Kahapon lamang nang dalhin ako ni Alexeus dito sa kanilang palasyo. Mahimbing naman ang naging tulog ko kagabi dahil komportable ang naging tulugan ko. Malambot at malaki ang kama. Uso na yata ang bulak dito pero hindi ang foam. Gano'n din ang mga unan na ginamit ko, at may malambot na kumot pa.
Nandito ako ngayon sa aking silid sa palasyo. Tinitingnan ko nang mabuti ang aking kabuuan sa harap ng isang body mirror.
Hindi pa rin ako makapaniwalang isa akong prinsesa ngayon. Kahit alam kong panandalian lamang dahil nagpapanggap lang naman ako. Kahit medyo may kaunting guilt akong nararamdaman. Eh wala naman akong ibang maisip na paraan. Alam kong mas ligtas ako dito sa loob ng palasyo kaysa magpalaboy-laboy ako diyan sa labas nang walang kamalay-malay sa lugar na 'to.
Suot ko ang isang kulay green na Victorian era ball gown. Nang biglang may kumatok sa pintuan.
"Sino 'yan?" tanong ko mula dito sa loob. Hindi ito umimik. Kumatok lang siya ulit ng tatlong beses. Napakunot-noo ako kaya't binuksan ko na lang ang pinto.
"A-Alexeus...ikaw pala." Nabigla ako sa pagdating niya.
"May kailangan ka ba?" tanong ko. Medyo nawiwindang pa 'ko sa presensya ng lalaking 'to. Nakakilabot kasi na ewan.
"Ipinasusundo ka sa akin ng aking Ama. Pagkat nais ka raw nilang makasalo ngayon sa hapag-kainan," sambit niya. Lagi lang ba talagang walang emosyon ang lalaking 'to? Sayang ang kaguwapuhan.
Nauna na sa paglakad si Alexeus at nasa likod niya lamang ako. Sa sobrang tahimik ng paligid, tanging alingawngaw ng tunog ng aming mga yabag ang maririnig.
"Maaari mo naman akong ipatawag sa dama. Bakit ikaw pa ang pumunta?" pagbasag ko sa katahimikan.
"Sa pagkat sa akin iyon iniutos ng aking ama. Hindi ko siya maaaring suwayin," katwiran niya.
"Sus. Tinatakasan mo nga 'yong kagustuhan niyang mag-asawa ka," nasambit ko bigla. Naku lagot. Ang bibig mo, Charlotte! Baka mapalayas ka sa palasyo ng 'di oras!
Bigla na lamang siyang huminto kaya't nabunggo ako sa likod niya.
"Aray naman. Bakit ba--" Naputol ang sinasabi ko nang humarap sa'kin si Alexeus at nakita kong binigyan niya 'ko ng isang matalim na tingin. Kinilabutan tuloy ako.
"Wala kang nalalaman sa iyong sinasabi kaya't mas mabuting tumahimik ka na lang, puwede?" sambit niya na parang nananakot.
Pagkatapos ay tumalikod na siyang muli at nanguna sa paglalakad. Sa paglalakad ko, mayamaya'y naapakan ko ang dulo ng palda ng ball gown ko kaya naman natisod ako't nadapa sa sahig.
"Aray ko..." daing ko. Ang sakit nang pagkakatisod ko. Nakarma ba ako dahil sa sinabi ko kanina kay Alexeus? Dahan-dahan akong naupo. Tapos ay may bumungad sa'king nakalahad na palad kaya't tumingala ako.
"Alexeus?.." pabulong kong sambit sa pangalan niya. Napatitig na naman ako sa mukha niya. Walang emosyon ngunit 'di maikakaila ang kaguwapuhan nito.
"Bilisan mo't tumayo ka na riyan," Natauhan ako bigla sa sinabi niya.
"O-oo," sambit ko sabay kuha ng palad niya. Dahan-dahan niya 'kong inalalayan tumayo. Nang bitiwan na niya ang kamay ko, agad akong humakbang. Pero masakit pa ang paa ko kaya't natisod na naman ako.
Ngunit sa pagkakataong ito, nasalo na ako ni Alexeus. Napasubsob ako sa dibdib niya at siya namang hawak niya sa baywang ko. Dahan-dahan akong tumingala at nagkasalubong na naman ang aming paningin.
Ngunit sa sandaling ito, malapitan na. Hindi ko talaga maiwasang mamangha sa magaganda't bughaw niyang mga mata na animo'y nakatingin ka sa langit na walang mga ulap.
"Hanggang kailan mo ba ako balak titigan ng ganyan, Prinsesa?" Natauhan akong bigla sa sinabi niya. Agad naman akong lumayo sa kanya at inayos ang sarili ko.
"Ah, n-naku pasensya na," sambit ko. Nakaramdam ako ng hiya. Kumabog bigla ng mabilis ang puso ko. Ano naman kaya 'yon?
Napansin kong nakatitig sa'kin si Alexeus na para bang sinusuri siya 'ko kaya't napakunot ang aking noo.
"Bakit?" tanong ko.
"Mukhang hindi ka sanay sa ganyang klase ng kasuotan. Para tuloy hindi ka isang prinsesa," sambit niya na parang may halo nang pang-aasar.
"Hi-hindi ah. Mas mahaba nga lang ang damit na 'to kaysa sa karaniwang sinusuot ko sa aming palasyo," palusot ko.
Nagkibit-balikat lang siya tapos at tumalikod na siyang muli sa'kin at nagpatuloy na kami sa paglalakad. Pasensya na, pero ayaw ko pang mabuking, ano.
Dinala ako ni Alexeus sa parang dining area ng palasyo. Magarang long table na mga nasa 12-seater siguro. Tapos isa-isang hinahain ng mga dama ang mga pagkain sa mesa. Ang daming pagkain at mukhang masasarap pa. Ano kayang meron? May fiesta kaya? Dumating na si Emperador Acanthus kaya nagbigay galang ang lahat.
"Aba, tunay na napakaganda nga ni Prinsesa Charlotte," nakangiting bungad sa'kin ng Mahal na Emperador.
Ngumiti ako at nagbigay-galang. "Salamat, Kamahalan."
"Hindi ba, Alexeus?" tanong niya habang nakangiting tumingin sa kanyang anak. Ngunit walang natanggap na sagot ang kanyang ama na parang wala itong narinig. Napatingin lang ako kay Alexeus, sabay irap sa kawalan.
Ang sungit talaga nitong Alexeus na 'to. 'Di marunong mag-appreciate ng ganda. Kainis.
May dumating naman na dalawang babae at nagbigay-galang ang lahat sa kanila.
"Aba, meron pala tayong isang magandang panauhin," magiliw na sambit no'ng mala-diyosang babae na mukhang kasing-edad lang ng Emperador.
"Siya nga pala ang aking mahal na kabiyak, si Emperatris Aldora," pagpapakilala sa kanya ng Emperador.
"Ah, naku. Kinagagalak ko po kayong makilala, Kamahalan. Ako nga po pala si Prinsesa Charlotte," magalang kong sambit.
"Aba, isang prinsesa! Kinagagalak din kitang makilala. Tunay na napakaganda mo," magiliw niyang sambit sa'kin.
Ningitian ko siya, "Salamat, Kamahalan."
"Siya na ba ang iyong mapapangasawa, adelfós?" tanong naman no'ng batang babae na kasa-kasama ng Emperatris. Pareho kaming nabigla ni Alexeus sa tanong.
"Hindi! At hindi pa ako mag-aasawa," pikon na tugon ni Alexeus.
"Ina, galit po sa'kin si adelfós," mangiyak-ngiyak na sambit no'ng batang babae na mukhang nasa 10-13 ang edad na hawig ni Alexeus, habang nakakapit sa palda ng mahal na Emperatris.
"Alexeus, huwag mong pagtaasan ng boses ang nakababata mong kapatid," saway sa kanya ng Emperatris.
"Paumanhin, Ina. Paumanhin, Airlia," mahinahong sambit ni Alexeus.
Naupo na kami sa hapag-kainan para kumain ng tanghalian. Nasa solong puwesto sa mesa ang Emperador, tapos si Emperatris Aldora at Prinsesa Airlia ay magkatabi sa gawing kanan, at kami naman ni Alexeus ay magkatabi dito sa gawing kaliwa.
"Saang imperyo ka nagmula, mahal na Prinsesa?" tanong sa'kin bigla ng Emperatris sa kalagitnaan ng aming pagkain.
"Imperyo ng Calabarzon, bansang Pilipinas," sagot ko. Ayaw ko naman talagang magsinungaling pero, wala eh. Andito na ko. Paninindigan ko muna, sa ngayon.
"Hmm, meron palang ganoong imperyo at bansa? Ngayon ko lamang iyon narinig," sabi niya.
"Hindi ba, kaduda-duda ito, Ina?" singit bigla ni Alexeus. Napatingin tuloy ako sa kanya bigla. Mukhang mahirap nga talagang papaniwalain ang mayabang na prinsipe'ng 'to.
"Hindi tanyag ang aming lupain sapagkat maliit lamang na bansa iyon at binubuo lamang ng mga pulo," sambit ko. Well, totoo naman eh. Archipelago kaya ang Pilipinas.
"Ah, ganoon ba. Maaari ba naming malaman ang tungkol sa iyong pamilya at kung paano ka nawala at napadpad dito?" sambit ng Emperador.
Isip, Charlotte. Under interrogation ka ngayon ng imperial family. Oo masama magsinungaling, pero kailangan eh. Sa ngayon lang naman. Aalis din naman ako dito sa palasyo para humanap ng paraan kung paano ako makakauwi. Naghihintay sila sa sagot ko. Dapat 'yong kapanipaniwala. Lalo na para sa Alexeus na 'to. Mukhang matalino siya at 'di basta-basta maiisahan. Huminga muna ako ng malalim.
"Nag-iisa akong prinsesa ng aking ina na si Emperatris Ysabel," panimula ko.
"Ibig sabihin, ikaw ang tagapagmana ng trono ng inyong kaharian, Prinsesa?" usisa ni Airlia. Napaka-cute talaga ng batang 'to na kamukha ng kuya niya.
"Ganoon na nga. Tapos, umalis ako sa aming imperyo upang tumakas," pagpapatuloy ko. Biglang natawa ang Emperador.
"Pareho pala kayo ng aking anak," sambit niya. Napatingin ako kay Alexeus at nakita kong napangiwi siya sabay iling. Natawa na din ako sa isip ko.
"Ano ang iyong dahilan? Ipakakasal ka rin ba ng iyong mga magulang, Prinsesa?" tanong ni Airlia.
Natigilan ako para mag-isip. Sige, bahala na nga.
"O-oo, ganoon na nga. Nais nila akong ipakasal sa prinsipeng hindi ko mahal," palusot ko. Naramdaman ko namang napatingin sa'kin si Alexeus. Naka-relate siguro siya.
"Hindi ko alam kung saan ako puwedeng magpunta hanggang sa nakarating ako dito," sambit ko.
"Ganoon ba. Paano mo nakilala ang aking anak?" tanong pa ng Emperatris.
"Uhm, iniligtas niya ako sa tiyak na kapahamakan. Kaya utang ko ang buhay ko sa kanya," sagot ko. Nagtinginan ang mag-asawang maharlika at nagngitian. Tumingin naman ako kay Alexeus at binigyan siya ng isang nakakaasar na ngiti. At natawa ako sa isipan ko nang makita kong naasar siya.
"Hindi mo nabanggit ang iyong ama. Sino ang Emperador ng inyong imperyo, Prinsesa?" usisa pa sa'kin ni Airlia. Natigilan ako sa tanong niya. Ang ayaw ko sa lahat ay ang pag-usapan si Papa. Nakaramdam ako bigla ng lungkot, na para bang may kumurot sa puso ko. Naalala ko na naman kasi kung paano niya kami iniwan ni Mama. Pakiramdam ko naluluha ako na hindi matuloy.
"May problema ba, Prinsesa?" tanong ng Emperador.
"W-wala naman po. Pasensya na pero hindi po kasi ako komportableng pag-usapan ang aking ama," sagot ko sabay higpit ng hawak sa kubyertos. At doon na kami natahimik lahat.
Matapos ng salu-salo na 'yon, napagpasiyahan kong maglibot muna dito sa napakalaki't napakagarang palasyo na ito. Halos lahat ng nasasalubong ko ay binabati ako at tinatawag akong prinsesa. Ang saya lang.
Nakatayo na 'ko ngayon sa tapat ng isa sa mga bintana ng palasyo. Tanaw ko mula dito ang buong siyudad. Sabi nila sa'kin, ito ang siyudad ng Ceyx, ang kabisera ng Stavron. Ang sarap ng simoy ng hangin mula dito. Nasa third floor ata ako ng palasyo.
Akala ko noon, sa mga fairytales lang may ganito. Isang kaharian na may malaki at magarang palasyo, na pinamumunuan ng royal family, imperial family nga lang sila at higit sa lahat, ituturin nila akong isang prinsesa. Kahit alam ko na pansamantala lang 'to. Dahil kailangan ko rin umalis para makahanap ng paraan para makauwi sa mundo ko. Nami-miss ko na rin kasi si Tita Yvonne. Sigurado din akong nag-aalala na siya sa'kin. Tapos, may midterm exams pa 'ko. Ano ba 'yan?
"Prinsesa Charlotte!" Lumingon ako sa tumawag sa'kin.
"Prinsesa Airlia." Tapos ay lumapit siya sa'kin.
"Mag-aaral kasi ako ngayon kung paano magtimpla ng masarap na tsaa. Maaari mo ba akong samahan bilang taga-husga sa aking gagawin?" nakangiting pakiusap ni Airlia. Napangiti na din ako. Ang cute niya kasi.
"Sige ba. Ikararangal ko," sagot ko. Mahirap kasing tanggihan ang cute at inosenteng tulad niya.
"Airlia." Napalingon kami pareho sa nagsalita. Si Alexeus.
"Ikaw pala, adelfós." Nilapitan niya kaming dalawa.
"Ako na lamang ang sasama sa'yo," sambit niya sa kapatid niya.
"Pero..." sambit ni Airlia.
"Airlia, isang kalapastanganan ang mang-abala ng ibang tao, lalo pa't panauhin natin siya," pagputol niya sa sasabihin ng kapatid.
"Ayos lang naman sa'kin-" sambit ko ngunit napatigil ako dahil sa matalim na tingin sa'kin ni Alexeus. Tapos ay umalis na silang dalawa. Nakaramdam ako ng takot sa mga tingin sa'kin ni Alexeus. Hindi talaga niya siguro ako pinagkakatiwalaan.
Nanatili lang ako dito sa puwesto ko. Hihintayin ko si Alexeus. Kakausapin ko siya. Mga isang oras na rin akong nakatayo dito.
At sa wakas dumating na rin siya. Pero mag-isa na lang siya.
"Uhm...Alexeus?" pagtawag ko sa kanya. Heto na naman ang kabang nararamdaman ko. Huminto naman siya.
"Nasaan si Airlia? Bakit 'di mo na siya kasama?" tanong ko. Lumingon siya sa'kin ng may matatalim na tingin na naman. Nakakatakot talaga pag ganyan ang tingin niya.
"B-bakit ka ba ganyan sa'kin? May nagawa ba akong masama sa'yo?" lakas-loob kong tanong.
"Sa ngayon, siguro wala ka pang ginagawang masama," seryoso niyang sambit. Tama nga ako, hindi siya nagtitiwala sa'kin.
"Pero Alexeus, hindi naman ako masamang tao," sambit ko.
"Paano ko masisiguro iyan? Kaya lagi mong tatandaan, binabantayan ko ang bawat kilos mo, Charlotte," sambit niya na may halong pagbabanta. Pagkatapos ay umalis na siya. Napabuntong-hininga na lamang ako ng malalim.
Sumapit na ang gabi at nandito na 'ko sa kuwarto ko't nakahiga sa kama. Ano na kayang susunod kong gagawin? Paano ako makakahingi ng tulong sa Emperador kung 'di naman ako pinagkakatiwalaan ni Alexeus? Napabuntong-hininga na lang ako ng malalim.
Ang hirap naman nito. Siguro, ako na lang ang gagawa mag-isa ng paraan. Bukas ng umaga, aalis na 'ko dito sa palasyo. Maayos akong magpapaalam sa imperial family at magpapasalamat sa sandaling pagkupkop nila sa akin.
Maglalakbay ako. Bahala na kung saan ako makarating. Ang hirap naman kasing kumilos ng ganito. Feeling ko nagiging maliit itong palasyo para sa'ming dalawa. Isa pa, anong laban ko? Eh, isa siyang prinsipe. Makatulog na nga.
-
Sumapit na ang umaga. Nakaayos na ko't lahat at handa na kong umalis. Kaya naman suot ko na ulit 'yong school uniform ko. Magpapaalam na lang ako sa Emperador.
Bigla namang may kumatok sa kuwarto ko, "Mahal na prinsesa?" Isang dama siguro.
"Tuloy ka," sambit ko kaya't pumasok naman siya.
"Anong kailangan mo?" tanong ko.
"Pinatatawag po kayo ng mahal na Prinsipe, Kamahalaan." sagot niya.
Medyo nabigla ako sa sinabi niya at napakunot-noo ako. Ano naman kayang kailangan sa'kin ni Alexeus? Nag-aalala tuloy ako.