Kabanata 27: Village of Goiteia

1068 Words
"Fidian?" pagtataka ko. Tumango naman ang matanda. "Mula sila sa tribo ng Fidi sa Kagubatan ng Hagnos. Tuwing sasapit ang dilim, sinasalakay nila kami at kinukuha ang mga pananim namin at mga alagang hayop," sagot niya sa'kin na bakas talaga ang takot sa kanya. "Ano ang mga Fidian?" tanong bigla ni Alexeus. "Mga taong ahas sila. Mga tao ang katawan ngunit imbis na paa, buntot ng ahas ang mayroon sila. Gano'n din ang kanilang naghahabaang mga dila, mga matatalas na pangil, at nanlilisik na mga mata," paglalarawan niya sa mga ito. Naiisip ko pa lang, mukhang nakakatakot na ang mga Fidian. "Wala kaming paraan upang mapigilan sila. Masyado silang malalakas. Kaya naman hinahayaan na lamang namin sila at nagtatago na lamang kami sa mga kabahayaan namin bago magdilim," malungkot na sambit niya. Bigla namang umawang ang pintuan ng mas malaki. At tumambad ang isang matandang lalaki na mukhang kasing-edad lamang ng babaeng kausap ko. "Tama ang sinabi ng asawa ko. Para kaming mga dagang mga nagtatago at takot na takot kapag nasa paligid na ang mga paninila. Magtataglamig pa naman din sa susunod na buwan at malaking suliranin talaga namin iyan dahil baka wala kaming maimbak na pagkain. Mamamatay kami sa gutom pagnagkataon," sambit nong matandang lalaki at ramdam ko sa boses niya ang takot at galit para sa mga Fidian. Tumingin ako kay Alexeus. Tiningnan niya rin ako sa mga mata ko. Tapos ay tumango siya. Nakuha niya ang ibig kong sabihin kaya napangiti ako. Una, kinumbinsi namin ni Alexeus ang mga mamamayan ng Goiteia na lumabas sa mga kabahayan nila at ayusin ang baryo nila. Noong una, nahirapan pa kami sa pagkumbinsi sa kanila. Naiintindihan naman namin 'yon dahil sa matinding takot nila sa mga Fidian. Ngunit hindi talaga kami sumuko ni Alexeus sa pagsuyo sa kanila. Pinalakas namin ang mga kalooban nila. Sinabi naming nagmula kami sa Imperyo ng Stavron at nais namin silang tulungan ng walang kapalit. Mabuti naman at nakumbinsi naman namin sila at kahit papaano'y naibsan ang takot na nararamdaman nila Ang sasama naman ng mga Fidian at nakukuha nilang atakihin at sirain ang isang maliit at walang labang bario. Ngayon, sama-sama nilang nililinis at inaayos ang kanilang munting baryo na narito malapit ng bahagya sa kagubatan kaya't malayo sa sibilisasyon. "Tsk. Nag-aaksaya lang kayo ng panahon, mga hangal!" Napahinto kaming lahat at nabaling ang aming atensyon sa sumigaw na 'yon. "Aayusin natin tapos mamayang gabi, sisirain din naman ng mga Fidian ang mga pinaghirapan natin! Isa pa, bakit ba kayo naniniwala sa kanila? E mga dayuhan lang naman 'yan na walang alam," pag-aamok ng isang lalaki. Sumama ang tingin ko sa lalaking 'yon na mukha namang 'di naliligo. Pero kung makapagsalita akala mo kung sino. "Para sa kaalaman mo, nandito ako hindi lamang para tumulong kundi upang mapuksa na rin ang pananalakay ng mga Fidian," sagot ko. Tumawa siya ng malakas na talaga namang nakakaasar. "Ano bang magagawa ng isang batang babaeng tulad mo? Baka nga sa pagdating ng mga 'yon, ikaw ang unang tumakbo," pang-aasar niya. Naningkit ang mga mata ko sa kanya. Lalo akong naasar sa lalaking 'to. Kapag ako hindi nakapagtimpi, baka tustahin ko siya mula sa kinatatayuan niya. "Sige mga hangal! Diyan na kayo!" pang-asar niyang sambit bago umalis. "Sino ba ang isang 'yon?" inis kong tanong. "Ang isang iyon ay si Abas. Kinaiinisan talaga namin siya dahil bukod sa mayabang siya, napakatamad din niya. Kaya nga 'di na namin siya pinapansin pa," sagot sa akin ng isang dalaga. Sumapit na ang tanghalian kaya't napagpasyahan naming lahat na magpahinga muna sa mga ginagawa namin. Mabuti't may mga pagkain pa silang naimbak at 'yon ang kinakain nila ngayon. Nagpasya akong umupo sa ilalim ng isang puno. Malilong dito dahil sa lago ng mga dahon nito. "Para sa'yo." Napatingala ako sa nagsalita. "Alexeus." Tapos ay kinuha ko ang isang basong tubig na inaabot niya sa'kin. "Salamat," sambit ko tapos ay umupo siya sa tabi ko. "Anong iniisip mo?" tanong niya sa'kin bigla. Bumuntonghininga ako, "Iniisip ko lang kung makakaya kaya nating protektahan ang mga taong 'to laban sa mga Fidian?" pag-aalinlangan ko habang nakatingin sa mga mamamayan na ani mo'y may kanya-kanyang ginagawa. "Kakayanin natin, Charlotte. Isa pa, gusto kong malaman ang tunay na dahilan kung bakit sila inaatake ng mga Fidian," sambit naman ni Alexeus. Mayamaya'y may mga batang nagtakbuhan papalapit sa amin. "Binibining Charlotte. Tingnan ninyo," sambit sa'kin ng isang batang babae habang pinapakita ang sa'kin ang hawak niyang koronang gawa sa mga bulaklak. "Ang ganda naman niyan!" sambit ko sa kanya ng may ngiti. "Para po sa inyo 'yan, binibini." Masayang sambit niya tapos ay ipinatong niya ito sa ulo ko. Ang sweet naman ng mga batang 'to. Nakakataba ng puso. "Ayan. Ang ganda niyo po lalo, binibini." Magiliw niyang sambit. "Hindi ba mga kasama?" "Oo, tama. Mukha siyang isang prinsesa." Pagsang-ayon naman ng mga batang kasama niya. Lalo akong napangiti. "Hindi ba, Ginoong Alexeus?" Nabigla ako nang sambitin iyon ng bata. Tumingin ako kay Alexeus. Habang siya naman ay nakatingin do'n sa bata. Ngumiti si Alexeus, "Hindi." Natahimik kami ng mga bata na pawang nabigla sa sagot niya. "Hindi lamang isang prinsesa, kundi isang diyosa." Bumalik ang malalapad na ngiti ng mga bata sa kanilang labi, "Oo tama! Si Charlotte ay isang diyosa!" Masayang pagsang-ayon ng mga bata. 'Di ko na napigilan ang ngiti ko at pakiramdam ko rin ay namumula ang mga pisngi ko. Napatingin ako kay Alexeus at nakatingin pala siya habang nakangiti sa'kin. Napaiwas tuloy ako ng tingin. Nailang kasi ako bigla. Ano ba 'yan? -- Sumapit na ang dapit-hapon kaya naman sinigurado na namin na ang lahat ay mga nasa kani-kanilang mga bahay na. Lalo na ang mga bata. Kami na lang ni Alexeus ang naiwan dito sa labas. Malapit nang kumagat ang dilim. Aaminin kong natatakot ako. Pero, mas nangingibabaw sa akin ang kagustuhan ko na protektahan ang baryong ito. Lalo na kapag naiisip ko 'yong masasayang mukha ng mga bata. At tuluyan na ngang kumagat ang dilim. "Handa ka na ba, Charlotte?" tanong sa'kin ni Alexeus. Pumosisyon na ako hawak ang aking pana't palaso, "Handa na 'ko," sagot ko. Mayamaya'y nakarinig na kami ng kaluskos mula sa mga kakahuyan. Nakahanda lang kami ni Alexeus sa aming mga posisyon hawak ang mga sandata namin. Malamig ang simoy ng hanging dumadampi sa aming mga balat ngunit pakiramdam ko nagbubutil-butil na ang pawis sa aking noo. Ilang sandali pa... "Nandiyan na sila!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD