay hindi mahihinto ang alitang ito." Ningitian lamang ako ng aking anak. Tapos ay nagsalita pa ako upang ikuwento naman ang nagyari sa amin ni Lykoias. Nagkita kaming muli ni Lykoias upang magtuos. Handa na ako sa anumang pag-atake. At nang pakiramdam ko ay handa na ako, sinugod ko na siya. Inatake ko siya ng inatake gamit ang aking espada ngunit siya namang nasasangga ang mga ito. Sa tindi ng mga salpukan namin ay maririnig ang mabibigat na kalampagan ng aming mga espada sa isa't isa. "Tapusin na natin 'to, Lykoias," paghamon ko sa kanya.  Habang naglalaban kami, parang pakiramdam ko'y may kakaiba sa kanya. Ngunit hindi ko na iyon pa pinagtuunan ng pansin. Dahil ang tanging nasa isip ko lang ay ang magapi siya at maipagtanggol ang ating tribo. Nang aatakihin ko nang muli siya ng aking espada ay agad siyang nakailag. Mabilis niyang sinipa ang aking kamay na may hawak dito kaya't nabitiwan ko ang espada. Sa kanyang bilis ay hindi ko namalayan ang kanyang ginawa. Tapos ay tinutukan niya 'ko sa aking leeg. Akala ko'y katapusan ko na ng mga oras na iyon. Ngunit ibinaba din niya ang kanyang espada. Nabigla ako sa kanyang ginawa. "Totoo ba? Na hindi ikaw ang pumatay sa aking asawa dalawampu't limang taon na ang nakararaan?" seryoso niyang tanong sa akin. Nagtaka naman ako sa tinanong niyang iyon sa akin. "Saan mo nalaman ang tungkol sa bagay na iyan?" usisa ko. "Doon sa babaeng mortal na bihag ngayon ng aking anak sa aming tribo." sagot niya. At doon ko kinumpirma sa kanya ang lahat. Naging maliwanag na sa amin ang lahat matapos naming makapag-usap. Inihinto namin ang labanan at nagkasundo sa ngalan ng kapayapaan. "Ngunit mas nagpapasalamat ako sa iyo, anak ko. Dahil naikwento mo sa mortal ang bagay na iyon. 'Di na rin masama." Tapos ay tumawa siya at lumagok naman ako ng aking tsaa. Napangiti ang aking anak na para bang napanatag siya. "Iyon ay dahil pinagkakatiwalaan ko siya, Ama," sambit ni Kuro.  Tapos ay ningitian ko siya. At alam kong alam na niya ang ibig kong sabihin. -- Charlotte Naglalakad-lakad ako habang si Alexeus ay iniwan kong nakikipagkuwentuhan sa ibang Poulian na interesado sa sibilisasyon sa labas ng Hagnos. "Charlotte." Napalingon ako sa tumawag sa'kin. "Kuro." "Nabalitaan kong aalis na kayo bukas ni Alexeus," bungad niya. "Ah, oo. Kailangan na kasi namin makausad sa aming paglalakbay," sambit ko. Napansin ko na mukhang nalungkot si Kuro. "Salamat nga pala sa ginawa mo para sa aming tribo," sambit niya. Ngumiti ako, "Naku wala 'yon. Dapat naman talaga, at kailangan talagang malaman na ni Lykoias ang katotohanang hindi niya pinakinggan na umabot pa ng dalawampu't-limang taon." Napansin ko ang pagkatulala niya sa akin. "Kuro, may problema ba?" Bigla siyang umiwas ng tingin, "W-wala naman." Tapos ay nagsalita pa siya, "At dahil aalis ka na, may nais sana akong sabihin sa'yo." "Ano naman 'yon?" usisa ko. Huminga muna siya ng malalim, "Nais kong malaman mo na...ikaw ay..." Tiningnan ko siya na pawang sinasabi ko na ipagpatuloy niya. "Ikaw ay...aking iniibig, Charlotte."' Nabigla ako sa sinabi niya. Seryoso ba siya? Namayani ang sandaling katahimikan sa aming dalawa, na tanging pagaspas lang ng hangin ang aming naririnig. Mayamaya'y umiwas siya ng tingin at parang namumula ang kanyang mga pisngi.  "Alam ko na, walang puwang sa iyo ang pag-ibig 'pagkat magiging sagabal lamang ito sa iyong misyon bilang ang Magissa ng Stavron. Ngunit nais ko lamang ipabatid ang aking nararamdaman para sa iyo," sambit pa niya. Uhm, ano bang dapat kong sasabihin sa kanya? Natahimik kaming muli. Nabigla talaga ako sa pagtatapat niyang 'to. Hindi ko naman kasi inakala. Kaya hindi ko talaga alam ang dapat sabihin. Isip, Charlotte. "Ikaw ay isang mabuting nilalang, Kuro. Kaya, salamat sa sinabi mo. At pasensya na rin kung 'di ko makakayang suklian pa ang nararamdaman mo para sa'kin," sambit ko. Ngumiti siya, "Ayos lang 'yon, Charlotte." Kahit sinabi niya 'yon, ramdam ko ang lungkot at pagkabigo sa kanya. "Magkaibigan pa rin tayo, 'di ba?" sambit ko. "O-oo naman..." sagot ni Kuro. Pasensya na talaga, Kuro. Matapos namin mag-usap ay bumalik na 'ko sa lugar ng tinutuluyan ko. At nadatnan ko si Alexeus na nakaupo sa ilalim ng isang puno, nakasandal siya at mukhang natutulog. Sumasabay sa pagaspas ng hangin ang mga dahon ng mga puno, gayon din ang kanyang buhok. Dahan-dahan ko siyang nilapitan. Tapos ay umupo ako pantay sa kanya. 'Di ko na naman naiwasang titigan ang mukha niya. Tinititigan ko ito habang dinadama ang simoy ng sariwang hangin. "May kailangan ka ba?" Muntik na akong atakihin sa gulat nang magsalita bigla si Alexeus.  "G-gising ka?" nauutal ko'ng tanong. "Nagising lang ako nang maramdaman ko na parang may mga matang nakatitig sa'kin," sagot niya matapos niyang dumilat. Umiwas ako ng tingin, "Pasensya na kung naabala kita." Tumawa siya, "Hindi mo 'ko naabala. Ang totoo niyan, hinahanap kita dahil may nais akong ibigay sa'yo." Napatingin ako sa kanya matapos niyang sabihin 'yon. Inilahad niya sa'kin ang nakaikom niyang kamay. Tapos may nalaglag mula dito. "'Yong kuwintas! Akala ko, hindi mo 'yan nakuha," sambit ko.  Ngumiti lang siya tapos ay isinuot niya sa akin ang kwintas. Hayan na naman ang puso ko, kumakabog-kabog na naman.  Bumalik na siya sa pagkakasandal niya sa puno, "Sa'yo lamang nababagay iyan." Nakaramdam ako bigla ng pag-init ng pisngi dahil sa sinabi niya. Sabay napahinga ako ng malalim. Kinabukasan ng umaga, handa na kaming umalis ni Alexeus. Nasa bukana kami ngayon ng kanilang tribo kasama sina Aviar, Kuro, at iba pang mga Poulian upang magpaalam. "Maraming salamat sa pagtanggap sa amin dito sa tribo ninyo," sambit ko ng may ngiti. "Walang anuman iyon, Charlotte. Maraming salamat din sa mga naitulong ninyo sa aming tribo," sambit naman ni Aviar. "Hanggang sa muli, Magissa," sambit pa niya.  Tapos ay tumingin siya kay Alexeus, "Kamahalan." Nabigla kaming lahat sa huling sinabi ni Aviar. Paano niya nalaman? "Kamahalan?" sabay-sabay na sambit ng mga Poulian na nagtataka. Natawa si Aviar, "Iyang kuwintas na suot ni Charlotte. Sa aking pagkakaalam, ibinibigay iyan ng mga maharlika sa binibining nais nilang mapangasawa." Tumingin muli siya kay Alexeus, "At ikaw ang nagbigay niyan sa kanya, hindi ba?" Tumango lang si Alexeus bilang sagot. "Kung ganoon, ikaw ay isang prinsipe, tama ba?" usisa naman ni Kuro. "Oo. Sa Imperyo ng Stavron," sagot niya. Napatingin ako ng bahagya kay Kuro. Nabakas ang lungkot sa kanyang mukha. Umiwas ako ng tingin nang mapatingin siya sa'kin. "Siya nga pala, bago kayo tuluyang umalis," sambit ni Aviar tapos ay parang may kinuha ito sa kanyang bulsa. "Heto. Tanggapin mo." Kinuha ko ang bagay na iniaabot niya sa'kin.  "Isang píto?" pagtataka ko. Isang pito na gawa sa kahoy. May nakakabit din ditong taling itim na nagsisilbi nitong hawakan. "Kapag kailangan ninyo ng aming tulong, maaari niyo kaming matawag gamit iyan," sambit ni Aviar. "Kahit nasaan pa kayo ay pupuntahan namin kayo. Asahan niyo 'yan," nakangiting sambit ng isang Poulían. Napangiti ako, "Maraming salamat sa inyo." Matapos namin magpaalam ay tuluyan na kaming umalis ni Alexeus sa tribo ng Poulí. Sa kalalakad namin sa kagubatang ito ay mukhang malayo-layo na rin kami sa Pouli. Nasaan ba ang labasan ng gubat na 'to? "Mukhang tinanggihan mo ang pag-ibig ng binatang Poulian," biglang sambit ni Alexeus. Nabigla ako kaya't napatingin ako sa kanya, "Paano mo nalaman?" Natawa siya, "Naramdaman ko lang dahil sa ikinikilos niya kanina." Ayos talaga 'tong si Alexeus. Lahat na lang napapansin. "Mukhang iyon na ang labasan," sambit niya habang nakatingin sa harap. Napatingin na rin ako kung saan siya nakatingin. Tapos ay tinakbo namin iyon. At sa wakas ay nakalabas na rin kami. Tumambad sa amin ang isang kapatagan. May mga kabahayan dito. Mukhang may mga nakatira. Mukha itong isang maliit na baryo. Nagpatuloy lang kami sa paglalakad upang makalapit pa dito. "Bakit ganito?" tanong ni Alexeus kaya't napatingin ako sa kanya. "Parang abandonado na ang lugar na ito. Sobrang tahimik at ang g**o ng paligid," dagdag pa niya habang patuloy kami sa paglalakad dito sa loob ng maliit na baryo na 'to. Tama siya. Isa pa, nagkalat kasi ang mga sirang kahoy at mga gulay at prutas. "May mga nakatira pa kaya dito?" tanong ko. "Meron. Nagtatago lamang sila sa mga bahay nila," sagot ni Alexeus. Bigla naman akong nakarinig ng kaluskos sa isang bahay na katabi ko kaya't napatingin ako. Mukhang tama nga si Alexeus. Para kasing may nagmadaling isara 'yong pinto. Naisip kong lapitan 'yong bahay. Kaya naman dahan-dahan ko 'yong nilapitan. "Tao po!" pagtawag ko sabay katok. "Kung may tao man diyan sa loob, puwede po ba namin kayong makausap? Hindi po kami masamang tao. Magtatanong lang." Sana makumbinsi ko kung sino man ang nasa loob nito. Mayamaya'y dahan-dahang umawang ang pinto at may dumungaw. Isang babaeng mukhang nasa edad kuwarenta. "A-ano ba 'yon?" tanong niya. Bakas sa kanya ang takot at alinlangan. "Maaari ko po bang malaman kung anong lugar ito? Mga dayuhan po kasi kami," sambit ko. "I-ito ang bario ng Goiteia," matipid na sagot nito. Natigilan ako sandali. "M-may nangyari ba dito?" tanong ko. Dahan-dahan muna siyang tumingin sa paligid. Tapos ay ibinalik ang tingin sa'kin. "Lagi kaming ginugulo ng mga Fídian," sagot niya. "Fídian?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD