Kabanata 41: End of a Dream

2069 Words
Halos wala na talaga akong ginagawang trabaho sa palasyo. Pinabukod na rin ako ni Alexeus ng kuwarto. Binigyan din niya 'ko ng sariling mag-aalaga sa'kin kapag abala siya. Walang araw na hindi ako inalala ni Alexeus. Palagi niya 'kong pinupuntahan sa aking silid. Kinakamusta, at pinalalakas ang loob. Kahit alam naman namin sa aming mga sarili na hindi na magtatagal pa ang aking buhay. Damang-dama ko ang sakit at panghihina ng aking katawan. Nahihirapan na rin ako minsan huminga at lumalala ang paglabas ng dugo sa aking bibig kada uubo ako. Hirap na hirap na 'ko. Pero nakakakuha ako ng lakas ng loob kay Alexeus na palaging nandyan para sa'kin. Nawawalan na rin ako ng ganang kumain. Pakiramdam ko kasi wala nang saysay pa kung gagawin ko 'yon. Pero pinipilit ko na lang kahit para kay Alexeus. Ayaw ko kasing nakikita siyang nag-aalala sa'kin ng sobra. "Kailan kaya matatapos ang paghihirap kong ito? Kung tutuusin napakabata ko pa para mamatay. Ngunit kung heto ang itinakda sa'king kapalaran, tatanggapin ko na lamang ito nang bukal sa kalooban. Masakit man, ngunit kailangang tanggapin." Narito ako ngayon sa hardin. Nakaupo sa ilalim ng matayog at malilong na puno. At katatapos ko lang din basahin ang paborito kong libro. "Melayna." Tumingin ako sa kung sino ang dumating. "Alexeus," sambit ko sabay ngiti. Binigyan niya rin ako ng isang ngiti tapos ay lumapit siya't umupo sa aking tabi. "Sa wakas, natapos ko rin 'tong basahin," sambit ko. Ningitian niya lang ako sabay hinawakan ang aking kamay at ipinatong ito sa kanyang kandungan. "Sana hindi na matapos pa ang sandaling ito," sambit niya. Ramdam ko ang lungkot sa kanyang tinig. Pinisil niya nang marahan ang aking kamay. "Nais pa kitang makasama ng matagal. Panghabang-buhay," sambit pa niya. Nakaramdam ako nang kirot sa aking puso. Biglang nanikip ang aking dibdib nang makita kong may luhang pumatak mula sa kanyang mata. Bumuntonghininga siya nang malalim. "Iniibig kita, Melayna. Alam mo ba 'yon?" Ang mga luhang namumuo sa aking mga mata ay kusa na lamang bumagsak. Hindi ako makaimik. Kaya naman isinandal ko na lamang ang aking ulo sa kanyang balikat. "Alam kong magkaiba ang ating katayuan ngunit hindi ito naging hadlang upang ika'y aking mahalin nang tunay." Lalong umagos ang mga luha ko nang marinig ko ang mga salitang iyon. Alam kong hindi naman talaga ako si Melayna, kaya't pakiramdam ko'y may parte sa'kin na nasasaktan. Dahil nalaman kong ganito kamahal ni Alexeus si Melayna. Binitiwan niya ang aking kamay at ipinatong niya ito sa kabila kong balikat tapos ay inilapit pa niya 'ko sa kanya. "Kung maaari lang sanang ibigay ko sa'yo ang kalahati ng aking buhay ay gagawin ko magpatuloy lang ang iyong buhay upang makasama pa kita nang matagal," sambit niya nang may garalgal na boses. "Hindi man magtagal ang buhay ko, nais kong ipabatid sa'yo na hanggang sa huling t***k ng aking puso ay ikaw lamang ang pinipintig nito," sambit ko. Nakararamdam na 'ko ng panghihina. Nahihirapan na rin akong huminga at parang gusto nang bumigay ng mga talukap ng mata ko. Naririnig ko ang impit na pag-iyak ni Alexeus habang pinipisil-pisil ang balikat ko. "Hinding-hindi ka mawawala sa puso ko, Melayna. Hindi kailanman," sambit niya. "Ang ganda ng kulay kahel na kalangitan," sambit ko.  Tumango naman siya. "Oo, maganda." "Alexeus." "Hmm?" "Lagi mong tatandaan na mahal kita. Mahal kita..." Pagkasambit ko ng mga salitang 'yon at unti-unti nang nagdilim ang lahat. --- "Charlotte!" "Charlotte, gumising ka!" Biglang dumilat ang aking mga mata nang marinig kong may tumatawag sa'kin. "A-Airlia?" pagtataka ko. Tumingin ako sa paligid at napagtanto kong narito pa rin ako sa hardin. Nakahiga sa ilalim no'ng puno kung nasaan ako kanina bago ako naging si Melayna. "B-bakit? Ano bang nangyari?" usisa ko. "Nakikita kitang natutulog. Tapos ay nilapitan kita. Nang makita kong humihibi ka at lumuluha sa iyong pagtulog ay ginising kita agad," sagot niya. "Ano bang nangyari, Charlotte? Masama ba ang naging panaginip mo?" pag-aalala niya. Panaginip? Ang ibig sabihin panaginip lang ang lahat ng iyon? "Napaginipan ko si Melayna," sambit ko. "Si Melayna?" pagtataka ni Airlia. Tumango ako. "Namatay pala siya sa isang malubhang karamdaman," sambit ko. Bumakas ang lungkot sa mukha ni Airlia at tumango. "Tama ka. Alam mo ba, labis ang kalungkutan ng aking adelfos matapos ng pagpanaw ni Melayna. Tunay na minahal niya ang dama na iyon. Kilala ko rin ng lubos si Melayna kaya't alam kong hindi ko masisisi si Adelfos. Tulad mo, may ginintuan din siyang puso," sambit niya tapos ay ningitian niya 'ko. Napatingin ako sa aking mga palad. "Iniibig kita, Melayna. Alam mo ba 'yon?"  Ang mga salitang 'yon. Narinig ko iyon mula kay Alexeus. Alam kong hindi naman para sa'kin ang mga salitang 'yon, pero... Napabuntonghininga ako nang malalim. "Charlotte," pagtawag niya. Lumingon naman ako sa kanya. "Hmm?" "Naranasan mo na bang umibig?" Ikinabigla ko ang kanyang tanong. "Hindi pa. Hindi ko pa nararanasan ang magmahal," sagot ko. Ang totoo niyan, gusto ko siyang maranasan. Pero sa kabilang banda ay natatakot din ako. "Ganoon ba? Ngunit, may pag-asa kayang mahalin mo ang aking kapatid?" Nanlaki ang mga mata ko at natigilan sa kanyang tanong. At sa hindi malamang dahilan ay bigla na lang bumilis ang pintig ng puso ko na parang hinahabol ito.   "Lagi mong tatandaan na mahal kita. Mahal kita..."   "Charlotte?" Natauhan ako nang tinawag niya ang aking pangalan. "H-hah?" "Naku, pasensya ka na sa naging tanong ko," sambit niya. "Ayos lang," sambit ko sabay ngiti. Ang mga salitang 'yon. Binitiwan ko siya nang nasa katawan ako ni Melayna. Pero, pakiramdam ko parang binitiwan ko rin ang mga salitang 'yon bilang si Charlotte. Napailing ako. Ewan. Hindi ko na alam. "Siya nga pala, nasaan ang iyong kapatid?" tanong ko. "Si Adelfos ay nagpunta sa libingan upang dalawin ang puntod ni Melayna. Ngayon kasi ang araw ng ikaapat na taon ng kanyang pagpanaw," sagot niya. Napaawang ang aking bibig. Ngayon pala ang araw na 'yon. Ang pagkamatay ni Melayna. --- Naglalakad ako ngayon sa isang pasilyo dito sa palasyo papunta sa aking silid. Napahinto ako nang makita kung sinong nasalubong ko. "Alexeus." "Charlotte." Napatitig ako sa mukha niya nang ilang sandali. "Charlotte? May problema ba?" Natauhan ako sa kanyang tanong. "Wala. Wala naman." "Ahm..." "May nais ka bang sabihin sa'kin, Charlotte?" tanong niya. "Kamusta naman ang..." sambit ko tapos ay bumuntonghininga muna ako bago magpatuloy. "Pagbisita mo kay Melayna?" tanong ko. Pakiramdam ko'y nanikip ang aking paghinga. Hindi ko kasi alam kung anong isasagot sa'kin ni Alexeus o kung ayos lang ba sa kanya na tinanong ko 'yon. Bahala na nga. Napakunot siya ng kanyang noo. "Paano mo nalaman 'yon?" "Nabanggit sa'kin ni Airlia," sagot ko. Napatango na lamang siya. "Noong una, halos ayaw ko nang umalis sa tabi ng puntod niya noon. Hanggang sa paglipas ng panahon, unti-unti ko nang natatanggap sa aking sarili na wala na siya at hindi na babalik pa. Ngunit kahit ganoon ay regular ko pa ring binibisita ang kanyang puntod. May mga araw din no'n na nasasabik ako sa kanya at ang sakit lang isipin na wala akong magagawa," sambit niya. "Sa kabila ng lahat, wala naman akong pinanghihinayangan sapagkat nasabi ko at naipadama ang aking tunay na nararamdaman para sa kanya," dagdag pa niya. Humakbang pa siya papalapit sa'kin. "At nasabi ko rin sa aking sarili na hindi na akong magmamahal pang muli. Dahil sa paglipas ng panahon ay siya pa rin ang laman ng isipan ko, ng puso ko," sambit pa niya. Tumingin siya deretso sa aking mga mata at sa sandaling 'yon, pakiramdam ko'y tumatagos ang mga tingin na 'yon hanggang sa kaibutura ng pagkatao ko. "Akala ko lang pala 'yon. May darating at darating pa rin na makakapukaw muli ng iyong damdamin," sambit niya. Napalunok ako sa kanyang sinabi. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko ngayon. Bumibilis ang t***k ng puso ko na halos naririnig ko na ito at parang may kung ano akong nararamdamang kiliti sa aking sikmura. "Charlotte," banggit niya sa aking pangalan sabay hakbang na naman papalapit sa'kin habang ako naman ay mistulan nang napako sa kinatatayuan ko. "Kapag ako'y muling nagmahal, sisiguraduhin kong gagawin ko ang lahat para sa kanya." Lalo pa siyang lumapit na halos isang dangkal na lang ang pagitan namin. Dito na 'ko nakaramdam ng pag-init ng aking mukha. "Lahat-lahat." --- Umaga na pala. Pakiramdam ko kulang ako sa tulog. Paano ba naman kasi. Mukhang hindi ako pinatulog ng mga pinagsasasabi ni Alexeus kahapon. Nakahiga pa rin ako sa aking kama tapos ay bumalikwas ako. Hindi ako mapakali sa pagkakahiga kapag naiisip ko 'yon. Alam ko namang hindi niya direktang sinabi na gusto niya 'ko pero 'yong pakiramdam ko...bakit gano'n? Marahas akong umiling. Hindi, hindi. Imposibleng magustuhan niya 'ko sa gano'ng paraan. 'Wag ka nang mag-isip pa ng kung ano-ano, Charlotte. Bumangon na 'ko at inayos ang aking sarili para makapag-agahan na 'ko. Papalabas na sana ako nang biglang may kumatok. Kaya naman agad ko itong binuksan. "Alexeus." "Magandang umaga, Charlotte," bati niya sa'kin ng may ngiti. "Magandang umaga din sa'yo," bati ko sa kanya. "Narito ako upang sunduin ka. Halika na upang mkapag-agahan na tayo," sambit niya. Tinanguan ko lamang siya at umalis na 'ko kasama siya.  Naglalakad kami sa pasilyo at katahimikan ang bumabalot sa paligid. Para yatang walang gustong magsalita sa aming dalawa. "Charlotte?" Napatingin naman ako sa kanya. "Bakit mukhang balisa ka? May dinaramdam ka ba? May sakit ka ba?" pag-aalala niya. Tapos ay huminto siya sabay hinawakan ang aking pisngi. Nabigla ako at pakiramdam ko'y parang may kuryenteng dumaloy sa aking buong katawan dahil sa pagkakalapat ng kanyang palad sa aking pisngi na nagdulot ng pagbilis ng t***k ng aking puso na akala mo'y nakikipag-unahan sa bilis. Wala na akong magawa kundi ang mapatitig sa magagandang bughaw niyang mga mata na parang inililipad ka sa alapaap. Lalong bumilis ang t***k ng aking puso at biglang bumigat ang aking paghinga nang mapansin kong lumipat ang kanyang tingin sa aking labi at unti-unting lumalapit ang mukha ni Alexeus sa'kin. Tila napako na 'ko sa kinatatayuan ko na para bang hinihintay ko na lang ang susunod na mangyayari. Blangko na rin ang aking isipan ngunit ang aking puso ay 'di mapakali ngayong kaunti na lang ay maglalapat na ang aming mga labi.  "Magissa." Tila natauhan kaming dalawa nang may nagsalita. Agad kaming naglayo sa isa't isa na para bang walang nangyari. "Paumanhin ngunit may dala po akong sulat para sa Magissa," sambit ng dumating na dama. Sandali akong tumingin kay Alexeus at bakas sa kanyang mukha ang pagkadismaya. "Ah, sulat para sa'kin?" pagtataka ko. Tapos ay iniabot sa akin ito ng dama at umalis. Isang sobre na kulay bughaw na may gintong disenyo sa gilid. Mayroon din itong gintong seal sa takip nito. Binuksan ko ito at kinuha ang laman na liham. Napakunot ang aking noo. "Kanino ba galing 'to? Hindi naman ako nakakaintindi ng Aglaerus," sambit ko. "Akin na," sambit naman ni Alexeus sabay kuha sa'kin ng sulat. Nakatingin lamang ako sa kanya habang tahimik niyang binabasa ang sulat. "Ano? Kanino galing? Anong sabi?" usisa ko. Bumuntonghininga siya nang may ingay tapos ay bigla niyang nilamukos ang papel. "Anong ginawa mo?" tanong ko nang nanlalaki ang mata. "Calisto," seryoso niyang sambit. Natigilan ako. Nagalit ba siya dahil pinadalhan ako ni Calisto ng sulat? "Ano bang nakasulat? Bakit galit ka?" usisa ko. Tiningnan niya 'ko at nagulat ako sa seryosong ekpresyon ng kanyang mukha. "Hindi na 'yon importante," seryoso niyang sambit. Napalunok na lang ako. Kinikilabutan na rin naman ako sa presensya ni Alexeus ngayon. Para kasing biglang nagdilim ang aura niya kaya't hindi ko na inusisa pa.  Pero base sa inasal niya, mukhang alam ko na kung anong nabasa niya do'n. --- Pagkatapos ng salu-salo namin sa agahan, napagdesisyunan namin ni Alexeus na dumeretso sa pangunahing silid-aklatan. Magsasaliksik kami tungkol sa mga nakaraan ulat tungkol sa mga kosmima at mga diyos na dragon ng Aglaia. Habang abala si Alexeus sa paghahanap ng mga libro ay naisipan ko munang maglibot-libot sa napakalawak na silid-aklatang ito. Mga ilang istante ang nadaanan ko, may napansin akong isang napakalaking pinintang larawan ng isang magandang babae. "Alexeus!" Mga ilang sandali ay nilapitan niya 'ko. "Ano 'yon?" tanong niya. "Sino ang babaeng 'to?" usisa ko habang tinitingnan ang kabuuan ng larawan ng magandang babae. "Ah, siya nga pala ang unang Magissa ng Stavron," sagot ni Alexeus. Napataas ang aking kilay. "Unang Magissa?" usisa ko. "Oo. Ang unang Magissa ng Stavron, si Margaret," sambit pa niya. "Margaret?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD