Kabanata 3: The Imperial Prince

2949 Words
Dumilat ako at nakita kong maliwanag na. Nasaan ba ako? Nakahiga ako sa isang puting kumot na nakalatag sa sahig. At mukhang nasa loob ako ng isang maliit, luma, at abandonadong bahay. Aba. May mga pagkain sa tabi ko. Mga tinapay, ilang prutas, at isang bote ng gatas. Saan kaya galing ang mga 'to? Tamang-tama, gutom na gutom na ko. Nagsimula na akong kumain. Habang kumakain ako, bigla kong naisip 'yong lalaking nagligtas sa'kin kagabi. Iyong matangkad at matikas na lalaki na may takip na puting tela sa mukha. At ang tanging nakita ko lang ay ang mga kulay asul niyang mata. Sino kaya 'yon? "Ako si Ali..." Ali? Ali daw ang pangalan niya sabi niya sa'kin kagabi. Siya kaya ang nagdala sa'kin dito? Sana makita ko ulit siya. Saglit lang at naubos ko na rin ang mga pagkain ko. Salamat naman at nabusog din ako. Naisip ko na lumabas muna at ilang hakbang ko lang ay nasa siyudad na 'ko. Matao na ulit ang mga tabing-kalsada, at may mga kalesa na sa kalye. Naglakad-lakad pa 'ko habang tumitingin-tingin sa paligid at baka sakaling makita ko ulit si Ali. "Tumakas na naman daw ang Prinsipe sa palasyo." "Na naman? Ano naman kayang dahilan ng paulit-ulit na pagtakas niya sa palasyo?" 'Di ko sinasadyang marinig ang usapan ng dalawang lalaking nakasalubong ko. Natawa tuloy ako. Pasaway yata ang prinsipe ng kahariang ito. Dahil medyo lutang ang isip ko dahil kay Ali, namalayan ko na lang na may nakabunggo sa balikat ko kaya't tiningnan ko kung sino 'yon. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko kung sino 'yon. "Ali!" pagtawag ko sa kanya. Mabuti't lumingon naman siya sa'kin. "Ikaw pala. Babalikan sana kita upang tingnan kung may malay ka na," walang emosyon niyang sambit. Napakunot ang noo ko sa sinabi niya "May malay? Bakit? Ano ba'ng nangyari?" pagtataka ko. "Matapos kitang iligtas mula sa mga lalaki kagabi, bigla ka na lang nawalan ng malay. Kaya dinala na muna kita doon sa lumang bahay. Sa palagay ko kasi, dahil ikaw ay pagod at gutom na. Ano? Kinain mo na ba iyong mga pagkaing iniwan ko sa'yo? Binili ko ang mga iyon kaninang bukangliwayway para sa'yo," walang emosyon niyang sambit. Napaisip ako sandali. Oo, naaalala ko na. Matapos kong malaman ang pangalan niya, nawalan nga ako ng malay. "Ah, ganoon ba? Maraming salamat kung gano'n," sambit ko. Tapos ay tumango lang siya at umalis na. Pero naisip kong sundan siya. Hindi ko inaalis ang paningin ko sa kanya habang sinusundan ko siya. Naiipit na ko sa gitna ng mga tao. Tapos bigla na lang siyang nawala sa paningin ko. Nasaan na 'yon? Nagpatuloy pa rin ako sa paglalakad habang nagpapalinga-linga para hanapin siya. "Sinusundan mo ba ko?" Nabigla ako nang may nagsalita sa likuran ko. Lumingon ako upang makita kung sino, "Ali!" "Bakit mo 'ko sinusundan?" tanong niya. "Ah, eh...wala kasi akong ibang mapupuntahan eh. Kaya naisip kong sumama na lang sa'yo," alinlangan kong sagot.  "Hindi maaari," pagtanggi niya. "Bakit naman? Wala naman akong ibang pupuntahan eh. Isa pa, mabuting tao ka naman dahil iniligtas mo ang buhay ko," pagkatwiran ko. Tumalikod siya sa'kin, "'Di ko na problema kung wala kang pupuntahan. Isa pa, hindi ka ba nadala noong isang gabi? Sasama ka sa akin gayong hindi mo naman ako lubusang kilala?" masungit niyang tugon. At naglakad siya papalayo. Ang sungit naman pala nitong si Ali. Hmp!  May punto naman 'yong sinabi niya. Isa pa, nais kong makita ang mukha niya. At sa 'di ko maipalaiwanag na dahilan, magaan naman ang loob ko sa kanya. Kaya sumunod pa rin ako. "Kung ganoon, dalhin mo na lang ako sa palasyo ng uhm...Emperador," sambit ko. Iyon agad ang pumasok sa isip ko. Emperador naman, tama? Dahil ito ay Imperyo ng Stavron. Napahinto siya at humarap sa'kin. "Anong kailangan mo sa Emperador?" seryoso niyang sambit at nakita ko sa mga mata niya ang talim ng tingin niya kaya nakaramdam tuloy ako ng konting takot. "N-naisip ko kasing humingi ng tulong sa Emperador para makauwi. Baka sakaling matulungan niya 'ko," sagot ko. Medyo natatakot na 'ko dito kay Ali. Kung makatingin parang kakainin ka ng buhay. "Sandali nga. Ano bang katayuan mo sa lipunan? Alam mo bang hindi mo maaaring makita ang Emperador nang basta-basta?" masungit na tugon na naman niya sa akin. "Ka-katayuan sa lipunan?" kunot-noo kong tanong. "Maharlika ka ba? Hindi ka naman mukhang babaylan. Isa ka ba'ng Mésis?" usisa niya sa'kin. Nakatingin lang ako sa kanya nang nakakunot ang noo habang pilit siyang iniintindi. Tapos ay napabuntonghininga siya. "Maharlika. I-isa akong maharlika," sagot ko. Wala na akong ibang naisip na isagot dahil ayaw kong sabihing babaylan ako. Lalo naman ang Mesis. Ano ba 'yon? Tiningnan niya ko mula paa hanggang ulo. "Sigurado ka ba?" Mukhang ayaw niyang maniwala. Pasensya na, Ali. Eto lang ang alam kong paraan para hayaan mo kong makita ang Emperador. "Oo. Ako si Prinsesa Charlotte ng bansang Pilipinas, Imperyo ng...Calabarzon!" pagmamalaki ko. Sana umubra ang palusot kong ito. "Calabarzon? Pilipinas? Hindi ko pa naririnig ang lugar na iyon," sambit niya. "Pero totoo. Doon nga ako nagmula," pilit kong pagkumbinsi sa kanya. "Ngunit sa iyong hitsura ay hindi ka mukhang prinsesa. Nagsasabi ka ba talaga sa akin ng totoo?" pag-uusisa pa niya. Ang hirap kumbinsihin ng lalaking 'to. Sa bagay, 'di ko naman siya masisisi. "Kung isa ka talagang prinsesa, bakit ganyan ang iyong kasuotan? Bakit wala kang karwahe at mga bantay?" usisa pa niya. Teka, sunud-sunod ang bira ng tanong sa'kin ni Ali. Biglang pumasok sa isip ko 'yong pag-uusap no'ng mga lalaki kanina. "...tumakas na naman daw ang Prinsipe sa palasyo." "Ganito ang suot ko para sa paglalakbay ko. Tumakas ako sa aming imperyo. At ngayon naliligaw ako," palusot ko. "Ganoon ba?" sambit niya. Napansin kong nag-iba ang tono niya. "Naniniwala ka na ba sa'kin?" tanong ko. Hindi siya umimik. Siguro nag-iisip pa rin siya. "Kailan mo nais makaharap ang Emperador?" tanong niya bigla. Mistulan akong nabuhayan ng loob sa sinabi niya. "Sa lalong madaling panahon. Gustung-gusto ko nang makauwi sa amin. Sigurado pati akong nag-aalala na ang aking ina sa akin," sambit ko. Tahimik lang siya habang naglalakad kami at 'di ko alam kung saan kami patungo. Bahala na siguro. "Hoy, ikaw!!" Napahinto kami at lumingon. Si Aeson at ang mga kasama niya! May mga hawak silang patalim na lumapit sa'min. Nakapukaw tuloy kami ng atensyon. Pinaurong ako ni Ali sa likod niya. "Hindi pa kami tapos sa'yo!" sigaw ni Aeson. Nakabenda na ang kanyang sugat sa braso na gawa ni Ali noong gabing iniligtas niya 'ko. "Gaganti pa kami sa'yo!" sigaw naman no'ng isa. At sabay-sabay nga nilang tatlo inatake si Ali. Nakatingin lang mga tao sa kanila. Kitang-kita ang galing ni Ali sa pakikipaglaban. Mukhang bihasa na talaga siya. Habang nagtutuos ang apat ay nanonood lamang ang mga tao habang mga napapasigaw sila sa kada mga suntok, sipa, at atake nila sa isa't isa. At mga nagkagulo na sa pamilihang-bayan dahil nagkalat ang mga paninda at nagkandasira-sira na ang mga puwesto ng mga tindero't tindera. "Hoy! Ano ba kayo?! Babayaran niyo 'tong mga nasira niyo!!" bulyaw sa kanila ng mga galit na galit na mga tindero't tindera. Pero patuloy pa rin ang apat sa pagtutuos. At gaya no'ng nangyari no'ng nakaraang gabi, nagmukha lang silang walang binatbat sa pakikipaglaban kay Ali. Tapos ay may dumating namang mga kawal. "Nandito na ang mga guwardya ng imperyo! Ihinto ang kaguluhang ito!" sigaw no'ng isang kawal. Sabay nahiwa naman ni Aeson ang puting tela na nakabalot sa mukha ni Ali kaya naman natanggal ito. Nabigla kaming lahat sa nakita namin. Lalo na ako.  'Di ko akalaing gano'n kaguwapo si Ali. Kulay light brown ang buhok, mga asul na mata, matangos na ilong, at manipis at mapulang labi. "Ang mahal na Prinsipe!" sigaw nila. Nanlaki lalo ang mga mata ko at napalaglag din ang panga ko. Si Ali? Ang prinsipe ng imperyong ito? Dinampot agad ng mga guwardya sina Aeson at ang pinuno ng mga guwardya ay nilapitan si Ali at sumaludo bilang pagbibigay-galang. "Kamahalan, paumanhin sa kaguluhang ito. Pinapauwi na nga rin po pala kayo ng inyong Amang Emperador," sambit sa kanya no'ng punong guwardiya. Napailing na lamang si Ali sabay buntonghininga. "Sige. Uuwi na 'ko," sagot ni Ali na halatang napilitan lang. "Ah, siya nga pala. Kasama ko nga pala ang babaeng 'to," sambit ni Ali sabay turo sa'kin. "Ah, maaari ko po bang malaman kung sino ang binibining iyan, Kamahalan?" tanong no'ng punong guwardiya. "Siya si...Prinsesa Charlotte ng Imperyo ng...Calabarzon," sagot ni Ali do'n sa punong guwardiya na halatang nag-aalinlangan pa.  Yumuko sa'kin ang punong guwardiya na siyang kinagulat ko. "Maligayang pagdating dito sa aming Imperyo ng Stavron, Kamahalan," paggalang niya sa'kin. "Ah...oo. Salamat," nasambit ko na lang. Mayamaya'y may dumating na isang malaki at magarang karwahe at huminto ito sa tapat namin. Kulay pula ito na may ilang detalyadong disenyo na kulay ginto. Pinagbuksan si Ali ng punong guwardiya at sumakay na siya sa loob nito. "Narito na po ang inyong sundo na ipinadala ng palasyo para sa inyo, Kamahalan," sambit ng punong guwardiya. Nakatulala ako dahil sa pagkamangha. Ang ganda no'ng karwahe. Parang sa mga fairytales lang. "Mahal na prinsesa." Natauhan ako nang marinig ko si Ali. Nang tumingin ako sa kanya ay nakita ko ang pagkainip sa mukha niya. "H-ha?" pagtataka ko. Bumuntonghininga naman siya. "Sasama ka ba sa palasyo o hindi?" tanong niya at halatang inis na siya. Sa taranta ko, agad na tuloy akong napasakay sa karwahe. Nakaupo kami nang magkaharap dito sa loob ng malaki at malawak na karwahe. Nakapalumbaba lamang siya na nakatanghod sa bintana habang ako nama'y ginagala ang paningin sa buong karwahe. Kulay pula ang upuan namin, maging ang mga kurtina na may gintong frills.  Bigla namang huminto ang paningin ko kay Ali. Napatitig tuloy ako sa kanya. 'Di ko tuloy maiwasang mamangha sa kaguwapuhan niya. Haay, totoo ba 'to? May isang makisig na prinsipe sa harapan ko ngayon? "Huwag mo akong titigan. Nakakailang," masungit niyang tugon habang nakatingin pa rin sa bintana. Natauhan ako at nakaramdam ng hiya kaya't umiwas na 'ko ng tingin. "P-pasensya na," sambit ko.  Ano ba kasing iniisip mo, Charlotte? Ilang sandali pa ay nakarating na kami sa isang palasyo. Lalong nanlaki ang mga mata ko sa mangha sa nakita ko. Nakakapanlaglag-panga sa mangha ang laki at ganda nito. Mukha siyang sinaunang palasyo sa Europe. Gothic - Baroque style na parang style na ginagamit sa mga basilica at royal residences sa Europe. Akala ko sa fairytales lang ako makakakita ng ganito. --- Pagpasok namin sa loob, mas lalo akong namangha dahil mas maganda at malawak dito sa loob. Mga naglalakihang mga chandelier na kumikinang-kinang pa na nakabitin mula sa kisame na ubod ng taas, at mga Corinthian style columns. Umaalingawngaw ang bawat yabag namin sa sahig nitong makintab na gawa sa puting marmol na nilalatagan ng pulang carpet dahil sa nakabibinging katahimikan ng napakalawak na lugar na ito. "Maligayang pagbabalik, Kamahalan," pagbati sa kanya ng mga babaeng sumalubong sa'min na pare-pareho ang suot. Parang mga naka-maid's uniform. Nasa bulwagan yata kami ng palasyo. Kaharap namin ngayon ang mga trono ng imperial family. Syempre, pinakamalaki at pinakamagarbo ang hitsura ng trono ng Emperador. "Mag bigay-pugay! Ang mahal na Emperador ay narito na!" sigaw no'ng isang kawal. Lahat ng taong kasama namin sa bulwagan ay nagsiyuko. May lalaking pumasok sa pintuang katabi ng mga trono. Ang suot niya ay mistulang vintage gothic military jacket na kulay pula na may linings na ginto. May mga gintong badges siya sa dibdib, gintong chest pins, at meron din sa magkabilang balikat niya na gintong badges. Naka-khaki na pantalon at leather boots na itim. Suot din ang kanyang korona na gawa sa ginto at may iba't ibang klase ng mamahalin at makikinang na bato.  Mukha talaga siyang hari na makikita sa mga fairytales.  Ang pinagkaiba nga lang, wala siyang makakapal na balbas o bigote. At mukhang bata pa siya tingnan. Siguro mga nasa 45-50 ang edad niya. Guwapo rin siya na tulad ni Ali. Naupo na siya sa kanyang trono. Nakatingin lang siya kay Ali at 'di umiimik. 'Di mo malaman kung anong iniisip niya. "May kasama ka pa lang magandang binibini?" magiliw na bungad ng Emperador. Nabigla ako sa kinatatayuan ko. 'Di ko alam ang sasabihin ko kaya ngumiti na lang ako. "Hindi siya maganda," seryosong sambit ni Ali. Napakunot tuloy ang noo ko. Tumawa naman ang Emperador, "Maaari ko ba siyang makilala?" "A-ako po si Charlotte, Kamahalan," medyo kabado kong sambit. "Hmm, Charlotte. Kakaiba ngunit magandang pangalan," nakangiti niyang sambit. Tiningnan niya ko mula paa hanggang ulo. "Maaari ko bang malaman kung saan ka nagmula?" tanong ng Emperador. Natigilan ako. Emperador na ang kaharap ko. Uubra pa kaya yung palusot ko kay Ali kanina? O magsasabi na 'ko ng totoo? "Nagmula siya sa bansang Pilipinas, Imperyo ng Calabarzon." Nabigla ako sa biglang pagsingit na 'yon ni Ali. "Pilipinas? Calabarzon? May lugar palang ganoon?" pagtataka ng Emperador. "Siya nga pala, bago ko malimutan. Ako nga pala si Acanthus, Emperador ng Imperyo ng Stavron. Kinagagalak kitang makilala, Charlotte," magiliw niyang sambit. "Gano'n din po ako, Kamahalan," sambit ko sabay bigay-galang.  "Ama, maniniwala ka ba kung sasabihin ko sa'yong isa siyang prinsesa ng kanilang imperyo?" pagsingit muli ni Ali. Napangiti ang Emperador, "Talaga? Kung gayon, maligayang pagdating dito sa aming imperyo, mahal na prinsesa. Nawa'y magustuhan mo ang iyong pananatili dito sa Imperyo ng Stavron." "Salamat, Kamahalan," nakangiti kong sambit. "Mga dama, asikasuhin ang ating espesyal na panauhin. Ibigay ang kahit anong kanyang naisin at pangangailangan," utos ng Emperador. Nakahinga ako nang maluwag nang makita kong mabait naman pala ang Emperador. Tapos ay may lumapit sa'king tatlong babae na pare-pareho ang damit. "At Alexeus, mag-uusap tayo." Nabigla ako. Alexeus? Tinawag ng Emperador si Ali na Alexeus? "Halina po tayo, mahal na prinsesa," sambit sa'kin ng isang dama. Tapos ay umalis na kami at naiwan ang mag-amang maharlika sa bulwagan. Dinala ako ng mga dama sa paliguan. Namangha ako sa lawak ng paliguan na 'to. Mukhang swimming pool sa laki 'yong bathtub nila. Para itong kuwarto na may swimming pool. "Maaari niyo na pong tanggalin ang inyong mga damit, Kamahalan." At sinunod ko ang sinabi ng dama. Pagkahubad ko lahat ng damit ko ay lumusong na 'ko sa mala-swimming pool nilang bathtub. At ang ligamgam pala ng tubig. Parang galing sa bukal. Ang sarap sa pakiramdam. Nakita kong kinuha ng isang dama ang mga hinubad ko. "Sandali, saan mo iyan dadalhin?" tanong ko. "'Wag po kayong mag-alala, Kamahalan. Akin lamang pong lalabhan ang mga ito," sagot niya. Hindi na 'ko umangal pa kaya lumabas na siya dala ang mga damit ko. Patuloy lang ako sa paliligo dito dahil ang sarap sa pakiramdam at parang ayaw ko nang umahon pa. "Sandali, Alexeus ang pangalan ng prinsipe?" tanong ko sa dalawang dama na naiwan sa'kin. "Opo, Prinsesa," sagot nila. Gano'n pala. Akala ko nagkamali ako ng dinig. Alexeus nga talaga ang pangalan niya at hindi Ali. "Balita ko tumakas lang daw ang Prinsipe dito sa palasyo. Anong dahilan?" usisa ko. Nagtinginan muna ang dalawang dama. "Sa pagkat tinatakasan ni Prinsipe Alexeus ang kanyang Ama," sagot ng isa. Napakunot ako ng noo, "Bakit naman?" "Dahil nasa wastong gulang na ang mahal na prinsipe, nais na niya itong mag-asawa. Ngunit mukhang ayaw pa niya kaya tumatakas siya. Isang linggo na niya itong ginagawa mula ng sinabihan siya ng Emperador," paliwanag ng dama. "Gano'n pala. Bakit? Ilang taon na ba ang prinsipe?" tanong ko pa. "Nagdaos siya ng ikalabingwalong kaarawan noong nakaraang buwan," sagot niya sa'kin. Ah, so eighteen na pala si Alexeus. At seventeen naman ako. Napaisip ako. 'Di na masama? Biro lang. "Bata pa naman ang prinsipe ah. Bakit siya minamadali ng Emperador?" usisa ko pa. "Tradisyon kasi iyon sa mga prinsipeng tagapagmana ng trono," sagot nila. Ah, naiintindihan ko na. Crowned prince pala dito si Alexeus. Pagkaahon ko, binihisan nila ako agad ng bathrobe na mukhang kimono dahil sa haba nito na halos hanggang talampakan ko na at pati manggas mahaba din. Tapos ay dinala na nila ako sa isang kuwarto. "Ito po ang inyong magiging silid, Kamahalan," sabi ng dama sabay bukas niya ng pinto. Isa na namang nakakamanghang kwarto. Sobrang laki. Apat na beses ata ang laki nito sa kuwarto ko sa'min. Nangibabaw ang mga kulay na pula, puti, at ginto. Ang laki ng kama at may kurtina pa 'yong mismong kama. May mga mesa at upuan din. Tapos may salaminan. Iniupo nila ako sa harap nito at inayusan.  Ang galing ng pagkakaayos nila sa buhok ko. Dahil mahaba naman ang buhok ko, ginawa nila itong lace headband braid style. Binihisan nila ako ng pamprinsesang Victorian era style gown. Kulay sky blue na detailed with ruffles at pleats ung paldang sayad hanggang lupa. Ang ganda ng suot ko. Off-shoulder pa ang style.  Tapos sky blue din na closed shoes na half inch ang takong. At ang huli, kinabitan nila ako ng alahas. Hikaw at kuwintas na gawa sa silver at kumikinang dahil sa mga diamante nito. Wow, ang ganda ko. Para akong si Cinderella. Feeling ko isa talaga akong prinsesa sa fairytale. Pinagbuksan ako ng mga dama ng pinto para lumabas. Bumungad sa'kin ang isang nakatalikod na lalaki. Nakapamprinsipe na suot na gaya ng isang British prince ng Victorian era. 'Yong vintage gothic military jacket na kulay pula at ang mga detalye nito ay kulay ginto. May mga chest pins at badges din siyang ginto na may mga mamahalin at makukay na bato na nakakabit sa kanyang dibdib. Nakaitim na pantalon siya at leather boots na itim. Tapos ay humarap siya sa'kin.  Si Alexeus pala. Bumagay ang damit niya sa kanya dahil sa kanyang taglay na kakisigan. Tunay na prinsipe nga siya. Pagkatapos ay nagtama ang mga mata namin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD