Hindi ko magawang lumaban sa isang 'to. Hindi ko magawang gamitin ang kapangyarihan ng kosmima dahil hindi ako makapag-isip ng malalim. Napakalakas pa niya dahil sa higpit ng pagkakahawak niya sa mga kamay ko.
Masakit na nga ang pagkakahawak niya, masakit pa sa kalooban kong tanggapin na maaaring dito na magtatapos ang pagiging Magissa ko.
Hindi ako mapupuntahan ni Alexeus dahil nakakulong siya ngayon kung saan dito sa templo.
Hindi. Hindi maaari ang iniisip ko. Hindi pa naman siguro nila pinaslang si Alexeus, hindi ba? Umaagos pa rin ang luha ko at pinipigilan ko ang paghibi.
Ayaw ko na. Gustong-gusto ko nang makawala sa sitwasyon kong 'to. Hindi ako makapapayag na sa isang gaya lamang ni Zelion mapupunta ang aking sarili.
Nagulantang ako at nagsitayuan ang mga balahibo ko nang maramdaman ko ang isang kamay ni Zelion na bumitiw sa braso ko at iginagapang sa katawan ko paakyat sa aking dibdib.
Sa taranta ko ay napasigaw ako at bigla akong napaangat kaya't naiuntog ko ang aking noo sa ulo ni Zelion. Nabigla siya at umangil dahil sa sakit kaya't tuluyan na niya 'kong nabitiwan at lumayo na siya sa'kin. Nakakunot ang kanyang noo habang hinihimas ang parteng nauntog ko.
Medyo nakahinga ako ng maluwat dahil hindi naman nakarating ang kanyang kamay sa aking dibdib. Mabuti na lang talaga.
"Charlotte!" pagalit niyang sigaw sa'kin. Tiningnan niya 'ko nang may labis na inis kaya't mas lalo akong natakot at kinabahan.
Dali-dali na naman siyang lumapit sa akin at hinawakan ng mahigpit ang mga braso ko. Ngayon, pumilit akong manlaban. At dahil nakaupo ako sa kama ay nasipa ko siya sa bandang tiyan niya.
Bahagya siyang tumalsik papalayo sa akin. Lalong nabakas ang inis sa kanyang mukha.
"Charlotte!" sigaw na naman niya sa pangalan ko nang may inis. Nang makita kong papalapit na naman siya sa'kin ay nataranta ako. Naiangat ko ang pareho kong palad at naitapat ko iyon sa kanya.
"Huwag kang lalapit!" sigaw ko habang nakapikit dahil sa takot. Nagulantang ako nang bigla akong nakarinig ng pagsabog.
Dahan-dahan kong minulat ang mga mata ko at nakita ko ang pagguho ng pader sa likod ni Zelion. Nanlaki ang mga mata ko sa nakita ko at halos nakaawang na ang aking bibig lalo na't nakita kong umuusok pa ang gumuhong pader.
Nakita kong gano'n din ang reaksyon ni Zelion tapos ay napatingin ako sa mga palad ko. Ibig sabihin, nagamit ko ang kapangyarihan ng kosmima?
Nakaramdam ako ng pag-asa dahil dito. Kahit pa alam kong aksidente lamang ang pagkakagamit ko dito ngayon.
"Kosmima ng apoy," seryoso niyang sabi. Napatingin tuloy ako sa kanya.
"Nasa iyo ang kosmima ng apoy!" galit niyang sambit kaya't nagulat ako.
"Akin na 'yan! Kukunin ko 'yan sa'yo pagkat sa akin lamang nararapat 'yan!" bulyaw pa niya sa akin.
Tapos ay nakita kong itinapat niya ang palad niya sa katabing banga ng kanyang kama. Nanlaki ang mga mata ko nang ikumpas niya ang kanyang kamay at bigla na lamang lumabas ang tubig mula sa loob nito na parang may sariling buhay.
Sabay sa kumpas ng kanyang kamay ay sumusunod ang tubig. Pagkatapos ay ginapos niya ako gamit lamang iyon! Nakabalot ang tubig na kanyang kontrolado sa buo kong katawan. Sobrang higpit nito at hindi ako makapiglas!
"P-pakawalan mo 'ko! Ano ba?! Zelion!" bulyaw ko habang pilit na nagpupumiglas ngunit sobrang higpit talaga.
Ngunit naramdaman kong lalo niya itong hinigpitan. Napasigaw ako sa sakit dahil ramdam kong parang naiipit ang mga buto ko.
"Tama na..." pakiusap ko habang namumuo muli ang mga luha sa mga mata ko dahil sa sakit.
Nang ikumpas niyang muli ang kanyang kamay ay bigla akong tumilapon padapa sa sahig. Napasigaw ako sa sobrang sakit ang pagkakabagsak ko na para bang nadurog na ang mga buto ko.
"Susundin mo ba ako? O mamamatay ka na ngayon?" seryoso niyang tanong. Tapos ay lalo niyang hinigpitan ang tubig na nakagapos sa buo kong katawan kaya't lalo akong napasigaw ng mas malakas na halos dinig sa buong silid.
"Sumagot ka, Magissa!" utos niya.
Marahas akong umiling. "Hindi! Ayaw ko! Mamamatay muna ako!" pagpilit ko. Ano ba 'yong sinabi kong 'yon? Baka nga tuluyan na niya 'ko dito. Bumagsak na tuloy ang luhang kanina pa namumuo sa aking mga mata.
Mayamaya'y narinig ko ang kalansing ng kanyang espada. Pinilig ko ang ulo ko upang makita siya at nakita ko ngang may hawak siyang malaki at matalas na espada at handa niya 'yong isaksak sa'kin!
Napapikit na lamang ako sa takot habang unti-unting tinatanggap na maaari nang matapos ang buhay ko dito.
Ngunit napadilat ako nang nakarinig kami ng pagguho. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko si Alexeus. Naroon siya nakatayo hawak ang kanyang espada dahil siya ang may dahilan ng pagguho ng malaking pintuan na 'yon.
"Alexeus!" Tila nabuhayan ako ng pag-asa. Buhay pa siya! Mabuti naman. At dumating siya para iligtas ako.
"Charlotte!" sambit niya sa pangalan ko at nakatingin siya sa'kin ngayon nang may labis na pag-aalala.
"At ikaw!" sambit niya sabay baling ng tingin kay Zelion.
"Ikaw marahil ang pinunong kanilang tinutukoy," seryoso niyang sambit habang matalim ang tingin niya kay Zelion.
Pagkatapos ay tumawa si Zelion na parang demonyo. "Maligayang pagdating, Prinsipe Alexeus," nanunuya niyang sambit.
"Anong ginawa mo kay Charlotte? Nababalutan siya ng...tubig?" kunot-noong sambit ni Alexeus.
"Sa palagay ko'y nasa kanya ang kosmima ng tubig! Kaya't mag-iingat ka sa kanya, Alexeus!" mahigpit kong bilin.
Tumawa si Zelion. "Tama ang Magissa, Kamahalan. Nasa akin nga ang kosmimang iyon."
"At ito ang para sa'yo!" sambit ni Zelion sabay kumpas ng kanyang kamay at ang tubig na kanyang kinontrol mula sa banga ay naging mga naglalakihang tulos na yelo!
Ibinato niya ang mga ito kay Alexeus ngunit sa kabutihang palad ay nasangga niya iyon lahat gamit ang kanyang espada.
Suminghal si Zelion. "Magaling nga ang Prinsipe ng Stavron. Pero," sambit nito.
"Mas magaling ako sa'yo!" sambit niya sabay tira nitong muli ng mga malalaking tulos na yelo kay Alexeus.
Nasasangga't nadudurog ni Alexeus ang bawat tulos na yelong rumaragasa papunta sa kanya. Patuloy lamang ang pag-atake sa kanya ni Zelion habang patuloy lang din siya sa pagsangga sa mga ito.
Kailangan may gawin ako. Habang abala si Zelion sa pakikipaglaban kay Alexeus, gagamitin ko 'tong pagkakataon para makapag-isip.
Mayamaya'y narinig kong umangil si Alexeus. Tumingin ako sa kanya at nakita kong tinamaan siya sa braso! Dumudugo ito! Napahawak siya sa kanyang braso at kita mo sa kanyang mukha na nasaktan siya.
Habang abala si Alexeus sa dumudugo niyang sugat ay mabilis siyang sinugod ni Zelion gamit ang espada nito. Mabuti't mabilis si Alexeus at nasangga niya ang espada nito gamit ang Flago.
Ngunit sa pagkakataong ito, mukhang nanghihina si Alexeus. Nagbubuno sila gamit ang kanilang mga espada at mukhang dehado si Alexeus!
Kailangan kong gumawa ng paraan at tulungan si Alexeus!
Huminahon muna ako. Ipinikit ko ang aking mga mata. At hinanap ang sentro ng aking isipan. Nararamdaman ko ang pag-agos ng pawis ko habang ginagawa ko ito.
Mayamaya'y naramdaman ko na ang pag-init ng aking mga kamay. Konti pa. Konting init at lakas pa!
Naramdaman kong kumulo ang tubig na nakabalot sa'kin at agad akong kumalas. Sa wakas! Nagawa ko!
Habang abala ang dalawa sa pagbubuno ng espada sa isa't isa. Dahan-dahan akong tumayo habang iniinda ang sakit ng katawan. Kailangan may magawa ako sa pagkakataong ito.
Itinapat ko kay Zelion ang mga palad ko at naglabas ako ng apoy. Bumulusok ng mabilis ang apoy papunta sa kanya kaya't tumilapon siya.
"Alexeus!" sigaw ko sabay takbo papalapit sa kanya.
"Alexeus, ayos ka lang ba?" pag-aalala ko sa kanya habang hawak ko siya sa mga braso niya.
Tumango siya. "Oo. Ayos lang ako. 'Wag kang mag-alala," sambit niya. Pero kahit sinabi niya 'yon, halata ko pa rin sa kanya na nasasaktan siya dahil sa dumudugo niyang sugat sa braso.
Kinuha ko agad ang panyo sa bulsa ko at itinali ko iyon sa sugat niya para maibsan ang pagdurugo nito kahit papaano.
"Salamat, Charlotte," sambit niya.
Napansin kong nanlaki ang mga mata niya. "Dapa!" Nagulat ako sa sigaw niyang 'yon sabay hila niya sa'kin padapa papalapit sa kanya.
Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko na si Zelion pala 'yon. Nakatayo siya at tinangkang saksakin kami ng kanyang espada.
Puno ng galit ang ekspresyon ng mukha ni Zelion habang lumalapit sa amin at handang atakihin kami ng kanyang espada.
"Tumakbo ka na, Charlotte!" sigaw sa'kin ni Alexeus sabay tulak niya sa'kin.
"Hindi! Ayaw ko! Hindi kita iiwan dito!" pagmamatigas ko.
"Sige na! Inuutusan kita bilang prinsipe kaya't sundin mo 'ko!" katwiran naman ni Alexeus.
Nakikipagbuno na naman siya kay Zelion. Nakatingin pa rin ako kay Alexeus. At nag-aagaw ang aalis ba ako o mananatili sa aking isipan.
Ngunit tiningnan niya 'ko na parang nakikiusap. At ang lalong nakapagpakirot ng puso ko ay nang binigyan niya 'ko ng isang maaliwalas na ngiti.
Hindi ko namalayang may pumatak na luha sa aking mata. Tumalikod ako at agad na tumakbo papalabas ng silid. Iniwan ko si Alexeus na nakikipaglaban kay Zelion. Labag man sa kalooban ko ngunit ito ang gusto niya.
Tumatakbo ako ngayon na parang walang patutunguhan. Babalik ako, Alexeus. Hihingi lang ako ng tulong. Babalik ako, pangako. Hintayin mo 'ko.
Sa aking pagtakbo, nakasalubong ko ang grupo ni Lucio kaya't napahinto ako.
"Charlotte?" tanong ni Lucio.
Bigla akong nanigas. Lagot na. Mukhang hindi na ako makakalabas dito. Huhulihin nila ako. Mga tauhan sila ni Zelion.
Nagkuyom ko ang mga palad ko. "'W-'wag kayong lalapit sa'kin. Ako ang Magissa at taglay ko ang kosmima ng apoy. Kaya't kaya ko kayong labanan," panankot ko sa kanila. Humihinga ako ngayon na halos makikita mo na ang pagtaas-baba ng dibdib ko.
"Sandali lamang, Charlotte. Huminahon ka. Maniwala ka man o hindi, narito kami upang tulungan kayo ng prinsipe," sambit ni Lucio.
Napakunot ang noo ko sa kanyang sinabi. "Ano?" pagtataka ko.
"Alam na namin ang katotohanan tungkol kay Pinunong Zelion," sambit pa niya.
"Katotohanan?" pagtataka ko.
Tumango siya. "'Pagkat kanyang ama pala ang malupit na nagmay-ari ng aming lupain. Hindi alam ng palasyo na pinaalis niya kami roon at ang mga sulat ng hinaing namin ay siya rin ang humaharang upang hindi ito makarating sa palasyo," paliwanag niya.
"Bakit naman ito gagawin ng pamilya ni Zelion?" usisa ko.
"Nais nilang palabasin na masama ang Emperador. At dahil nga sa labis naming poot, gagamitin nila kami upang maging kaniyang mga tau-tauhan sa gagawin nilang pag-aaklas laban sa palasyo," paliwanag pa niya.
Napaisip ako dahil naalala ko ang sinabi sa'kin kanina ni Zelion. "Tama. Dahil nais niyang pabagsakin ang Emperador at kunin ang trono nito mula sa kanya," sambit ko.
Nagkatitigan kaming lahat. Tapos ay nagkasundo kaming magkampihan. Agad na kaming nagmadaling bumalik kung nasaan naroon sina Alexeus at Zelion. Walang oras na kailangang sayangin.
Pagdating namin doon, nanlaki ang mga mata ko dahil nakita kong walang malay na nakakulong si Alexeus sa loob ng yelo at balak itong saksakin ni Zelion!
"Huwag!" sigaw ko.
Bumaling sa akin ang tingin ni Zelion. Ningitian niya ko ng masama. "Huli ka na, Magissa. Wala na siyang malay at ngayon, tuluyan ko nang wawakasan dito ang kanyang buhay!" sambit niya.
"Kaming bahala, Magissa," bulong sa'kin bigla ng mga kasama ko.
Sumugod sila kay Zelion gamit ang kanilang mga sandatang sibat at espada.
"Anong ginagawa niyo? Mga traydor!" galit na bulyaw ni Zelion. Ngunit bago pa sila tuluyang makalapit kay Zelion ay inatake niya ang mga ito ng mga tulos ng yelo at agad naman silang nagsitilapon sa sahig.
"Lucio!" sigaw ko. Nakabulagta sila sa sahig habang dumadaing ng dahil sa sakit na nararamdaman nila dulot ng atake ni Zelion.
Ano nang gagawin ko ngayon?
"At ngayon naman, ikaw naman Magissa," sambit ni Zelion.
Nang kumumpas siya ay umangat ang tubig at naging mga malalaking tulos ng yelo at nang siya'y muling kumumpas ay pinaragasa niya ang mga ito papunta sa'kin.
Sa taranta ko, naitaas ko na lamang ang mga braso ko pa-ekis. Nabigla ako nang hindi nakarating sa'kin ang mga tulos dahil nadurog na ang mga ito.
Nanlaki ang mga mata ko nang mapagtanto kong nakagawa pala ako ng pulang harang kaya't naharangan ko ang pagdating ng kanyang atake sa akin.
"Aba. Masuwerte ka pa rin, Magissa," sambit niya.
Kahit may alinlangan ay itinapat ko kaagad ang mga palad ko sa kanya. Nakakapaglabas na ako ng apoy sa pagkakataong ito. Hindi ako dapat pangunahan ng takot. Kailangan ako ng lahat ng naririto 'pagkat ako ang Magissa!
Ngunit bawat atake ko sa kanya ng apoy ay sinasangga lamang niya ng harang niya na gawa sa tubig kaya't hindi siya tinatablan.
Nang napansin ko 'yon, napahinto ako.
"Ano? Tapos ka na ba?" nang-aasar niyang tanong.
Nabigla ako nang biglang napasigaw si Zelion na parang dumaing ng sakit.
"Traydor!!" sigaw niya habang nakatingin sa baba. Kay Lucio, na nakadapa. Sinaksak niya sa bandang paa si Zelion. Mukhang malalim ang saksak dahil ang daming dugo na umaagos mula rito. Halos hindi makahakbang ni makagalaw si Zelion.
"Sige na, Charlotte. Ngayon na!" sigaw ni Lucio.
Agad-agad ko namang itinaas muli ang mga palad ko at itinapat kay Zelion. Matagumpay na naman akong nakapaglabas ng apoy at sa pagkakataong ito, sumakto na sa kanya at tumilapon siya sa sahig.
Nang tumilapon si Zelion ay agad siyang kinuyog ng grupo ni Lucio upang hindi na ito makagalaw pa. Ngunit pilit itong nagpupumiglas.
"Bitiwan niyo 'ko, mga hampaslupa!" sigaw nito.
"Ikaw 'yon! Manlilinlang!" sigaw ni Lucio habang pinipigilan ang pagpiglas ni Zelion.
Nagmadali ako lumapit sa kanila. "Ngayon na, Charlotte!" sigaw sa'kin ni Lucio.
Lumuhod ako sa bandang ulunan ni Zelion at inilapat ang mga palad ko sa kanyang dibdib. Dito ako naglabas ng apoy mula sa mga kamay ko.
Tapos ay nagsimula nang sumigaw si Zelion ng ubod ng lakas dahil siguro sa sobrang sakit na nararamdaman niyang pagpaso ko sa kanya.
"Tama na! Ayaw ko na!!" sigaw pa ni Zelion na halos labas na ang litid niya sa leeg. Pawis na pawis na siya at parang naluluha-luha na.
Tapos ang isang kasamahan ni Lucio ay hiniwa ang bandang kaliwang kamay ni Zelion.
"Hindi! Ang aking kosmima!!" sigaw pa niya.
Napatingin tuloy ako. Oo nga! May tumilapon na kulay berdeng bato! Iyon na malamang ang kosmima ng tubig!
Tumilapon ito malapit sa kinalalagyan ni Alexeus. Lumiwanag ito ng kulay berde at sa isang iglap ay natunaw ang yelong nakabalot kay Alexeus.
Nang matunaw ang yelo ay unti-unting nagkamalay si Alexeus. Nakaramdam ako nang tuwa at nakampante na rin. Salamat at buhay siya.
Nang lumapit sa amin si Alexeus ay hininto ko na ang pagpaso dito. Tapos ay nagsitayo na kami at lumayo kay Zelion.
Nakaramdam ako ng kaunting awa sa hitsura niya ngayon. Bakit ba kasi kailangan pa niyang maging ganyan?
Dilat pa ang mga mata niya ngunit 'di na siya gumagalaw na para bang nanigas na siya. Pero may malay pa siya at humihinga.
Mayamaya'y nakaramdam ako ng hilo at panlalabo ng paningin kaya't napakunot-noo ako at kumurap-kurap sabay iling.
"Mga guwardiya sibil na ang bahala sa'yo. Ipadadala kita sa palasyo upang mahusgahan," sambit ni Alexeus habang nakatitg sa walang kibo na si Zelion.
Tapos ay bigla na lamang akong natumba at bumulagta sa sahig.
"Charlotte!" Ang aking huling narinig bago magblangko ang lahat.