Kabanata 42: The First Magissa

1623 Words
"Margaret?" tanong ko. Tumango si Alexeus. "Oo. Iniligtas niya ang Stavron mula sa pagkawasak nito isan-daang taon nang nakararaan," sagot niya. Napaawang ang bibig ko sa mangha habang tinitingala ang malaking larawan ni Margaret. Ang galing! Nakaya niyang maging isang Magissa. Ako kaya? Kakayanin ko rin ba? "Sigurado akong kakayanin mo rin ang nagawa ni Margaret, Charlotte," nakangiting sambit ni Alexeus. Napangiti na rin ako dahil sa sinabi niya. Sana nga. Sana. "Tamang-tama. Isa siya sa mga tatalakayin natin. Si Margaret, ang kanyang kabalyero, at kung paano nila iniligtas ang Stavron noon. Sigurado akong marami tayong aral na makukuha mula sa kanila. Sandali lamang," sambit muli ni Alexeus. Naglakad siya tapos ay sumunod ako. Pumunta siya sa mga istante ng libro at may kung anong hinahanap. Nakatingin lang ako sa kanya habang abala siyang nagbubuklat-buklat ng mga libro. Sa pagbubuklat niya, napansin kong parang naging aligaga siya. "Bakit, Alexeus? May problema ba?" usisa ko. "'Yong libro ni Margaret, hindi ko makita," sagot niya. "Nasaan na kaya 'yon? Dapat narito lang 'yon," sabi pa niya. "Alam ko na," sambit niyang muli tapos ay naglakad siya papalabas. Sinundan ko naman siya kahit wala akong ideya kung saan siya papaunta. "Dama, pakitawag si Abeiron. Ngayon na. Sabihin mong pinatatawag ko siya. Bilis," utos ni Alexeus sa damang nakasalubong namin. Ilang sandali lamang ay dumating na rin si Abeiron, ang mayordomo ng palasyo. "Pinatawag niyo raw po ako, Kamahalan?" pagbibigay-galang ni Abeiron. "Ikaw at ang iyong grupo ang taga-linis ng pangunahing silid-aklatan, hindi ba?" tanong dito ni Alexeus. "Opo, Kamahalan. May problema po ba?" tanong naman ng mayordomo. "Nawawala ang libro ni Margaret. Alam mo ba kung nasaan iyon?" usisa ni Alexeus. "Ang libro ng Unang Magissa? Sa pagkakaalam ko po ibinigay na iyon ng inyong Amang Emperador sa kaapu-apuhan ng unang kabalyero, Kamahalan," sagot naman ni Abeiron. "Ganoon ba? Kailangan namin ng Magissa ang librong iyon. Maaari mo bang sabihin sa'kin kung saan ko matatagpuan ang nagmamay-ari ngayon ng libro?" tanong ni Alexeus. "Naka'y Blasious ang librong inyong hinahanap. At matatagpuan siya sa Lungsod ng Aegaeon," sagot niya. Sumilay sa'kin si Alexeus tapos ay ibinalik muli ang tingin kay Abeiron. "Ihanda ang karwahe. Aalis kami ngayon upang puntahan si Blasious," utos ni Alexeus. "Masusunod, Kamahalan," pagbibigay-galang ni Abeiron bago ito umalis. --- Nakasakay kami ngayon sa opisyal na karwahe ng isang maharlika. Heto rin ang karwaheng sinakyan namin ni Alexeus noong natuklasan namin na siya ang tumakas na prinsipe ng palasyo. "Si Blasious ang kaapu-apuhan ng unang kabalyero?" usisa ko kay Alexeus. Magkatabi kami ngayon dito sa loob ng malaki niyang karwahe. "Oo. Ang unang kabalyero, si Marcus," sagot naman niya. "Si Margaret at si Marcus," sambit ko. Napaisip tuloy ako. Nagka-ibigan kaya sila ng kaniyang kabalyero? Nagkatuluyan naman kaya sila? Heto kayang si Blasious ay kaapu-apuhan nilang dalawa? Bahala na. Malalaman ko rin naman mamaya. Mayamaya'y naramdaman ko na lang na huminto na ang aming karwahe. "Nandito na tayo," sambit ni Alexeus. Tapos ay pinagbuksan na kami ng kutsero. Naunang bumaba si Alexeus at inalalayan niya 'ko sa pagbaba pagkatapos. Pagbaba namin ay nasa tapat na agad kami ng isang bahay na hindi naman gaanong kalakihan ngunit may ikalawang palapag ito. Tapos ay kinatok ito ni Alexeus. Hindi naman nagtagal ay pinagbuksan din naman siya nito. Isang binatang siguro'y mas matanda lamang sa amin ni Alexeus ng ilang taon ang bumungad sa'min. "K-Kamahalan, a-ano pong ginagawa niyo dito? M-may kailangan po ba kayo?" tanong ng isang lalaki na mukhang gulat na gulat at hindi makapaniwala sa pagbisita sa kanya ni Alexeus. Sa bagay, hindi ko masisisi ang lalaking ito. Biglaan naman kasi talaga ang pagpunta niya rito. "Paumanhin sa biglaan kong pagbisita. Sadyang kailangan lamang talaga. Ikaw ba si Blasious?" tanong agad ni Alexeus. "O-opo. Ako nga po, Kamahalan. T-tuloy ho kayo," pagbibigay-galang ng lalaking nagngangalang Blasious. Pagkatapos ay tumuloy na nga kami sa loob. Inilibot ko ang aking paningin. Payak lang talaga ang hitsura nito. Sala agad ang bubungad sa'yo na may apat na upuang pinalilibutan ang isang maliit na mesa sa gitna. Hindi man ito ganoong kalaki, ngunit maaliwalas at malinis ito at nangingibabaw ang kulay dilaw at puti. "Maupo po kayo," alok sa amin ni Blasious na siya naman naming sinunod. "Ano pong gusto niyo? Maiinom?" alok pa nito. "'Wag mo akong alalahanin. Ayos lang ako. Salamat," sambit ni Alexeus tapos ay ibinaling niya ang tingin niya sa'kin. "Ikaw, Charlotte? Baka may gusto ka?" tanong sa'kin ni Alexeus na kasalukuyan kong katabi. "Hindi. Ayos lang din ako. Salamat," sagot ko. "Ano po bang maipaglilingkod ko sa inyo, Kamahalan? Mukhang mahalaga ito dahil sa biglaan niyong pagbisita kasama ang Magissa," usisa ni Blasious pagkaupo nito sa isang upuan na kaharap namin. "Naparito kami para sa libro ni Margaret," sagot ni Alexeus. Bahagyang natigilan si Blasious. "Ganoon po ba? Sandali lamang at kukunin ko po ito," sambit nito tapos ay agad siyang tumayo at pumunta sa isang aparador na nasa likuran lamang niya. Pagbalik niya sa kanyang puwesto ay may dala na nga siyang isang libro. May kalakihan ang libro at kakapalan. Bakas na ang kalumaan dito dahil sa kupas na pabalat nito na mukhang matigas at kulay itim na may ginto sa gilid. "Ang librong ito ay pinamagatang Ang Unang Magissa ng Stavron. At ang aking Avo mismo ang may-akda nito," sambit ni Blasious. "Avo?" tanong ko. "Avo, ama ng iyong magulang," sagot ni Alexeus. Napaawang ang aking bibig. Mukhang 'lolo' pala ang katumbas no'n sa aking salita. "Ito ay isinulat ng aking Avo Marcus pagkatapos ng paglalakbay nila ni Margaret, ang unang Magissa," sambit ni Blasious. "Ang totoo niyan, kaya ko ito kinuha mula sa palasyo dahil personal na kagamitan talaga ito ng aking Avo. Ito ay ang kanyang mismong talaarawan," sambit pa niya. "Paano ba 'yan napunta sa palasyo?" tanong ko. "Ibinigay ito sa palasyo ng kanyang mismong anak, ang aking Avo Kadmos," sagot niya. "Nagdesisyon akong kunin ito upang magsilbi sa'king alaala ng aking Avo at upang malaman ang kanyang nakaraan," dagdag pa niya. "Nabasa ko na ang librong iyan mga ilang taon na rin ang nakararaan. Kaya't hindi ko na gaanong natatandaan ang ilang nilalaman niyan," sambit ni Alexeus. Sinimulan nang buklatin ni Blasious ang pabalat at unang pahina nito. "Kung nababasa niyo man ang librong ito, malamang ay wala na ako. Isinulat ko ito upang manatili ang mga alaala namin ng unang Magissa at mga pakikipagsapalaran namin upang mailigtas ang Imperyo ng Stavron," panimula ni Blasious sa pagbabasa ng sulat ni Marcus. Taon 1070 Ako si Marcus. Isa akong karaniwang mamamayan ng Stavron dito sa Lungsod ng Aegaeon. Sa edad kong dalawampu't apat ay isa na akong ganap na mahistrado sa Imperyo ng Stavron. Naipasa ko ang pagsusulit upang maging isang ganap na mahistrado tatlong taon nang nakararaan. Hindi naman sa pagmamayabang, ngunit ako ang nanguna sa pagsusulit na 'yon nang panahong iyon. Taga-Ceyx talaga ang aking mga magulang ngunit napagpasyahan kong mamuhay ng mag-isa matapos kong makapasa bilang isang ganap na mahistrado. Nadestino ako rito sa Aegaeon kaya't narito ako naninirahan ngayon ng mag-isa. Bukod sa kilala ako bilang pinakabatang mahistrado at isa sa mahuhusay sa imperyo, kilala rin ako bilang binatang nagtataglay ng bughaw na mga mata. Simula pa noong bata ako ay labis ko nang ipinagtataka ang pagkakaroon ko ng ganitong klaseng mga mata gayong wala namang ganito sa aking mga kalahi. Nagtinginan kami ni Alexeus matapos naming marinig iyon. Bughaw na mga mata nga talaga ang simbolo ng pagiging itinakdang kabalyero ng Magissa. Tapos ay nagpatuloy muli si Blasious sa pagbabasa. Isa din ito sa mga dahilan kung bakit may mga humahanga sa akin. Kung tatanungin ninyo ako tungkol sa pag-ibig, wala akong panahon para sa bagay na 'yan. Hindi 'yan sumagi sa aking isipan gayong masyado akong abala sa pag-abot ng aking pangarap na maging isang mahusay na mahistrado. Ngunit gaya nga ng paniniwala ng karamihan, dumadating nga ito sa buhay mo nang hindi mo inaasahan... Isang gabi habang papauwi ako sa aking tinutuluyan dahil galing ako sa isang pagpupulong ng mga mahistrado, sakay ng aking kabayo ay biglang may nahagip ang aking mga mata. May nakita akong isang binibining nakaupo sa isa sa mga mahahabang kahoy na upuan sa tabing-kalsada. Labis ang aking pagtataka dahil malalim na ang gabi ay nasa labas pa ang isang babaeng tulad niya at wala na ring katao-tao sa daan. Nagpasya akong lapitan ang binibining iyon. "Paumanhin, binibini," sambit ko matapos ko siyang lapitan. Ako ay kanya namang tiningala at sa mga sandaling 'yon, masasabi kong iyon na ang pinakamagagandang pares ng mga mata na nasilayan ko. Itim na itim ang mga ito at kumikinang pa na para bang nakatingin ako sa gabi ng kalangitang maraming mga bituin. Nakatingin lamang siya sa akin na para bang nag-aalinlangan siyang kausapin ako. Kaya't ako na lang muli ang nagsalita. "Huwag kang matakot. Hindi ako isang masamang loob. Isa akong mahistrado. Maaari ko bang malaman kung anong ginagawa mo sa lugar na ito ngayong kalaliman na ng gabi?" usisa ko sa babae. "Naliligaw ako," sagot ng misteryosang babae. Maganda rin sa pandinig ang kanyang tinig na para bang isang anghel ang nagsalita. "Ano bang lugar ito? Nasaan ba ako?" usisa pa niya na animo'y natataranta siya. Mukhang isang naliligaw na dayuhan nga ang binibining ito. Napansin ko rin kasi na kaiba na ang kanyang kasuotan. May kaiksian ang manggas ng kanyang damit at ang paldang kanyang suot ay hanggang tuhod lamang. "Huminahon ka, binibini. Ito ang Lungsod ng Aegaeon, Imperyo ng Stavron," sagot ko. Napakunot ng noo ang babae. "Aegaeon? Stavron?" pagtataka nito. "Siya nga pala, ako si Marcus. Ikaw? Maaari ko bang malaman ang iyong pangalan?" tanong ko naman. "Margaret. Ang pangalan ko ay Margaret," sagot niya. Nang gabing iyon, nakilala ko ang maganda't misteryosang babae na nagngangalang Margaret.

Read on the App

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD