Kabanata 17: Leaving at Agua

1753 Words
"Charlotte?" Naririnig kong may tumatawag sa pangalan ko. "Charlotte, gumising ka pakiusap!" Gumising? Bakit? Teka, ang boses na 'yon. Sa tono niya, mukhang sobrang nag-aalala siya. "Charlotte!" Dahan-dahan kong minulat ang mga mata ko. Agad namang tumambad ang mukha ni Alexeus. At kitang-kita ko ang pag-aalala niya ng labis. "Mabuti nama't gising ka na!" sambit niya na mukhang napanatag na siya. Nakahiga pala ako sa kandungan niya. Tapos ay dahan-dahan akong bumangon at umupo. Pakiramdam ko'y masyado akong nanghina. Ano na bang nangyari? "Kamusta ang pakiramdam mo? Ayos ka lang ba? Nanghihina ka pa ba?" usisa sa'kin ni Alexeus na halatang labis na nag-alala sa'kin. Ngumiti ako sa kanya. "Ayos lang ako, Alexeus. Huwag ka nang mag-alala pa," sambit ko. Ngumiti na rin siya. "Mabuti naman kung ganoon," sambit niya. Tumayo na si Alexeus at tinulungan naman niya 'kong tumayo. Sa nakikita ko, narito pa rin kami sa baryo ng Agua. Heto kami sa tapat ng templo ni Zelion. Oo nga pala. Si Zelion!  "Alexeus, si Zelion? Ano nang nangyari sa kanya? Nasaan na siya?" usisa ko. "Huminahon ka, Charlotte. Maayos na ang lahat. Natalo na natin si Zelion. Dinakip na siya ng mga guwardiya sibil ng Ajax at dinala siya sa palasyo para ikulong at husgahan upang maparusahan," sambit ni Alexeus. Napansin kong nanahimik siya bigla at sumeryoso ang kanyang mukha. "Ngunit, nababagabag pa rin ako sa kanyang huling sinabi nang sandaling mahuli siya ng mga guwardiya sibil," seryoso niyang sabi. "Hindi pa tayo tapos! Magtutuos pa tayo! Darating ang araw na makakaganti din ako sa inyo! Maghintay lamang kayo! Hindi pa ito ang huli nating pagkikita, mahal na prinsipe at Magissa!" sabi ni Zelion tapos ay tumawa siya na parang baliw. "Iyon ang kanyang sinabi," sambit ni Alexeus na may halong pag-aalala. Bigla na rin tuloy akong nakaramdam ng pag-aalala. "Siya nga pala, ang kosmima. Nasaan na napunta ang kosmima ng tubig?" usisa ko. Biglang kinuha ni Alexeus ang aking pulsuhan at hinarap sa'kin ang suot kong stefani dito. "Kita mo?" tanong niya. At nakita ko ngang may kulay berde nang diyamante sa aking stefani. Napangiti na lamang ako. Mabuti nama't nakuha ko pala ito. Tapos ay nagsitipon sa amin ang mga mamamayan ng Agua. Nakita namin ang mga ngiti sa kanilang mga mukha na para bang nakahinga sila ng maluwag. Paalis na kami ni Alexeus ng Agua. Kasama namin ngayon ang mga mamamayan nito para makapagpaalaman na rin kami sa isa't isa. "Maraming salamat, Kamahalan, at sa iyo din, Magíssa," sambit nila. Ningitian namin sila. Hindi naman pala kasi kagustuhan ng Emperador na ibenta ang kanilang lupain. Nalinlang lamang ang Emperador dahil nangako itong ibibigay niya ang lupain sa mga manggagawa at patuloy na pagtatrabahuhin sa lupa. Ngunit nang maipagbili ito, hindi ito tumupad sa usapan. Bagkus, ibinenta itong muli sa iba at pinalayas sila ng bagong bumili nito. At ito nga ang ama ni Zelion at ginamit nila ang pagkakataong ito upang siraan ang palasyo sa mga mamayan nito upang makagawa ng isang pag-aaklas laban dito at makuha nila ang posisyon ng Emperador. "Sisikapin namin na mabuhay ng maayos dito sa Agua," sambit ng isang lalaki. "Basta't palagi ninyong tatandaan na bukas ang aming palasyo para sa mapayapang usapan," sambit ni Alexeus. "Opo, Kamahalan," nakangiting tugon ng mga mamamayan ng Agua. Tapos ay nagsilapitan sa amin ni Alexeus ang iba sa kanila para magbigay ng regalo bilang pasasalamat. Mga prutas, boteng may tubig para baunin namin sa aming paglalakbay. May mga nagbigay din ng kumot. Napangiti na lamang ako. Nakakatuwa lang. At mukhang gustung-gusto din si Alexeus ng mga bata. "Magíssa." Lumingon ako sa tumawag sa'kin. "O, ikaw pala Lucio," sambit ko. "Heto. Para sa'yo," Namilog ang mga mata ko sa bagay na binibigay niya sa'kin. "Isang pana at palaso? Para sa'kin ba talaga 'to?" mangha kong sambit. Isang vintage recurved hunting bow and arrow. Hindi ako makapaniwala. "Oo naman. Ang aking ama mismo ang may gawa niyan," pagmamalaki niya. Malaki ito at gawa sa silver at bronze ang mismong bow. "Naku, maraming salamat," sambit ko sabay sukbit ko ng mga ito sa aking likod. Mukhang magagamit ko yata ang mga natutunan ko sa Archery class namin sa PE nito ah. "Mukhang sigurado na sa'yo ang Prinsipe," sambit niya bigla. "Hah?" Itinuro niya ang kuwintas na suot ko. "Eto?" usisa ko sabay hawak sa kuwintas. "Oo. Iyan nga. Ibinibigay iyan ng isang prinsipe sa binibining nais niyang mapangasawa," sambit niya. Nabigla ako sa sinabi ni Lucio kaya't napaawang ang aking bibig. Iyon pala siguro ang ibig sabihin ng sinabi ni Alexeus sa'kin nang binigay niya sa'kin 'to. Isang palatandaan. Bumilis na naman ang pintig nitong puso ko. "Charlotte!" Tila natauhan ako nang may tumawag sa akin. Tapos ay napalingon ako kay Alexeus. "Umalis na tayo," sambit niya. "Ah, oo," sambit ko naman. Tapos ay lumapit ako sa kanya at sumakay muli ng kabayo, syempre dating puwesto. Naramdaman kong mainit sa may bahaging bulsa ko. At nang makita ko, umiilaw na naman ito. Tama, ang katheftris. Agad ko itong kinuha dahil malamang magbibigay na naman ito ng palatandaan kung saan namin makikita ang susunod na kosmima. "Anong ipinakita ng katheftris?" usisa ni Alexeus sabay tingin dito. "Isang...kagubatan?" sambit ko. Iyon naman kasi talaga ang nakalagay eh. "Saang kagubatan naman kaya iyan?" pagtataka ni Alexeus. Nagkibit-balikat na lamang ako dahil maski ako'y walang ideya. --- Habang binabaybay namin ang daang hindi namin alam kung saan kami papunta, napatingin ako sa aking Stefaní. Nakuha ko na ang kosmima ng tubig. Dalawa na ang elementong hawak ko. May apat pang natitira. "Saan na tayo pupunta ngayon?" tanong ko. "Ahm...hindi ko alam. Bahala na," sagot niya. "Wala rin naman kasi tayong ideya kung saang kagubatan ang tinutukoy ng katheftris," dagdag pa niya. Tama ang sinabi niya. Natahimik siya sandali. "Ang ganda ng panang iyan," sambit niya bigla. "Oo nga eh," pagsang-ayon ko. "Bigay ni Lucio." Ako lang ba, o ang seryoso ng pagkakasambit niya? "Pinaaabot lang sa kanya. Kanyang ama mismo ang gumawa nito, at regalo sa akin ito ng Agua bilang pasasalamat," sambit ko. "Marunong ka naman bang gumamit niyan?" tanong niya. Tumawa ako ng bahagya. "Oo naman!" pagmamalaki ko. Totoo naman eh. Mayamaya'y biglang nagdilim ang paligid. Madilim na para bang napasok kami sa ibang dimensyon na wala ka talagang makikitang kahit ano. Biglang bumilis ang t***k ng puso ko dahil sa takot at kaba dulot ng nangyaring ito. "Sandali, tanghali pa lang ah? Bakit bigla yatang dumilim?" sambit ko. At aaminin ko, natatakot ako. Wala kasi kaming nakikita sa paligid. Para kaming nasa loob ng isang  'black hole.' "'Wag kang mag-alala, Charlotte. Makakalabas din tayo mula rito," sambit niya. Pinatakbo na lang ni Alexeus ang kabayong aming sinasakyan. Bahala na kung saan kami mapadpad. Basta't makalabas lang kami mula sa kadilimang ito. Sa aming pagtakbo, sa wakas ay may natanaw na din kaming liwanag. Nakaramdam na ako ng kapanatagan kahit papaano. Iyon na siguro ang dulo nitong kadiliman. Mas pinabilis pa ni Alexeus ang takbo ng kabayo para makarating na agad kami sa dulo. Nang marating nga namin ang dulo, maliwanag nang muli at may nakikita na kami sa paligid. Ngunit dinala kami nito sa isang bangin. Halos malaglag ang puso namin dahil sa pagkabigla nang kami ay mahulog. At sumisigaw kami habang bumubulusok kami ngayon pababa mula sa mataas na puwesto at babagsak kami sa isang kagubatan. Napapikit na lamang ako at natataranta na ng labis ang isip ko dahil hindi ko na malaman ang gagawin ko sa sitwasyon ko ngayon. May kakayahan bang makalipad gamit ang mga kosmimang nasa akin ngayon? "Charlotte!" sigaw ni Alexeus mula sa kabilang panig. Ang layo niya mula sa'kin. At mukhang magkahiwalay pa kami ng babagsakan! "Alexeus!" sigaw ko naman ng may labis na pangamba. Nang tuluyan akong bumagsak ay biglang nagdilim ang paligid. -- "Buhay pa ba siya?" "Sino kaya ang isang iyan?" "Sa tingin ko'y isa siyang mortal." May mga naririnig akong nag-uusap sa paligid. Kaya iminulat ko ang mga mata ko para makita kung nasaan ako. "Gising na siya!" Nanlalaki ang mga mata ko habang nakakunot-noong nakatingin sa aking paligid. Tama ba 'tong nakikita ko? Ang mga nakapaligid sa akin ngayon ay mga.. "T-taong ibon?" gulantang kong tanong. Hindi ako makapaniwala. Halos na-estatwa na ako sa kinalalgyan ko ngayon dahil sa nakikita ko ngayon sa paligid ko. Umiling-iling ako. Tapos ay kinurap-kurap ko rin ang mga mata ko. Sinampal at kinurot ko na rin ang sarili ko. "Ah...p-paumanhin. Ngunit, a-anong ginagawa mo sa iyong sarili?" tanong sa'kin ng isa. Kinausap niya 'ko! Hindi nga yata ako nananaginip! "W-wala naman..." sambit ko. "A-anong mga klase kayong nilalang? Nasaan ako? Anong nangyari? Paano ako napunta rito?" usisa ko. Nagtinginan ang mga taong ibon na mga nakapaligid sa'kin. "Kami ay mga taong ibon na naninirahan dito sa kagubatan ng Hagnós at naririto ka ngayon sa aming tribo, ang Poulí." Hindi ako makapaniwala. Akala ko sa TV lang sila nakikita. Sa mga fantaserye at anime? Pero eto sila, totoo, at kasama ko. "P-paano ako napadpad dito?" tanong ko ulit. "Nakita ka ng isa sa mga kasamahan namin at walang malay na nakahiga sa ibabaw ng mga halaman," sagot ng isa. Bigla kong naalala si Alexeus. Magkaiba kami ng binagsakan. "Teka sandali, may nakita ba kayong kasama ko?" usisa ko. Nagtinginan sila sa isa't isa. "Ngunit nag-iisa ka lamang nang ikaw ay aming natagpuan, binibini," sagot nila. Napakunot ang noo ko. Siguro magkahiwalay nga ang lugar na pinagbagsakan namin ni Alexeus. Saan naman kaya siya napadpad? Ayos lang kaya siya? Sana naman walang nangyaring masama sa kanya. Bigla akong nag-alala para sa kanya. Napatingin ako ulit sa kanila at sinuri. Mga tao sila na may pakpak na parang anghel. Ngunit sa kanila, iba-iba ang makikitang kulay. May itim, may puti, kayumanggi, o kaya ay halo ang mga kulay. Matutulis din ang kanilang mga kuko sa paa at kamay. Ang kasuotan nila ay parang katulad sa sinaunang Gresya. Mukha itong bestida na may maikling manggas, may bakal na belt at hanggang tuhod ang haba at nakasuot sila ng leather na sandalyas sa kanilang paa. "Ano nga pala ang iyong pangalan, binibini?" tanong ng isa. "Ch-Charlotte. Ako si Charlotte," sagot ko. "Nabanggit mo na may kasama ka, hindi ba?" usisa ng isa. "O-oo!" masigasig kong sagot. "Hindi lang naman kami ang nag-iisang tribo dito eh," sambit niya. Napakunot-noo ako. Ano? Hindi lang sila? "May tatlo pang tribo ang nandito sa kagubatan ng Hagnós. Maaaring isa sa mga iyon ang nakakuha sa iyong kasama," sambit ng isa. Saan naman kaya sa mga tribong iyon ang maaaring nakakuha kay Alexeus?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD