Pinatamaan ko ng palaso isa-isa ang mga Fidian na umaatake sa amin. Tapos ay nagiging yelo sila sabay dudurugin sila ni Alexeus sa pamamagitan ng pag-atake niya gamit ang Flago.
Sa totoo lang, kanina pa namin 'to ginagawa. Parang hindi sila nauubos. Alam kong ramdam na namin ang pagod ngunit wala sa isip namin ang pagsuko. Hindi namin maaaring hayaan na sirain pa nila ang baryong ito.
"Mukhang 'di sila nauubos. Ano nang gagawin natin?" tanong ko kay Alexeus habang hinihingal at magkatalikuran na kami kaya't ramdam ko na rin ang paghingal niya.
Inaatake namin ang mga Fidian na nagtatangkang lumapit sa mga kabahayan at sa mga halamang pananim. Pero ang dami talaga nila. 'Yong tipong pag may namatay, may darating agad. 'Yong totoo? Saan ba galing ang mga 'to?
"Kailangan nating paabutin ng umaga ang laban na 'to kahit anong mangyari," sambit ni Alexeus matapos niyang durugin ang isang Fidian na ginawa kong yelo.
"Hindi ko alam kung kaya ko pa, Alexeus." Hinihingal kong sambit matapos kong tamaan ng palaso ang isa at ito'y naging yelo. Wala naman kasi kaming pahinga at hindi rin naman puwede. Ni hindi ko na nga rin alam kung anong oras kami nag-umpisa.
Tumakbo si Alexeus sabay talon bilang pagbuwelo niya sa pagdurog sa Fidian gamit ang kanyang Flago, na ginawa kong yelo.
"Kailangan nating kayanin, Charlotte. Para sa mga taga-Goiteia," sambit niya.
Bigla ko tuloy naisip 'yong magandang samahan at pakikitungo sa isa't isa ng mga tao dito. At 'yong mga bata. Tama. Kakayanin ko 'to. Hihintayin lang naman naming sumikat ang araw.
Bumunot ako ng isang palaso mula sa aking likuran. Hinaplos ko ito bilang basbas ng kapangyarihan ng kosmima ng apoy. Heto naman nito ang gagamitin ko ngayon.
Pinakawalan ko na ang palaso at umapoy ang Fidian na tinamaan nito. Nagtatatarang habang sumisigaw sa sakit ang Fidian na aking tinamaan habang siya ay unti-unting tinutupok ng apoy.
Ang ibang Fidian naman na katabi nito at taranta ding nagsilayuan sa nasusunog nilang kasama.
"Nakita mo 'yon, Charlotte?" tanong sa akin ni Alexeus kaya't napatingin ako sa kanya.
"Napansin mo rin pala," sambit ko. Nagtanguan kami sa isa't isa. Pagkatapos ay pinaliyab ni Alexeus ang kanyang Flago. Habang ako naman, patuloy ko lamang gagamitin ang palaso ko na may basbas ng kosmima ng apoy.
Dahil nakakapaglabas din ng apoy ang Flago, lahat ng nahihiwa nito ay bukod sa nahahati kaagad sa dalawa, lumiliyab pa ang nahati nito. At gano'n mismo ang nangyayari sa mga Fidian na kalaban ngayon ni Alexeus.
Nagsisitalsikan sa paligid ang mga malalapot at kulay maitim na berde nilang mga dugo kapag ang mga katawan nila ay nahahati sa dalawa. Nagkalat na ito sa paligid ngayon, kasama ang mga abo ng mga natupok nilang mga katawan.
Nagtagal ang labanan namin hanggang sa unti-unti ko nang nakikita ang pagbabago ng kalangitan, na mula sa itim ay nagiging kulay indigo na ito. Konti na lang at paumaga na. Konting tiis na lang!
Nang tuluyan nang sumilip ang Haring araw ay nagsitakbuhan na papalayo ang mga natirang Fidian. Mukhang takot nga talaga sila sa apoy at liwanag.
Napasalampak ako sa lupa at saka tuluyang naramdaman ang sobrang kapaguran. Hinahabol ko ang aking paghininga habang nanlalambot ang aking buong katawan. Mukhang nasabik yata ang katawan ko sa pahinga.
Si Alexeus naman ay napaluhod na rin sa sobrang pagod habang hinahabol din ang kanyang paghinga. Tumingin siya sa akin at binigyan ako ng isang ngiti. Napangiti na rin naman ako at kahit papaano'y naibsan ang pagod na nararamdaman ko kahit kaunti.
Nang tuluyan nang sumikat ang araw at nabalot na ng liwanag ang paligid, nagsilabasan na ang mga tao sa kani-kanilang mga kabahayan. At nagpasya silang ipaghain kami ni Alexeus ng masarap na agahan.
Kasama namin ngayong nagsasalu-salo ang mga mamamayan ng Goiteia na nag-aalmusal sa isang mahabang mesa sa ilalim ng isang matayog at mayabong na puno.
"Matanong ko lang," sambit bigla ni Alexeus na siyang nakapukaw ng atensyon ng lahat.
"Bakit ba talaga kayo inaatake ng mga Fidian? May kasalanan ba kayo sa kanila?" tanong niya.
Natahimik ang lahat sa tanong na iyon ni Alexeus habang nagtitinginan ang bawat isa.
"Iyon ay dahil pinaparusahan kami ng aming mahal na diyosa," sambit bigla ng isang matandang babae na kararating lamang. Mukhang mga nasa pitompu na ang edad ng isang 'to.
"Tandang Medea," sambit ng mga tao.
"Parusa? Sa anong kadahilanan at kailangan kayong parusahan ng inyong diyosa?" tanong ni Alexeus.
"Iyon ay dahil nakalimot ang Goiteia na ipagdiwang ang taunang pasasalamat sa aming diyosa na si Maia, ang diyosa ng tagsibol at kasaganaan. Isang buwan na ang nakararaan mula nang araw na 'yon. Masyado kayong naging masaya sa kasaganaang tinatamasa ng ating lupain at dahil doon, nakalimot na kayong magpasalamat sa nagbigay ng lahat ng iyon. Binalaan ko na kayo ngunit binaliwala niyo lamang ang matandang ito. Pagkatapos ay aasa kayo sa mga dayuhan para sa inyong kaligtasan? Hindi na ba kayo mga nahiya?" pagsesermon na iyon ng matanda na tinawag nilang Medea.
Mga nakatungo ang mga ulo ngayon ng mga tao na para bang sila'y mga batang pinapagalitan ng kanilang mga magulang at sobrang tahimik nila na halos parang walang gustong magsalita.
"Mga kasama!" Napatingin kami sa babaeng sumigaw na tumatakbo papalapit sa amin.
"Si Abas!" sambit niya matapos niyang makalapit sa amin. Hinihingal pa siya at mukhang natataranta.
Abas? 'Yong lalaking mayabang na mukhang 'di naliligo? Bakit kaya? May nangyari kaya sa kanya?
"Nakita kong tangay niya si Chara at papunta sila ng kagubatan!" Nabigla ang mga tao sa sinabi ng babae.
"Ano? Tangay ni Abas ang aking anak?" sigaw ng isang lalaki. Siya ata ang ama no'ng Chara.
"Anong gagawin ni Abas kay Chara at tinangay niya ito papunta sa kagubatan?" tanong ko bigla.
"Sa tingin ko'y iaalay niya ito sa templo ni Maia," sabad bigla ni Medea.
"Iaalay? Bakit kailangan ialay?" taranta ko'ng tanong.
"Dalawang linggo na ang nakararaan nang may naligaw dito na isang matandang ermitanyo at sinabi niya sa amin na upang matigil ang pagpaparusa sa amin ni Maia ay kailangan naming mag-alay ng isang bata at sariwang buhay sa may templo mismo. Isang batang babae ang tinutukoy nito," sambit ni Medea.
"Bakit kailangang ang anak ko pa? Walang hiya ka talaga, Abas!" Mangiyak-ngiyak na sambit nang galit na galit na ama ni Chara.
Naramdaman ko na lang bigla na may humila sa laylayan ng damit ko kaya't tumingin ako.
"Binibining Charlotte." Isa siya sa mga batang kasama namin noong nakaraang araw.
"Iligtas niyo po si Chara. Pakiusap po." Pakiusap niya sa akin na talagang nagpakirot sa puso ko habang nakatingin sa malungkot na mukha ng batang ito.
"Si Chara po ang nagbigay sa inyo no'ng koronang bulaklak, binibini," sambit naman ng isang batang babae.
Siya pala 'yon. Bigla kong naalala kung gaano siya kasaya nang ibigay niya sa akin ang koronang iyon na gawa sa bulaklak. Lalong kumirot ang puso ko. Napatingin ako kay Alexeus na katabi ko lamang.
"Ako na lang ang magliligtas kay Chara. Dito ka na lamang kasama nila," sambit bigla ni Alexeus. Alam niya agad ang iniisip ko.
"Pero, Alexeus. Hindi ba ako maaaring sumama?" tanong ko.
Umiling siya. "Hindi. Mas mabuting manatili ka na lamang dito. Mas kailangan ka nila. Isa pa, kaya ko na 'to mag-isa," pagkumbinsi niya sa'kin.
Kahit nag-aalala ako sa naging pasya ni Alexeus ay sumang-ayon na lang din ako dahil mas may punto siya.
Gaya ng napagpasiyahan, si Alexeus ang aalis upang hanapin sina Abas at Chara sa kagubatan. Inihatid ko siya sa bukana nito kasama ang mga magulang ni Chara.
"Alexeus," pagtawag ko sa kanya bago siya tuluyang pumasok sa gubat. Huminto siya at humarap sa akin.
"Mag-iingat ka. Bumalik ka bago pa lumubog ang araw," bilin ko sa kanya. Hindi maalis sa akin ang mag-alala.
Ngumiti siya sa'kin, "Naiintindihan ko," sagot niya. Ngunit nawala agad ang ngiti sa kanyang mukha.
"Ngunit, kung sakali man na hindi ako makabalik agad. 'Wag ka nang magdalawang-isip na gamitin ang ibinigay sa'yo ni Aviar. Humingi ka ng tulong sa kanila," seryoso niyang bilin.
Tumango naman ako bilang sagot. Tapos ay ngumiti siyang muli sa akin. At nagulat ako sa sumunod na nangyari.
Bigla na lamang niya 'kong hinalikan sa noo. Para akong napako sa kinatatayuan ko habang nadarama ang mabilis na pagtibok ng aking puso at pag-init ng aking mukha.
Hanggang sa tuluyan na siyang umalis. Nakatingin lamang ako sa kanya hanggang sa mawala na siya sa aking paningin nang hindi lamang ako nilingon.
"Kasintahan mo ba ang makisig na binatang iyon, binibini?" Nagulantang ako sa biglang tanong na iyon sa akin ng ina ni Chara.
"Ah...h-hindi po..." nauutal kong sagot. Napahawak tuloy ako bigla sa aking noo.
Sana naman makabalik ka kaagad kasama si Chara nang ligtas, Alexeus.