Kabanata 5: Truth Revealed

1656 Words
Nagtataka ako, sa kabilang banda ay kinakabahan. Ano kayang kailangan sa'kin ni Alexeus? "Ano raw ang kailangan sa'kin ni Prinsipe Alexeus?" tanong ko sa dama. "Wala po siyang sinabi. Basta inutusan niya lamang po ako na ipatawag ko raw kayo, Kamahalan," sagot sa'kin no'ng dama. Sumama ako sa dama at ngayo'y naglalakad kami at nasa unahan ko siya. Habang papunta kami kung nasaan si Alexeus ay 'di mapigil ang aking dibdib sa pagkabog nito ng malakas. Ano kaya? 'Di kaya, alam na niya? Dinala ako ng dama sa silid-aklatan ng palasyo. Sobrang laki nito. Napakalawak na parang isang National library. Ang mga booksheves ay naglalaman ng mga sinaunang libro at scrolls. Nakita ko na si Alexeus. Nakaupo siya sa upuang katapat ng mesa. At puro mapa at may malaking globo na nakapatong dito. Ano naman kayang ginagawa niya d'yan? Pinag-aaralan niya? "Pinatawag mo daw ako. May kailangan ka ba?" sambit ko. Tumingin lang siya sa'kin. Hindi ko mawari ang iniisip niya. "Lumapit ka," utos niya habang nakatingin pa rin sa mga binubutingting niya sa mesa. Kahit nagtataka ako, lumapit ako. Nakita ko nang malapitan ang globo at mga mapa sa mesa niya. Mukhang mga sinauna talaga ang mga gamit dito. "Maaari mo bang ituro sa'kin kung nasaan dito ang Pilipinas?" sambit niya. Nabigla ako sa sinabi niya. Lalo akong kinabahan. Anong ituturo ko diyan? Eh hindi naman ito globo ng Earth. Pero sinipat ko pa rin ang globo. Iba ang hitsura ng mga lupain dito. Ni walang America, Europe, Asia. Nasa ibang mundo nga talaga ako. At syempre, walang Pilipinas. Naghihintay si Alexeus. Anong ituturo ko sa kanya dito? Bahala na. "Eto." Tinuro ko na lang iyong grupo ng maliliit na pulo. Tiningnan niya 'yong itinuro ko. Ngumisi siya, "Sigurado ka?" Naku, patay. "Sa pagkakaalam ko, hindi iyan Pilipinas," sambit niya. Lagot na 'ko. "Nagsaliksik ako ng mabuti tungkol sa iyong bansang pinagmulan na sinasabi mo, ngunit walang Pilipinas akong nasaliksik," seryoso niyang sambit. Tumingin siya sa mga mata ko gamit na naman 'yong matatalim niyang tingin. Napalunok na lang ako. "Sino ka ba talaga? Anong pakay mo at kailangan mong magsinungaling?" seryoso niyang tanong. Sasabihin ko na ba? Maniwala naman kaya siya? Ayaw ko na namang patungan ang kasinungalingan ng isa pang kasinungalingan.  Okay, eto na. This is it. Kaya mo iyan, Charlotte. Huminga muna ako ng malalim bago ko simulan ang speech ko. Tumingin ako deretso sa mga mata niya, "Totoong may bansang Pilipinas, at lugar na Calabarzon. Ngunit hindi ito isang imperyo," sambit ko.  Napakunot ang noo niya, "Anong ibig mo'ng sabihin?" Huminga ako ng malalim, "Hindi ako taga-rito, o kahit saan man d'yan sa mapa. Dahil ako ay nagmula sa... ibang mundo." Nakatingin lang si Alexeus sa mga mata ko na nakakunot ang noo na mukhang nag-iisip kung maniniwala ba siya o hindi.  "Ibang mundo? Anong ibig mong sabihin? Niloloko mo na naman ba 'ko?" pagdududa niya. "Ha? Hindi! Nagsasabi na 'ko ng totoo ngayon!" sambit ko. Natataranta na 'ko. Paano ba siya maniniwala sa'kin? Ah, alam ko na. May naisip ako. Kinuha ko ang coin purse ko sa aking bulsa. "Nakikita mo ba 'to?" Inilahad ko sa kanya ang laman ng purse. "'Yan ang pera sa bansang pinanggalingan kong mundo." "Papel? Bilang pera?" pagtataka niya. Kinuha niya sa'kin ito at sinipat ng mabuti. Tumingin ulit siya sa'kin at mukhang hindi pa rin siya kumbinsido.  Inilabas ko naman ang phone ko. "Eto. Ginagamit namin 'to sa komunikasyon." "Iyang maliit na kuwadradong bagay na 'yan?" nakataas-kilay niyang tanong. Pinailaw ko ang phone ko. Nakita ko sa mukha niya ang pinaghalong gulat at mangha. "Anong tawag sa bagay na 'yan? Paano iyan ginagamit?" usisa niya. "Smartphone ang tawag dito. Nakakatawag ka dito at nakakapagpadala ka ng mensahe sa isang tao kahit gaano pa ito kalayo sa isang pindot lang, at wala pang segundo matatanggap na niya ito," paliwanag ko. "Talaga? Ganoon kabilis? Ginagamitan ba ito ng mahika?" usisa pa niya. "Hindi. Napakamoderno na ng aming panahon. Bunga ito ng mahusay na pagsasaliksik sa agham," pagmamalaki ko. "Kung ganoon, maaari mo bang ipakita sa'kin kung paano 'yan gumagana?" sambit niya. In-unlock ko ang phone ko sa harap niya. "Hindi ako makakatawag at makakapagpadala ng mensahe mula dito dahil wala ditong signal," paliwanag ko. Napakunot-noo siya. "Signal? Ano 'yon?" usisa niya. "Kailangan 'yon para makatawag at makapagpalitan ng mensahe, 'no. O siya, heto na lang," sambit ko. Napansin kong nakatuon lang ang atensyon niya sa phone ko. Pinunta ko sa music library ko, tapos ay pumili ako ng kanta at pinatugtog ito. Halata ang gulat at mangha nang tumunog ang phone ko. "Itanong mo sa akin, kung sinong aking mahal. Itanong mo sa akin, sagot ko'y 'di magtatagal. Ikaw lang ang aking mahal..." pagsabay ko do'n sa kanta. Pero bigla itong naputol nang mamatay bigla ang phone ko. "Anong nangyari?" usisa ni Alexeus. "Wala na. Namatay na siya," sagot ko. "Namatay? Bakit namatay? May buhay ba 'yan? Paano na 'yan?" usisa niya. Natawa tuloy ako sa kanya. Napakunot-noo tuloy siya. "Bakit?" tanong niya. "Mabubuhay pa 'to pag nai-charge ko na," sagot ko. "Charge? Ano 'yon?" usisa niya. "'Yon ang ginagawa dito para mabuhay ulit. Kaso doon ko lamang ito maicha-charge sa mundo ko," sambit ko. Napaawang naman ang bibig niya sa sinabi ko. "Sadyang kamangha-mangha. Ano pa'ng magagandang bagay ang mayroon sa iyong mundo? Nais kong malaman," sambit niya. Mukhang naniniwala na siya sa'kin. Interesado na siya. At nagkuwento na 'ko sa kanya tungkol sa modern technologies na gaya ng TV, radio, washing machine, computer, electric fan, aircon, ref, at marami pang iba. Habang nagkukuwento ako sa kanya, tuwang-tuwa siya at sobrang interesado na.  Dahil dito, unti-unti ko nang nakikitang naniniwala na siya sa'kin. Masaya naman ako dahil pinakinggan niya 'ko. "Eto namang suot ko ay uniporme para sa mga babae sa aming paaralan," sambit ko. "Isa kang mag-aaral?" tanong niya. "Oo," sagot ko. "Kung ganoon, ano ang pinagaaralan ng mga kababaihan doon?" usisa niya. "Ha? Anong ibig mong sabihin? Eh, iisa lang ang pinag-aaralan ng mga lalaki't babae sa paaralan, dahil magkakasama kami," sambit ko. Halatang nabigla siya sa sinabi ko, "Talaga? Puwede iyon sa inyong mundo? Samantalang dito, bukod ang paaralan ng mga lalaki sa babae. Ang mga lalaki ay nag-aaral tungkol sa pakikidigma, agham, matematika, gobyerno at politika. At ang mga babae naman ay tinuturuan na maging isang mabuting may bahay." paliwanag niya. "Uh-ah. Sa mundo namin, kung kaya ng lalaki, dapat kaya na rin ng babae. At kung kaya ng babae, kaya na rin ng lalaki," pagmamalaki ko. Parang may gender discrimination dito sa mundong 'to ah. "Aba, talaga ngang kamangha-mangha ang inyong mundo," sambit niya. At halata ko nga 'yon sa mukha niya. Pakiramdam ko, nawala na 'yong duda niya. "Sandali, paano ka nga pala napadpad dito?" tanong niya bigla.  "Dahil sa isang antigong salamin na natagpuan ko sa isang silid na imbakan ng mga lumang gamit sa silid-aklatan ng aming paaralan. Nang hinawakan ko ito, umilaw na lamang ito bigla ng isang nakasisilaw na puting liwanag. At pagdilat ko, heto, nandito na 'ko sa Stavron," paliwanag ko. Nakatitig lamang siya sa'kin habang nakakunot ang noo. "Bakit ganyan ka makatingin? Totoo kaya ang sinasabi ko," sambit ko. "Hmm, antigong salamin. At paano mo naman ito natagpuan?" tanong naman niya. "May nakita kasi akong pulang paru-paro na umaaligid. Sinundan ko ito hanggang sa makarating ako sa silid na iyon," sagot ko. "Pulang paru-paro?" pagtataka niya. "Oo. May kalakihan siya, kulay pula na may mga guhit na kulay itim ang kanyang pakpak, tapos nagpapagpag siya ng makinang na pulbos. Namangha ako sa taglay niyang ganda kaya naisip ko siyang sundan," sambit ko. Napansin kong mukhang napaisip siya sa sinabi ko. Bigla naman siyang kumuha ng isang libro sa isang bookshelf tapos ay lumapit siya sa'kin habang binubuklat ito. "Parang ganito ba?" tanong niya habang may itinuturo sa isang pahina. Kaya naman tiningnan ko iyon. "Oo, ayan nga! Bakit may larawan 'yan diyan?" usisa ko. "Ang paru-paro na 'yan ang simbolo ng aming kaharian. Dahil iyan ang sumisimbolo sa aming diyos na si Mulciber," sagot niya. "Mulciber?" kunot-noo kong tanong. Tumango naman siya.  "Halika. Sumama ka sa'kin," sambit niya sa'kin sabay tayo. Kahit nagtataka ako ay sinunod ko na lamang siya. Paglabas namin ng aklatan, dinala niya ko sa isang silid na napakalawak na naman. Walang ibang bagay sa loob maliban sa nasa harap namin. "Ito ang altar ni Mulciber. Dito kami nagdarasal sa kanya," sambit niya. Isang malaki, na halos abot na hanggang kisame ang taas na imahe ng isang dragon na gawa sa ginto ang nasa harap namin. "Iyan si Mulciber?" tanong ko. "Oo. Siya ang diyos na dragon ng apoy. Bawat kaharian ay may diyos. Sila ang nagpoprotekta at nagpapala sa isang kaharian," paliwanag niya habang nakatingala pa rin kami sa higanteng imahe ng dragon na gawa sa ginto. Bago kami humarap ni Alexeus sa bandang pintuan para lumabas, nakita kong umilaw ng kulay pula ang mga mata ni Mulciber. Nakakabigla. Namalik-mata lang kaya ako? Hindi ko na lang 'yon pinansin pa. Paglabas namin, nilapitan niya ang isang kawal na nakatayo sa gilid ng pintuan. "Tawagin mo si Heneral Balsicus. Sabihin mong ipinatatawag ko siya," utos ni Alexeus. "Masusunod, Kamahalan," pagsaludo ng kawal bago ito umalis. Bakit kaya niya pinatawag ang Heneral? Mayamaya nama'y dumating na siya. Mas magarbo ang suot niyang baluti kaysa sa mga kawal. Ang mga karaniwang kawal ay kulay tanso ang suot na baluti, samantalang pilak naman ang kanya. Hanggang balikat ang buhok niya, may balbas at bigote din siya, at mukhang kasing-edad siya ng Emperador. Kaso mukha siyang masungit. "Ipinatawag niyo daw po ako, Kamahalan," pagsaludo niya kay Alexeus. "Heneral, nais kong dalhin mo sa akin ang lahat ng antigong salamin na iyong makikita sa buong imperyo," utos ni Alexeus. Mukhang nagtaka si Balsicus sa utos ni Alexeus, maging ako ay nagtaka rin. "Masusunod po, Kamahalan," tapos ay umalis na siya. Ano kaya namang binabalak nitong si Alexeus sa mga makokolektang antigong salamin ni Heneral Balsicus?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD